NAPATIGIL SI Serene sa panenermon kay Angelo nang biglang sumulpot sa kanilang harapan si Ralph. Isa ito sa mga kaklase nila at minsan na rin niya itong nakausap kapag nakakagrupo niya ito sa mga group activity. Pati si Angelo ay napalingon doon sa lalaki habang nakakunot ang noo nito at nakahawak pa ang isang kamay sa ulo ni Serene.
"Oh hello, Ralph!" saad ni Serene bago ito ngumiti.
Akmang bubuhatin sana niya ang dalang illustration board sa isang kamay lang upang makakaway siya kay Ralph pero kaagad siyang tiningnan nang masama ni Angelo. Tiningnan tuloy niya ito pabalik bago tumaas nang bahagya ang gilid ng labi nito. Kung legal lang talaga ang manakmal ng kaibigan ay malamang na matagal na 'yon ginawa ni Serene.
"Hi, Serene. Hi rin, Angelo," pagbati ni Ralph bago dumako sa kamay ni Angelo ang kan'yang paningin, pero maya-maya rin ay ibinaling niya ang paningin kay Serene. "Para sa 'yo nga pala— Ay, kaya mo ba 'tong dalhin?"
Bulaklak?
Nanlaki ang mga mata ni Serene habang nandilim naman ang paningin ni Angelo pagkakita no'n. Hindi pa nga siya tuluyang nakakaporma kay Serene dahil laging nasa pag-aaral lang at sa kan'yang pamilya nakatutok ang atensiyon nito, tapos ngayon ay may sumasapaw sa kan'ya? Hindi siya papayag!
"Akin na 'yan p're—"
"Hindi, akin na. Kaya ko naman."
Tila ay pinagsakluban si Angelo ng langit at lupa nang biglang putulin ni Serene ang kan'yang sasabihin. Hindi na niya napigilan ang dalagita nang buhatin nito sa isang kamay ang illustration board at kinuha ang inaabot ni Ralph sa kan'ya na bulaklak. Hindi naman 'yon mukhang mamahalin pero halatang pinaglaanan 'yon ng effort.
Hindi man karamihan pero mukhang fresh pa ang mga halaman at inalagaan ito nang husto.
At naiinis siya ngayon dahil kita ang pag-asa at saya sa mga mata ni Ralph nang tanggapin ni Serene ang bulaklak na kan'yang ibinigay. Nang mapatingin siya kay Serene ay napapikit pa ito habang inaamoy ang bulaklak sabay sabing, "Ang bango nito, Ralph!"
Napangiti na lang si Ralph bago ito yumuko at nagkamot sa kan'yang batok. Mas lalo tuloy ngumiwi si Angelo bago humigpit ang pagkakahawak nito sa buhok ni Serene. Tiningnan tuloy siya ng dalaga at tinaasan ng kilay dahil mukhang nasaktan ito sa pagkakahawak niya. Napilitan tuloy siyang bitiwan 'yon kahit na natutuwa sana siya sa itsura nilang dalawa.
Para kasing aso si Serene habang siya naman ang amo nito. Partners.
'Mas mabango pa ako riyan, eh,' wika naman ni Angelo sa kan'yang sarili. Pinipigilan nito ang sumimangot kahit na kanina niya pa talaga gustong hilahin si Serene papunta roon sa kubo para lang malayo ito mula sa Ralph na iyon.
"Thank you! Uhm, ano'ng okasyon?"
Pagtataka man ang mayroon sa mga mata ni Serene ngunit hindi nawawala ang ngiti sa labi nito. Hindi na nga niya alintana ang init ng araw at ang kan'yang pawis, at tuluyan na ring nawala ang kan'yang inis kay Angelo dahil nasa bulaklak na ang atensiyon nito.
"W-Wala naman... gusto ko lang talaga 'yan ibigay sa 'yo," nahihiyang sagot nito bago ito tumingin sa dalagita. Halos namumula na ang mukha nito nang titigan siya ni Serene. "Aalis na ako, ha? Bye!" kaagad niyang sambit bago ito dali-daling tumakbo papalayo sa kanila.
Sa sobrang pagmamadali nga nito ay halos hindi na siya tumitingin sa kan'yang daraanan.
"Ingat ka- Hala!" nag-aalalang sigaw ni Serene nang makitang natalisod si Ralph doon sa maliit na bato na hindi niya napansin. "Okay ka lang?!" Akmang lalapit sana ang dalagita sa lalaki pero kaagad itong nag-thumbs up sa kan'ya kahit na nakatalikod ito bago nito ipinagpatuloy ang pagtakbo.
Napailing na lang siya habang nakangiwing tinitingnan ang pagtakbo nito. Nawe-weird-uhan kasi siya sa inasal ni Ralph kanina lang dahil mukha naman itong matino kapag nakakausap niya tungkol sa groupworks.
"Tanga naman," rinig niyang wika ni Angelo habang nakatingin din sa direksyon ni Ralph.
Wala na ang lalaki roon dahil nakaalis na ito pero masama pa rin ang tingin ng binatilyo sa pinanggalingan nito. Kaagad tuloy siyang siniko ni Serene sa tagiliran nang mag-sink in sa kan'ya ang sinabi ng kaibigan.
"Hoy! Ang sama nito!" nanlalaki ang mga mata na saad sa kan'ya ni Serene bago ito naglakad papasok doon sa kubo.
Pagkapasok niya roon ay una niyang ch-in-eck kung nandoon pa ba ang mga gamit ni Angelo dahil isa itong baliw na iniwan ang mga gamit niya, eh alam naman nilang dalawa na maraming malilikot ang kamay dito sa eskuwelahan! Nakahinga lang siya nang maluwag nang makita na nandoon pa rin ang mamahaling bag ni Angelo, maging ang inaasikasong project nito.
"Ang cute naman nito..." Dahil hindi na siya kinakabahan sa bag ay inilapag nito ang dala-dalang illustration board bago ito umupo sa gilid ng kubo. Nakangiti niyang niyakap ang bulaklak na bigay sa kan'ya bago nito dahan-dahang inamoy 'yon.
Sariwa at banayad sa ilong ang amoy. Mas lalo tuloy lumawak ang ngiti niya dahil ito ang unang beses na nakatanggap siya ng bulaklak. Hindi naman siya kinikilig... pero masaya siya. Pakiramdam niya kasi sa mga oras na ito ay special siya. Hindi naman kasi lahat ng mga kaklase niya rito ay gustong makipagkaibigan sa kan'ya.
"Sus! Ang pangit naman niyan!" tugon naman ni Angelo bago ito umupo sa tabi niya.
Makikiamoy sana ito sa bulaklak pero kaagad 'yon inilayo ni Serene mula sa kan'ya. Mukha kasing hindi lang basta aamuyin ni Angelo ang bulaklak. Nakaawang ang labi nito kaya sa tingin niya ay may balak si Angelo na kagatin ito.
"Hala, aamuyin ko lang naman!" depensa niya sa sarili pero pinaningkitan lang siya ng mata ni Serene, tila ay binabasa ang iniisip niya. Dahil tuloy sa pagkailang ay kaagad niyang iniwas ang tingin bago tumikhim. "'D-Di ba hindi ka naman mahilig sa bulaklak?"
Ngumisi si Serene at muling tinitigan ang mga bulaklak bago ito sumagot. "Oo, pero masaya rin pala mabigyan ng bulaklak paminsan-minsan, ano? Pero hindi ko naman birthday?"
Nakakunot na ang noo nito habang nakatingin sa kawalan. Sinubukan kasi niyang isipin kung mayroon ba siyang okasyon na nakaligtaan, pero kahit ano ang gawin niyang pag-iisip ay wala naman siyang matandaan. Wala rin namang event ngayon sa eskuwelahan nila kaya hindi niya talaga alam kung bakit may pabulaklak itong si Ralph.
"Hindi kaya gusto ni Ralph na itanim ko ito para mayroon kaming gagamitin na props doon sa roleplay namin?" tanong pa ni Serene kay Angelo. "Sa tingin mo? Tama ako, ano?" dagdag niya pang tanong nang hindi niya marinig na sumagot ang binatilyo.
"Ewan ko na lang talaga sa 'yo, Serene." Napailing na lang si Angelo habang tinitingnan ang inosente at nagtatakang mukha ni Serene.
Wala itong kaalam-alam sa mga nangyayari. Ni hindi man lang ito nakaramdaman na kaya siya binigyan ni Ralph ng bulaklak ay upang sabihin sa dalagita na gusto niya ito.
Hindi tuloy alam ni Angelo kung matutuwa ba siya dahil sobrang slow ni Serene pagdating sa ganitong aspeto ng buhay, o maiinis siya dahil kitang-kita niya sa mga mata ni Serene ang saya nito dahil hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng pagbibigay ni Ralph sa kan'ya ng bulaklak?
ILANG ORAS ang nakalipas at gumagawa na si Serene at Angelo ng kanilang proyekto. Nangako si Serene sa sarili na hindi siya tatayo rito sa kinauupuan niya hangga't hindi niya tapos ang gawain. Malapit na sana niyang matapos 'yon dahil kaunting parte na lang ang kailangan niyang dikitan ng butones at ayos na ang kan'yang project. Ipapasa na lang niya ito sa guro at puwede na siyang maunang umuwi.
Kaso ay kanina pa siya nadi-distract kay Angelo, hindi dahil sa ingay nito, kung hindi ay dahil sa sobrang tahimik nito. Sanay kasi siya na nagdadaldalan sila ng kaibigan tungkol sa kahit anong topic, pero ngayon ay halos ang mga dahon ng puno at ang mumunting paghinga nito ang kan'yang naririnig.
At nang sulyapan naman niya ito ay nakatitig ito roon sa bulaklak na ibinigay sa kan'ya ni Ralph kanina. Sinitsitan niya tuloy ito sa inis niya at kaagad namang lumingon si Angelo sa kan'ya. Nakasimangot pa nga nang bahagya habang nag-aayos ito ng glitters na ilalagay niya roon sa kan'yang illustration board.
"BAKIT HINDI mo ako kinikibo? Galit ka ba sa akin?" tanong ni Serene rito. Hindi niya ito malapitan nang husto dahil glitters ang hawak ni Angelo. Ayaw niyang bigla siyang mabahing at masira pa ang ginagawang proyekto ng kaibigan. "Gusto mo ng bulaklak, ano? Umamin ka na. Puwede naman kitang bigyan, eh," dagdag niya pang tanong pero nanlaki na lang ang kan'yang mga mata nang bigla siyang singhalan ni Angelo bago ito bumalik sa kan'yang ginagawa.
Aba't- talaga bang tinarayan ako ng Angelo na 'to?!
"Hindi 'yon. Hindi naman nakakain 'yan," sagot naman nito bago ito nag-pout. Hindi tuloy napigilan ni Serene ang mapatawa nang bahagya kaya naman ay tiningnan siya nito nang masama, pero hindi pa rin napawi ang ngiti ng dalagita sa tingin niyang 'yon.
Para kasi itong batang inagawan ng kendi dahil sa itsura niya ngayon.
"Eh, ano nga? Bakit halos hindi na maipinta 'yong mukha mo riyan?"
Tumagilid ang ulo niya habang nag-iisip kung mayroon ba siyang kasalanang nagawa kay Angelo para umarte ito nang ganito ngayon. Kung dahil 'yon sa mga pang-aasar na ginagawa niya rito, dapat ay dati pa siya nagalit kaya imposible na iyon ang dahilan! Sigurado si Serene na may ibang ipinuputok ang butchi ng kaibigan niya, at kailangan niya 'yon malaman.
'Yan tuloy, imbes na tinatapos na niya ang project ay kinakailangan niya pang chikahin itong si Angelo!
"Lumapit ka nga muna rito saglit, Angelo. Pero maghugas ka muna ng kamay. Maawa ka sa allergy ko," utos ni Serene na kaagad namang sinunod ng binatilyo. Nag-CR ito saglit at pagkabalik nito ay kaagad itong umupo sa tabi niya, bahagya pang sumilip doon sa ginagawa niya.
"Ano 'yon?" medyo cold na tanong nito.
Ramdam ni Serene ang pagtitig sa kan'ya ni Angelo pero nang lingunin niya ito ay kaagad siyang nag-iwas ng tingin. Nakakrus pa ang magkabilang kamay nito sa kan'yang dibdib. Muli ay sumimangot na naman ito.
"Bakit ka nga nagkakagan'yan? Dali, para mapag-usapan natin." Inalog-alog pa niya ang lalaki para lang lingunin siya nito. Minsan kasi talaga ay parang mas babae pa sa kan'ya kung kumilos itong si Angelo. Napakahirap nitong suyuin kapag nagtatampo ito.
Eh, paano ko ba siya susuyuin kung ganitong ni hindi ko nga alam kung anong ikinasasama ng loob niya?
"Kaninong regalo ang mas gusto mo..." Lumingon si Angelo sa kan'ya habang nakanguso ang labi nito. "'Yong kay Ralph o sa akin?"
Ha?
Kaagad na napakunot ang noo ni Serene nang marinig ang tanong sa kan'ya ni Angelo. Nakatagilid pa ang ulo nito at nakaawang ang labi na para bang napakawalang kuwenta ng tanong ng lalaki sa kan'ya. Ito ba ang iniisip niya kanina pa kaya ito tahimik?
"Sa 'yo! Ano bang klaseng tanong 'yan?" walang pagdadalawang isip na sagot ni Serene kasabay ng pagtaas ng kilay nito.
Sa narinig niya kay Serene ay parang may mga anghel na kumanta sa kan'yang utak. Yumuko tuloy ito dahil baka namumula na ang kan'yang mukha at mapansin iyon ng dalagita. Kinagat niya ang kan'yang labi upang mapigilan ang pagngiti. Para na siyang nababaliw dahil sa sinabi nito at hindi niya mapakalma ang sarili.
"Totoo ba 'yan?" tanong niya pa habang nasa sahig lang ang tingin nito.
Sana ay ulitin mo ang sinabi mo, Serene.
"Nagtanong ka pa kung hindi ka rin pala maniniwala sa akin, Angelo. Ewan ko sa 'yo."
Pero hindi na 'yon inulit ng dalaga kaya ay nawala kaagad ang ngiti niya. Sa tono kasi ng boses nito ay mukhang napipikon na ito sa kan'ya kaya ay nabalik siya sa reyalidad. Kapag nag-aaway kasi sila o nagkakatampuhan ay si Serene rin talaga ang madalas mag-approach sa kan'ya, pero kapag nagagalit na ito ay nakikipagbati na siya rito. Matigas kasi ang puso ni Serene paminsan-minsan kahit na mabait ito.
Inangat niya ang kan'yang ulo at nilingon ang babae, pero kaagad siyang napatigil sa paggalaw at napalunok nang makita na sobrang lapit na pala sa kan'ya ng mukha ni Serene.
"Kahit sino pa ang magregalo sa akin, 'yong sa 'yo pa rin ang pipiliin ko."
Hinawakan nito ang ulo niya at bahagyang hinimas iyon. Sa mga oras na 'yon ay parang nasa alapaap si Angelo at si Serene naman ang kan'yang anghel. Nakangiti pa ito sa kan'ya ngayon at mapupungay ang mga mata nito. Hindi alam ng dalagita na sa mga simpleng ginagawa nito ay lalong nahuhulog si Angelo sa kan'ya.
Lalo na ngayon.
"Kasi galing 'yon sa 'yo. Kahit ano pa 'yan, kahit tubig lang 'yan o chocolate, tatanggapin ko," aniya. "Kasi lahat ng galing sa 'yo ay espesyal, Angelo Jacob. Kaya tigilan mo na ang pag-iisip ng kung anu-ano at pansinin mo na ako, okay?"