"BATA, HUWAG MO na akong pagtaguan. Hindi ko naman kayo sasaktan," wika ng lalaki pero puno ng pananakot ang boses nito. "May hinahanap lang ako. Nandiyan ba ang tatay mo?"
Kahit nga hindi niya ito lingunin ay alam niyang nakangisi ito. Naririnig niya pa nang bahagya ang pagpukpok nito sa pinto ng kanilang bahay gamit ang itak na hawak nito. Hindi niya ang gagawin.
Nakapikit lang ito at nananalangin na sana ay dumating dito ang kan'yang ama o ina. Hindi niya alam kung paano kakausapin ang isang lalaking mukhang may balak silang tagain lahat.
Dahil doon ay unti-unting tumulo ang kan'yang luha bago kinagat nang mariin ang pang-ibabang labi, ngunit napasigaw na lang siya sa takot nang biglang sipain ni Lorenzo ang pinto na naging dahilan upang tumalsik siya roon sa gilid, sa mismong tabi ni Clea na mukhang walang kaalam-alam sa mga nangyayari.
"Nasaan ang mga magulang mo?" tanong ni Lorenzo. Mukhang masama na ang timpla ng mood nito pagkapasok sa kubo nila. "Tangina ni Felix, mukhang tinataguan talaga ako ng gagong 'yon," dagdag pa niyang wika bago tuluyang dumilim ang ekspresiyon nito.
Hindi inasahan ni Serene na bigla na lang itong magwawala sa loob ng bahay nila. Kung saan-saan ito nagpupunta kaya naman ay walang ibang nagawa sila Serene kung hindi ang isiksik ang kanilang sarili sa mumunting sulok habang nagdadasal para sa kanilang buhay. Pinagtataga nito ang lahat ng gamit nila, maging ang mga pagkain na ngayon ay nakakalat na sa sahig.
"H-Huwag po!" nauutal na wika ni Serene nang maglakad ito papalapit sa direkyon nila.
Dahil sa ingay ay kaagad na pumalahaw ng iyak si Joseph. Ganoon din si Clea na nanginginig sa takot habang mahigpit na nakakapit sa laylayan ng kan'yang damit. Maging si Serene ay nakakaramdam na rin ng kaba, pero kailangan niyang patatagin ang sarili.
"Putangina, bakit ba ang iingay n'yong mga bata kayo, ha? Hinahanap ko lang naman ang tatay n'yo!"
Sa sobrang inis ni Lorenzo ay bigla nitong hinagis ang itak sa direksyon nila. Sa kahoy lang naman niya iyon ipinatapa pero napuno pa rin ng sigawan ang buong kubo. Ito ang mahirap sa lugar na tinitirhan nila. Kahit na ilang beses silang magsisisigaw, gaano pa man iyon kalakas, ay walang makaririnig sa kanila.
"Ano ba!" tila nababaliw na sigaw ni Lorenzo nang lalong lumakas ang iyak ni Clea at Joseph. Napasabunot pa 'to sa kan'yang buhok habang nagpipigil lang ng galit. "Putangina naman, naiirita na nga ako sa tatay ninyo, pati ba naman ako ay iinisin n'yo rin?!"
Doble ang naging bilis ng t***k ng puso ni Serene. Gusto man niyang sumagot pero pakiramdam niya ay tinakasan siya ng boses dahil na rin sa kabang nadarama.
Huminga siya nang malalim at pilit na pinakalma ang sarili. Tumingin si Serene kay Clea. Bakas ang takot sa mga mata nito kaya naman ay ngumiti siya kahit na halatang pilit lang ito. Napalitan naman ang ngiti niya ng pag-aalala nang mapadako ang tingin nito kay Joseph. May bukol kasi si Joseph sa lalamunan kaya dapat hindi maging malakas ang iyak nito.
"Nasaan si Felix?" tanong nito sa isang mahina ngunit nakatatakot na boses."Nasaan ang tarantado mong ama?" dagdag pa nitong tanong bago nito hinawakan nang bahagya ang mukha ng batang babae.
Kaagad na iniwas ni Serene ang mukha niya rito.
Napangisi si Lorenzo nang makita kung gaano katakot ang mukha ng batang babae. Tumataas lalo ang kan’yang morale kapag natatakot ang mga tao sa kan’ya. Pakiramdam niya kasi ay sobrang tatag at walang kahit sino ang kakayaning banggain siya. Iyon ang pinakadahilan kung bakit siya nagpapautang.
Gusto niyang pahirapan ang mga nangungutang sa kan'ya at ibunton sa mga ito ang lahat ng problema niya sa buhay.
"N-Nasa trabaho po si papa—"
"Tangina, anong nasa trabaho? Galing ako sa palaisdaan at wala roon ang tatay mong kupal!" Marahas na binitawan ni Lorenzo ang mukha ni Serene. Kamuntikan pa siyang sumubsob dahil sa kan'yang ginawa pero wala itong pakialam. "Magsisinungaling ka pa sa akin? ‘Yan pa naman ang pinakaayaw ko sa lahat. Alam mo ba iyon?"
Nag-echo sa utak ni Serene ang bawat salita ni Lorenzo, ngunit ipinilig nito ang ulo. Nag-isip siya ng paraan kung paano mapapakalma ang lalaki... at kung paano mapapawala ang kaba ni Clea na tuluyan na ngang napaihi sa sahig dahil sa takot nito.
"Sshh... Clea..." pagpapakalma niya sa kapatid. Muli itong tumingin kay Lorenzo bago muling nagsalita. "M-Maawa po k-kayo—"
"Maawa?" Humalakhak ito na para bang nababaliw. "Wala na akong pera! Ano’ng maawa ang sinasabi mo?!"
Muli ay pinuno ng bawat sigaw ang buong lugar nang kunin ni Lorenzo ang itak na kan'yang hinagis at muling pinagsisira ang bawat gamit sa loob ng bahay. Abot-sukdulan na ang galit nito.
‘Panginoon, sana ay may magligtas sa amin...’ wika ni Serene sa kan'yang isip.
"Wala akong awa, bata. Alam iyon ng tatay mo bago siya nanghiram sa akin ng pera."
Hindi totoo na wala nang pera ang lalaki dahil kakapanalo lang nito kanina sa sugal, pero ngayon niya lang napagtanto na mas masarap palang takutin ang mga bata. Ngayon lang kasi niya ito nagawa.
At mukhang uulit-ulitin niya ito lalo na kay Serene na nakatitig lang sa kan’ya ngayon habang lumuluha. Gusto niya pang marinig ang bawat pag-iyak at pagmamakaawa nito. Tiyak na hindi ito ang magiging huling beses na pupuntahan niya ito.
Ngunit doon siya nagkakamali.
Nanlaki ang mga mata ni Serene at maging ni Lorenzo nang may dalawang pulis na pumasok sa loob ng kanilang kubo. Kaagad lumapit ang mga ito sa lalaki.
"Tangina, ano ito?!" naiinis niyang singhla bago ito tumingin kay Serene nang masama. "Isinumbong mo ba ako?!" Matapos no'n ay sa mga pulis naman ito bumaling ng tingin.
"Huhulihin n’yo ako? Hindi n'yo ba kilala kung sino ako? Eh kung tanggalan ko kayong lahat ng bituka?!"
Akmang tatagain sana ni Lorenzo ang isa roon sa mga pulis, pero hindi na niya nagawa ang balak niya nang biglang sipain ng isang pulis ang kamay niya, dahilan para mabitiwan nito ang hawak na itak. Hindi na nagsayang ng oras ang pulis. Pinaluhod siya ng mga ito at pinosasan.
"Kilala ka namin, oo," ani pulis bago marahas na itinayo si Lorenzo. "Pero hindi mo kami matatakot. Sa laki ng gulong ginawa mo rito, siguradong wala kang takas mula sa mga kabalbalan mo."
Sinubukan pang pumalag ni Lorenzo, umaasang makakatakas siya ngunit mahigpit ang pagkakahawak ng dalawa sa kan'ya. Hindi rin kasi biro ang laki ng dalawang pulis na humuli sa kan'ya. Wala na siyang nagawa pa kung hindi ang murahin si Serene sa kan'yang isip.
"Clea... tahan na, wala na siya," pagpapakalma ni Serene sa kan'yang kapatid na hindi na tumigil sa pag-iyak mula kanina. "Joseph, sshh... tahan na, hindi maganda para sa iyo ang umiyak nang gan'yan. " Sunod naman ay si Joseph ang pinatahan nito.
Bata pa si Joseph kaya naman ay alam niyang hindi siya maiintindihan nito... pero umaasa siyang mararamdaman ng sanggol ang pagmamahal ni Serene para sa kan'ya.
Tinatapik-tapik niya ang likod nito nang biglang may pumasok ulit sa kanilang bahay. Kaagad na napapikit si Serene at tuluyang napaluhod. Sunod-sunod na bumagsak ang luha niya bago ipinagdikit ang dalawang palad, bahagyang ikinikiskis ito.
"Tama na po! Maawa po kayo s-sa amin! Nasa trabaho po t-talaga ang i-itay ko!" malakas na sigaw ni Serene.
"Serene... anak, ang teacher Julie mo ito." Imbes na baritono at nakakatakot na boses, isang malambing at payapang boses ang kan'yang narinig.
Kaagad niyang pinunasan ang luha gamit ang kanang kamay at idinilat ang mga mata. Sumalubong sa kan'ya ang kan'yang adviser sa elementarya. Nakasuot pa ito ng dilaw na uniform ng mga titser sa kanilang paaralan. Nakangiti man ngunit kita ni Serene ang pag-aalala sa mga mata nito.
"T-Teacher Julie?"
Kinagat nito ang pang-ibabang labi pero hindi rin niya naitago ang mas malakas na paghikbi nang makita ang guro sa kan'yang harapan. Mabilis itong tumakbo papalapit sa guro at niyakap ito nang mahigpit. Kaagad namang tinapik-tapik ni Julie ang likod ng bata upang pakalmahin ito.
Naalala niya tuloy ang dahilan kung paano niya nalaman ang nangyayari sa loob ng bahay nila Serene.
"Teacher Julie!" Bakas ang pagkataranta sa boses ni Angelo, isa sa mga estudyante niya, nang magsalita ito sa kabilang linya.
Nagtaka naman si Julie dahil doon. Ngayon lang kasi tumawag si Angelo sa kan'ya gamit ang number nito. Kinabahan tuloy siya dahil mukhang hindi maganda ang sasabihin ng bata sa kan’ya.
"Ano iyon, anak?" Anak ang tawag niya sa lahat ng kan'yang estudyante. Binilisan nito ang pag-aayos ng kan'yang gamit bago ipinokus ang buong atensyon sa kausap. "May nangyari ba?"
"N-Nasa panganib po si Serene!" nauutal pang sabi nito. "Nandito po ako sa harap ng bahay nila ngayon a-at may lalaki! Nagwawala!”
Kaagad na nataranta si Julie dahil sa narinig. Ganoon din si Angelo na nag-aalala sa kan’ya. Hindi niya alam kung bakit ang dalas niyang magpunta sa bahay nila Serene para makita ito. Gusto niya sanang bigyan ito ng notes niya nang makitang may nagwawalang lalaki sa loob ng kanilang bahay.
"Umalis ka na riyan, Angelo. Tatawag ako ng pulis," saad sa kan'ya ng guro "Huwag kang lalapit doon sa bahay, naiintindihan mo? Magtago ka."
Tumango na lang si Angelo habang nakatingin doon sa kubo. Rinig niya ang bawat pag-iyak ni Serene at ang pagmamakaawa nito, pero hindi niya maigalaw ang mga paa upang pumunta roon. Pinangunahan siya ng takot.
Mabuti na lang ay doon nakatira si Julie sa purok kung saan nakatira sila Serene kaya naman ay mabilis siyang nakatawag ng pulis. Nailigtas ng mga ito si Serene at ang kan'yang mga kapatid mula sa panganib.
"Huminga ka nang malalim, anak," utos ni Julie kay Serene nang bigla itong mahirapang huminga dahil sa pag-iyak nito. "Ako na ang mag-aayos dito. Umupo ka muna roon sa gilid.”
Tumango na lang si Serene bago ito lumapit kung nasaan si Joseph. Binigyan niya ito ng gatas at inasikaso naman ang kalat ni Clea kanina. Hindi niya namalayan na nakatitig lang pala si Julie sa kan'ya habang kumikilos siya.
Awang-awa si Julie sa kan'yang nakikita. Sa lahat ng kan'yang estudyante ay kay Serene sobrang kumikirot ang kan'yang puso. Kitang-kita niya kasi ang pagsisikap nito sa buhay ngunit tila ay kalaban niya ang mundo sa mga pangarap nito.
"Bakit hindi ka pumasok sa school? Ito ba ang dahilan?" tanong ni Julie habang inaayos nito ang mga nagkalat na gamit sa sahig. "Makakapasok ka na ba bukas?"
‘Sana ay makapasok ka, Serene...’ hiling ni Julie sa kan'yang isip.
Pero hindi iyon natupad.
"Sorry po... pero baka hindi po muna ako makapasok ngayong buwan," malungkot na wika ni Serene habang patuloy ito sa paglilinis. "Kailangan ko po kasing bantayan ang mga kapatid ko. Tanggal na po ba ako kapag ganoon ang ginawa ko?” dagdag niya pang tanong, pero hindi nakasagot si Julie dahil nakatitig ito sa gilid ng kanilang kubo.
Nandilim ang kan’yang paningin nang makita ang bakas ng itak sa iilang parte ng bahay. Siguradong malala ang trauma ng magkakapatid dahil dito. Nangako siya sa kan'yang sarili na hindi niya hahayaang makalaya ang hayop na iyon, at tutulungan niya si Serene sa abot ng makakaya nito.
"Teacher?" pagtawag ulit ni Serene sa kan’ya.
"Hindi, anak." Umupo ito upang maging kasingtangkad lang niya ang bata. "Kung hindi ka makakapasok sa school, ako na lang ang pupunta rito araw-araw para turuan ka. Ayos lang ba iyon sa iyo?"
Ilalapit ni Julie ang paaralan kay Serene. Kung hindi niya kayang magpunta sa eskuwelahan araw-araw ay siya na lang ang magt-tiyagang magpabalik-balik dito, dahil ang pangarap ng bata ay pangarap na rin niya. Magsisikap siya upang matupad iyon.
"Sobrang ayos po no'n sa akin! Maraming salamat po, teacher Julie!" Puno ng galak ang boses ni Serene bago niyakap si Julie nang mahigpit.
Pero kaagad na napakunot ang noo ni Serene nang makita niya si Angelo na nakatayo lang doon sa labas ng bahay nila at pinagmamasdan siya. Iginiya naman siya roon ni Julie upang makapag-usap ang dalawa.