"TEACHER, tingnan n'yo po ito!" masayang wika ni Serene habang patalon-talon pang lumalapit sa guro. Mayroon siyang hawak na maliit na papel kung saan nakalagay ang kan'yang quiz sa science.
"Naka-perfect po ako sa quiz!" Halos mapunit na ang bibig ni Serene dahil sa pagkakangiti nito nang sabihin niya 'yon. Abot din hanggang sa mata ang kan'yang ngiti kaya naman ay halos sumingkit ang mga mata nito. "Tapos ay tinatakan po ako ni teacher ng star! Ito po, oh!" dagdag pa nitong sambit bago ipinakita ang nakatatak na star sa likod ng palad nito.
Nandito siya ngayon sa bahay ng kan'yang teacher Julie na hindi niya alam na hindi niya lang basta guro, kung hindi ay tita niya rin. Napangiti na lang din tuloy si Julie bago ginulo ang buhok ng kan'yang pamangkin.
"Ang galing naman talaga ng anak ko!" Katulad ni Serene ay halos hindi rin mawala ang ngiti ni Julie habang nakatitig sa batang babae. "Ito, isa pang star kasi the best ka!" Kinuha ni Julie ang pantatak niya sa kan'yang bag at hinawakan ang isa pang kamay ni Serene. Doon ay tinatakan niya ito ng isa pang star na mas lalong ikinatuwa ng bata.
Kahit kailan talaga ay hindi siya na-stress kapag si Serene ang tinuturuan niya. Bukod sa mabilis itong matuto ay palaging positive lang ang pag-iisip nito. Kapag mayroon siyang lesson na hindi maintindihan, imbes na magreklamo ay mas lalo pa nitong pinag-iigihan ang pag-aaral.
Matagal na niyang gustong sabihin kay Serene na hindi lang siya basta guro dahil magkadugo silang dalawa, pero ayaw niyang mabigla si Serene. Paniguradong kapag sinabi niya 'yon ay hindi na siya titigilan ng bata sa pagtatanong nito, at baka mas tumindi pa ang galit ni Demi sa kan'ya. Hindi na nga pabor si Demi rito sa kan'yang ginagawa kaya siguro ay hindi niya muna dadagdagan ang rason nito para lalo itong magalit.
"Teacher, hanggang magkolehiyo po ba ako ay ganito rin ang mga quiz namin?" curious na tanong ni Serene bago ito umupo sa harapan ng kan'yang guro. "Sabi po kasi sa akin ni inay, mahirap ang mag-aral. Masasaktan lang daw po ako roon. Totoo po ba iyon?"
Napangiti si Julie sa tanong na iyon ng batang babae. "Hmm... bakit mo naman naitanong? Mahirap ba ang quiz kanina para sa iyo?"
Umiling si Serene habang gumagalaw-galaw ang labi nito na para bang ngumingiwi. Hindi tuloy naiwasan ni Julie ang matawa nang bahagya dahil doon.
"Hindi po, teacher," pagsagot naman ng dalaga. Nahihimigan ang pagtataka sa boses nito. "Madali naman po ang mag-aral basta po ay mayroon kang dedikasyon at hindi ka po basta sumusuko. 'Yon po ang dahilan kung bakit naka-perfect po ako sa science kahit na hindi ko po talaga ito gusto..."
Tama.
Sa lahat ng subject na kinukuha ngayon ni Serene ay ang science lang ang hindi nito nagustuhan. Ayaw na ayaw ni Serene aralin ang tungkol sa bawat parte ng katawan ng tao. Sabi kasi nito ay parang kinikilabutan ang buong katawan niya kapag naririnig ang tungkol sa mga ugat at laman, pero ganoon man ay natutuhan pa rin nito ang mga kailangan niyang malaman.
"Ano ang problema, anak?" tanong ng guro dahil biglang tumahimik si Serene habang nakatulala.
"Pero bakit palagi pong sinasabi ni mama sa akin na masasaktan lang din daw po ako kapag nagkolehiyo ako..." Yumuko ang batang babae at tumitig lang ito sa sahig.
Parang dinurog ang puso ni Julie nang marinig nito ang sakit sa pagkakabigkas ni Serene ng mga salitang 'yon. Kahit na ilang beses ipakita sa kan'ya ng pamangkin na matatag ito at kakayanin niya ang lahat para sa kan'yang mga pangarap, alam niyang nasasaktan pa rin ito dahil ang taong dapat ay sumusuporta sa kan'ya ay ang mismong tao rin na pumipilit sirain ang loob niya.
Hindi alam ni Julie kung ito na ba ang training na ginagawa ni Demi para sa paglaki ng anak, pero sa murang edad nito, hindi nito kailangang mamulat muna sa mundo.
Ang kailangan nito ay ang maramdaman niyang ligtas siya sa ano mang panganib na mayroon ang mundo.
"Masakit po ba talaga sa kalooban ang mag-aral, teacher?" dagdag pang tanong sa kan'ya ni Serene. "Hindi ko po ba talaga kakayanin?"
Ilang buwan na rin simula nang magkaroon ng ganitong set-up si Serene at Julie. Paminsan-minsan ay pumapasok na si Serene sa eskuwelahan upang makapagpatuloy ito sa pag-aaral, pero paminsan-minsan din ay pumupunta ito sa bahay ni Julie kasama si Angelo, lalo na kapag magtuturo ito ng panibagong topic. Alam iyon ng mga kaklase ni Serene, at akala pa nga ni Julie ay maiinggit ang ibang mga kaklase nito sa kanilang dalawa, pero nagulat na lang siya dahil naintindihan siya ng mga ito.
Sobra pa nga ang pag-eencourage nila kay Serene na galingan nito sa pag-aaral. Doon napatunayan ni Julie na hindi naman lahat ng tao sa mundo ay masama at hahamakin ang mga mahihirap na tao kagaya nila Serene. Minsan talaga ay kung sino pa 'yong hindi mo inaasahang susuporta sa iyo ay siya pang tutulong sa iyo ano mang oras.
At 'yong mga taong inaasahan mo naman na tutulong sa iyo ay siyang hihila sa iyo pababa... katulad na lang ng mga kabaryo ni Serene at ang mga magulang ito.
"Pinagalitan ka ba ulit ng inay mo?" nag-aalalang tanong ni Julie kay Serene.
Hinimas nito ang buhok ng bata at nagulat na lang siya dahil nang tumingin ito sa kan'ya ay tumutulo na ang luha nito. Mukhang matagal niyang pinigilan 'yon dahil sobrang pula pa ng mga mata nito at kagat-kagat niya pa ang pang-ibabang labi para mapigilan ang malakas na paghikbi.
"O-Opo..."
Doon ay nagsimula nang umiyak nang malakas si Serene. Kaagad naman siyang niyakap ni Julie habang hinihimas ang likod nito. Napapikit na lang ang guro dahil sa loob-loob nito ay gusto nitong sugurin si Demi pero alam niyang hindi rin 'yon magugustuhan ni Serene. Hindi na kasi tama ang ginagawa nito. Sa palagi niyang pagsasabi na baka masaktan si Serene kapag lumaki na ito, hindi na niya namamalayan na siya na mismo ang nakakapanakit dito.
"Serene... anak?" Sinubukang pakalmahin ni Julie ang batang babae.
Inutusan niya ito na huminga nang malalim na kaagad namang sinunod ng bata. Basang-basa ng luha ang mukha ni Serene kaya naman ay kinuha ni Julie ang panyo sa kan'yang bag at ipinunas iyon sa kan'ya.
"S-Salamat, teacher..." nauutal pang sabi sa kan'ya ng batang babae habang tinitingnan ang kamay nitong nasa kanang pisngi niya.
"Kung ako ang tatanungin mo, Serene, tama ang iyong ina... mahirap ang mag-aral."
Lalo na sa inyong sitwasyon ngayon. Doble ang hirap ng buhay kapag mahirap ka lang.
Iyon ang katotohanang gusto sanang sabihin ni Julie pero mas pinili na lang niyang panatilihin 'yon sa kan'yang isip.
Kaagad na nalugmok ang itsura ni Serene nang marinig 'yon sa kan'yang guro, pero nawala rin 'yon kaagad nang marinig ang sunod na sinabi ni Julie.
"Ngunit hindi ibig sabihin no'n na hindi mo na kakayanin."
"P-Po?" nagtaka si Serene dahil sa sinabi ng guro.
Tumagilid pa ito habang nag-iisip dahil hindi niya 'yon kaagad naintindihan. Nginitian lang siya ni Julie bago hinawakan ang magkabilang kamay nito at tumitig sa mga mata niya. Punong-puno iyon ng pagmamahal at sinseridad na ni minsan ay hindi niya nakita sa mata ng kan'yang ina.
Minsan ay parang mas ina pa kung umakto ang kan'yang guro kaysa sa sarili nitong ina.
"Wala naman kasing bagay na hindi mahirap, Serene. Iyon siguro ang hindi alam ni Dem— ng iyong ina," pagpapaalala niya rito. "Hindi mo ba napansin? Bago ka sumaya ay makakaramdam ka ng lungkot. Bago mo makita ang sikat ng araw ay kailangan mo munang malaman kung ano ang pakiramdam ng nasa dilim..."
Kailanman ay hindi na-appreciate ni Demi ang hirap niya noon sa pag-aaral dahil lang sa palaging sinasabi ng ibang tao na matalino siya. Hindi naman ang pagiging matalino ang nag-iisang susi para magtagumpay ang tao sa buhay. Sinasamahan dapat iyon ng pagsisikap at pagt-tyaga.
"Palagi silang magkasama. Walang shortcut sa buhay... dadaan ka sa sakit pero hindi ibig sabihin ay mananatili ka roon."
'At sana balang araw ay ma-realize rin iyon ni Demi,' wika niya sa isip bago nito inaya si Serene na kumain ng pagkaing inihanda niya. Alam niya kasing napagod din ito dahil sa pag-iyak niya kanina.
SAMANTALA, hindi alam ni Julie at Serene na mayroong isang batang lalaki sa labas ang nakaupo lang doon sa may hagdanan habang pinakikinggan ang pinag-uusapan nilang dalawa.
Si Angelo iyon.
Dahil sabay silang tinuturuan ng kanilang teacher Julie ay nagpunta rin ito sa bahay ng guro ngayong araw, pero nang marinig ang paghikbi ng isang batang babae sa loob ng bahay ay hindi na ito tumuloy sa loob. Naghintay na lang siya sa labas habang nakatingin sa mga taong dumaraan.
Alam niya kasi na malungkot ang babae dahil na rin sa mga mata nito. Noong nakaraan pa ay malungkot na ang ekspresiyon ng mga mata nito pero pinipilit niya lang magpakatatag. Ginagawa nito ang kan'yang makakaya upang walang makahalata at makaalam sa tunay na nararamdaman nito, kaya sino ba naman siya upang sabihin kay Serene na alam naman talaga niya na malungkot ito?
Isa pa, pakiramdam niya ay nahihiya sa kan'ya si Serene... at hindi nga siya nagkamali, dahil ngayong wala siya roon sa loob ay doon pa lang niya nailabas ang tunay niyang nararamdaman.
Gusto niyang maging kaibigan si Serene. Gusto niyang siya ang lapitan nito sa mga ganitong pagkakataon na hindi na nito kaya ang pahirap ng mundo... pero naiintindihan naman niya na hindi ganoon kadaling mag-open up sa ibang tao, lalo na at ngayon lang naman siya gumawa ng paraan para mapalapit dito.
"Angelo?"
Hindi namalayan ni Angelo na sobrang tagal na pala niyang nagmumuni-muni sa labas. Naabutan pa tuloy siya ni Serene sa ganoong sitwasyon.
"Nandito ka pala. Bakit hindi ka pumasok doon sa loob?"
Napangiti na lang ang batang lalaki dahil sa pagkakabigkas ni Serene ng tanong na 'yon sa kan'ya. Para kasi itong nanay niya na pinangangaralan siya. Kulang na lang ay magsuot ito ng daster at magpameywang ito— hindi na pala 'yon kulang dahil kasalukuyan na itong nakapameywang habang nakatitig sa kan'ya, bahagya pang nakatagilid ang ulo.
"Masarap tumambay dito," aniya.
"Mas masarap tumambay doon sa bahay namin. Fresh ang dagat tapos ay tahimik pa," nakangiwing saad ni Serene bago nito kinamot ang kabilang tainga niya. "Hindi katulad dito. Napakaingay."
Namamaga pa ang mga mata nito kaya naman ay napatitig si Angelo roon. Hindi niya namalayan na nakangiti na pala siya habang nakatitig kay Serene. Hindi niya alam kung bakit pero kahit na ito na ang pangalawang beses na nakita niya sa ganitong estado ang dalaga ay tumitibok pa rin ang puso niya... katulad ng unang beses na nakita niya ito.
"Sa bagay, tama ka naman doon," pagsang-ayon niya. "Kaya sa susunod, sa bahay n'yo na lang ako pupunta."
"Huh?"
Napakunot ang noo ni Serene habang mas lumawak naman ang ngiti ni Angelo.
"Simula ngayon ay magkaibigan na tayo..." wika ni Angelo bago ito tumayo. Lumapit ito kay Serene at ginulo ang buhok nito. "At bawal ka nang tumanggi, okay?"
"P-Pero—"
Aangal pa sana si Serene pero kaagad siyang pinigilan ni Angelo.
"Ang sabi ko, bawal kang tumanggi," pag-uulit pa nito bago ito pumasok sa loob ng bahay ni Julie.
Kaagad na napailing si Serene dahil doon. Noong una ay tinu-tutor niya lang itong si Angelo dahil gusto nito, at isa pa ay totoo naman ang sinabi nito na magbabayad siya sa bawat turo niya rito kaya naman ay wala siyang angal doon. Pero itong pagkakaibigan... may maganda ba itong maidudulot sa kan'ya?
Isang mayaman at mahirap... ay magiging magkaibigan? Kahit kailan ay hindi niya naisip na posible iyon. Madalas kasing sabihin ng kan'yang mga magulang na hindi iyon nangyayari dahil madalang naman ang pagkakataon na may mayamang magkainteres sa mahirap na kagaya nila.
Ganoon din ang kan'yang karanasan sa mga kabaryo. Hindi man sobrang yaman ang mga ito pero kusa itong umiiwas sa kan'ya... kaya paano pa kaya si Angelo?
"Serene, halika na rito. Bakit ka nariyan sa labas?" rinig niyang pagtawag sa kan'ya ng guro.
"Ito na po, teacher!" kaagad naman niyang turan.
'Bahala na. Baka naman sa mga susunod na araw ay mawala rin itong trip ni Angelo at pagsawaan na ang pangt-trip sa akin,' wika pa niya sa kan'yang isip bago ito sumunod kay Angelo.