"ANG SARAP po talaga ng luto n'yo, ate! The best!"
Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Serene habang nakatingin ito sa katulong nila Angelo na hindi niya alam kung ano ang pangalan. Minsan nang naipakilala ni Angelo ang katulong kay Serene pero sa hindi malamang dahilan ay nakakalimutan niya ang pangalan nito. Tunog Japanese kasi iyon sa pagkakatanda niya.
Ate na lang ang itinatawag niya rito para safe, kasi alam naman niyang nakakatampo kapag nalaman nito na hindi niya kilala ang babaeng laging nagluluto ng pagkain para sa kan'ya.
"You're welcome! Mabuti naman at nasarapan ka sa luto ko," nakangiti rin nitong sagot sa kan'ya.
Nag-thumbs up si Serene rito na kaagad namang ibinalik ng dalagang katulong. Pagkatapos no'n ay naghagikhikan silang dalawa na dahilan para mapailing na lang si Angelo habang nagpipigil ng ngiti. Natutuwa kasi siya na magkasundo si Serene at Hajira, ang pangalan ng kanilang katulong.
Maganda, matangkad, at masiyahin si Hajira. Hindi mahahalata na nasa 20's na ito dahil mukha itong teenager kung makipag-usap at kumilos, pero ganoon pa man ay kinuha pa rin siyang katulong nila Angelo dahil bukod sa mapagkakatiwalaan ito dahil sa paraan ng pag-aalaga nito kay Angelo, gustong-gusto rin ng binata ang mga luto nito.
Ganoon din si Serene.
"Bakit po ang sarap n'yong magluto, ate?" Pinipilit niyang alalahanin ang pangalan ng katulong pero hindi niya talaga matandaan.
Pumapak na lang tuloy siya ng lumpia habang iniisip kung ano ang pinagkaiba ng lumpia rito kila Angelo roon sa lumpia na nasa kanilang bahay. Hindi kasi ganoon kasarap ang ipinapadala sa kanila ng lola kung ikukumpara sa kinakain niya ngayon, pero siyempre ay nagpapasalamat pa rin siya dahil kahit na ano pa ang pagkain na nakahain sa kan'yang harapan, isa pa ring blessing 'yon.
Tinuruan siya ng mga magulang na magpasalamat kahit sa maliliit na bagay, at dala-dala niya ang turong 'yon hanggang sa ngayon.
"Siyempre naman, may halong pagmamahal 'yan para sa inyo nitong alaga ko, eh." Ngumisi ito bago lumapit sa kan'yang alaga na kasalukuyang nakaupo ngayon sa tapat ni Serene. Tinititigan niya ang dalagita kaya naman ay halos mapapitlag na lang siya sa gulat nang maramdaman niya ang kamay ni Hajira sa kan'yang buhok. "Saka may halong pagmamahal din nito ni Ang- joke lang!"
Tumingala kasi si Angelo bago sinamaan ng tingin si Hajira. Isa ito sa hindi niya gusto sa kan'yang ate. Madaldal kasi ito kaya naman kapag nandito si Serene sa kanilang bahay ay kailangan niya itong bantayan. Baka kasi bigla na lang malaman ni Serene na may gusto sa kan'ya si Angelo at dali-dali itong umiwas sa kan'ya.
"Hindi ka naman mabiro. Nagbibinata na talaga itong bata na ito!" Natawa na lang si Hajira bago nito ginulo ang buhok ng alaga, pero pagkatapos din no'n ay kaagad niyang kinuha ang suklay sa kan'yang bulsa at inayos ang buhok ni Angelo.
'Dapat ay guwapo itong bebe ko sa harap ng kan'yang crush!' natatawa pang wika ni Hajira sa isip.
Napahagikhik ito nang hindi niya namamalayan kaya naman ay tumingin ulit sa kan'ya si Angelo at tinaasan siya ng kilay. Napatahimik tuloy siya bago kinagat ang pang-ibabang labi, pinipigilan ang tumawa nang malakas.
'Ang maldita talaga ng alaga kong ito, oh!'
"Alin po ang joke roon?'
Palibhasa ay busy kumain si Serene kaya hindi niya pa namamalayan ang mga nangyayari sa kan'yang paligid.
Mas naka-focus ito sa mga pagkain na mayroon dito sa bahay nila Angelo sa ngayon. Nagtataka na kasi siya kung bakit tila ay pang-handaan ang mga pagkain kila Angelo kada pupunta siya rito. Natuon lang ang atensiyon niya kay Angelo nang marinig ang sinabi ng kanilang ate ang salitang biro.
"Naku, huwag mo na akong pansinin, Serene. Ang mabuti pa ay kumain ka pa ng mas marami para tumaba ka naman nang kaunti!" ani nito bago hinawakan ang isang braso niya at pinisil-pisil pa 'yon nang kaunti. "Tingnan mo, oh. Ang payat-payat mo na ulit."
Pakagat na sana si Serene ng pagkain na kan'yang hawak nang mapatigil ito dahil sa sinabi ng kan'yang ate. Kaagad na kumunot ang noo niya habang nakatitig dito. Una kasi sa lahat, hindi naman siya isang teddy bear para pisil-pisilin ang kan'yang braso dahil kahit mahina lang naman ang pagkakapisil nito sa kan'ya ay masakit pa rin 'yon. Pangalawa ay busy siya sa pagkain nitong parang tahong na may laman sa loob na hindi niya alam kung ano ang tawag.
At pangatlo...
"Niloloko n'yo po ako ate, eh. Ni minsan naman po ay hindi ako tumaba."
Payat kasi si Serene kung ikukumpara sa kan'yang mga kaklase noon. Ang sinasabi pa nga sa kan'ya ng iba ay baka kaunting hangin lang ay liparin na siya, pero hindi naman kasi ibig sabihin na payat siya ay mahina na rin ang katawan niya. Mas malakas pa niya siya kung ikukumpara kay Angelo na minsan ay lalampa-lampa.
"Pero kahit ganito po ang katawan ko, masaya po ako sa itsura ko, ate Hajira." Sa pagsasabi niya no'n ay doon niya lang naalala kung ano ang pangalan ng katulong nila Angelo.
Hajira.
At ang isa pang ugali na hindi gusto ni Angelo sa kanilang katulong, pati na rin si Serene, ay ang pagiging mapagpansin nito sa mga bagay-bagay. Minsan kasi ay hindi nito alam kung nakakasakit na ang kan'yang mga salita o hindi. Basta lang itong nagsasalita nang hindi man lang pinag-iisipan ang kan'yang mga sinasabi.
Dahil kahirapan ang dahilan kung bakit payat si Serene... at hindi naman niya pinili ang buhay na mayroon siya ngayon.
"Mamaya na po ulit ako kakain, ate," ani Serene bago kinagat 'yong nasa loob ng tahong at tinakpan 'yong putahe na gusto pa sana siyang papakin, sa totoo lang. "Mag-aral na tayo?" Bumaling ang tingin nito kay Angelo pagkatapos ay naglakad na ito patungo sa kan'yang kuwarto.
Tumango na lang ang binatilyo bago ito yumuko. Itinatago kasi niya ang pagngisi. Parang naging maamong tupa kasi bigla ang kan'yang ate Hajira at sa tingin niya ay tuluyan na itong natauhan na mali ang mang-body shame ng ibang tao.
'Burn,' ani Angelo sa kan'yang isip bago ito sumunod kay Serene.
KASALUKUYANG NAKAUPO si Serene sa sahig ng may pintuan nila Angelo. Pinanonood lang nito ang mga dumaraan habang hawak-hawak ang baso ng ice cream sa kan'yang kanang kamay. Busog na siya pero bihira lang naman siyang makakain ng mga ganitong masasarap na pagkain kaya naman ay susulitin na niya ang lahat ng pagkakataon.
"Okay ka lang?" tanong sa kan'ya ni Angelo bago ito umupo sa kan'yang tabi.
Nagbawas kasi ito ng sama ng loob dahil hindi na nito kinaya ang dami ng kinain nila kanina. Sinubukan niya kasing sabayan ang pagiging malakas ni Serene kumain pero ito na ang huling beses na gagawin niya 'yon. Pakiramdam niya kasi ay maging ang intestines niya ay ilalabas na rin niya kanina.
"Oo naman, bakit?" sagot naman ni Serene bago ito lumingon sa kan'ya habang nakataas ang kanang kilay. Nakatitig lang ito kay Angelo na pawis na ngayon ang noo at hinihinga pa nang bahagya. "Palagi naman akong okay."
Kasi kailangan.
"Saka, ikaw yata ang kailangan kong tanungin kung ayos ka lang?"
Napangiti na lang si Angelo bago ito tumawa nang bahagya. Hindi niya alam kung bakit kahit ano yata ang sabihin ni Serene ay matutuwa pa rin siya, kahit na mas madalas pa nga ay inaasar siya nito.
"'Yong kanina..." panimula ni Angelo pero hindi kaagad nito nadugtungan ang sasabihin. Nagtataka tuloy si Serene na tumingin sa kan'ya habang nagtatanong ang mga mata nito.
"Alin doon? 'Yong sa bahay ninyo o 'yong sa school?" Alam naman kasi niya na 'yong tungkol talaga roon ang gustong itanong ni Angelo. Maalalahanin kasi ang binatilyo, lalo na at sa kan'ya.
"W-Wala."
'Wala pero mayroon naman talaga,' ani Serene sa kan'yang isip.
Napangiti na lang tuloy si Serene dahil ang itsura ni Angelo ngayon ay parang isang batang kinakausap ang kan'yang crush. Kahit kasi nakatitig siya rito ay ayaw lumingon ni Angelo sa kan'ya, at kapag sumusulyap ito ay kaagad ulit niyang iniiwas ang tingin kapag nakikita na nakatitig pabalik si Serene rito.
"Ayos lang ako, baliw." Mas lumawak ang pagkakangiti ni Serene habang nakatingin sa mga dumaraan. Inii-sway pa nito ang magkabilang paa. "Huwag kang mag-alala sa akin. Si Serene Faith yata ako! At katulad ng pangalan ko, dapat ay magtiwala ka lang din sa akin."
Ang ngiting 'yon talaga ni Serene at ang mumunting kinang sa mga mata nito ang palaging nagpapapigil ng hininga ni Angelo. Katulad na lang ngayon.
Habang nakatitig siya kay Serene ay napahawak na lang ito nang mahigpit sa kung ano man ang hawak niya ngayon.
At nang maka-recover na siya ay doon pa lang niya binara ang dalaga. Bukod kasi sa masaya itong pagmasdan kapag nakangiti ito, masaya rin itong asarin dahil mabilis uminit ang ulo nito.
"Sino ba ang nagsabi na nag-aalala ako sa 'yo- Aray, Serene! Napakasadista naman!"
'Yon na nga, dahil bigla na lang siyang binatukan ni Serene. Wala man lang pagdadahan-dahan sa naging kilos nito. Mukhang ibinuhos talaga nito ang lahat ng lakas, mabatukan lang siya.
"Sumasagot ka pa kasi, eh!" singhal naman ni Serene bago nito inirapan ang binatilyo. "Pero ito, walang biro, Angelo. Maraming salamat kasi palagi kang nandiyan para sa akin."
"Hindi ka welcome. May bayad 'yan."
Huminga si Serene at muli ay binigyan ng isang malakas na batok ni Angelo. Kulang na lang ay maalog ang buong utak nito dahil sa pambabatok niya.
Para naman kasing ewan 'tong kaibigan niya. Minsan na nga lang siyang magdrama, sinisira pa nito ang mood niya.
"Para ka na namang- h-hoy."
Ano'ng ginagawa mo?
Gusto 'yan itanong ni Serene kaya lang ay wala nang nalabas na boses sa kan'yang labi kahit na nakabuka naman ito. Tila ay natutop ng kaba ang kan'yang buong katawan dahil sa biglang paglapit ni Angelo.
Sa sobrang lapit nito ay naaamoy na rin niya ang hininga nito.
Mabango.
"Aray!"
Pero biglang nawala ang focus ni Serene roon sa kan'yang amoy nang pitikin ni Angelo ang noo niya. Hindi naman 'yon masakit. Sadyang nagulat lang siya.
"'Yan. Okay na, bayad ka na," nakangising wika sa kan'ya ni Angelo bago ito lumayo. Hindi nawala ang ngisi sa labi nito. "Akala mo ay ikaw lang ang puwedeng mambatok? Ako rin, 'no."
"Ewan ko sa 'yo!" pagsusungit na lang ni Serene bago ito humalukipkip. Hindi ito tumingin kay Angelo kahit pinagt-trip-an pa niya ang pangalan nito.
Matapos no'n ay tuluyan nang tumahimik si Angelo at binalot na ng katahimikan ang buong lugar nila.
Mali pala, sila lang kasi ang tahimik habang patuloy pa rin sa kanilang mga ginagawa ang mga kapitbahay. May mga nag-uusap, nagbebentahan ng mga karne at gulay, at may ilan pang nag-aaway.
Ito ang buhay na hindi niya nakagisnan. Kaya nga ay hindi rin siya nasanay kaagad makihalubilo sa mga tao, dahil mas sanay pa siyang kausapin ang dagat kaysa sa kan'yang mga kaklase.
"Pero, Serene..." Pinutol na ni Angelo ang katahimikan na namamagitan sa kanilang dalawa.
"Ano?"
"Hindi kita iiwan." Tumingin si Angelo kay Serene at halos malunod ang dalagita sa ipinapakitang ekspresiyon ng mga mata nito. "Palagi lang akong nandito para sa 'yo hanggang sa matupad mo ang mga pangarap mo."
Ngumiti siya pagkasabi no'n, pero agad din iyong nawala nang makita ang pagtaas ng kilay ni Serene.
"Huh? Pangarap ko lang? Baliw! Dapat sa 'yo ay binabatukan nang paulit-ulit, eh!"
Halos mapatakip siya ng dalawwng tainga dahil sa tinis ng boses nito, pero nagulat na lang siya at mabilis na tumibok ang puso nito nang hawakan ni Serene ang isa niyang kamay na nakapatong sa kan'yang hita.
Pinisil nito nang bahagya ang kan'yang kamay, at pagkatapos no'n ay may sinabi si Serene na hindi niya inaasahan.
"Sabay nating tutuparin ang pangarap nating dalawa, Angelo."