Kabanata 3

1665 Words
NANDILIM ANG PANINGIN ni Felix sa mga librong nakita niya sa ilalim ng banig. Hindi niya alam kung bakit nandoon pa rin ang mga librong ginamit ni Serene noon sa kan’yang pag-aaral. Itinapon na niya ito noon, dahil napag-usapan na nila ni Demi na patitigilin na nila si Serene sa pag-aaral. Marunong na siyang magsulat at magbasa. Hindi na niya kailangang tumuloy pa. “Serene,” pagtawag niya sa anak nang matapos na itong maghugas. “Ano ito?” dagdag niyang tanong bago ipinakita ang mga libro na nakatago pa roon sa ilalim ng banig. Napasinghap ang batang babae sa kaba nang makita ang ekspresiyon ng mukha ng ama habang mahigpit ang pagkakahawak nito sa libro. Mukha itong galit, at mukhang sesermunan din siya nito ano mang oras. Naghahanap lang siya ng tiyempo para magsabi sa mga magulang na papasok siya sa eskuwelahan, pero ito nga at nakita pa ng ama niya ang pinakaitinatago niya. “Mag-aaral po ako, itay…” Yumuko siya pagkasabi no’n habang pinaglalaruan ang kan’yang mga daliri. Napakunot ang noo ni Felix sa sinabing iyon ni Serene. “Papasok? Papasok ka sa eskwelahan?” pag-uulit nito sa isang mariin na tono bago hinagis sa sahig ang hawak niyang libro. Napapitlag si Serene dahil doon. “Hindi ba ay napag-usapan na natin ito? Titigil ka na sa pag-aaral. Marunong ka naman nang magbasa at magsulat. Bakit ba gusto mo pang pumasok sa lintik na eskuwelahan na iyan?” Hinilot ni Felix ang sentido habang nakapikit. Hindi naman sa pinagkakaitan nila si Serene ng edukasyon, ngunit para sa kanila ni Demi, isa lamang itong pag-aaksaya ng oras. High school graduate si Demi, ngunit nahirapan pa rin ito sa paghahanap ng trabaho. Ayaw lang nilang umasa rin ang kanilang anak na giginhawa ang kanilang buhay kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral. Ayaw nilang maranasan ng anak ang paghihirap na naranasan nila dahil sa malupit na mundo… lalo na sa mahihirap na taong katulad nila, at lalo na sa mga taong may busilak na kalooban at pag-asa sa lahat ng bagay kagaya ni Serene. “Pero itay, grade three na po ako,” nagsusumao nitong saad. Pabagsak na rin ang luha nito pero kinagat niya ang pang-ibabang labi upang pigilan ito. Hindi nakaligtas sa paningin ni Serene ang masamang tingin na ipinupukaw sa kan’ya ng ama. Halatang hindi nito nagugustuhan ang bawat salitang lumalabas sa kan’yang bibig. Inaasahan naman niya ang pagkontra ng ama, at lalo na ng kan’yang ina. Ang kan’yang ina na palaging nagsasabi na walang kuwenta ang edukasyon. Hindi niya alam kung ano ang naranasan ng kan’yang mga magulang para kamuhian nila nang husto ang pag-aaral, ngunit kahit ano pa man ang pagsubok na pagdaanan niya ngayon, hindi siya susuko. Nakatanim na sa isipan ni Serene na magtatapos siya ng pag-aaral, at makakaahon sila sa kahirapan kapag nangyari iyon. Hindi na rin kami maaapi pa ng ibang tao. “Gusto kong mag-aral, itay.” May paninindigan sa boses ni Serene. “H’wag po kayong mag-alala, dahil may uniporme naman na po ako. Nahingi ko po sa kaklase ko!” aniya habang abot-tainga ang ngiti. Halata sa kilos ni Serene ang kagalakan dahil nakagawa siya ng paraan upang magkaroon ng sariling uniporme. Mayroon na rin siyang tatlong notebook at isang lapis na ibinigay din sa kan’ya ng mga kaklase. Nagsabi kasi si Serene na baka ay hindi siya makasabay sa pagpasok ngayong grade three na sila, kaya gumawa ang mga kaklase niya ng paraan para sa mga kulang niyang gamit. Ganoon din ang ginawa ng mga ito sa kan’yang libro. Sa Barangay Poblacion pumasok si Serene dahil ayaw siyang tanggapin ng mga ka-baryo sa kanilang eskuwelahan. Baka raw kasi ay mahawaan pa ni Serene ng karumihan ang iilang estudyante roon. Noon ay hindi niya pa naiintindihan ang ibig nilang sabihin, pero hindi rin nagtagal ay alam na niya kung bakit ganoon ang sinasabi ng iba sa kan’ya. Dahil mahirap lamang sila. Kung hindi siya nagkakamali, sila ang pinakamahirap sa baryo nila. Sila lang ang bukod-tanging pamilya na walang sariling bahay at nakatira lang sa isang bahay-kubo malapit sa dagat. Wala naman silang magagawa roon. Kailangan nilang mabuhay. Tinitiis nila ang lahat ng panlalait ng ibang tao upang mabuhay at mairaos ang bawat araw na tila ay isang palahok para sa kanila. Sunod-sunod ang pagsubok. Ni hindi man lang sila binibigyan ng oras upang makapagpahinga man lang. Pagkatapos ng isang problema, may panibagong problema naman ang parating. “Mabait sila, itay. Handa nila akong tulungan,” dagdag pang pangungumbinsi ni Serene, ngunit hindi pa rin kumikibo ang kan’yang ama. Nakatulala lang ito habang nakatitig sa pader. Laking pasasalamat lang din ni Serene dahil ang mga kaklase niya sa kabilang baryo ay mabait at mapagkumbaba. Walang pakialam ang mga ito kung mahirap lang siya. Ni hindi siya itinuring ng mga kaklase na ibang tao dahil lang sa estado niya sa buhay. Hindi man niya kaibigan ang lahat ng kaklase, pero masaya pa rin siya dahil kahit papaano ay naramdaman niya rin na kabilang siya sa isang grupo. Dapat ay naramdaman niya iyon sa kan’yang mga ka-baryo, kaya naman masakit para kay Serene na sila pa mismo ang humihila sa kanila pababa. At kung sino pa ang hindi nila ka-baryo, tulad ng kan’yang mga guro at kaklase, ay iyon pa ang mga tumutulong sa kan’ya upang mairaos ang pag-aaral niya. Iyon ang isa sa dahilan kung bakit gustong-gusto nito ang mag-aral. Hindi naging hadlang sa kan’ya ang layo ng eskuwelahan sa kanilang bahay. Kailangan man niyang sumakay ng bangka upang makarating sa kabilang baryo ay wala siyang pakialam. Kakayanin niya ang lahat. Ganoon katatag ang kan’yang determinasyon. Kahit sa murang edad ay nakakagawa siya ng paraan upang makatulong at hindi na makaabala pa sa kan’yang pamilya— ang pamilya na siya ring tumututol sa pag-aaral niya. “Ngunit pangako po, bago ako pumasok ay aasikasuhin ko po muna ang lahat! Maghahanda po ako ng pagkain at maglilinis ng bahay—“ “Kung kaya mo pala gumawa ng paraan para sa pag-aaral mo, bakit hindi na lang ang mga utang natin ang diskartehan mo?! Hindi ka nag-iisip!” Isang patak ang luha ang nalaglag mula sa mata ni Serene nang marinig ang mga katagang iyon mula sa sariling ama. Kasabay noon ang unti-unting pagsakit ng puso niya. Napayuko na lamang siya habang pinipigilan ang sarili na umiyak nang husto. Ganoon pa man, rinig sa bawat sulok ng silid ang kan’yang mumunting paghikbi. Bakit… parang kasalanan niya pa ang mga nangyayari ngayon sa kan’yang pamilya? Bakit kailangan na naman niyang saluhin kung ano man ang pinoproblema ngayon ng mga magulang niya? Kailangan ko na naman bang magsakripisyo? Ginawa naman na niya ang lahat ng bagay na maaaring makatulong sa kan’yang mga magulang, ngunit bakit hindi pa rin ata sapat ito para sa kanila? Talaga bang kailangan niya munang magmakaawa nang husto bago magawa ang gusto niya sa buhay? Pag-aaral naman ang nais niyang gawin. Hindi naman ito masama sa mata ng tao at lalo na sa mata ng Diyos. Gusto lang naman niyang gumawa ng paraan para makaahon sila sa kahirapan. Kaya, bakit? Bakit ayaw siyang payagan ng ama? At siya pa ang hindi nag-iisip? Hindi niya maintindihan kung bakit hindi sila puwedeng lumaban sa mga taong walang ibang ginawa kung hindi ang alipustahin sila. Ano ba ang nagawa nilang kasalanan para ganituhin sila ng ibang tao? Maraming tumatakbo sa utak ni Serene. Marami rin siyang gustong itanong, ngunit tila ay natutop ng masasakit na salita ng kan’yang ama ang boses niya. Mas pinili na lang tuloy niyang kagatin ang kan’yang labi bago yumuko at umupo sa sahig. Samantala, gustong i-untog ni Felix ang sarili sa sahig dahil sa padalos-dalos nitong salita. Ano’ng klase siyang ama para sabihin sa kan’yang anak na gumawa ito ng paraan para sa pinagkakautangan nila? Wala siyang kuwenta. Gusto man niyang humingi ng tawad pero pinangungunahan siya ng hiya, lalo pa nga at nakikita niya ang pagpatak ng mga luha ni Serene sa sahig. Pero kahit kailan, hindi niya pagsisisihan ang desisyong huwag nang papasukin si Serene. Mas mabuti nang ngayon siya masaktan kasya naman patagalin pa nila ito. Kilala niya ang anak. Kahit na magkaaway sila ay hindi iyon aalis at magdadabog sa harapan niya. Natutuhan daw iyon ni Serene sa kanilang paaralan. Iba naman ‘yon sa kan’yang karanasan, dahil noong nasa elementarya siya ay naging tampulan siya ng tukso, maging ng kan’yang mga guro. Bumuntong-hininga na lang si Felix at siya na ang nagkusang lumabas ng kubo. TATLUMPUNG MINUTO ANG lumipas bago nagawang tumayo ni Serene sa kinauupuan at pinunasan ang kan’yang mga luha. Nakatayo siya pero hindi siya kaagad nakakilos. Tila ay dumikit ang dalawa niyang paa sa sahig. Alam niya sa sarili na kailangan niyang ilabas ang lahat ng hinanakit sa kan’yang puso. Kapag hindi niya iyon ginawa, tiyak ay sasabog siya. Sa mga oras na iyon ay tumakbo si Serene palabas ng kubo at pinagmasdan ang dagat. Ito ang nagpapakalma sa kan’ya kapag tila ay nagsisimulang gumulo ang mundo niya. Kasabay ng pag-alon sa dagat ang kan’yang pagsigaw. Ipinarinig niya sa mundo ang kan’yang hinagpis at kalungkutan. Ang mga luha niya ang nagsalita para sa sakit na nararanasan niya. “Gusto ko lang mag-aral! Bakit ba pati ‘yon ay hindi ko puwedeng gawin?!” paulit-ulit niyang sigaw. Namamaos na siya pero hindi siya tumitigil. Sa pagod ay tuluyang nanghina ang mga tuhod niya at bumagsak ito sa buhanginan. Nagpatuloy ang kan’yang pag-iyak. Nakapikit siya habang dinadama ang simoy ng hangin at ang tunog ng alon sa dagat. Kahit papaano ay nagiging payapa ang utak niya dahil doon. Kahit papaano… nakikita pa rin niyang mayroong kapayapaan sa gitna ng kaguluhan. Hinayaan niya ang mumunting mga hikbi na alurin ng hangin, nagbabaka-sakaling may makarinig sa kan’yang mga daing at tulungan siyang mawala ang sakit sa kan’yang puso, kahit na sa isang saglit. Ngunit lingid sa kaalaman ni Serene, mayroong isang batang lalaki ang nagmamasid sa kan'ya mula sa malayo... tila ay nakikidalamhati sa kan'ya nang hindi niya nalalaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD