"ANG WALANGHIYANG 'yon," nanggigigil na wika ni Serene habang padabog itong naglalakad papalapit sa kinaroroonan ni Rachel. Rinig na rinig ang bawat pagtapak ng paa ni Serene sa sahig. Sa inis nito ay doon na lang muna niya sa paglalakad inilalabas ang kan'yang galit. Hindi naman kaagad napansin ni Rachel si Serene dahil busy ito makipagkuwentuhan sa isa sa mga tindera sa kanilang eskuwelahan. Sa totoo lang ay kanina pa gustong umalis ni Rachel. Masaya na siya sa kan'yang nakita. Mukhang pinagsakluban na ng langit at lupa si Serene nang makita niya itong lumabas ng principal's office. Ang hindi lang niya nagustuhan ay noong makita niya si Angelo na halos hindi mapirmi sa kan'yang puwesto habang hinihintay ang dalagita, pero ganoon pa man ay hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mukha nito.