Kabanata 5

1425 Words
“PINAPAYAGAN NA kitang mag-aral.” Dalawang beses na kumurap si Serene habang nakatingin sa ama. Bigla ring tumagilid ang ulo nito, tila nag-iisip kung tama ba ang kan'yang narinig… o baka ay masyado lang siyang nag-iisip tungkol sa kan'yang pag-aaral kaya kung anu-ano na lang ang kan’yang naririnig. "Po?" nagtatakang tanong niya. Umawang pa ang bibig nito at tuluyang lumaglag ang panga, pati na ang hawak-hawak nitong bimpo. "Ano po ulit iyon, itay?" Hindi na natiis ni Felix ang nangyayari at tuluyan nang kinurot ang anak sa pisngi. Mahina lang naman iyon upang hindi masaktan ang bata, pero sobrang cute nito sa kan'yang paningin. Halatang hindi kaagad rumehistro rito ang kan'yang sinabi, at kahit siya rin naman ay hindi makapaniwala sa kan'yang tinuran. Bigla na lang 'yon lumabas sa kan'yang bibig, at kahit na hindi niya 'yon sinasadya, para sa kan'ya ay napakalaking bagay nang makita kung gaano kasaya ang anak. Doon niya nakita kung gaano kagusto ni Serene ang mag-aral. "Ayaw mo ba?" pagbibiro pa ni Felix bago nito kinuha ang bimpo na nalaglag sa sahig. Siya na ang nagtuloy sa pag-aayos ng kan'yang gamit dahil tila naging estatwa na ang anak niya. Hindi na ito gumalaw sa puwesto at nanatili lang na nakatulala. Napangiti na lang tuloy siya bago umiling. "T-Talaga... itay?" naninigurado ngunit may paggalang na tanong nito. "P-Papayagan n'yo na po ako... mag-aral?" Magkahalong kaba at kagalakan ang tono ng boses ni Selene pagkatanong niya no'n. Masaya siya dahil kakaibang galak ang naramdaman niya sa kan'yang puso nang malaman na susuporta na ang ama sa pangarap niya, at kabado naman dahil baka nga ay hindi naman talaga sinabi ni Felix ang gusto niyang marinig. Isinara na ni Felix ang zipper ng kan'yang itim na backpack, senyales na tapos na ito sa pag-aayos. Maya-maya ay aalis na ito para mangisda. Hindi mabasa ni Serene kung ano ang nasa isip nito. Dahan-dahang tumango ang ama, dahilan kung bakit bigla na lang tumulo ang luha mula sa kan'yang mga mata. Hindi na niya napigilan ang sarili at niyakap niya ang ama. Sa hita lang nito siya nakayakap dahil nakatayo si Felix. "Salamat, itay! Sobrang salamat po!" naluluhang sabi ni Serene habang sumisinghot. Baka kasi tumulo ang kan’yang sipon. Kahit madaling araw pa lang ay tila maliwanag na ang buong lugar para kay Serene. Pakiramdam niya ay biglang sumikat ang araw habang nagkakantahan ang mga ibon, at sumasayaw naman ang mga puno. Hindi niya maipaliwanag ang saya na nararamdaman. Hindi naman siya humihingi ng pangpinansiyal na suporta sa kanila. Masaya na siya na kahit papaano ay hindi na siya hahadlangan ng ama kapag nakita nito na nag-aaral siya. Kahit papaano ay makakapag-aral na siya sa loob ng kanilang bahay habang binabantayan ang mga kapatid. Hindi na niya kailangang magtago sa likod ng kanilang kubo na para bang mayroon siyang ginawang kasalanan kahit wala naman. "Sshh, anak. Tulog pa ang inay at ang mga kapatid mo. Baka magising sila," pagsita ni Felix pero nakangiti naman ito. Yumuko ito nang kaunti bago binuhat ang anak. "Mag-aral ka nang mabuti, ha? At kapag may nang-away sa iyo roon, sabihin mo sa akin. Reresbak tayo." Natawa naman si Serene sa tinuran nito. "Opo, itay," sagot ng batang babae bago nito inilagay ang kan'yang hintuturo sa kan'yang labi, senyales na tatahimik siya upang hindi magising ang ina at mga kapatid. "Saka wala namang aaway sa akin doon, itay. Mababait ang mga kaklase ko roon pati ang mga guro ko," dagdag pa niya. Isang ngiti na lang ang isinagot ng ama sa kan'ya. Halos lumambot ang puso ni Felix nang makita ang pagkakangiti ng anak sa kan'ya. Lumuluha man pero halata ang saya nito, lalo na nga at nang kumapit ito sa kan'yang leeg at niyakap siya nang mahigpit. Ipinagdamot niya ang pangarap ng anak noon, pero nangangako siya na hindi na iyon mauulit. SAMANTALA, lingid sa kaalaman nila na gising si Demi at nakikinig lang sa pag-uusap ng mag-ama. Ganito naman siya palagi. Palagi rin siyang gising bago umalis ang kan'yang asawa at mangisda, pero hindi siya tumutulong sa pag-aasikaso rito. Hanggang ngayon ay nahihiya pa rin siya kay Serene... at naiinis naman siya kay Felix. Hindi nito matanggap ang ginawa noon ng asawa na naging dahilan kung bakit napadpad sila rito sa Kawit. Hindi niya matanggap na naghirap sila nang husto na maging isang bahay man lang ay hindi sila makabili. Ni hindi nga alam ni Demi kung maituturing bang bahay ang tinitirhan nila ngayon. Habang nakikinig sa pag-uusap ng kan'yang mag-ama ay gusto nitong sumabat, pero malalaman nila na gising siya kaya matinding pagpipigil ang kan'yang ginawa upang hindi sumagot. Hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Felix na pinapayagan na nitong mag-aral ang anak. Alam naman nito na hindi nila kakayanin ang gastusin. Mamaya ay kakausapin niya ito pagkauwi. Hindi siya papayag sa gusto nito. Sa ginagawa niya ay mas lalo lang masasaktan si Serene kapag naharap na ito sa tunay na pahirap ng mundo. PUMAYAG MAN ang ama sa kan'yang pag-aaral pero hindi pa rin nakapasok si Serene sa eskuwelahan ngayong araw. Marami siyang responsibilidad sa kanilang tahanan, pero ganoon pa man, masaya pa rin si Serene habang tinitingnan ang mga nakalatag na libro sa harapan niya. Nakakapag-aral na siya nang maayos at nababantayan pa ang mga kapatid. Nakaupo siya ng maayos sa sahig at hindi siya nalalagyan ng buhangin sa kan’yang katawan, at hindi na rin siya natatakot na baka liparin na lang bigla ang kan’yang notebook. Napangiti na lang siya bago buklatin ang libro na kan'yang babasahin. English book iyon, at natutuwa siya dahil kahit papaano ay natututo na siya sa salitang ingles. Kahit papaano ay hindi na siya mangangapa kapag mayroong nagsalita ng ingles sa kanila dahil nakakaintindi na siya noon. Hindi pa man siya gaanong nagsisimula ay kaagad na lumapit sa kan'ya si Clea. Pagapang itong naglakad papalapit sa kan'ya at umupo sa harapan niya. "Bakit, Clea?" nagtataka niyang tanong bago nito pansamantalang isinara ang libro. "May masakit ba sa iyo?" "Kain...” ani Clea bago hinawakan ang tiyan. “Nagugutom ako, ate." Napangiti na lang si Serene dahil sa sinabi ng kapatid. Hindi katulad niya, hindi kaya ni Clea ang kumain ng kaunti lang. Tama nga ang hula niya na maya-maya lang ay magugutom ito ulit. 'Yon ang dahilan kung bakit hindi siya kumain nang marami kanina nang sa gayon ay mabigay niya ang kan'yang parte kay Clea, katulad ng palagi niyang ginagawa. Dali-dali siyang tumayo at ibinigay kay Clea ang plato na may lamang kaunting kanin at sardinas. Kita naman ang galak sa mga mata ni Clea nang iabot niya 'yon. Masaya na si Serene kapag masaya ang dalawang kapatid. Kaya naman niyang tiisin ang gutom, pero hindi ang gutom ng mga kapatid. Pagkatapos no'n ay nagpatuloy na sa pag-aaral si Serene. Marami na naman siyang kaalamang nakuha sa mga oras na 'yon, pero naiinggit siya nang kaunti dahil alam niyang masaya ang mga kaklase niya roon sa eskuwelahan habang tinuturuan sila ng guro. Para kasi sa kan'ya, masaya ang mag-aral nang may kasama. Kapag mayroon kang hindi alam ay nandiyan ang mga kaklase mo para turuan ka, ganoon din ang mga guro na matiyagang magturo nang sa ganoon ay matutuhan nila ang mga kailangan nilang malaman, hindi katulad ng kan'yang sitwasyon ngayon kung saan ay kailangan niyang aralin ang lahat ng bagay nang mag-isa. Bigla tuloy siyang napatingin doon sa panyo na inipit niya sa kan’yang math book. Nilabhan naman na niya iyon, pero nagdadalawang isip siya kung ibabalik niya ba iyon kay Angelo, gayong siningahan niya ‘yon. “Saka ko na nga lang pag-iisipan,” ani Serene bago ito nag-unat ng kamay. Sumasakit na ang kan’yang likod at kumukulo na rin ang kan’yang tiyan. Nalipasan na kasi siya ng gutom, kaya naman ay kumuha na muna siya ng kaunting kanin at iyon na muna ang kinain niya. "A... e..." Napangiti na lang siya nang makita niya na nagsasanay rin magbasa ang kan'yang kapatid. Kahit papaano kasi ay tinuturuan niya rin ito. Para kay Serene, mahalaga ang kaalaman kaya naman lahat ng matututuhan niya ay ibabahagi niya rin sa kapatid. Tumayo na siya at akmang lalabas para sana manguha saglit ng mga shell sa labas na puwede niya ring maluto dahil low tide ngayon, pero kaagad din siyang napapasok sa loob nang makita ang isang lalaking may dala-dalang itak na papunta sa bahay nila. Iyon na naman ang lalaking may tattoo. Iyon ang lalaking nanakot sa kan'yang ina noon. Isinara niya ang pinto ng kanilang bahay kubo pero huli na ang lahat dahil nakita na siya ni Lorenzo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD