JULIE FELICITY ALCANTARA.
Siya ang nakababatang kapatid ni Demi. Matanda siya rito ng apat na taon, pero kung ikukumpara silang dalawa sa isa't-isa ay mas marami na ang narating ni Julie. Mas maganda ito, mas mukhang elegante, presentable... At higit sa lahat, mas marami ang nakuha nito sa buhay.
Kahit hindi na sila nag-uusap gaano ni Julie ay may mga nababalitan pa rin si Demi tungkol sa kan'ya. Mas dumami pa ang achievements nito.
Ang balita pa nga ni Demi ay kinukuha si Julie sa isang sikat na unibersidad para magturo roon, pero ang bali-balita, tumanggi ang kapatid dahil mas gusto niyang magturo sa Kawit upang gabayan ang mga bata sa pagtupad ng mga pangarap nila.
At bakit niya alam ang lahat ng iyon?
Paano ba namang hindi, eh lumipat ito ng baryo kung saan sila nagsama ni Felix? Dati naman ay sa ibang baryo ito nakatira. Hindi tuloy niya maiwasang isipin na baka sinadya siyang sundan ng kapatid. Wala namang kaso sa kan'ya kung naging guro ito ni Serene, pero hindi lang niya inaasahan na magkakaharap sila sa ganitong klaseng sitwasyon.
"Sinusumbatan mo ba ako ngayon dahil sa desisyon ko?" Ang tinutukoy nito ay ang pagsama niya kay Felix na naging dahilan para hindi siya makatapos sa kolehiyo. "E'di ikaw na, Julie Felicity! Ikaw na ang magaling! Ikaw na ang sobrang hinahangaan ng lahat!"
Sa bawat salitang binibigkas nito ay mahihimigan ang pagiging sarkastiko roon.
"Hindi iyon ang tinutukoy ko, ate—" pangangatuwiran pa sana nito, pero kaagad na pinutol ni Demi ang kan'yang sasabihin.
"Tigil-tigilan mo ang kakatawag mo ng ate sa akin, Julie! Dahil mula nang itinakwil ako ni mama, at hindi mo man lang ako ipinagtanggol, itinakwil na rin kita bilang kapatid!" Masama ang loob ni Demi sa mga nangyari, at kahit kailan ay hindi na iyon mawawala. "Ikaw ang dahilan kung bakit kailangan naming danasin ang ganito!"
Gustong magpaliwanag ni Julie. Hindi iyon ang gusto niyang sabihin. Wala naman kasi siyang pakialam sa nakaraang pilit isinusumbat sa kan'ya ng kapatid, pero ang bawat salitang sinasabi nito ay bumabaon sa kan'yang puso.
Nang tinitigan niya si Demi sa mata ay wala man lang pagsisisi sa mga sinabi nito. Mukhang malaki talaga ang galit ng kapatid sa kan'ya. Sa pag-aakala niyang lilipas din iyon sa paglipas ng panahon ay hinayaan niya muna si Demi, pero mukhang habangbuhay pala siyang kasusuklaman nito.
Hindi niya alam kung bakit, pero bakit kasalanan niya pa kung palagi siyang nagsusumikap para tuparin ang mga pangarap niya?
Hindi naman siya sobrang talino. Hindi siya kagaya ng ibang mga kaklase na isang basa lang doon sa lesson nila ay nakukuha na nila 'yon kaagad. Kung ang mga kaklase niya ay kailangang mag-aral ng dalawang beses, siya naman ay kailangan pa 'yon doblehin, triplehin— o higit pa, depende kung hanggang saan kakayanin ng katawan niya.
"Ang sakit mong magsalita, ate Demi," may hinanakit na sabi nito sa babaeng kaharap.
Tumingala ito upang iiwas ang tingin kay Demi, pero kaagad itong napapikit dahil sa sikat ng araw. Masakit man sa mga mata ang sikat ng araw, mas kaya niya itong indahin kaysa sa sakit ng mga sinabi ni Demi. Para itong mga kutsilyo na dumarag sa kan'yang puso.
Huminga ito nang malalim upang mapigilan ang pagtuloy ng luha niya.
"Pero alam mo, ate? Ikaw lang din naman ang nahihirapan sa ginagawa mo, eh."
Tutal ay nandito na rin naman siya, mainam na rin sigurong sabihin niya ang lahat ng hinanakit niya. Hindi lang naman kasi si Demi ang nagkikimkim. Siya rin ay may nakatagong sama ng loob dito... at ganoon na rin kay Aaliyah, ang ina nila.
"Hindi ko alam kung ano ang kasalanan ko dahil sa nangyari noon, ate. Ikaw ang pumili ng landas mo. Ikaw ang nagsabi kay mama na si Felix ang pinipili mo at hindi kami." Hindi man gusto ni Julie pero may halong panunumbat na ang boses nito. "Pero bakit ikaw pa ang galit sa akin ngayon? Hindi kita maintindihan."
Natahimik si Demi pagkarinig no'n. Gusto niyang sigawan ito para lang hindi siya magmukhang mahina at kawawa sa harapan nito. Sa ayos ng itsura nito ay nanliliit siya, at iyon ang dahilan kung bakit siya nagagalit ngayon sa kapatid... kahit na wala naman itong ibang ginagawa sa kan'ya.
Nilalamon siya ng kan'yang inggit.
Pati ng pagsisisi, dahil kung itinuloy sana niya ang pag-aaral noon, maayos sana ang kan'yang buhay ngayon. Nabibigyan niya rin sana ng maayos na buhay ang mga anak kung mayroon sana siyang tinapos.
Pero kasabay ng pag-alala niya sa kan'yang pag-aaral ay ang pag-alala niya rin sa kung paano sila hinamak ng bawat tao. Wala silang tigil sa pagsasabi na hindi nila kakayanin ang mga problemang 'to dahil hindi naman nila kayang makapag-aral.
Wala silang pera para roon, at ang dahilan kung bakit iyon naging mas masakit... ay dahil totoo naman ang lahat ng sinasabi ng iba tungkol sa kanila.
Gusto niyang ilayo si Serene sa ganoong klase ng karanasan. Ayaw niyang maranasan nito ang sakit na naramdaman nila noon.
"Gusto kong tulungan si Serene. Alam mo kung bakit, ate?" tanong ni Julie pero tinaasan lang siya ng kilay ni Demi.
Ganoon pa man, hindi katulad kanina ay mas mahinahon na ang ekspresiyon ng mukha nito.
Sa mga panahong 'yon, iniisip ni Demi kung dapat niya bang payagang mag-aral ang anak. Ngunit, paano kung masaktan ito? Masyadong mabait ang kan'yang anak. Alam niyang hindi ito lalaban kahit na apihin na ito ng ibang tao.
"Dahil nakikita ko ang sarili ko sa kan'ya. Nakikita ko 'yong kagustuhan niyang matupad ang mga pangarap niya."
Napangiti siya dahil naalala niya ang kakaibang kislap sa mga mata ni Serene kapag nag-aaral ito.
"Alam mo ba kung ano ang sinabi sa akin ni Serene noong tinanong ko siya kung bakit gusto niyang mag-aral?" dagdag niya pang tanong.
Napangiti si Julie nang maalala iyon. Noong una kasi, akala niya ay si Demi mismo ang nagpupumilit kay Serene na mag-aral ito. Akala niya ay ipinipilit ni Demi kay Serene na tuparin nito ang minsang naging pangarap niya rin noon.
'Yon pala ay kabaliktaran ang reyalidad sa kan'yang naiisip.
"Ayaw po ng mga magulang ko na mag-aral ako, teacher..." malungkot na saad ni Serene nang minsan ay maiwan ito mag-isa sa loob ng classroom habang nag-aayos ng gamit.
Sa mga panahon na 'yon ay hindi niya pa alam na anak pala ni Demi si Serene. Iba kasi ang apelyidong ginamit nito. Noong umalis siya sa puder ng kan'yang ina, ang tanging impormasyon lang na mayroon siya ay ang lugar kung saan ito nakatira.
"Pero gusto ko po mag-aral para sa kanila."
"Pero, alam mo kung ano ang pinagkaiba namin... na ikinapareho mo naman sa kan'ya?"
Hinawakan ni Julie ang magkabilang balikat ng kapatid. Halatang ayaw nito sa kan'yang ginawa, pero wala naman siyang ibang naging reaksyon. Kumunot lang ang noo nito pero hindi naman niya inalis ang pagkakahawak nito.
"Likas siyang matalino, Demi. Katulad mo."
Sa sinabing iyon ni Julie ay biglang naalala ni Demi ang mga pangyayari noong bata pa siya.
Hindi siya madalas mapuri dahil hindi naman siya ganoon kagaling sa academics, pero pagdating sa extracurricular activities ay halos malampasan nito si Julie. Marunong siyang magluto, manahi, maglaba, at nabigyan pa nga siya ng best in home economics award dahil doon.
Sa mga panahong 'yon ay bigla niyang na-miss ang sarili. Naaalala niya noon kung gaano siya kasaya sa mga ginagawa niya noon. Hindi man naa-appreciate ng ina ang lahat ng achievements niya, pero ang mahalaga ay masaya siya... pati si Felix na palagi lang nakasuporta sa bawat daang tinatahak niya.
Ika nga ni Felix, hindi naman palaging nasa academics lang ang talino ng bawat tao. Hindi sa grado nasusukat ang talento at galing ng isang indibidwal... na siyang nawala sa kan'ya mula nang hayaan niya ang sariling lamunin magpalamon sa inggit.
Hinayaan niya ang sarili na malugmok sa kahirapan, at nadamay pa nga ang mga anak niya dahil doon.
Ang humadlang din sa kan'ya ay ang kan'yang sarili.
"Kaya hayaan mo akong tumulong, ate Demi," pangungumbinsi sa kan'ya ng kapatid. "Si Serene lang naman ang pagtutuunan ko ng pansin. Alam kong ayaw mo na sa akin bilang kapatid, sinabi mo na rin 'yon kanina sa akin."
Napalunok si Julie at nangilid ang luha nito pagkasabi niya no'n. Ayaw man niya aminin, pero nasasaktan siya kapag naaalala 'yon.
"Hayaan mo akong tumulong... kahit si Serene man. Tulungan natin siyang tuparin ang pangarap niyang mag-aral. Huwag nating patayin ang apoy sa puso niya."
Apoy.
Napangiti si Demi nang malungkot nang maalala ang apoy na tinutukoy ni Julie. Apoy ang tawag nila sa kakaibang motibasyon nila para mag-aral. Minsan na siyang nagkaroon no'n sa kan'yang puso, pero pinatay din ito ng mga tao sa paligid niya.
"Apoy," wika ni Demi bago ito tumitig kay Julie nang masama. Nagtaka si Julie habang iniisip kung may mali ba siyang nasabi.
Padabog na inalis ni Demi ang pagkakahawak nito sa magkabilang balikat niya.
"Ang apoy na tinutukoy mo ang sumira sa buong pagkatao ko, Julie," ani Demi sa isang nakakatakot na tono. "Salamat, ha? Muntik na sana akong pumayag sa sinasabi mo. Muntik mo na akong mademonyo."
Pagkatapos no'n ay isang malakas na halakhak ang narinig ni Julie. Nakakaawa iyon na nakakatakot din.
Maging si Demi ay hindi na rin maintindihan kung ano talaga ang kan'yang nararamdaman. Akala niya ay hindi siya magpapauto sa sasabihin ng nakababatang kapatid, pero ito siya ngayon, bahagyang minumura ang sarili dahil muntik na siyang pumayag sa plano nito.
"Bago lumaki ang isang apoy at magbaga ito nang husto," humakbang siya papalapit kay Julie at hinawakan nang mariin ang pisngi nito, "dapat ay mapatay ko muna ito."
Lumingon ito saglit sa kan'yang gilid dahil nakita niyang paparating ang asawa. Malayo pa lang ito pero kitang-kita sa katawan nito ang pagod. Ganoon pa man, ngumiti ito nang malapad nang makita siya.
Imbes na kumaway pabalik ay inirapan niya lang ito. Hanggang ngayon ay naiinis pa rin siya, at mukhang matatagalan pa bago iyon mawala, lalo na nga at gumawa pa ito ng katangahan kanina bago ito mangisda.
Bakit kaya ito pumayag na mag-aral ang anak?
"Palagi mong sinasabi na tutulungan mo ang anak ko, pero ano lang ba ang itutulong mo? Pagsusulat, pagbabasa, at pagp-present sa harap ng mga kapwa niya kaklase? Kaya ko rin 'yon!"
Mas lumawak ang pagngisi ni Demi pagkasabi niya no'n.
"Pero, matutulungan mo ba siya sa lahat ng sakit na pagdaraanan niya?" dagdag niya pang tanong. "Hindi madaling mag-aral lalo na kung mahirap ka lang. Dapat nga ay mas alam mo 'yon kaysa sa akin."
Nanlaki ang mga mata ni Julie dahil sa tinuran ni Demi. Para kasing hindi na para kay Serene ang sinasabi nito, kung hindi tungkol sa sarili niya. Mukhang ito ang takot ni Demi na matagal nitong nakimkim sa kan'yang puso. Ang masama nga lang doon. idinidikta rin nito kay Serene ang takot na mayroon siya.
Na baka maranasan din ni Serene ang paghihirap dahil sa ibang tao... na hindi imposibleng mangyari.
Dahil noong nag-aaral din siya sa kolehiyo, hindi rin biro ang hirap na pinagdaanan niya. May-kaya sila. Sagot ng ina ang kan'yang pag-aaral at maging ang mga kakailangan nito sa eskuwelahan, pero hindi ibig sabihin no'n na hindi na siya mahihirapan sa kursong kan'yang kinuha.
Naaalala niya ang dugo at pawis na kan'yang inilaan para lang makapasa sa lahat ng kan'yang subject, lalo na at nag-working student din siya dahil sa dami ng bayarin noon. Paminsan-minsan ay umiiyak na siya dahil sa pagod, lalo na kapag nagsasabay-sabay ang mga gawain, pero wala siyang ibang puwedeng gawin kung hindi ang lumaban.
"Hindi ka makasagot, ano?"
Napangisi si Julie bago ipinagkrus ang mga kamay sa kan'yang dibdib. Iyon na nga ba ang sinasabi niya. Masyado itong natutuwa dahil matalino ang anak. Alam niyang maraming oportunidad ang nakaabang sa isang babaeng kagaya ni Serene, pero ni minsan ay walang nag-isip sa maaari nitong pagdaanan bukod sa kan'ya.
"Kaya tigilan mo ang kahibangan mo," tugon nito sa isang nagbabantang tono. "Tigilan mo ang anak ko."