Kabanata 8

2335 Words
"HOY, DEMI!" Napapitlag si Demi nang biglang may tumawag sa kan'ya. Si Nerissa iyon, ang isa sa mga kasamahan niyang naglalabada rito sa kanilang barangay. Nasa ibang lugar ito nakatira pero dumadayo ito sa kanila dahil mas marami ang trabaho rito, lalo na para sa kanilang mahihirap at hindi nakapagtapos ng pag-aaral. "Kung makasigaw ka naman, Nerissa!" angil ni Demi bago pinagpag ang mga damit nang padabog. "Aatakihin yata ang puso ko dahil sa iyo, eh!" Nanghihina man dahil bagong panganak lang siya, kinakaya pa rin ni Demi ang trabaho dahil sa mga taong kagaya ni Nerissa. Hindi niya alam kung matatawag niyang kaibigan ang babae, pero hindi katulad ng iba ay hindi siya minamata nito. Siguro ay dahil hindi naman alam ng babae ang tunay nilang estado sa buhay. Na sila ang pinakapinandidirihan ng mga tao rito dahil ayon nga sa sinasabi nila, mas mahirap pa sila sa daga. "Mare, may tsismis kasi ako!" Umupo ito sa kan'yang tabi, hindi alintana kung basa man ang inupuan dahil wala naman itong arte sa katawan. "Fresh na fresh ito at kanina ko lang nasagap! Isa pa, ako talaga ang source nito!" dagdag pa nito. Gamit ang hintuturo at ang gitnang daliri ay itinuro nito ang magkabilang mata. "Ako talaga ang nakakita!" Napailing na lang si Demi dahil sa sinabi nito. Isa talagang marites itong si Nerissa. Mula sa tinitirhan hanggang sa pinagtatrabahuhan ay palagi itong may dalang tsismis. Nakatutulong din naman 'yon sa kan'ya paminsan-minsan. Kahit papaano ay alam niya ang nangyayari sa paligid kahit nasa malayo sila, pero minsan ay naiinis din siya rito dahil tulad na lang ngayon, busy pa siya sa paglalaba pero itong si Nerissa at iniistorbo siya. "Ano na naman 'yon?" angil ni Demi bago ito umirap at tinutukan ang katabi ng hawak nitong brush. "Naku Nerissa, ha! Tapos ka na ba maglaba roon? Baka naman mahuli tayo ni madam niyan at pati ako ay masabit!" Napangiwi si Nerissa dahil sa ginawa ni Demi. Natalsikan kasi ito ng sabon na nasa kamay ni Demi. Muntik pa itong tumama sa kan'yang mata. Masakit kaya iyon! "Eh, hindi 'yan! Wala naman si madam ngayon, saka babalik din ako roon mamaya," pagdadahilan naman niya bago muling sumulyap sa puwestong iniwanan nito kanina. Nakahinga ito nang maluwag dahil wala naman doon ang kanilang amo, si madam."Pero ito na nga, may tsismis ako tungkol kay Lorenzo," panimula nito. "'Di ba ay kilala mo iyon? Pinagkakautangan 'yon ni Felix. Balitang-balita na 'yon dito." 'Balitang-balita pero huli na nang nalaman ko,' naiinis na wika ni Demi sa kan'yang isip. "Oo, bakit? Ano'ng mayroon?" Naging alerto ito nang marinig ang pangalan ni Lorenzo, ang dahilan kung bakit kailangan niyang kumayod kahit hindi niya pa nababawi nang tuluyan ang lakas niya. Gagawin niya ang lahat para mabayaran niya ito. "Ganito 'yan, mare." Umayos ito ng upo bago itinuloy ang pagkukuwento. "Napadaan kasi ako sa bahay n'yo kanina..." panimula nito at inalala ang kan'yang nasaksihan kanina. Naglalakad si Nerissa kanina sa tabingdagat upang hanapin ang crush niyang mangingisda roon, pero napasimangot na lang siya nang makita na wala pala roon ang hinahanap niya. Sobrang crush pa naman niya si Lucho dahil matipuno ang katawan nito, at sobrang sarap pang... kasama. Mukhang masaya itong kasama. Pero imbes na si Lucho ang mahanap ay si Lorenzo ang nakita nito. Sa itsura nito ay mukhang handa itong pumatay ng tao ano mang oras, kaya naman ay dali-dali siyang lumayo. Halos madapa pa ito sa buhanginan pero mas binilisan lang nito ang kilos, lalo na nga at nang makitang dumiretso ito sa bahay ng kumareng si Demi at nagwala roon. Alam niya ang tunay na estado ng buhay nila Demi, pero hindi na lang niya iyon sinasabi sa babae. Ayaw niyang lumayo ito sa kan'ya. Tunay na kaibigan pa naman ang tingin niya kay Demi dahil na rin sa mabait ito, at pinagt-tiyagaan nito ang ugali niyang inaayawan ng iba. Sa puwesto niya ay rinig na rinig ang pagwawala ni Lorenzo, pero mabuti na lang din at biglang may pumasok na mga pulis doon at niligtas ang mga bata. Ganoon pa man, nagmamadali pa rin siyang tumakbo palayo upang maikuwento ang lahat sa kan'yang kumare. "A-Ano ulit 'yon,?" Kaagad na napatigil si Demi sa ginagawa nito nang marinig ang sinabi ni Nerissa. Hindi siya makapaniwala sa paraan ng pagkukuwento nito. Bakit parang pang-marites lang ang paraan niya ng pagkukuwento gayong sobrang bigat ng sinabi nito? "Sabi ko, 'yong bahay n'yo roon kanina, nagkakagulo nang dahil kay Lorenzo!" pag-uulit pa nito. Parang naiinis pa nga ito dahil hindi siya sigurado kung nakikinig nga ba si Demi sa kan'yang tsismis. "May dalawang pulis doon, tapos 'yong anak mo, umiiyak— teka, mare! Hindi pa tapos 'yong kuwento ko!" Hindi na natapos ni Nerissa ang sasabihin nang biglang tumayo si Demi at padabog na inalis ang apron na nakalagay sa katawan nito. "Sana naman iniklian mo ang tsismis mo para nalaman ko kaagad na nasa panganib na ang anak ko, hindi ba?!" singhal ni Demi bago ito kumaripas ng takbo. Sa mga panahong 'yon, bigla niyang nakalimutan na wala pa nga pala siyang masyadong enerhiya para tumakbo. Ang pag-iisip na baka kung ano na ang nangyayari sa kan'yang mga anak ang nagbigay sa kan'ya ng lakas upang kumilos. Ganoon talaga ang pagmamahal ng mga ina sa kanilang mga anak. Wala itong katumbas kahit na minsan ay hindi ito kaagad makita ng iba. "Teka lang kasi— Demi!" ani Nerissa pero kaagad nang nawala si Demi sa kan'yang paningin. HAPONG-HAPO na si Demi dahil sa layo ng kan'yang tinakbo pero ni saglit ay hindi ito tumigil. Tiniis nito ang pagkakapos ng kan'yang hininga hanggang sa makarating ito sa kanilang kubo. Nang makapasok doon ay kaagad nitong hinanap si Serene, pero ibang tao ang bumungad sa kan'ya. "Ano'ng ginagawa mo rito?" nanggigigil niyang tanong sa babaeng nasa kan'yang harapan. Buhat-buhat pa nito si Joseph na mukhang natutuwa naman sa kan'ya. Kaagad na bumusangot ang mukha ni Demi bago nito kinuha kay Julie ang bunsong anak. Nagulat ang guro sa naging asta nito pero pinilit na lang niyang ngumiti. "Ah, magandang araw—" pagbati sana nito pero hindi na niya natapos ang sasabihin nang biglang sumigaw ulit si Demi. "Nasaan ang anak ko? Serene!" pagalit na ang tono ng boses nito bago nilibot ng tingin ang buong bahay. Makita pa lang ang guro ni Serene na si Julie ay kaagad na nag-init ang ulo nito. Naiinis kasi siya dahil kung anu-ano ang pinagsasasabi nito kay Serene. Iyan tuloy, hindi na niya makontrol ang panganay na anak sa pagiging sutil nito. Gusto na nitong mag-aral kahit na malaki ang pagtutol niya rito. "Inay!" Lumingon si Demi sa labas nang marinig ang boses ng anak. Doon ay nakita niya si Selene na nakangiting lumapit sa kan'ya. Kasama nito ang isang lalaking halatang hindi nakatira sa baryo nila. At paano niya nalaman? Dahil sa ayos nito. Mukhang bago ang uniform nito at makinis din ang balat nito. Halatang may-kaya at hindi nababagay sa kanilang barangay. "Clea," ani Demi bago inilagay sa higaan si Joseph. Nandoon naman si Clea at nagbabantay dito kaya kaagad siyang lumapit kay Serene. "Ano'ng nangyari rito?" pagtatanong niya sa anak. Masungit man pero may himig ng pag-aalala sa tono ng boses nito. "May masamang nangyayari na pala rito, hindi mo pa sinabi sa akin! Sana ay tumawag ka man lang para hindi ako nag-aalala!" "Sorry po, inay..." tanging sagot lang ni Serene bago ito yumuko. Natatakot si Serene na baka ay galit na ang ina sa kan'ya. Tumataas na kasi ang boses nito, pero biglang nawala ang kan'yang takot at napalitan ng pagtataka nang maramdaman niya ang marahang pagpisil ni Angelo sa kanang kamay niya. Hindi alam ni Serene pero napangiti siya bago tumingin kay Angelo. Kahit papaano ay kumalma ang puso niyang naghuhurnamentado. "Ayos ka lang ba, ha?" Hindi naman 'yon napansin ni Demi dahil mas nakapokus ito sa anak. "Ang mga kapatid mo? Bakit naman nandoon ka sa labas at wala ka rito sa loob?" Alam naman niya ang sagot doon pero gusto niya pa ring isumbat 'yon sa anak. Dapat ay hindi ito basta-basta nagtitiwala sa kung sino lang, lalo na sa kay Julie na dinedemonyo ang utak ng anak niya. Kahit kailan naman kasi ay hindi niya nagustuhan ang babaeng 'yon. Pakiramdam niya ay puro kaplastikan lang ang ipinapakitang ugali nito. "Ayos naman po sila, inay," pagsagot naman ni Serene sa mahinang boses nito. "Tinulungan po ako ni teacher Julie at ni Angelo po..." Halos maging kamatis sa pula ang mukha ni Angelo dahil sa marahang pagpisil ni Serene sa kamay niya. Tumitindi kasi ang kaba nito habang kaharap si Demi, habang tumitindi naman ang kakaibang nararamdaman ni Angelo habang nakatitig ito sa kamay nilang magkahawak. Walang pakialam si Demi roon dahil parehas pa namang bata si Serene at ang lalaking katabi nito, pero alam kasi ni Julie ang tungkol sa puppy crush na nararamdaman ni Angelo. Napatawa ito nang bahagya dahil doon. Kaagad tuloy na nabaling sa kan'ya ang atensiyon ni Demi na nakakunot na ang noo ngayon. "Maraming salamat, pero makakaalis ka na," malamig na wika nito. Tumayo ito at tumitig kay Julie habang nakakrus ang magkabilang kamay sa kan'yang dibdib. Walang pagdadahan-dahan o kaya naman ay paggalang sa paraan ng pakikipag-usap ni Demi. Kung galit siya ay ipapakita niya. Wala siyang balak magpakaplastikan dahil hindi siya ganoon pinalaki ng kan'yang ina. "Tutal ay nandito na lang din po ako, puwede ko po ba kayo makausap?" Habang si Julie naman ay pinipilit lang na magtimpi, kahit na sa totoo lang ay nagsisimula na rin itong mapikon. Huminga siya nang malalim pero hindi 'yon gaanong tumalab upang mapagaan ang kan'yang pakiramdam. Sa ipinapakita ni Demi sa kan'ya, parang siya pa ang masama kahit na gusto lang naman niyang tumulong. "Hindi. Busy ako. Sa susunod na lang," kaagad na sagot nito. "Pero—" Hindi na natapos ni Julie ang sasabihin nang muli siyang sigawan ni Demi. "Sa susunod na nga lang!" Nanlaki ang mga mata nito. Alam ni Julie ang pinanggagalingan ng galit nito, pero hindi niya lang inaasahan na ipapakita iyon ni Demi sa kan'ya nang harap-harapan, pati na sa mismong harap ng tatlong anak nito... Si Serene na nagtatakang nakatingin sa ina habang nakatagilid ang ulo, si Clea na nakaupo lang doon sa tabi, at si Joseph na wala pang muwang sa mundo. Pero hindi siya magpapasindak dito. Si Serene naman ang pakay niya at hindi si Demi. "Simula ngayon ay pupunta na ako rito araw-araw para turuan si Serene." Simple lang ang sinabi ni Julie pero alam niyang nagulat si Demi roon. Nanlaki kasi ang mga mata nito habang nakatingin sa kan'ya. "Ako rin po," pagsingit pa ni Angelo sa isang mahinang boses. Itinaas pa nito nang bahagya ang kamay na para bang nagre-recite. Dahil doon, hindi na napigilan pa ni Demi ang mapatawa nang sarkastiko. Hindi niya alam kung bakit, pero nahihibang na yata ang guro sa gusto nito. Kung akala niya ay tatalab sa kan'ya ang pagiging matapang ni Julie, akala niya lang 'yon. Dahil hindi siya papayag sa gusto nito. Siya ang ina ni Serene. Siya ang masusunod sa kung ano ang magiging takbo ng buhay nito. "At sino naman ang nagsabi sa 'yo na papayag ako sa gusto mo?" Nakangisi itong lumapit kay Julie at dinuro-duro pa ang balikat nito. "Hangga't hindi ako pumapayag ay hindi ka makakatapak sa pamamahay ko— Ano ba, Julie!" Nagpapapalag si Demi pero malakas si Julie kahit 'di-hamak na mas bata ito kaysa sa kan'ya. Gusto sanang pigilan ni Serene ang guro at ina, pero kaagad na humigpit ang pagkakahawak sa kan'ya ni Angelo. Nang tapunan siya ng tingin ni Serene ay kaagad siyang umiling, tila sinasabi na hindi magandang ideya ang makialam sa usapan ng matatanda. "Doon muna tayo," saad ni Angelo bago hinila si Serene papunta sa puwesto ni Clea na biglang napangiti nang makita ang ate niyang papalapit. "Sumama ka sa akin," ani Julie at akmang hahatakin si Demi pero kaagad itong nagpumiglas. "Hindi!" pagalit na tugon nito. Mas malakas na ang boses nito kaysa kanina. "Ito ang bahay ko kaya ako ang masusunod kung saan tayo mag-uusap—" Hindi na natapos ang pagsasalita ni Demi nang bigla siyang hinila ni Julie palabas ng kubo. Tirik ang araw at nagsimulang umingay ang alon sa dagat. Dahil doon ay biglang tumulo ang pawissa noo ni Julie dahil hindi siya sanay sa ganitong klase ng init, habang si Demi naman ay tila walang pakialam kung mabaho na siya o hindi. Nasa kamay na kasi ni Julie ang atensyon nito. "Ano ba, Julie! Huwag mo akong mahawak-hawakan!" Gamit ang buong lakas ay inalis ni Demi ang pagkakahawak sa kan'ya ng dalaga. "'Di ba ay ikaw naman ang paboritong anak? Bakit ba nandito ka at nagbabait-baitan sa anak ko? Hindi ko kailangan ng pagpapanggap mo!" Sa mga oras na 'yon ay tuluyan nang sumabog si Demi. Nabanggit na nito ang personal niyang koneksyon sa guro. Hindi niya alam kung dahil ba sa init ng panahon, dahil sa masamang nangyari sa mga anak habang wala siya, o baka naman dahil sa tagal niyang kinimkim ang kan'yang sama ng loob kaya nasabi niya ang mga bagay na iyon. Kung ano man doon ang dahilan ay sa isang bagay lang siya sigurado. Hindi niya na gustong makita si Julie kahit kailan, at hindi ito papayag na pati ang anak ay makuha nito mula sa kan'ya. "Demi..." Pero imbes na sabayan ang galit ay nanatiling kalmado si Julie. "Ate." Lumayo siya nang bahagya kay Demi upang hindi na ito magwala at magsisisigaw pa sa kan'ya. Ang gusto lang naman niya ay makausap ito nang maayos, at ang mag-isip ng magandang kinabukasan para sa kan'yang pamilya. Lalo na kay Serene dahil mataas ang motibasyon nito para mag-aral. "Huwag mong ipagkait sa anak mo ang kagustuhan niyang matupad ang mga pangarap niya," aniya sa isang mahinang tono. "Ginawa mo na nga 'yon sa sarili mo, pati ba naman sa anak mo ay ipagkakait mo 'yon?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD