"GRABE, ang laki na ang anak ko," wika ni Felix kay Serene habang nag-aayos ito ng mga gamit sa bag para sa pagpasok nito sa eskuwelahan mamaya.
May dala-dala pa itong malaking cartolina at iilang art materials. Kailangan kasi nila 'yon para sa kanilang MAPEH class mamaya, kung saan ay kaklase niya ulit si Angelo. Grade 9 na sila ngayon at second quarter na kaya naman ay kailangan niya pang mas galingan nang husto ang pag-aaral.
Parang noon lang ay kakapasok lang ng kan'yang anak sa high school, tapos ngayon ay nangangalahati na ito sa kan'yang high school life. Kaunting pagsisikap pa at makakatapos din ito ng junior high.
Kung ikukumpara sa mga nakaraang taon ay malaki ulit ang ipinagbago ni Serene. Medyo nagkakaroon na ito ng laman dahil sa laging panlilibre ni Angelo rito. ng pagkain. Likas na maganda naman talaga ang anak, pero ngayon ay medyo marunong na siyang mag-ayos. Ngayon ay naka-waterfall braid ito na itinuro sa kan'ya ni Hajira at naka-lip tint din ito. Hindi naman 'yon gaano kakapal, pero sapat na upang magkaroon ng kulay ang labi niya.
Ang mga sinabi niya noon tungkol sa pagma-make up ay kinain niya rin dahil na-realize niya kung gaano kahalaga ang pag-aayos sa sarili.
"Sobrang proud sa iyo si tatay," dagdag niyang sambit habang hindi inaalis ang paningin sa anak.
Masasabi niyang kahit hindi siya naging perpektong ama para sa kan'yang panganay na anak ay napalaki naman nila ito ni Demi nang mabuti kahit papaano. Kapag naririnig niya mula sa mga kapwa mangingisda kung gaano sila kabilib kay Serene dahil sa pagiging mabait at matalino nito ay para siyang nakaririnig ng mga kanta mula sa Maykapal.
Palaging sinasabi ng kan'yang mga nakakausap, kapwa man niya mangingisda, kasamahan sa construction, o kaya naman ay mga mamimili mula sa kan'yang nahuling mga isda, na ang suwerte raw nilang mag-asawa dahil nagkaroon sila ng anak na kagaya ni Serene.
Hindi man naging maganda ang pakikitungo ng mga ito dati sa kanilang pamilya ay hindi nagbago ang pakikitungo ng anak sa kanila. Tumutulong pa rin ito sa abot ng makakaya niya.
Kaya tama sila. Malaki ang kan'yang pasasalamat dahil si Serene ang naging anak niya.
"Naku, 'yan na naman si tatay! Nagdadrama ulit!" natatawang sagot naman ng anak bago nito isinara ang backpack niya.
Ito ang gamit niya mula pa noong grade six siya. Luma man pero dahil maingat siya ay hindi pa 'yon nasisira nang husto. Ang mahalaga naman kasi para sa kan'ya ay mayroon siyang bag na puwede niyang paglagyan ng gamit.
Ayaw niyang dumagdag pa sa gastos ng mga magulang, dahil kahit na marami na silang nagtatrabaho ngayon, pataas naman ang mga bilihin kaya napupunta rin ang lahat ng kinikita nila sa kanilang araw-araw na gastusin.
Nakakapanghina.
Pero hindi siya susuko.
"Joke lang, itay! Kumusta na po ang tuhod ninyo?" kaagad naman niyang pambawi sa kan'yang sinabi nang lumapit ito sa ama na nakaupo lang doon sa gilid ng kanilang bahay. Baka kasi seryosohin ng kan'yang itay ang biro niya, mahirap na. "Sumasakit pa po ba?" dagdag niya pang tanong bago ito lumuhod sa gilid ng ama at sumulyap sa kanang tuhod nito na mayroon pang benda.
Naaksidente kasi ang ama roon sa kan'yang trabaho sa construction nitong mga nakaraang araw. Muntik na kasing mabagsakan ng malaking tubo ang kan'yang ama habang nasa trabaho. Nakaiwas ang kan'yang ama roon sa pamamagitan ng pagtalon pero nagkamali ng bagsak ang kanang tuhod nito.
Sinagot naman ng kumpanyang pinapasukan ni Felix ang pagpapagamot, pero dahil sa sitwasyon ng kan'yang tuhod ay kailangan muna niyang magpahinga. Nanghihinayang man sa puwede niyang sahurin kapag pumasok siya pero pinipigilan siya ni Serene at sinasabi na magpahinga na lang muna ito nang husto.
Dalawang araw na rin itong hindi nakakapangisda, pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay madiskarte si Serene. Nagagawan nito ng paraan ang kanilang mga gastusin pero hindi naman niya puwedeng i-asa lang sa anak ang lahat. Kailangan niya ring tumulong.
'Pesteng tuhod naman kasi ito,' ani Felix sa kan'yang isip.
"Maayos naman na," sagot ni Felix bago nito hinimas ang kan'yang tuhod. "Sa tingin ko ay kaya ko naman nang mangisda ulit bukas-"
"Oops, bawal muna, itay!" Hindi na pinatapos ni Serene ang kan'yang sasabihin.
Inaasahan na kasi niyang 'yon ang sasabihin ng ama. Kaya nga rin kinakausap niya muna ito sa ngayon ay para sabihin na huwag itong makulit at magpumilit na mangisda o magtrabaho kapag nawala na siya sa tabi nito.
"Mapupuwersa 'yong tuhod n'yo niyan, itay," dagdag pang pangaral nito habang tinititigan ang tuhod ng ama.
Hindi siya sigurado pero mukhang maayos naman na ito, pero hindi pa rin siya papayag na kumilos na kaagad ang ama. Kaya nga ginagawa niya ang lahat ng paraan na alam niya para kumita ng pera at isabay ang lahat ng sideline niya sa kan'yang pag-aaral upang makapagpahinga pa ito.
"Sige po, kayo rin! Kapag napuwersa nang husto 'yan ay hindi na kayo makakapangisda ulit. 'Di ba Joseph?" Lumingon siya kay Joseph na kalalabas lang ng kuwarto.
Tango lang ang isinagot nito sa kan'ya. Napangiti na lang siya dahil sa kanilang pamilya, si Joseph lang ang hindi palasalita. Hindi niya alam kung dahil ba mahiyain ito o dahil nahihirapan itong magsalita gawa ng bukol nito sa leeg. Hindi naman kasi ito nagsasabi sa kan'ya ng nararamdaman nito. Kahit patayin niya ito sa kiliti ay tahimik pa rin ito at ayaw pa rin magsabi sa kan'ya ng mga hinaing nito.
'Gagawa ng paraan si ate para mapagamot ka at mawala na ang bukol na iyan, Joseph.'
Ang bunsong kapatid niya ang isa sa nagbibigay sa kan'ya ng motibasyon upang mag-aral nang mabuti at magsikap.
"Tingnan n'yo si Joseph, 'tay. Ang dali kausap." Tumayo si Serene at lumapit ito kay Joseph na kalalagay lang ng dala nitong mga plato sa lamesa. "Kaya mahal na mahal ko 'tong kapatid ko na ito, eh!"
Pagkatapos ay ginulo niya ang buhok nito pero hindi naman gaano. Iniiwasan din ni Serene na masanggi ang bukol ni Joseph. Hindi man ito nagsasabi pero nang minsang matamaan ni Clea ang parteng 'yon ay ngumiwi si Joseph sa sakit.
Dahil doon ay palihim niyang pinagalitan si Clea at sinabihang mag-iingat na ito sa susunod.
"Love you too, ate," sagot naman sa kan'ya ng kapatid sa isang mahinang boses. Kung hindi pa nga niya ito katabi ay baka hindi niya pa narinig ang sinabi nito.
Mas lumawak ang ngiti ni Serene dahil sa sinagot sa kan'ya ni Joseph. Siya kasi ang nagturo rito ng mga salitang 'yon. Hindi katulad nila ni Clea ay hindi pumasok si Joseph sa eskuwelahan kahit sa elementarya man lang. Natatakot ang mga magulang nito na baka ay asarin lang si Joseph kapag nag-aral ito, at naiintindihan 'yon ni Serene.
Dahil kung siya ngang normal ay tinutukso sa kanilang eskuwelahan, paano pa ang kapatid niyang may kapansanan?
Kaya naman ang naging solusyon nila ay palitan na lang sila ni Clea sa pagtuturo kay Joseph. Sa pagt-tiyaga naman ay natututo na rin si Joseph magbasa, magsulat, at maging ang iilang ingles na salita na itinuturo ni Serene ay nakukuha na rin nito.
"Ang cute mo talagang bata ka!" Gigil na gigil man si Serene na kurutin ang cute na mukha ni Joseph ay pinigilan niya ang sarili. Imbes ay muli na lang niyang ginulo ang buhok nito bago humalik sa kanang pisngi nito. "Bantayan mo si papa rito mamaya, ha?" dagdag niya pang sambit at tumango lang ito.
Aalis din kasi si Clea mamaya para pumasok, at ang inang si Demi para magtrabaho.
"Serene, si Angelo nandoon na sa labas. Gumayak na na roon," saad sa kan'ya ng ina na kakapasok lang ng kanilang bahay. May dala-dala itong bilao na naglalaman ng iilang gulay.
Mukhang nakahingi ulit si Demi ng iilang gulay na maaari nilang ulamin para sa araw na ito. Napakagaling talaga ng kan'yang ina! Sa tingin niya ay sa ina rin nito nakuha ang pagiging madiskarte niya sa buhay.
"'Yong manliligaw mo ate- hoy joke lang! 'Yan na naman 'yong mahiwaga mong sapatos na mabantot naman!"
'Parang baliw itong si Clea!' wika pa ni Serene sa kan'yang isip habang hawak-hawak nito ang isa niyang sapatos na handa niyang ihagis sa kapatid kapag hindi ito tumigil sa pang-aasar sa kan'ya.
Mula kasi nang magkaisip ito ay hindi na siya tinantanan ni Clea sa pagsasabi na may gusto sa kan'ya si Angelo. Siyempre, kahit papaano ay umaasa siya roon sa sinasabi ng kapatid kada naririnig niya ito, pero hindi ito ang tamang oras upang mag-isip ng tungkol sa pag-ibig. Isa pa ay hindi naman siya sigurado kung tama nga ang hinala ng kapatid.
Sa dami ng umaaligid na babae sa guwapo niyang kaibigan, bakit naman sa kan'ya pa ito magkakagusto? Imposible iyon!
"Hindi mabantot 'to, ano! Etchos ka!" nakangiwi niyang sagot sa kapatid bago nito isinuot ulit ang sapatos niya roon sa kabilang paa nito. Hinablot na rin niya ang kan'yang bag at dali-daling isinukbit 'yon sa likod. "Aalis na po ako, 'nay, 'tay."
Humalik siya sa pisngi ng ina at lumapit ito sa ama nang mahalikan niya rin ito.
"Hindi ko sasabihin na galingan mo sa school, anak, pero magsaya ka roon, ha? Huwag mong isubsob ang sarili mo sa pag-aaral," dagdag pa nitong pangaral sa kan'ya pagkapaalam niya rito.
Ngumiti na lang si Serene bago tumango. "Pagaling ka, pa. Ipahinga mo muna nang husto ang tuhod mo. Ako na muna ang bahala sa ibang mga gastusin dito sa bahay kaya huwag ka na munang mag-isip." Kumindat pa ito sa ama bago ito tumayo at nagmamadaling tumakbo palabas ng kanilang bahay.
Muntik pa nga siyang matalisod kung hindi lang siya nahawakan ni Angelo sa kanang braso nito. Nakasimangot lang ito sa kan'ya habang nakakunot ang noo, nagtataka kung bakit masyado itong nagmamadali.
Tila ay may kuryenteng dumaloy sa katawan ni Serene nang maramdaman niya ang paghawak ni Angelo sa kan'ya. Biglang bumilis ang t***k ng kan'yang puso at naramdaman ang unti-unting pag-init ng kan'yang mukha.
Mainit ba? Dahil ba ito sa sikat ng araw? Pero, mainit din naman sa loob ng bahay kanina, ah!
"Mag-iingat ka nga. Delikado iyan," sambit pa nito sa dalagita bago nito tuluyang binitiwan ang braso nito. "B-Bakit wala ka pa roon sa bangka? Nagpapasundo ka pa talaga rito," kunwari ay naiinis pa nitong tanong pero sa totoo lang ay tinatakpan lang talaga niya ng pagsusungit ang kabang nararamdaman.
Ang ganda kasi ni Serene sa tali ng buhok niya ngayon. Hindi niya maiwasang mapatitig doon... at hindi niya rin mapakalma ang mabilis na t***k ng kan'yang puso. Ang lapit pa nito sa kan'ya. Naaamoy niya ang natural na halimuyak nito kaya naman ay huminga na lang siya nang malalim bago ibinaling ang paningin doon sa bangka.
Kaagad naman siyang kumaway nang makita si Mang Patricio na nakatingin lang sa kanila ngayon at naghihintay.
"Kasi late ka naman palagi, Angelo Jacob. Ano'ng gusto mo? Magpaaraw ako roon eh alam ko naman na hindi ka darating on time?" walang pag-aalinlangan namang pambabara ni Serene sa kan'ya. "Halika na. Panigurado ay aabot pa naman tayo kapag binilisan natin ang kilos." Hinawakan ni Serene ang kanang kamay nito at ipinagsalikop iyon.
Matagal na itong ginagawa ni Serene... pero bakit ngayon ay halos hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman sa init na dala ng kamay ni Angelo?
At halos hindi na rin marinig ni Angelo ang kan'yang mga iniisip dahil tinatalo ito ng mabilis na pagtibok ng kan'yang puso?
"Ano na, Angelo? Bilisan mo, aba."
"Ito na nga," sagot na lang niya sa nagsusungit niyang kaibigan. Na naman.
Akala niya ay simpleng crush lang ito noon... at kahit na unti-unti na niyang nakikita na hindi lang ito bastang simpleng paghanga ay pilit pinaniwala ni Angelo ang sarili na balang araw ay mawawala rin ang pagkagusto niya kay Serene.
Pero habang tumatagal ay mas lalo lang itong lumalalim... at tila ay hindi na niya alam kung paano pa siya aahon dito.