MAS LALONG naging mainitin ang ulo ni Demi ilang araw matapos nitong makausap si Julie. Sanay naman na si Felix na hindi siya pinapansin ng asawa. Alam niya kasi kung gaano katindi ang galit nito sa kan'ya dahil sa nangyaring scam noon. Naiintindihan niya kung bakit abot-sukdulan ang galit nito sa kan'ya.
Sa bawat makikita ni Demi si Felix ay nagiging padabog ang kilos nito. Kulang na nga lang ay magbasag ito ng plato habang naghuhugas, habang siya naman ay nag-aayos ng gamit dahil babalik pa siya sa palaisdaan mamaya. Magbebenta kasi siya ng mga isda, at mangunguha na rin ng puwede nilang ulamin nang sa gayon ay may pagkain sila.
"Demi." Hindi na natiis ni Felix ang mga pangyayari kaya naman ay lumapit na siya sa asawa. "Ano ba ang problema?" dagdag niya pang tanong bago nito hinawakan ang magkabilang balikat ni Demi at bahagyang hinilot ito, pero kaagad inalis ng asawa ang pagkakahawak niya bago siya sininghalan nito.
"Huwag mo akong mahawak-hawakan, Felix. Baka hindi na ako tuluyang makapagtimpi at maihagis ko ito sa 'yo," nakatatakot nitong wika bago ipinakita ang hawak nitong baso.
Mahigpit ang pagkakahawak ni Demi roon kaya kaagad siyang lumayo. Doon pa lang ay kitang-kita na niya kung gaano kainit ang ulo ng asawa, hindi nga lang niya alam kung bakit. Hindi siya sigurado kung dahil pa rin ba ito sa nangyari noon, o baka may panibago na namang dahilan para umabot sa sukdulan ang galit niya.
"P-Pasensiya na," ani Felix.
Hindi maitatanggi na nagulat siya dahil sa sobrang lamig ng boses ni Demi ngayon.
Nang umatras mula sa kinatatayuan ng asawa ay hindi sinasadyang napatingin si Felix sa kanilang bahay. Bakas pa roon ang mga saksak ng kutsilyo na kagagawan ni Lorenzo. Mabuti na lang at nasa kulungan na siya ngayon. Imbes na sila ang magbayad kay Lorenzo para sa kanilang utang, ito pa ang nagbayad sa kanila para sa damage na nagawa nito, lalo na sa kanilang mga anak.
Magandang balita 'yon para sa kan'ya pero hindi para kay Clea na paminsan-minsan ay bigla na lang umiiyak dahil sa takot nito. Mukhang hindi pa rin ito nakakalimot on sa nangyari nitong nakaraan. Kapag naaalala niya kung gaano kagulo ang kanilang bahay nang umuwi siya, nagdidilim ang paningin niya.
"Mabuti na lang at nandito ang guro ni Serene noong araw na iyon, 'no?"
Dahil galit naman ang asawa niya sa kan'ya ay naisip niyang ibahin na lang ang topic. Siguro ay hahayaan na lang muna niyang humupa ang galit nito, kahit na sa totoo lang ay sobrang tagal na rin ng kinikimkim nitong galit sa kan'ya. Hindi na niya alam kung ano pa ang dapat niyang gawin sa asawa.
"Kung hindi siya dumating ay baka napaano na ang mga anak natin—"
"Wala akong pakialam sa babaeng 'yon, Felix."
Nakatalikod si Demi kaya hindi niya makita kung ano ang reaksyon nito. Nakapikit lang siya habang nakakuyom ang magkabilang palad. Mabuti na lang at saktong tapos na siya maghugas ng plato, at nailagay na niya lahat ng iyon sa lalagyanan, dahil kung hindi ay baka nabasag n'ya 'yon nang wala sa oras.
Kapag naaalala niya ang kapatid ay hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Nagagalit siya pero parang nakokonsensya rin dahil sa mga sinabi nito noong nakaraan. Kahit papaano kasi ay naging mabait naman ito sa kan'ya noong nagsasama pa sila sa bahay ng kanilang ina, pero ganoon pa man, hindi pa rin siya papayag sa ginagawa nito ngayon.
Lalo na at kinukuha niya si Serene mula sa kanilang bahay at doon ito nag-aaral sa bahay nila Julie.
At bakit nagagawa 'yon ni Serene kahit labis ang pagtutol niya sa planong 'yon? Dahil lang naman kay Felix. Pumayag ito nang hindi man lang nagtatanong sa kan'ya. Kaya naman sa isip ni Demi, ang lakas ng loob ni Felix na itanong sa kan'ya kung ano ba ang problema nito.
"Pinaalis mo nga siya noong araw na 'yon, ni hindi pa ako nakakapagpasalamat nang maayos," biglaang wika ni Felix. Bumalik na lang ito sa pag-aayos ng gamit. "Malaki ang utang na loob ko sa kan'ya."
Hindi alam ni Felix kung ano ang relasyon ni Demi kay Julie. Nabanggit noon ni Demi kay Felix na mayroon siyang kapatid pero hindi niya nasabi kung sino 'yon. Dahil aktibo si Julie noon sa academics ay hindi siya naabutan ni Felix noong minsan na nagpunta ito sa kanilang bahay upang hingin ang permiso ng kanilang ina... na kaagad din namang tumutol sa kanilang relasyon.
Sa sinabing 'yon ni Felix ay tuluyan nang napuno si Demi. Ang totoo niyan, matagal na siyang puno dahil na rin sa hindi naman niya nilalabas ang mga hinaing niya, at mas pinipili na lang nitong sarilinin ang lahat.
Pero ngayon ay hindi niya 'yon kayang gawin.
"Sa kan'ya malaki ang utang na loob mo, tapos sa akin, wala?" Pinunasan ni Demi ang kamay gamit ang damit niya bago ito humarap sa asawa. "Bilib ka sa babaeng 'yon? E'di magsama kayo!" hindi na niya napigilan ang sigawan ito.
Dahil doon tuloy ay biglang nagising ang bunsong anak na si Joseph at bigla itong umiyak. Kahit tuloy nanggagalaiti pa siya sa galit ay huminga muna ito nang malalim upang mapigilan ang kan'yang sarili.
Lumapit siya kay Joseph at tinapik-takip ang likod nito at nang tumigil na ito sa pag-iyak. Bigla nitong nakalimutan na nasa loob nga pala sila ng kanilang bahay at nandoon ang dalawang anak. Naiisip ni Demi na maging siya ay wala na ring kuwentang ina dahil sa rami rin ng pagkukulang nito.
"Ma... nag-aaway po ba kayo?" nakakunot-noong tanong ni Clea na katulad ng dati ay nandoon pa rin sa gilid ng kanilang bahay nakapuwesto. Sa kahit anong oras ay hindi sila mapaghiwalay ng bunsong kapatid.
Nahihirapan man ay pinilit ni Demi ang ngumiti at magsinungaling. Nang tuluyan nang tumigil sa pag-iyak si Joseph ay kumuha ito ng bimpo. Pinunasan niya ang luha ng anak bago ito sumulyap kay Clea at sinagot ang tanong nito.
"Hindi, anak," aniya bago hinaplos ang buhok ni Clea nang bahagya bago ibinalik ang paningin kay Joseph. "Nag-uusap lang kami."
Hindi katulad kanina, nakangiti na ito ngayon at mukhang natutuwa pa dahil nandoon si Demi at malapit sa kan'ya.
Muli, tila ay kumirot na naman ang kan'yang puso nang makita ang bukol sa bandang lalamunan ng bunsong anak. Ito ang dahilan kung bakit si Serene ang pinag-aalaga niya kay Joseph.
Hindi niya kinakaya ang sakit kada makikita ang sitwasyon ng anak... pero wala naman siyang magawang paraan para masolusyunan iyon. At alam din niyang mali ang ginagawa niyang 'yon, pero katulad ng palaging sinasabi sa kan'ya ng ina noon, wala naman siyang ibang nagawang tama sa buhay niya ngayon.
Mukhang totoo nga iyon.
"Mag-uusap lang kami ng tatay mo sa labas, ha?" paalam ni Demi kay Clea na nakatitig lang sa kan'ya. Mukhang nagtataka ito dahil kung kanina ay matindi ang galit nito, ngayon naman ay nakangiti lang ito sa kan'ya. "Dito ka muna at bantayan mo muna ang kapatid mo."
Kaagad namang tumango si Clea. Pagkatapos no'n ay tiningnan niya si Felix na parang sinasabi na sumunod ito sa kan'ya. Nang makalabas silang dalawa ay nag-iba na ulit ang ekspresiyon ng mukha ni Demi. Nakasimangot na ito ulit at nakakrus ang magkabilang kamay nito sa kan'yang dibdib.
"Felix... kaya ba hinahayaan mong mag-aral si Serene kasama ang babaeng 'yon kasi ano? Gusto mong siya na lang ang maging ina ng mga anak mo?" mahinahong tanong nito pero puno ng lungkot at hinanakit ang kan'yang boses. "Sabihin mo lang."
Napakagat ito sa pang-ibabang labi pagkatapos sabihin ang mga bagay na 'yon. Muli ay nilalamon na naman siya ng insecurity nito.
Noon pa man ay mayroon na siyang inferiority complex kay Julie. Kung tutuusin ay ayaw din naman niya sa ganitong pakiramdam, pero nabuhay siya na ganito na ang kinalakihan sa kan'yang paligid. Gusto man niyang ayusin ang sarili pero hindi naman niya alam kung paano.
"Ano ba 'yang mga sinasabi mo, Demi?" nakataas ang kilay na tanong naman sa kan'ya ni Felix. Hindi na niya alam kung saan nanggagaling ang mga sinasabi ng asawa. "Hindi naman 'yan ang intensyon ko—"
"Pero 'yan ang nararamdaman ko."
Doon ay natahimik si Felix at hindi nakapagsalita. Ganoon din si Demi na biglang nahiya sa kan'yang sinabi kaya naman ay yumuko na lang ito. Pakiramdam niya ay ang hina-hina niya.
Hindi naman siya ganito noon kahit na noong nasa bahay pa lang siya ng kan'yang ina. Palagi niyang sinasabi sa sarili na dapat siyang maging malakas dahil wala naman siyang ibang masasandalan kung hindi ang sarili niya lang.
"Felix... tama na muna 'to," wika ni Demi sa isang mahinang boses.
Hindi niya gustong gawin 'yon. Hangga't maaari ay gusto niyang kayanin ang lahat ng problema, pero sa panahong 'to ay napapagod na siya.
Hindi na niya kaya.
Pakiramdam ni Felix ay binuhusan siya ng malamig na tubig dahil sa sinabing 'yon ni Demi. Tila ay biglang naglaho ang kanilang pangako sa isa't-isa... na kakayanin nila ang lahat ng problema sa hirap at ginhawa. Parang biglang naglaho na lang ang lahat ng pinaghirapan niya.
"A-Ano?" Naiintindihan niya kung ano ang sinabi ni Demi pero hindi niya ito gaanong maproseso sa kan'yang isip. Tila ay naging blanko ang utak niya sa mga oras na 'yon.
Gusto niyang bawiin ni Demi ang sinabi nito. Gusto niyang paniwalain ang sarili na baka nabigla lang ito sa kan'yang sinabi o baka naman ay nagkamali lang siya ng pagkakarinig.
Pero hindi iyon ang ginawa ni Demi. Pinanindigan nito ang kan'yang sinabi.
"Itigil na muna natin 'to," pag-uulit niya, at alam ni Felix sa kan'yang puso na mas masakit ang sinabi ni Demi sa pangalawang beses. "Magsama na lang muna tayo para sa mga anak natin pero huwag na muna tayong mag-usap. Huwag mo muna akong lapitan o kausapin. Hayaan mo muna akong mapag-isa."
Dahil doon ay biglang naging desperado ang galaw ni Felix. Hindi inaasahan ni Demi ang biglaang paglapit sa kan'ya ni Felix at ang mahigpit na pagkakahawak nito sa magkabilang balikat niya. Sobrang lapit ng mukha nito sa kan'ya, at dahil doon ay kita niya ang sakit sa mga mata nito.
"Demi naman... alam mo namang hindi ko kaya 'yan," marahang wika ng lalaki pero sa bawat salitang binibitawan nito ay mahihimigan doon ang sakit.
Napapikit si Demi roon at akmang iiiwas sana ang tingin sa lalaki, pero kaagad din siyang napatigil nang mapatitig siya sa mga mata nito. Ang mga matang 'yon na minsang nagpakita sa kan'ya ng pagmamahal... ay siyang nagpapasakit din sa kan'yang kalooban ngayon.
Pero buo na ang desisyon niya. Gusto niya munang humiwalay ngayon kay Felix kahit sa isip lang... dahil alam niyang hindi naman niya kakayaning kunin o iwan ang kan'yang mga anak.
"Hindi ito ang buhay na ipinangako mo sa akin noon, Felix," sagot ng babae habang nagpipigil ito ng luha.
Naiinis na siya sa sarili dahil pakiramdam niya ay sobra na ang ipinapakita niyang kahinaan, kaya naman ay hindi na niya 'yon dadagdagan pa.
"Ang sabi mo ay magandang buhay ang ibibigay mo sa akin... pero ano 'to? Ilang taon na ang lumipas. Lugmok pa rin tayo sa kahirapan... nadadamay pa ang mga anak natin."
Sa sagot na 'yon ni Demi ay unti-unting lumuwag ang pagkakahawak sa kan'ya ni Felix. Ilang segundo rin na bumubuka at sumasara ang bibig nito na para bang may gusto itong sabihin pero hindi niya magawa.
Wala naman kasing kasinungalingan sa sinabi sa kan'ya ng babae. Tama siya, ipinangako niya rito ang magandang buhay... pero hanggang ngayon ay hindi niya pa rin 'yon natutupad.
Hindi niya rin alam kung matutupad pa nga ba niya 'yon o hindi na.
"Hindi ko rin naman 'to ginusto, Demi," sagot nito sa mahinang tono. "Sana ay alam mo 'yon at sana rin ay makita mo na pinipilit ko namang gawin ang lahat."
"Kaya pinag-aaral mo si Serene."
Hindi 'yon tanong. Sigurado si Demi sa kan'yang sinabi, at nakumpirma niya 'yon nang biglang umiwas ng tingin sa kan'ya si Felix. Napailing na lang siya dahil doon. Ngayon lang niya nakita ang pagiging desperado ni Felix pero hindi nito inaasahan na pati ang kanilang anak ay pagdidiskitahan din nito.
"Wala naman sigurong masama kung si Serene naman ang susubok sa bagay na minsan din nating pinangarap, hindi ba?" wika naman ni Felix.
Mas mahinahon na ang boses nito. Hindi na rin gaanong nahihimigan ang sakit sa boses nito dahil napalitan iyon ng pag-asa... pag-asa na baka si Serene ang bumago sa buhay nilang lahat.
Si Serene ang nagbigay sa kan'ya ng motibasyon para magtrabaho... at para muling mangarap, kahit hindi na para sa asawa, kung hindi para na rin sa kan'yang sarili.
Sino ba ang nagsabi na tapos na ang pagkakataon para sa kan'ya dahil lang sa nabigo siya nang isang beses? Hindi pa huli ang lahat.
"Serene..." naaalala niyang pagtawag niya sa anak noong araw na pumasok si Lorenzo sa kanilang bahay.
Nakaupo lang ito sa buhanginan habang yakap-yakap nito ang magkabilang binti. Hindi pa nga siya kaagad narinig ng anak nang tawagin niya ito. Napatingin lang ito sa kan'ya nang umupo siya sa tabi nito.
"Itay..." mahinang pagtawag nito sa kan'ya. Kita ang lungkot sa mga mata nito. Marahil ay iniisip pa rin nito ang kan'yang ina na bigla na lang nagalit sa kan'ya matapos nitong makausap si Julie
"Anak, mag-aral kang mabuti, ha?" wika ni Felix bago niya ningitian si Serene. "Ako ang bahala sa inay mo. Susuportahan kita para matupad mo ang mga pangarap mo."
Naniniwala siyang maaari rin siyang sumubok ulit, katulad ng kan'yang anak.