Kabanata 4

1824 Words
"HOY, ANO BA?” Napatingin si Serene sa kan'yang harapan nang bigla na lang may naghagis ng panyo sa mukha niya. Nang inangat niya ang ulo ay nanlaki na lang ang mga mata niya nang sumalubong sa kan’ya ang mukha ng kaklaseng si Angelo. Ano'ng ginagawa niya rito? Taga-Poblacion siya, ah! "Punasan mo luha mo, top one," tila ay nang-aasar nitong saad sa kan’ya bago ito ngumisi. Nakapamulsa pa ang dalawang kamay nito. “Ang pangit mo kapag umiiyak.” "Aba't— hoy!" Hahabulin pa sana ni Serene ang batang lalaki pero nakalayo na ito kaagad. "Pagkatapos akong hagisan ng panyo, bigla akong lalaitin? Loko 'yon, ah!" nanggigigil niyang saad bago inamoy ‘yong puting panyo na ibinigay sa kan’ya ng lalaki. "Infairness, ang bango… puwedeng singahan.” Hindi alam ni Serene na malakas pala ang pagkakasabi niya no’n kaya naman ay narinig ‘yon ni Angelo. “Dugyot.” Napangisi na lang si Angelo bago nagkibit-balikat. HINDI AKO papayag na hanggang dito na lang ang maging buhay namin. Walang makakapigil sa akin. Ilang araw matapos siyang pagalitan ng ama, hindi pa rin sumuko si Serene sa kan’yang pangarap. Palihim pa rin siyang nag-aaral sa kanilang likod bahay. Hindi man siya makapasok sa eskuwelahan pero pipilitin niya pa ring humabol sa mga lesson na ituturo roon. Doon niya itinago ang mga librong muling itinapon ng ama. Inutusan kasi siya ni Felix na bumili muna ng sardinas sa tindahan dahil hindi siya makakauwi nang maaga. Nagkaroon tuloy si Serene ng dahilan para pumuslit. Napapagod na rin si Felix na palagi na lang silang pinag-iinitan ng mga kabaryo nila, pero ang hindi niya alam ay mas napapagod na si Serene na makitang ganoon ang buhay nila palagi. Ganoon pa man, hindi niya magawang magalit sa kan’yang mga magulang. Nagtatampo siya, pero kailanman ay hindi siya nagtanim ng galit. Masyadong busilak ang puso niya kaya nakakapagpatawad siya kaagad. "Aray!" singhal ni Serene bago napapikit. Bigla kasing lumakas ang hangin kaya naman ay nalagyan ng kaunting buhangin ang mata niya. Gamit ang kanang kamay ay kinusot niya ang mata habang nakangiwi. Sa kaliwang kamay naman niya ay hawak niya nang mahigpit ang isa sa kan’yang mga notebook. Baka kasi hanginin ito at lumipad sa dagat. Sayang ang paghihirap niyang kopyahin ito sa libro ng kan’yang kaklase kapag nagkataon. Nang maging maayos na ulit ang pakiramdam niya ay nagpatuloy na ulit siya sa pag-aaral. Ito ang mahirap kapag palihim niyang ginagawa ang isang bagay. Ni minsan ay hindi pa niya naranasang makapag-aral nang payapa dahil sa takot na baka may makahuli sa kan’ya. Baka pigilan na naman siya ng ama at itapong muli ang mga gamit niya. Gusto man niyang mag-aral sa mas malayo ngunit hindi naman niya puwedeng pabayaan ang mga kapatid. Masyado pang bata si Clea at Joseph. Hindi pa kakayanin ng mga ito ang tumayo sa kanilang sariling mga paa. At iyon na nga, bigla niyang narinig ang palahaw ni Joseph kaya naman ay dali-dali niyang inayos ang kan'yang mga gamit at itinabi iyon sa ilalim ng kanilang bahay-kubo. Hindi ito magandang pagtaguan ng kan'yang gamit pero ito lang ang lugar na kaya niyang mapuntahan. Nananalig na lang siya na hindi iyon tangayin ng hangin paminsan-minsan... at paulit-ulit din siyang nagdarasal na sana balang araw ay suportahan din siya ng mga magulang sa pangarap niya. Siya na ang magiging pinakamasayang tao sa balat ng lupa kapag nagkataon. Dahil hindi lang naman para sa kan'ya ang pangarap niyang makapagtapos. Para rin ito sa kanilang lahat. Papasok na sana si Serene sa loob ng kanilang kubo, pero kaagad siyang napatigil sa pagtakbo nang makita niyang si Demi ang unang nakapasok doon. ‘Naku, patay!’ kinakabahang sambit ni Serene sa kan’yang isip. "Saan ka ba galing na bata ka?" nakakunot-noong tanong sa kan'ya ni Demi. “'Di ba sabi ko ay bantayan mo muna itong mga kapatid mo? Hindi pa naman kaya bantayan ni Clea si Joseph. Paano na lang kung hindi pa ako dumating?" Mukha mang hapong-hapo si Demi galing sa trabaho pero nagawa pa rin nitong talakan si Serene bago binuhat si Joseph. Marahan din niyang hinahaplos ang likod nito, dahilan kung bakit biglang tumahimik ang sanggol sa pag-iyak. Madalas talaga ay si Demi lang ang hinahanap ng kapatid kaya ito umiiyak. Kapag si Serene kasi ang nagpapatahan dito ay pahirapan pa kung minsan. "Bumili lang ako sa tindahan, ‘nay," pagdadahilan naman niya. Umiwas pa ito ng tingin kay Demi bago kumuha ng baso at isinalin doon ang sabaw ng sinaing. Iyon ang gatas ni Joseph sa ngayon. "Ito po.” Tumaas ang kilay ni Demi dahil sa inaasal ng anak pero hindi na lang niya ito pinansin. Pagod na ang buo niyang katawan pero kinailangan niyang magtrabaho. Mabuti na lang at pumayag ang kan'yang amo na maglabada siya roon kahit sa loob lang ng tatlong araw. Ayaw na niyang maging pabigat sa pamilya, kaya naman, kahit hindi pa tuluyang gumagaling ang katawan ay pinili na niyang maglabada ulit. Napag-usapan nila ni Felix na gagawan nila ng paraan ang mga utang nila. "Serene." Umupo si Demi sa sahig habang buhat-buhat pa rin si Joseph. Kung kanina ay pumapalahaw ito ng iyak, ngayon naman ay halos hindi na maalis ang ngiti sa labi nito. "Masama ang magsinungaling. Huwag mong sabihin sa akin na nag-aaral ka na naman?" dagdag pang tanong nito sa isang sarkastikong tono. "Maalam ka naman nang magsulat at magbasa, hindi ba? Itong si Clea at Joseph na lang ang paglaanan mo ng pansin. Tulungan mo naman kami…” dagdag niya pang saad. Ang ngiti na kanina pa pinepeke ni Serene ay bigla ring nawala. Hindi niya maintindihan ang tulong na sinasabi ng ina. Ito nga ang kaya niyang itulong, pero ayaw naman ng mga magulang niya. "Totoo po. Bumili po talaga ako ng sardinas sa tindahan," aniya at ipinakita ang dalawang sardinas na ipinatong nito kanina sa lamesa. "Utang po pala, kasi sabi ni tatay ay babayaran niya raw iyon bukas ng umaga." ‘At nag-aral ako pagkatapos noon,’ wika ni Serene sa kan'yang isip. Hindi naman siya nagsisinungaling, naglilihim nga lang. Madalas tuloy ay naiingit siya sa kan'yang mga kaklase dahil ang mga magulang pa nito ang pumipilit sa kanila para mag-aral, habang sa kan’ya naman, ang mga magulang pa mismo ang nagsisilbing balakid para sa pag-aaral niya. "Sige," iyon na lang ang nasabi ni Demi. Kung kanina ay malamig na ang tono ng boses nito, ngayon ay mas lalo pa 'yon lumamig nang marinig ang sinabi ni Serene. "Matulog ka na muna. Tabihan mo na si Clea roon," dagdag pa niyang sambit bago itinuro si Clea na tahimik lang na nakaupo sa gilid habang nakatingin sa kanila. Nakipag-usap man siya nang maayos kay Felix dahil kailangan, hanggang ngayon ay naiinis pa rin siya dahil sa ginawa nito. Marami na nga silang utang tapos ay nagdadagdag pa ito, at kay Lorenzo pa talaga. Alam naman ng lahat kung gaano kasama ang ugali ng isang 'yon lalo na sa mahihirap na kagaya nila. KINABUKASAN, katulad ng dating gawi, ay maagang gumising si Serene upang tulungan ang kan'yang ama sa pag-aayos ng mga gagamitin nito sa pangingisda. Kahit naman sinigawan siya nito ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob, pero hindi niya maitatanggi na hanggang ngayon ay nasasaktan siya dahil sa sinabi ng ama. Lalo na at mag-iisang linggo na pero hindi pa rin siya masyadong kinikibo ng ama. Ang gusto lang niya ay suportahan siya nito. Wala rin naman kasi siyang ibang ginawa kung hindi ang suportahan ang mga magulang. "Ayos na po ba ito?" tanong niya sa ama bago ipinakita ang t-shirt na nakuha niya. Asul ang kulay nito, at kahit mukhang luma na ay puwede pa rin namang magamit. "Isang damit lang po ba? O dadalawahin ko po?" Katulad kasi kahapon ay hindi ulit uuwi ang ama pagkatapos nitong pangingisda, at hindi rin uuwi ang kan'yang ina dahil magpupunta ulit ito sa kan'yang amo upang maglabada roon. Doon pa lang ay alam na niyang imposible talagang makapasok siya sa eskuwelahan. Napangiti na lang siya nang malungkot habang tinitiklop ang damit. Samantala, tahimik lang siyang pinagmamasdan ni Felix. Kahit na ganoon ang ginawa niya sa anak ay nandito pa rin ito, palagi pa ring tumutulong sa kan’ya. Hindi naman niya iyon hinihiling sa anak. Siya ang nagkukusang gawin iyon. Gusto niyang kausapin ang anak pero pinapangunahan ito ng hiya. Hindi niya alam ang sasabihin, kaya naman imbes na sagutin ang anak ay hinila niya ito at niyakap. "Itay?" nagtatakang tanong ni Serene, ngunit ganoon pa man, ipinatong niya ang magkabilang kamay sa likod ng ama, at isinandal ang mukha sa dibdib nito. Ngumiti si Serene bago pumikit, dinadama ang init ng yakap ng ama sa kan’ya. Nagdadala rin ito sa kan’ya ng kakaibang kapayapaan. Magulo man ang buhay nila, ngunit sa piling ng kan'yang ama, ina, at ng dalawang kapatid, tila ay nagiging payapa ang paligid. "Patawarin mo ako, anak..." saad ni Felix sa isang mahinang boses, ngunit sapat na ang lakas no’n upang marinig ito ni Serene. "Marami akong hindi magandang karanasan sa buhay, at ayokong masaktan ka dahil doon… kaya hangga't maaari ay pilit kitang inilalayo roon." Isang hipokrito si Felix kung sasabihin niyang hindi niya pinangarap ang makapagtapos ng pag-aaral. Naiintindihan niya ang anak, pero natatakot si Felix dahil may kaakibat ang pagtupad niya sa pangarap niyang ‘yon. Kapalit ng edukasyon na kan'yang inaasam ay ang paulit-ulit na pangungutya sa kan'ya ng mga tao, at ang panghahamak nito sa kan'ya hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng lakas ng loob. Iyon ang dahilan kung bakit siya sumuko... at kung bakit mas pinili na lang niyang tumira at maging mangingisda habangbuhay. Pero minulat ni Serene ang kan'yang isipan. Matapang ang kan'yang anak, hindi kagaya niya. May paninindigan si Serene, at ang pagiging busilak ng puso nito ang dahilan kung bakit siya matapang… kabaliktaran ng kan’yang iniisip. "Itay, huwag po kayong mag-isip nang gan'yan." Bumitaw si Serene sa pagkakayakap sa ama bago ito ngumiti nang sobrang lapad. "Hindi lahat ng buhay ay pare-parehas. Hindi lahat ng nangyari sa iyo ay mangyayari rin sa akin." Ngumiti na lang si Felix bago nito ginulo nang bahagya ang buhok ng anak. Paminsan-minsan ay napapaisip ito kung walong taong gulang lang ba talaga ang kan'yang anak o baka naman ay bumalik lang ito sa pagkabata. Mas malalim pa kasi ito kung mag-isip kaysa sa kanilang dalawa ni Demi. "Katulad ng dagat ay may patutunguhan ang buhay natin, ngunit hindi iyon ganoon kadaling hanapin." Muli ay ngumiti si Serene nang malaki. Halos pumikit na ang mga mata nito dahil sa lawak ng pagkakangiti. "Kailangan natin iyon languyin at sisirin… at doon, umaasa akong makikita natin ang dahilan kung bakit kailangan nating maranasan ang lahat ng ito.” Sa sinabing iyon ng anak ay napaisip si Felix. Hindi naman napansin ni Serene ang pag-iisip ng ama dahil bumalik ito sa pag-aayos ng kan'yang gamit, pero kaagad itong napatigil nang marinig ang sunod na sinabi ng ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD