Kabanata 12

1587 Words
ANG INAAKALANG pant-trip lang ni Angelo kay Serene ay tumagal ng araw... taon... hanggang sa lumipas na ang panahon at naka-graduate na sila sa elementarya. "Bilisan mo naman kumilos diyan, Angelo! Mala-late tayo niyan, eh!" singhal ni Serene kay Angelo na kahit ilang beses nang nakararanas sumakay ng bangka ay ang bagal pa rin nito. Katulad ng palaging sinasabi ni Angelo sa dalagita ay mukha na naman itong landlady na naniningil ng utang ng taong nagrenta sa kanilang bahay. Nakapameywang na naman kasi ito habang nakatingin nang masama sa kan'ya. Nakasuot ito ng puting blusa at mahabang palda na kulay berde ang kulay. Nakaipit naman ang mahaba at straight nitong buhok. Ayaw niya kasing nakaaabala ito sa araw niya. "Teka lang senyorita, ha?" natatawa namang turan sa kan'ya ng binatilyo. "Kasalanan ko bang nahihirapan pa rin ako sumakay dito sa bangka? Bakit ba kasi ang galaw nito?" dagdag niya pang reklamo bago ito sumubok ulit na sumakay sa bangka, pero kaagad din nitong inaalis ang dalawang paa kapag nararamdaman ang paggalaw ng bangka. Si Angelo naman ay nakasuot ng puting poloshirt at kulay berde rin na pants. Parehas silang Grade 7 na ngayon at nag-aaral sa isang pampublikong eskuwelahan. Hindi alam ni Serene kung bakit sa public school nag-aaral itong si Angelo, eh alam naman ng lahat ng tao na mayaman sila. Kapag tinatanong naman niya iyon sa lalaki, ngumingiti lang ito at iniiba ang usapan. Hindi na lang tuloy siya nagtanong ulit at baka mabuwisit lang siya. "Halika, iho, tulungan na kita," wika sa kan'ya ni Mang Protacio na siyang magpapaandar ng bangka nila upang maihatid sila roon sa eskuwelahan. Natatawa na lang kasi ito sa binata. Halatang hindi talaga ganito ang klase ng buhay na kinagisnan niya. Mas sanay ito sa barko at mga sasakyan, hindi sa bangka na hindi mo masisigurado ang iyong kaligtasan. "Salamat po nang marami, kuya!" nakangiti namang sabi ni Angelo bago nito inabot ang kamay ni Mang Protacio. "Buti ka pa, kuya, busilak ang puso. Samantalang 'tong babaeng 'to..." binitin na lang niya ang sasabihin habang nakatingin kay Serene na pinagtaasan lang siya ng kilay. "Ewan ko sa 'yo," sagot lang ng dalagita at nang makasakay na si Angelo roon sa bangka ay kaagad siyang sumunod dito. "Angas mo talaga, Serene Faith!" natatawang turan naman sa kan'ya ni Angelo habang pumapalakpak pa. Sa loob lang kasi ng ilang segundo ay nakatungtong kaagad ito sa bangka. Ni hindi nito kinailangan ng alalay ni Mang Protacio. Pero sa bagay, ano pa ba ang aasahan ni Angelo, eh isang mangingisda ang tatay ni Serene? Malamang ay tinuturuan na siya nito sumampa sa bangka noon pa... pero tinuturo nga ba talaga iyon o sadyang matatakutin lang siya? "Ingat, iho," saad ni Mang Protacio dahil sa biglaang paggalaw ng bangka. "Delikado iyan. Umupo ka lang nang maayos," dagdag pang pangaral nito bago inabot ang kamay ni Angelo at inilagay 'yon sa lugar kung saan siya dapat kumapit. Medyo tumagilid kasi ito dahil sa likot niya, at kapag nangyari 'yon habang bumibiyahe sila, malaki ang tiyansa na baka ay mahulog sila sa dagat at isang malaking kapahamakan iyon. 'Sayang, dapat sa kamay ni Serene nilagay ni kuya ang kamay ko, eh,' natatawa pang saad ni Angelo sa kan'yang sarili. Hindi niya namalayan na nakangiti na pala siya habang masama naman ang tingin sa kan'ya ni Serene. Sa tingin kasi ni Serene ay may kalokohan na namang iniisip si Angelo. Kahit kasi noong elementary pa lang sila ay naging mas makulit ito, lalo na nga at nang maging magkaibigan sila. Hindi niya lang inaasahan na lilipat dito ang lalaki sa kanilang baryo para sabay silang pumasok sa eskuwelahan. Sa tingin niya ay nababaliw na ang lalaki, dahil kung hindi, mananatili ito sa dati niyang tinitirhan. Ang lapit lang kaya ng kan'yang bahay sa pinapasukan nila. "Angelo Jacob." May pagbabanta sa tono ng boses ni Serene nang tawagin niya ang buong pangalan ng binatilyo. "Sorry po," sabi na lang niya bago nito kinagat ang pang-ibabang labi. Nagpipigil kasi ito ng ngiti. Ngumiti na lang pabalik si Mang Protacio habang si Serene naman ay nanatili lang na nakatitig sa dagat na hindi masyadong malakas ang alon. "'Yan kasi, ang kulit," bulong pa ng dalagita na rinig naman niya. Malakas ang hangin at malamig din ang simoy nito. Tumatama iyon sa mukha ni Serene na dahilan kung bakit humahangin din ang buhok nito kahit na nakaipit siya, pero hindi iyon alintana ng dalagita. Pumipikit lang ito kapag sobrang lakas ng hangin. Sanay na kasi siya sa ganito. Noong una ay naiinis pa siya kapag malakas ang hangin, pero ngayon ay kaya na niyang makipaglaro rito. Pero ang hindi niya lang alam ay nakatitig lang si Angelo sa kan'ya. Katulad noong unang beses niya itong makita ay gandang-ganda pa rin siya rito... at kahit na ilang taon na ang lumipas ay siya pa rin ang tinitibok ng puso nito. Alam niyang masyado pa silang bata para sa ganitong pakiramdam kaya naman ay sinusulit lang muna niya ang lahat, pati na ang kasungitan ni Serene. Sa totoo lang ay akala niya, lalaki si Serene na mabait at mahiyain, pero nagulat na lang siya dahil parang mas lalaki pa ito kung umasta paminsan-minsan kaysa sa kan'ya. Kahit na ilang minuto nang nakatitig si Angelo kay Serene ay hindi ito napapansin ng dalaga. Nakapikit pa rin kasi ito dahil palakas nang palakas ang hangin kahit na hindi pa pinaaandar ni Mang Patricio ang bangka. At 'yon na nga, mahina siyang napasigaw nang biglang matamaan ng lakas ng hangin ang kan'yang mata. Napapikit tuloy si Angelo habang nakayuko at hawak ang isang mata. Hindi naman 'yon sobrang sakit, pero hindi lang talaga siya sanay. "Naku, patay na patay," bulong ni Mang Patricio habang inaayos ang makina sa kan'yang gilid. Minsan kasi kapag tinatamad na siyang magsagwan ay gumagamit na siya ng makina. Narinig naman 'yon ni Serene kaya naman ay nakakunot-noo siyang lumingon sa matanda. "Alin po 'yon, Mang Patricio?" nag-aalalang tanong ni Serene. Bumilis ang t***k ng puso nito dahil sa kaba. Dapat nga ay umaandar na ang bangka sa mga oras na 'to pero nandoon pa rin sila sa daungan. First day pa naman nila sa eskuwelahan tapos ay late pa sila. Ibang eskuwelahan pa naman 'yon dahil sabi ng kan'yang teacher Julie ay mas magandang lumipat ng ibang eskuwelahan upang mas mamulat siya sa ibang experience, kaya naman ay inaasahan na niyang ibang mga mukha rin ang kan'yang makikita mamaya. "Ah, itong makina," pagpapalusot pa ni Mang Patricio bago itinuro ang inaayos na makina. "Akala ko kasi ay namatay." Sa sinabi niyang 'yon ay napabuntong-hininga si Serene. "Pinapakaba mo naman ako, manong," dagdag pa nitong saad habang hawak-hawak ang kan'yang dibdib na ikinatawa na lang ng matanda. Hindi alam ni Mang Patricio na sobrang manhid pala nito ni Serene. Alam na ng halos lahat ng kanilang nakakasalamuha ang nararamdaman ni Angelo para sa kan'ya, puwera lang dito. Siguro ay dahil na rin sa may ibang hangarin at prayoridad si Serene kaysa sa nararamdaman ng binatilyo. Mas nakapokus ang atensyon nito sa pag-aaral at sa pagbibigay ng magandang buhay sa kan'yang sarili, maging sa kan'yang pamilya. "Hoy, Angelo Jacob, ayos ka lang?" Dahan-dahan siyang umalis sa pagkakaupo at itinukod ang isang tuhod sa bandang gitna ng bangka. Hindi kasi siya puwedeng pumunta roon sa kabilang gilid dahil panigurado ay lulubog ang bangka. Ayaw naman niyang pumasok sa eskuwelahan na parang isang basang sisiw. Naiinis man kay Angelo pero ay nag-aalala siya para rito. Bigla kasi itong sumigaw na ikinagulat niya. Isa pa ay kanina pa ito nakayuko. Naisip niya na baka buhangin ang tumama sa mata nito pero imposible naman yata 'yon. "Iangat mo nga ang ulo mo. Tumingin ka sa akin—" "Ganito?" Napatigil si Serene sa kan'yang sinasabi nang biglang inangat ni Angelo ang kan'yang ulo at tumitig sa mga mata niya. Tila ay nawala ang lahat ng tao sa paligid at si Angelo lang ang kan'yang nakikita. Alam niyang sobrang lapit sa kan'ya ngayon ng lalaki pero ni kurap ay hindi niya magawa. Mukhang pati ang kan'yang hininga ay napigil niya na rin dahil sa nerbyos. Ngayon pa lang niya natitigan nang ganito kalapit ang binatilyo. Mahaba ang mga pilikmata, makapal ang kilay, matangos ang ilong, at mapupula ang labi nito. Muli ay bumilis ang t***k ng puso ni Serene... pero hindi iyon katulad ng kaba niya kanina dahil sa pag-aakalang nasira ang makina. Pakiramdam niya ay umaakyat ang lahat ng dugo niya sa kan'yang mukha, at sa takot na baka bigla siyang tuksuhin doon ni Angelo ay kaagad siyang tumayo at umupo roon sa kabilang gilid. "Sorry po, manong," paghingi niya pa ng paumanhin nang bahagyang umalog ulit ang bangka. Tumango na lang ito bago nag-thumbs up sa kan'ya. "Mukhang ayos naman po si Angelo. Tara na po at baka ma-late na po kami." Mabuti na lang at malakas ang hangin kaya kahit papaano ay napakalma ni Serene ang kan'yang nararamdaman. Ang init na naramdaman niya sa kan'yang magkabilang pisngi ay unti-unting nawala, pero nang sumulyap siya kay Angelo na mataman lang na nakatitig sa kan'ya habang nakakapit ito sa magkabilang side ng bangka ay kaagad siyang umiwas ng tingin dito. 'Baka ay nagugutom lang ako,' pagkumbinsi pa ni Serene sa kan'yang sarili kahit na alam naman niya na hindi talaga 'yon ang tunay na dahilan. At natatakot siyang alamin kung bakit nga ba talaga ganito ang kan'yang nararamdaman.... baka kasi ay hindi niya 'yon magustuhan at baka iyon pa ang maging dahilan para masira ang kanilang pagkakaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD