"MARAMING SALAMAT, Angelo."
Iyan ang salitang pumutol sa katahimikan ng dalawang batang nagngangalang Angelo at Serene na kasalukuyang nakaupo sa buhanginan habang pinagmamasdan ang dagat. Mas tahimik ang dagat ngayon kung ikukumpara nitong mga nakaraang araw. Hindi masyadong maagos ang tubig kaya naman ay rinig ni Serene ang bawat paghinga nila ni Angelo.
"Siguradong maraming mahuhuling isda si itay," aniya sa kan'yang isip. Ang sabi kasi ng ama ay mas maganda ang mangisda kapag ganito katahimik ang dagat.
"Walang anuman," maikling sagot naman nito habang nakatingin sa dagat.
"'Y-Yong panyo mo nga pala-"
"Huwag na," kaagad naman nitong sagot sa kan'ya. Ni hindi man lang siya nilingon nito. "Iyo na 'yon."
Tumango na lang ang batang babae.
Angelo Hernandez. Kaklase niya ito mula kinder doon sa pinapasukan niyang eskuwelahan. Madalas ay mag-isa lang ito at palaging nag-aaral. Ni minsan ay hindi siya sumubok kausapin ito nang silang dalawa lang, puwera na lang ngayon. Kahit kasi sa mga gawain nila sa loob ng classroom na kinakailangan ng partner ay mailap ito.
Guwapo si Angelo kahit sa murang edad nito. Halata ring may kaya ang pamilya dahil na rin sa mga bagong gamit nito. Bawat taon din ay papalit-palit ito ng uniform. Malayo ito sa buhay na kinalakihan niya... na ultimo pera pambili ng bigas ay nahihirapan pa silang kitain, kaya naman parang isang panaginip na katabi niya ngayon ang batang lalaki.
Parang pinagtabi ang langit at lupa pero hindi pa rin maaaring magdikit.
Muli ay napuno ng katahimikan ang buong lugar. Hindi na kasi alam ni Serene ang sasabihin. Gusto man niyang pahabain ang usapan, pero isang tanong at sagot lang naman ang sinasabi ng kaklase. Ipinagtulakan kasi siya ng kan'yang titser kaya wala na siyang nagawa.
Nang lumingon siya roon sa kinaroroonan ng kanilang bahay ay nakita niya sa may pinto ang guro na buhat-buhat si Joseph. Kaagad naman itong ngumiti sa kan'ya nang makitang nakatingin siya.
"Hello po!" pagbati pa ni Serene habang ikinakaway ang magkabilang kamay. "Babalik na po ba ako riyan?" dagdag pa nitong tanong bago itinuro ang kanilang kubo, pero kaagad na umiling ang guro bago muling ngumiti sa kan'ya.
Kasalukuyan niyang hinehele si Joseph na siyang kinakaawaan niya. Sa susunod ay susubukan niyang ilapit si Joseph sa mga nakatataas upang matulungan ito.
Gusto ni Julie na mapanatag ang loob ni Serene. Kahit hindi nito sabihin ay alam niyang may takot pa rin itong nararamdaman sa nangyari kanina, pero hindi lang 'yon ang dahilan kung bakit niya pinaupo sa tabing-dagat si Serene kasama ni Angelo.
Dahil si Angelo mismo ang humiling no'n sa kan'ya.
"Teacher Julie, puwede ko po ba kayo makausap sandali?" ani Angelo bago nagkamot ng ulo na para bang nahihiya.
Hindi naman ganito si Angelo sa kanilang klase, kaya naman ay biglang napakunot ang kan'yang noo habang tinititigan ang binata. Tumayo na lang siya mula sa kinauupuan at lumabas dahil doon gustong makipag-usap ng batang lalaki.
"Ano 'yon, anak?" tanong ni Julie bago umupo sa buhanginan.
Akala niya ay uupo rin si Angelo pero nanatili lang itong nakatayo sa kan'yang harapan. Umiwas ito ng tingin bago ipinagdikit ang dalawang kamay, senyales na nahihiya ito.
Napangiti tuloy si Julie at pinigilan ang sariling kurutin si Angelo sa pisngi.
Alam niya kasi ang nararamdaman nito. Mukha man itong cold sa school pero hindi kay Serene. Madalas niya itong mahuli na nakatitig sa batang babae, at paminsan-minsan din ay nag-iiwan ito ng kan'yang baon sa upuan ni Serene, pero hindi alam ng babae na galing iyon kay Angelo.
May gusto ito kay Serene sa murang edad nito.
"Huwag ka na mahiya. Ano iyon?" saad muli ng guro nang hindi magsalita ang lalaki, pero namumula ang magkabilang tainga nito.
Napapitlag si Angelo dahil sa biglang pagsasalita ni Julie. Kung saan-saan na kasi siya dinadala ng kan'yang isip.
"Teacher..." Tumingin si Angelo sa kan'ya pero kita pa rin ang hiya sa mga mata nito. Huminga ito nang malalim bago itinuloy ang sasabihin. "Puwede po ba kayong gumawa ng paraan para magkausap kami ni Serene?"
Napangiti si Julie dahil sa sinabi ng bata, pero kaagad siyang tumikhim upang hindi iyon mapansin ni Angelo. Baka kasi isipin nito na hindi siya sineseryoso ang sinasabi nito. Natutuwa lang siya sa hiling nito. Sa tagal nitong humahanga kay Serene ay ngayon lang niya naisip na gumawa ng aksyon para magkalapit silang dalawa.
"Bakit, anak?" tanong naman nito bago kinagat ang pang-ibabang labi. Natutuwa pa rin kasi siya sa reaksyon ng isa sa kan'yang mga anak-anakan. "Puwede ka namang makipag-usap sa kan'ya."
"Baka hindi po kasi siya sumama sa akin kapag ako ang nagsabi sa kan'ya," kaagad namang sagot nito na ikinalaki ng mga mata niya. "Hindi madaling magtiwala si Serene sa mga tao."
Naiintindihan ni Julie ang takot na nararamdaman ni Angelo. Mukha mang approachable si Serene pero ang totoo ay mailap talaga ito sa tao. Para siyang isang bukas na libro pero may nakatagong mga kabanata sa loob. Palakaibigan pero mayroon pa ring mga lihim na hindi niya ipinapaalam sa lahat.
Hindi inasahan ng guro na mapapansin din iyon ni Angelo. Nakamamangha lang.
"Wala namang masama kung susubukan mo muna bago ka gumawa ng konklusyon, Angelo," saad naman niya rito bago ngumiti. Ginulo pa nito nang bahagya ang buhok ng batang lalaki na ikinasimangot naman nito. Hindi na tuloy niya napigilan ang pagtawa. "Subukan mo muna, tapos ay saka kita tutulungan kapag ayaw niya."
Pero hindi sinubukan ni Angelo ang kausapin si Serene. Nanatili lang itong nakatayo sa labas hanggang sa pumasok na siya sa loob ng kubo nila Serene, kaya naman siya na ang gumawa ng paraan para magkausap ang dalawa.
"Puwede ba akong magtanong?"
Sa gitna ng pagmumuni-muni ni Angelo habang pinagmamasdan ang dagat, nabalik lang ito sa reyalidad nang bigla siyang kausapin ni Serene. Akala kasi niya ay mananatili lang itong tahimik. Alam niyang pinangarap niya ito, pero ngayon namang nandito na si Serene sa tabi niya, tila ay natutop ang kan'yang bibig.
"A-Ano iyon?" tanong naman ni Angelo pabalik sa kan'ya.
Hindi niya maiwasan ang hindi mapahanga sa ganda ni Serene. Hindi naman magandang damit ang suot nito. Malaki pa nga ang suot nitong puting t-shirt. Madungis din ang mukha nito dahil na rin sa mga luha nitong hindi pa napupunasan at tuluyan nang natuyo, pero pakiramdam niya ay isa itong anghel.
Lalo na nga at nang biglang hinangin ang buhok nito, kasabay ng pagsilay ng ngiti sa kan'yang labi.
"Paano mo nalaman kung nasaan ang bahay namin?"
Tumagilid ang ulo ni Serene nang itanong niya 'yon. Nagtaka siya dahil pagkatanong niya no'n ay biglang namula ang buong mukha ni Angelo. Tisoy kasi ito kaya naman kahit kaunting pamumula lang ay halata na kaagad sa batang lalaki.
"Hala, ayos ka lang ba?" aniya bago inilagay ang kanang kamay sa noo nito. Nakalimutan ni Serene na hindi nga pala malinis ang kan'yang kamay, pero naglakas-loob ito na idikit ang kamay sa makinis na balat ni Angelo. "Ang init mo! Hala, bakit ka nilalagnat?!" sigaw pa ng batang babae.
Hindi kaagad nakasagot si Angelo.
Maganda si Serene sa malayuan, pero hindi niya inasahang titibok nang mas mabilis ang kan'yang puso dahil lang sa paglapit nito. Mukha mang busabos pero napakaganda ni Serene sa kan'yang paningin. Ang mahaba nitong pilikmata, ang mataba nitong pisngi, ang maliit nitong ilong, at ang mapula nitong labi...
Tila ay nagising siya nang mapatitig sa labi nito.
"A-Ayos lang! Mainit kasi!" sagot nito bago tinapik ang kamay niya. "Bakit ka lumalapit sa akin?" pagsusungit niya pa pero sa totoo lang ay kinakabahan ito.
"Tinitingnan ko lang kung may lagnat ka, eh," mahinahon naman nitong sagot sa kan'ya bago ito muling umupo, medyo malayo na sa kan'ya. "Paano mo nalaman ang bahay namin?" pagtatanong pang muli ni Serene pero hindi siya sinagot ni Angelo. Imbes ay iniba nito ang topic.
Hindi naman kasi puwedeng sabihin ni Angelo na minsan ay sinundan niya si Serene sa pag-uwi nito. Sa ibang baryo siya nakatira sa ngayon, pero hindi niya 'yon alintana. Gusto lang talaga niyang makita ang kaklase. Doon niya nakita kung anong klase ng pamumuhay mayroon si Serene, pero imbes na ayawan niya ito ay mas lalo lang siyang nagkainteres dito.
"Puwede ba akong sumama sa inyo?" tanong ni Angelo. "Sa pag-aaral mo kasama si teacher Julie. Narinig ko kasi iyon kanina," dagdag pa nitong paliwanag.
"Ha? Bakit?" nagtaka naman si Serene dahil doon. Nakakunot na ang noo niya pero hindi niya na 'yon napansin. "Hindi ka rin ba makakapasok sa eskuwelahan? Saka, bakit gan'yan ang pagkakatitig mo sa akin? May dumi ba ako sa mukha?"
Kaagad na tumikhim ang lalaki bago ito umiwas ng tingin. Ni hindi niya namalayan na kanina pa pala siya nakatitig kay Serene. Bigla tuloy itong nakaramdam ng hiya kaya naman ay ipinokus na lang ulit nito ang paningin sa dagat. "Hindi sa ganoon."
"Eh, bakit ka sasama sa akin? Gusto mo rin masolo si teacher Julie?" nagdududang tanong nito bago naningkit ang dalawang mata, tila ay binabasa kung ano ang nasa isip ng lalaki. Bahagyang napangiti si Angelo dahil sa reaksyon ni Serene.
"Hindi. Ikaw ang gusto kong masolo," wika ni Angelo sa kan'yang isip bago ito napangiti nang bahagya.
"Gusto kong... magpaturo sa iyo!" Pero siyempre ay hindi niya 'yon puwedeng sabihin kasi baka matakot sa kan'ya si Serene. Gumawa na lang tuloy siya ng ibang dahilan. "Kasi mataas ang grades mo!"
Totoo naman ang sinabi niya, pero hindi totoo na 'yon ang dahilan kung bakit gusto niyang magpaturo kay Serene. Likas na matalino at madiskarte ang babae, at kung mabibigyan lang ng tamang suporta ay siguradong may mas igagaling pa ito. Gusto niya lang talagang mas makilala pa si Serene.
"Sige... pero may bayad, ah?" kaagad namang pagpayag ng babae.
Bigla kasi siyang nakaisip na puwede niya palang pagkakitaan ang pagtuturo. Nakikita kasi niya 'yon sa ibang mga tao kapag nagpupunta sila sa baryo. Ang tawag doon ay tutor, at dahil kay Angelo naman na nanggaling ang ideya ay susunggaban na kaagad niya ito.
"Ano, payag ka ba?" dagdag niya pang tanong kasi bigla na namang natulala si Angelo na para bang nag-iisip habang nakatitig sa kan'ya.
"Ano ba naman 'tong si Angelo. Antok pa yata ito, eh," pagrereklamo ni Serene sa kan'yang isip.
"Sige, deal," inilahad nito ang kamay sa harap niya, "Serene Faith Buenavista."
Ngumiti naman si Serene dahil sa wakas ay may isa na siyang trabaho na puwede niyang magamit para sa gastusin sa kan'yang pag-aaral. "Deal, Angelo Jacob Hernandez."
Parang isang musika sa kan'yang pandinig ang pagbanggit ni Serene sa kan'yang pangalan. Hindi na tuloy nito napigilan ang pagngiti. Masasakripisyo man ang kan'yang baon pero wala na siyang pakialam doon.
'Kapag wala si teacher Julie ay mababantayan ko siya.' Parang nabunutan siya ng tinik sa dibdib nang maisip 'yon.
Hindi niya alam kung bakit... pero gusto lang niyang protektahan si Serene sa lahat ng pinagdaraanan nito.
Masayang tinatamasa ni Serene at Angelo ang katahimikan nang biglang mayroong dumating, dahilan kung bakit biglang nanigas si Serene sa kan'yang kinauupuan.