"ANO ULIT 'yon, Clea? Kanino ulit galing ang mga ito?"
Hindi alam ni Serene kung sadyang namali lang ba siya ng dinig o baka naman ay nagha-hallucinate lang siya. Mainit din kasi ang panahon sa labas at kahit kaya niya namang kontrolin ang sarili kahit na gutom na siya ay hindi maitatanggi na kumakalam na ang kan'yang sikmura.
Kaya nga ay gusto na niyang magmadali sa pag-aasikaso nang sa gayon ay makapunta na siya roon kila Angelo, pero ngayon naman ay halos hindi niya maigalaw ang katawan dahil sa sinabi ni Clea.
"Kay Lola Aaliyah nga, ate," kaswal na sagot naman ulit nito sa kan'ya bago ito kumuha ng isang donut sa lamesa at kinagatan ito. Mukhang natutuwa ito dahil sa dami ng pagkain sa lamesa, pero nakakunot din ang noo nito na parang nagtataka dahil sa paulit-ulit na pagtatanong sa kan'ya ng kapatid.
"Hindi nga?"
At 'yon na nga, nagtanong na naman ito habang nakapameywang. May hawak din itong pizza sa kan'yang kaliwang kamay at kinagatan iyon nang hindi inaalis ang paningin kay Clea. Nakayuko pa nang kaunti si Serene dahil mas matangkad siya sa kapatid.
"Ano ba 'yan, ate. Paulit-ulit," pagmamaldita naman ni Clea sa kapatid bago ito nagkamot ng ulo at umupo ulit doon sa bandang gilid ng kanilang bahay.
Akala niya ay makakahiligan lang noon ni Clea ang umupo roon dahil bata pa ito, pero ngayong walong taong gulang na ito ay iyon pa rin ang paborito niyang parte sa bahay-kubo na ito. Doon din siya kumakain at ngayon ay doon siya nag-aaral. Nakakalat kasi ang mga librong pinaglumaan na ni Serene roon.
Napangiti na lang siya dahil nakikita niya na mukhang siya ang inspirasyon ni Clea para mag-aral ito nang mabuti. Doon ay mas lalo niyang naisip na dapat ay maging matatag ang kan'yang loob at hinid magpaapekto sa kung ano ang sinasabi ng iba sa kan'yang paligid. Kung hindi siya magiging matatag sa ngayon, sino na lang ang aasahan ni Clea at Joseph?
'Tama, kaya ko ito,' pagpapalakas ng loob ni Serene sa kan'yang sarili.
"Isang tanong pa, ate." Pinaningkitan na siya ni Clea ng mga mata nang mapansin nito na bubuka na naman ang kan'yang labi.
Hindi na tuloy niya natuloy ang sasabihin. Sa murang edad nito ay maldita na 'to pero sa kan'ya lang naman. Pero sa bagay, wala namang karapatang magreklamo si Serene dahil panigurado ay sa kan'ya rin nakuha ni Clea ang ganoong ugali. Ganoon pa man, hindi naman sila nag-aaway. Nag-aasaran lang.
"Hindi na nga." 'Yon na lang ang nasagot ni Serene bago muling kinagatan ang pizza na hawak niya, at maya-maya lang ay hindi na niya namalayan na naubos na pala niya ito.
'Nasaan kaya si mama?' tanong ni Serene sa sarili.
Kada kasi pupunta ang kan'yang lola Aaliyah sa kanilang bahay ay palaging galit ang kan'yang ina kapag bumalik ito. Natatakot siyang baka iba na naman ang mood ng ina kapag umuwi ito mamaya at nalamang pumunta na naman dito ang kanilang lola.
"Alam ba ni inay na nandito si lola kanina?" dagdag pang tanong ni Serene kay Clea, pero imbes na si Clea ang sumagot, hindi niya namalayan na nakapasok na pala sa loob ng kanilang bahay si Demi at ito na ang kumausap sa kan'ya.
"Kausap ko ang lola n'yo kanina bago siya umalis," sagot ni Demi sa kan'ya.
Tumango na lang si Serene habang nakikiramdam sa mood ng ina niya. Magpapaalam kasi ito na pupunta siya kila Angelo pero bago niya 'yon gawin, kailangan niya munang masiguro kung makakaya niyang kausapin ang ina, dahil kung hindi ay baka mabulyawan pa siya nito.
Nakasuot ito ng daster na medyo gusot-gusot na dahil kaninang umaga pa ito umalis sa kanilang bahay para maglabada. Sa ilang taon na lumipas ay ganoon pa rin naman ang buhay nila. Isang kahig at isang tuka. Ang kinikita sa isang araw ay napupunta lang din sa panggastos nila at sa minsang pagbili ng gamot ni Joseph.
Ang tanging pinagkaiba lang ng buhay noong nasa elementarya siya sa buhay nila ngayon ay ang pag-aaral niya... at ang pagpayag ng ina niya roon. Hindi naman talaga ito pumayag, pero hindi na rin siya paulit-ulit na sinisita nito dahil siguro alam na rin naman ni Demi na wala na siyang magagawa sa katigasan ng ulo ng kan'yang panganay.
"Buwisit na Julie iyan," bulong nito bago ito nagpunta sa kanilang lababo upang maghugas ng kamay, pero hindi niya alam na narinig pala siya ni Serene.
Mukhang may gusto itong sabihin sa kan'ya kanina pa pero napalitan na ng pagtataka ang ekspresiyon nito. "Sinong Julie po, inay? Si teacher Julie po ba ang tinutukoy ninyo?"
'Bakit mabubuwisit si inay sa aking teacher Julie? Ang bait kaya ng teacher ko!' wika ni Serene sa kan'yang sarili pagkatapos itanong 'yon.
"Hindi, ibang tao ang tinutukoy ko," kaagad namang pagtanggi ni Demi. Iwinisik muna nito ang magkabilang kamay sa lababo bago ginamit ang laylayan ng kan'yang daster para punasan ang magkabilang kamay.
Para sa kan'ya ay hindi naman siya nagsisinungaling sa anak. Totoo naman kasi ang sinabi niya na ibang Julie ang kan'yang tinutukoy. Ang nasa isip niya noong sinabi niyang buwisit si Julie ay ang kapatid niya... at hindi ang guro ni Serene. Iisang tao lang sila ngunit magkaiba naman ito ng role sa kanilang mga buhay.
"Magbihis ka na muna roon sa kuwarto, Serene. Nakasalubong ko si Angelo kanina at sabi niya ay pupunta ka raw sa kanila mamaya."
Alam naman kasi ni Demi na 'yon talaga ang gustong sabihin sa kan'ya ng anak kanina pa. Nang marinig pa lang niya ang pagtatanong nito tungkol sa kan'yang lola ay alam na niyang nakikiramdam ito sa kan'yang mood. Hindi lang kasi talaga maiwasan ni Demi ang pigilan ang kan'yang sagot sa tuwing magkakausap sila ng ina.
Kaya nga ay matindi ang inis niya kay Julie nitong mga nakaraang taon. Kung hindi kasi dahil dito ay hindi sana malalaman ng ina kung nasaan sila ngayon. Si Julie lang naman talaga ang hinahanap ng ina, pero sa hindi inaasahang pagkakataon, maging siya ay natunton nito.
"Opo, 'nay." Tumango lang si Serene sa kan'ya bago ito umiwas ng tingin.
"O siya, mag-ayos ka na at huwag ka na muna tumulong sa akin ngayon," aniya. "Pumunta ka na kaagad doon kila Angelo at ako na muna ang bahala sa mga kapatid mo."
Halos kakaalis lang kasi ng kan'yang ina mula sa kubong tinitirhan nila. Natatakot si Demi na baka mamaya ay bumalik ito ulit sa kanilang bahay kaya naman gagawan na niya 'yon ng paraan. Sakto naman at sinabi sa kan'ya ni Angelo na iniimbitahan nito si Serene na magpunta sa kanila kaya naman ay papayag na muna siya roon.
"Totoo po ba iyan, inay?" nanlalaki ang mga mata na tanong ng dalagita.
Parang sobrang bilis kasi kausap ng kan'yang ina ngayon kaya naman ay hindi siya kaagad nakapaniwala. Ang inaasahan kasi niya ay may mga iuutos pa ito sa kan'ya bago siya paalisin.
"Gusto mo bang bawiin ko?" nakataas-kilay pang tanong ni Demi sa kan'ya kaya naman kaagad na umiling si Serene habang iwinawagayway nito ang mga kamay.
"Hindi po!" Napalakas pa ang pagkakasabi nito ng mga katagang 'yon. "Salamat po, nay! Sasabihin ko kay Angelo na dadamihan ko ang pasalubong mamaya!"
'Fried chicken, ito na ako!' nakangiting sambit ni Serene sa sarili. Dahil doon ay napangiti na rin tuloy si Demi. Masaya siya kapag masaya ang anak... at umaasa ito na hanggang sa huli ay tanging ngiti lang ang makikita niya roon. Imposible man ang kan'yang hiling, pero sana ay hindi ito makaranas ng higit pang paghihirap at hinagpis bukod sa nararanasan nilang kahirapan ngayon.
Pero ang hindi alam ni Demi ay naranasan na ni Serene ang bagay na 'yon kani-kanina lang.
"Kahit hindi na, anak." Itinuro nito ang mga pagkain sa lamesa. "Tingnan mo naman 'yon. Kahit hanggang sa ikatlong araw yata ay hindi natin mauubos ang lahat ng 'yan. Sana lang ay hindi mapanis."
Mapanis? Hindi iyon mangyayari.
"Hindi 'yan, inay." Ngumisi si Serene bago nito hinimas ang kan'yang tiyan. Malakas naman kasi talaga siyang kumain, sadyang hindi lang niya 'yon ipinapakita dahil kailangan nilang magtipid. Ganoon din ang kan'yang ama. "Kasya 'yan sa tiyan ko lahat, pati kay itay."
Ngumiti na lang si Demi sa kan'ya. Matapos no'n ay nagbihis na si Serene at nagpaalam na nito kay Demi at kay Clea na pupunta na siya kila Angelo. At dahil tulog ang kapatid na si Joseph ay humalik na lang si Serene sa noo nito bago siya umalis.
NANG MAKAALIS na si Serene sa kanilang bahay ay doon lang naging kampante ang utak ni Demi. Umupo ito sa sahig habang kinakain ang natitirang pizza roon sa lamesa. Marami naman ang ibinigay ng kan'yang ina na pagkain, at kahit marami siyang kainin ngayon ay mayroon pa ring matitira para kay Felix.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na 'yong mga pagkain na walang sawa niyang nakukuha noong bata pa siya ay minsan na lang niyang makain ngayon. Ganoon kabilog ang mundo, at ngayon din ay nagsisisi siya na lahat ng suwerte niya sa buhay noon ay t-in-ake for granted niya lang.
Pero kung may isang bagay man siyang hindi pinagsisisihan sa kan'yang buhay, 'yon ay ang kan'yang mga anak, at ang pagtatanggol niya sa mga ito.
"Ibigay mo sa akin si Serene."
Hindi na naiwasan ni Demi ang mapairap nang marinig ang sinabing 'yon ng ina sa kan'ya. Sinasabi na nga ba niya, alam niyang hindi lang basta pagtulong ang pakay ng ina noong nagpupunta ito rito para magbigay ng pagkain. Sa ginagawang 'yon ni Aaliyah ay tila tinatapakan nito nang husto ang pride ni Demi at ng kan'yang pamilya.
Kung ituring kasi ni Aaliyah sila Demi ay para itong mga pulubi sa lansangan. Ni hindi nga nawawala ang panghuhusga sa mga mata nito nang mapadako ang tingin nito sa kanilang bahay, kay Clea na nakasalampak ngayon sa sahig, at kay Joseph na mahimbing na natutulog sa ngayon.
"Iyon na naman pala ang dahilan kung bakit ka nandito, ma," litanya nito bago inilagay ang magkabila niyang kamay sa kan'yang dibdib. Ni hindi nga ito kumuha ng pagkain galing sa padala ng ina kahit na sa totoo lang ay nagugutom na rin siya. "At ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na kaya namin silang buhayin ni Felix?"
"Buhayin? Sigurado ka riyan sa sinasabi mo, Demi?" mapanghusgang tanong nito. Tumaas ang kilay ng kan'yang ina bago nito muling nilibot ang paningin sa bahay na tinitirhan ng kan'yang anak. Ito ang dahilan kung bakit ayaw niya kay Felix noong una pa lang. Alam niya kasi na wala namang ibubuga ang lalaking 'yon, at hindi naman siya nagkamali. "Ito ba ang sinasabi mong buhayin? Sa ganitong buhay? Eh kahit pagkain nga lang sa bahay ay hirap na hirap na kayo, eh."
Tila ay sinaksak si Demi ng kutsilyo dahil sa sinabi ni Aaliyah. Napaiwas ito ng tingin sa ina bago ito huminga nang malalim upang ikalma ang sarili. Pumikit muna ito nang ilang segundo bago ito sumagot.
"Gumagawa kami ng paraan, ma. Huwag n'yo nang ipamukha sa amin na naghihirap kami sa ngayon. Balang araw ay makakaahon din kami."
Hindi man siya sigurado kung kailan ang araw na 'yon pero nangangako siya sa sarili na gagawin nito ang lahat ng paraan upang kahit papaano ay mabigyan ng buhay ang mga anak.
At para na rin hindi na pagdiskitahan pa ng kan'yang ina si Serene. Gustong-gusto kunin ni Aaliyah si Serene dahil nabalitaan niya kay Julie na magaling daw ito, higit na mas magaling pa kaysa sa kan'ya. Sa narinig niyang 'yon ay parang pumalakpak ang magkabilang tainga ni Aaliyah at nangako ito sa sarili na gagawin ang lahat upang makuha ang apo.
"Puro ka lang salita, Demi. Parehas lang kayo ng kapatid mo," sagot naman nito sa kan'ya. "Gusto kong tulungan ang panganay na anak mo. Pag-aaralin ko siya sa magandang eskuwelahan. Susustentuhan ko siya ng mga pangangailangan niya. Bakit ayaw mo siyang ibigay sa akin? Pati ba iyon ay ipagkakait mo sa anak mo?"
Totoo naman 'yon, pero hindi niya ito pag-aaralin para kay Demi at Felix. Gagamitin niya ang apo upang bigyan siya nito ng pera. Hindi niya nagawang kontrolin ang dalawang anak noon dahil suwail ang mga ito, pero sa tingin niya ay makakaya niyang gamitin si Serene. Nakita na niya ang apo noong isang beses siyang nagpunta roon at nakita niyang inosente ito.
Madaling utuin at lokohin si Serene.
"May kapalit 'yan, ma. Alam ko kung paano ka mag-isip dahil gan'yan din ang ginawa mo sa amin ni Julie noon..." Mas lalong tumalim ang tingin ni Demi sa ina. Mula nang itakwil siya nito bilang anak niya ay itinakwil na rin niya ito biglang ina niya. Mabuti nga ay mayroon pa siyang natitirang respeto para rito. "Pero hinding-hindi ako hihingi ng tulong sa iyo para sa pag-aaral ni Serene, ma. Tatandaan mo iyan."
Pero si Demi ay hindi.