HALOS MANLAMIG SI Serene nang sumilip ito muli roon sa bintana. Akala ni Serene ay ang kan’yang ina ang tinaga ng lalaki pero ‘yong kahoy lang pala sa tabi nito ang pinatamaan niya ng itak. Hindi nito malaman kung ano ba ang dapat niyang maramdaman.
Masaya siya dahil walang nangyari sa kan’yang ina pero parang tumatambol pa rin ang kan’yang ina. Halos manlambot ang mga tuhod ni Demi dahil doon sa nangyari, at ganoon na rin ang sa kan’ya.
Kahit na noong nakaalis na ‘yong lalaking may tattoo ay hindi pa rin nakatayo ang ina nang maayos kaya naman ay tumakbo si Serene palabas ng kubo at sinubukang lapitan si Demi.
“Inay—”
Akmang hahawakan sana ni Serene ang braso nito pero kaagad na inalis iyon ni Demi. Muntik pa ngang matumba si Serene dahil doon. Halatang nagulat din si Demi sa kan’yang ginawa pero maya maya lang ay naging matapang ulit ang ekspresiyon ng mukha nito.
“Umalis ka nga!” ani Demi sa isang iritadong tono. “Nakakabuwisit na buhay ‘to!”
Iyon ang huli niyang sinabi bago ito naglakad palayo. Susundan sana ni Serene ito pero narinig niya mula sa loob ng bahay ang palahaw ni Clea at Joseph. Wala na itong nagawa kung hindi ang tingnan ang ina mula sa malayo, pumasok sa bahay upang patahanin ang dalawang kapatid na mukhang natakot din dahil sa pangyayari, at hintaying makauwi ang ama niya.
Hindi rin naman nagtagal ay natanaw na niya ang ama na naglalakad papalapit sa kanilang kubo. Dali-dali itong tumakbo papalapit sa ama at nagpabuhat dito. Natawa na lang si Felix bago niya binuhat ang anak gamit ang kaliwang braso nito, habang may dala naman siyang supot sa kan’yang kanang kamay.
Ganoon kagaan si Serene kaya naman ay kaya siyang buhatin ng ama kahit isang kamay lang.
Nang mapadako ang tingin ni Serene sa mukha ng ama ay napakunot ang noo ko. May panibago kasing sugat dito, iba pa bago ito umalis para mangisda. Dumudugo pa nang kaunti ang sugat sa noo nito kaya naman ay hinawakan niya ang sugat nito, dahilan upang mapangiwi si Felix.
“Inaway ka na naman nila, itay?” nagtatakang tanong ni Serene. Itinagilid niya pa ang kan’yang nang kaunti na para bang nagtataka.
“Hindi, anak,” pagsisinungaling nito. “Nadapa lang ako sa daan.”
Tumawa nang peke si Felix upang hindi na magtanong ang anak, ngunit alam naman niya na hindi iyon paniniwalaan ni Serene. Matured na itong mag-isip para sa edad niya.
Hindi alam ni Felix na hindi lang ang pananakit ng iba nilang ka-baryo ang nasaksihan ni Serene, dahil nasaksihan na rin niya ang pagbabanta ng Lorenzo na iyon sa ina niya kani-kanina lang. Unti-unti na tuloy iniisip ni Serene kung ipinanganak lang ba sila para saktan ng ibang tao.
Ibinaba ng ama si Serene sa buhanginan bago ito muling nagsalita. “Ayos lang ang itay. Tingnan mo. Nakangiti ako. Ibig sabihin ay ayos lang ako.”
Yumuko si Felix upang ipakita sa anak ang peke niyang ngiti. Sa totoo lang ay sinugod siya ni Lorenzo bago siya umuwi, ang isa sa pinagkakautangan niya nang malaki.
Kung mayroon lamang siyang ibang pagpipilian ay hinding-hindi siya mangungutang kay Lorenzo. Alam niya kung gaano kahalang ang kaluluwa ng taong iyon. Pagdating sa pera ay handa itong gawin ang lahat, kahit pa ang pumatay ng tao.
Ngunit, wala siyang magawa kung hindi ang mangutang. Kailangan niyang bayaran ang kumadronang nagpaanak sa kan’yang asawa. Bilang haligi ng tahanan ay kailangan niyang gumawa ng paraan upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya niya.
Sa mga panahon na iyon, naalala niya kung ano ang nangyari kanina.
“P.utangina mo!”
Isang suntok sa sikmura ang sumalubong kay Felix habang naglalakad sa daan. Kamuntikan nang malaglag ang dala-dala niyang tawilis at isang kilong bigas dahil sa gulat at sakit na naramdaman, ngunit mabuti na lamang ay nahawakan niya iyon nang mahigpit gamit ang kanang kamay niya. Hindi niya iyon puwedeng bitiwan dahil iyon na ang magiging pagkain nila sa buong araw.
“Pa-pasensiya na—“
Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang muli siyang sinuntok ni Lorenzo, diretso na sa mukha nito. Sinamantala nito ang pagkakayuko ni Felix. Maliit lamang kasi si Lorenzo kung ikukumpara sa kan’ya kaya hindi siya nito maaabot ng suntok kung hindi siya yuyuko. Ganoon pa man, kakaiba ang taglay na lakas nito.
Nag-uumigting din ang panga nito at lumalabas na rin ang mga masel nito na mas mukha pang naging nakakatakot dahil sa mga tattoo nito.
Hindi na nakontrol ni Felix ang kan’yang balanse at tuluyan na siyang napaupo sa sahig. Hawak pa rin niya nang mahigpit ang itim na supot. Hindi ito maaaring marumihan. ‘Yon lang ang tumatakbo sa kan’yang isip.
“Ano’ng gagawin ko sa sorry mo? Mababayaran ba niyan ang lahat ng pinagkakautangan ko ngayon? T.angina mo, magbayad ka ng p.utanginang utang mo!”
Iniluhod ni Lorenzo sa semento ang kaliwang tuhod niya upang makwelyuhan si Felix at masuntok ulit. Paulit-ulit niyang ginawa iyon, hanggang sa nagsimulang umagos ang dugo sa kaliwang bahagi ng noo niya dahil nahiwa ito ng tulis sa pilak na singsing ni Lorenzo.
Nang makita iyon ni Lorenzo ay tinulak siya nito at tumayo. Pinagpagan niya saglit ang kaliwang tuhod bago ito yumuko at muling kinuwelyuhan si Felix. Gusto man niyang lumaban pero hindi niya magawa. Hindi niya iyon puwedeng gawin dahil malaki ang pagkakautang niya kay Lorenzo.
“Tandaan mo ito. Isang linggo na lang ang ibibigay kong palugit sa iyo, at kapag hindi ka tumupad sa usapan ay gigilitan kita nang buhay, at ipinapangako ko sa ‘yo,” inilapit niya ang bibig sa kaliwang tainga ni Felix, “na susunod din sa’yo sa langit o impiyerno ang pamilya mo...”
“Itay?”
Biglang napatigil si Felix sa pag-iisip nang magsalita si Serene. Napakurap siya bago tumingin sa anak.
Kinuha ni Serene ang dala-dala niyang supot bago nagsalita. “Magpahinga po muna kayo mamaya itay, ha? Mukhang pagod po kayo.”
Pagod na ako, anak.
Iyon ang gusto niyang sabihin pero hindi niya na ginawa. Mabuti na lang din at tumakbo na si Serene papasok sa kubo nila kaya naman ay nakahinga na siya nang maluwag. Sa totoo lang ay wala siyang ibang masabi sa kasipagan at kabaitan nito. Madalas nga ay sinisisi niya ang sarili dahil hindi man lang niya mabigyan ng magandang buhay ang kan’yang pamilya.
Sinubukan niyang mag-aral pero wala rin namang nangyari. Ganoon pa rin naman ang buhay nila, kaya hindi siya naniniwala na pag-aaral ang susi sa kinabukasan.
Ginawa naman niya ang lahat, pero ang mundo mismo ang lalo pang naglulugmok sa kanila.
“T.angina naman, Felix!” Umalingawngaw ang sigaw ni Demi sa buong kuwarto. “Hindi mo ba naisip na maraming scammer ngayon sa Pilipinas? Paano tayo aahon nito ngayon? Lintik naman, eh! Mahirap na nga tayo, mas lalo mo pang pinapahirapan ang buhay natin!”
Tuliro na si Demi habang tumutulo ang kan’yang luha, pero doble no’n ang nararamdaman ni Felix. Hindi niya alam na na-scam pala siya noong sinabi ng kan’yang kaibigan na dadalhin siya nito sa abroad kapag nagbayad siya ng malaking halaga. Hindi siya lumaki sa Maynila kaya hindi niya alam ang ganoong kalakaran. Hindi niya alam na niloloko lang pala siya ng itinuring niyang kaibigan.
“Pasensiya na, mahal—"
“Hindi ko kailangan ng sorry mo, Felix! Ibalik mo ang pera natin!”
Hinawakan ng lumuluhang si Demi ang magkabilang braso ng asawa bago ito inalog. Pakiramdam niya ay nanghihina na siya dahil sa nangyari.
“Ipinangutang mo pa talaga iyan. Bakit kasi hindi ka nagsasabi sa akin? Bakit hindi mo man lang ako kinonsulta?” nanghihina niyang saad.
Hindi iyon sinabi ni Felix sa asawa dahil gusto niya sana itong surpresahin. Gusto niyang bigyan ng magandang buhay si Demi at ang anak nilang si Serene na apat na taon pa lang sa mga panahong iyon… pero kasawian lang pala ang dulot sa kanila ng ginawa niyang ‘yon.
Napapikit na lang si Felix nang maalala ang lahat ng iyon. Dati silang nakatira sa Maynila dahil napag-ipunan nila ni Demi ang bahay doon, ngunit kinailangan din nilang ibenta ‘yon kaagad para mabayaran ang isang daang libong ipinangutang ni Felix sa isang bumbay. Iyon din ang dahilan kung bakit sila napadpad sa Kawit, at kung bakit maging pagbili man lang ng bahay sa probinsya ay hindi rin nila magawa.
Hindi rin niya masisi si Demi kung bakit ito nagalit sa kan’ya. Kasalanan niya rin naman talaga ang lahat. Maging ang asawa na dapat ay kasama niya sa hirap at ginhawa ay hindi niya pinagsabihan tungkol sa kan’yang mga plano.
At hanggang ngayon, hindi pa rin sila makaahon sa bangin na kanilang pinagbagsakan. Ang mas masakit pa roon, nadadamay sa paghihirap ang kanilang mga anak.
“Itay!” rinig niyang tawag ni Serene habang naglalakad ito papalapit sa kan’ya. “Hindi pa po ba kayo papasok? Kanina pa po kayo nakatayo riyan,” dagdag pang saad ng anak habang nakatagilid ang ulo nito, tila ay nagtataka.
“Puwede na ba akong maging estatwa, anak?” Natawa si Felix bago ipinaghiwalay ang dalawang paa. Pumorma pa ito na parang sundalo para patawanin ang anak, pero nagulat siya dahil mariin itong umiling.
“Hindi po puwede, itay! Mawawalan ako ng ama kapag naging estatwa ka!”
Sa sinabing iyon ni Serene ay napahagalpak na lang siya nang malakas. Tila ay nawala ang sakit na nararamdaman niya dahil sa mga sugat nito, at sa pagod na rin dahil sa malupit na mundo. Isang ngiti lang ni Serene ay payapa na ulit ang pakiramdam niya. Binuhat na lang niya ulit ang anak bago naglakad pabalik sa kubo upang makakain na rin silang pamilya.
Mabilis na nag-asikaso si Serene. Ipinainom niya ang sabaw ng sinaing kay Joseph, at pinakain naman niya ulit ng lugaw si Clea. Matapos no’n ay doon pa lang niya niluto ang tawilis na dala ng ama, at iyon pa lang din ang unang kain niya sa buong araw.
Patawad.
Iyan ang tanging tumatakbo sa isip ni Felix habang tinititigan ang anak. Halata kasi sa bawat kilos nito ang gutom. Sa bawat pagsubo nito ng kanin ay para bang hindi ito nakakain sa loob ng matagal na panahon.
Kumirot ang puso ni Felix pero kinailangan niya iyon labanan. Umupo siya sa sahig para sana magpahinga, pero napatigil siya dahil sa nakita nito sa ilalim ng banig.