Jasmine
Tahimik ako na nakaupo sa hapag-kainan habang tulala sa harap ng masasarap na pagkain. Wala ako sa sarili habang pinaglalaruan ko ang hawak kong kutsara at tinidor.
Wala ako ganang sumubo dahil ang huling pag-uusap namin ni Mr. Cojuangco ang pilit na umuokopa sa isipan ko.
Palaisipan pa rin sa akin ang mga iyon at pilit kong iniintindi kung ano ang ibig niyang sabihin doon. Gustung-gusto ko malaman kung bakit, ngunit wala naman ako pwedeng pagkuhanan ng sagot kung 'di siya lang.
Nais ko na muli siyang makausap dahil doon ngunit inuunahan ako ng takot. Natatakot na talaga ako sa kanya. Iyong ginawa niya kanina sa akin ay labis na nagpasakit sa puso ko. Gusto ko na talaga kumawala sa mga kamay niya. Hindi ko na gugustuhing masaktan niya ako ulit. Pero paano ko gagawin iyon kung iyong una kong pagtakas ay pumalpak na. Sigurado na hihigpitan niya ang mga bantay dito sa palasyo niya dahil nag-attempt na ako tumakas.
"Bakit hindi ka kumakain? Don't you like the food?" sita niya sa akin nang lumingon siya sa gawi ko.
Napahaba na naman ang pagmumuni ko kaya 'di ko namalayan na kasalo ko nga pala siya sa pagkain.
"G-Gusto ko po lahat," otomatikong nagsubo ako ng pagkain para hindi niya ako pagalitan. Kahit hindi ko gusto ang sinubo ko ay pilit ko iyong nginuya saka ito nilunok pagkatapos. Baka iyon na naman ang dahilan para magalit siya sa akin. Pinilit ko na lang talaga ang sarili ko na sumubo muli nang makita kong nakatingin pa rin siya sa akin.
Napailing siya sa ginawa ko, mukhang kanina pa nasa akin ang atensyon niya. Magana siyang sumubo ng pagkain at nawala sa akin ang paningin niya.
Magkatabi kami habang kumakain sa napakahabang hapag-kainan dito sa dining room. Napakalawak nito para maging kainan lamang. Parang kasing lawak ito ng buong squatter's area na tinitirhan namin noon.
Napakaganda at napakarangya ng mga gamit na naka-display dito. May nakita pa ako na malaki na piano sa may gilid. Ginagamit siguro iyon kapag may okasyon o kaya naman ay kapag may gusto lang tumugtog.
May katabi rin itong violin at guitara na pang-display lang yata dahil naka-fixed ito sa dingding. May malaking chandelier sa pinakagitna sa taas ng kisame at maliliit naman na ilaw sa bawat kanto nito.
Napakaganda niyon dahil sa hinuha ko ay sa purong kristal ito gawa.
Napakayaman talaga niya, no doubt, kaya malakas ang loob niyang itrato ako ng ganito dahil alam niyang hindi ako makakaapela.
Palihim ako na sumulyap sa kanya. Napakagana niyang kumain samantalang ako ay hindi man lang nagagalaw ang mga pagkain na inilagay niya kanina sa plato ko.
Siya mismo ang naglagay at hindi na ako umangal kahit ayoko sa mga 'di pamilyar na pagkain na sa tingin ko naman ay masarap. Wala lang talaga akong gana dahil wala akong panlasa. Mapait ang nalalasahan ko sa mga isinusubo ko. Kung wala lang akong dinaramdam na sakit ay malamang naubos ko na ang lahat ng mga nakahaing pagkain sa lamesa.
Bihira ako makatikim ng masarap. Pagsasawaan ko muna ang mga ito habang nag-iisip ako ng paraan para makatakas. Magpapalipas muna ako ng ilang araw o kaya ay paraanin ko muna ang isang linggo. Magpapagaling muna ako saka ko isasagawa ang pagkatakas sa demonyong ito.
Sana, sa pananatili ko ng ilang araw ay hindi niya ako galawin. Malabo naman iyong naisip ko dahil mukhang aaraw-arawin niya ako. Dalangin ko na lang na hindi ako galawin ng mga kaibigan niya. Kahit siya na lang, huwag lang akong babuyin ng iba.
"Damihan mo ang kain mo, huwag ka ng managinip ng gising diyan. Akala mo ba hindi ko binibilang ang bawat pagsubo mo," angil niya. Pabagsak niya na binitiwan ang tangan na kubyertos at saka hinila ako sa braso.
Sa gulat ko ay nabitawan ko ang hawak kong kutsara at tinidor. Nalaglag ito sa plato ko at malakas na kumalansing.
Iniharap niya ako sa kanya ngunit kaagad na pumikit ako dahil takot ako makasalubong ang nagbabaga niyang mga mata.
Heto na naman siya, sasaktan na naman niya ako. Bawat ginagawa ko ay hinahanapan niya ng mali. Napapaisip na naman tuloy ako kung nagkaatraso ba ako sa kanya ng malaki.
Sana huwag niya akong saktan sa harap ng mga katulong niya. Nakakahiya, marami pa naman sila na nakatanghod sa amin. Nag-aantay lang ng iuutos sa amo nilang demonyo. Isa pa, nasa harap kami ng pagkain hindi magandang ideya na magtalo kami dito.
"Open your eyes. Damn it! I'm not going to hurt you." Napamulagat ako ng wala sa oras. Nasa mukha ko ang pagtataka dahil malumanay ang boses niya ngunit nababakas pa rin ang galit dito.
Hindi ko maipaliwanag ang klase ng emosyon na saglit na nasalamin ko sa mga mata niya. Matinding lungkot ba 'yong nakita ko o namamalikmata lang ako dahil mabilis na nagbago ang ekspresyon ng mga mata niya. Biglang bumalasik ang kanyang mukha nang magsalita siyang muli.
"Now eat! Ubusin mo 'yan at huwag kang magtitira. Kapag may natira sa plato mo, hindi kita pakakainin mamayang gabi."
Mas lalo ako nawalan ng gana sa narinig. Napatingin ako sa plato ko na punung-puno pa rin ng pagkain. Iniisip ko kung paano ko uubusin ang mga ito.
Napangiwi ako nang pisilin niya ang braso ko. Hawak pa pala niya ang braso ko.
"O-Opo, uubusin ko po."
"Good! Now eat!" utos niya sabay bitiw sa akin.
Tumalima ako sa utos at kaagad na sumubo nang magkakasunod. Nakita ko pa ang malungkot na sulyap ng mga katulong sa akin. May alam kaya ang mga ito sa trabahong pinasok ko sa lalaking ito. Napapahiyang yumuko ako, 'di ko kinaya ang bigat ng tingin nila.
"Anong tinitingin-tingin ninyo diyan? Pagsilbihan ninyo kami, kargahan niyo ng tubig ang mga baso namin. Nasaan ang dessert? Ilabas na ninyo! Huwag kayo basta tumunganga riyan! Sayang pinapasweldo ko sa inyo!"
"O-Opo!" sabay-sabay na sumagot ang mga katulong. Nagkanya-kanya sila ng galaw habang bakas ang takot nila sa kanilang malupit na amo.
May naglagay ng tubig sa baso namin. Nilagyan naman ng isa ng kanin ang plato ni Mr. Cojuangco at dinagdagan ng lechon ang pinggan niyang ubos na sa laman. Saka sila bumalik sa kanilang pwesto nang matapos sa ginagawa. Nagsiyuko sila ng ulo at nag-antay sa susunod na utos.
Sa totoo lang wala naman talaga ako balak saluhan sa pagkain si Mr. Cojuangaco. Sa sakit ng pagkakatama ng balakang ko sa kama ay talagang hindi ako makakatayo.
Pero pagkalabas niya ng kuwarto ay pinaakyat naman niya ang mayordoma niya para masahiin ang nasaktan kong balakang. Magaling manghilot ang matandang babae kaya natanggal ang sakit ng balakang ko.
Labis na naawa sa akin ang matanda nang datnan niya ako sa kuwarto na humahagulgol ng iyak.
Siya pa ang kumuha ng maisusuot ko. Nagpunas sa katawan ko at pagkatapos ay nagbihis sa akin nang matapos ako mahilot. Napakamaalalahanin ng matanda, naalala ko sa kanya si Tiya Selina. Na-miss ko tuloy bigla ang Tiya ko.
Pinangaralan pa nga niya ako na sumunod na lang sa lahat ng gusto ni Mr. Cojuangco para 'di niya ako masaktan. Ayon sa kwento niya, malupit daw talaga si Mr. Cojuangco. Mabait daw ito dati ngunit biglang nagbago ito ng gaguhin ito ng isang tao. Gusto ko sanang itanong pa sa kanya kung sino ang taong nagpabago kay Mr. Cojuangco subalit hindi na siya nagbigay ng paliwanag. Ayaw daw nitong magkwento dahil hindi tamang ikuwento niya sa akin ang buhay ng amo niya. Makarating pa sa kanya ay malalagot pa siya.
"Jasmine, pupunta ako ng office mamaya. I want you to take a rest and eat all the foods you want," ani ni Mr. Cojuangco nang matapos ito sa pagkain.
Sumulyap ako sa kanya habang pilit kong nginunguya ang isang piraso ng karne na hindi ko alam kung anong klase ng luto ito iniluto. Kasi, sobrang lambot nito at sobra sigurong sarap kung may panlasa lang ako.
Sa totoo lang, nasusuka na ako at gusto ko ng itigil ang pagkain ngunit hindi maaari. Takot ko lang na hindi niya ako pakainin mamayang gabi.
"Sige po, ingat po kayo." Lihim akong natuwa sa sinabi niya dahil mawawala sa paningin ko ang lalaking ito. Makakagalaw ako nang malaya sa paligid. Oobserbahan ko ang bawat sulok ng palasyo niya. Kailangan kong pagtiyagaang gawin iyon para mas madali sa akin ang pagtakas.
Kabisado ko naman na rito sa loob, sa labas na lang ang problema ko dahil napakalawak ng lupain na kinatitirikan ng palasyo niya. Mahihirapan ako makapunta sa main gate dahil hindi ko alam kung saang lupalop iyon naroroon.
May maliit na gubat pa na madadaanan bago makarating sa main gate. Iyon ang pagkakatanda ko dahil sumakay pa ako ng kotse kasama ang guard para mabilis na makarating sa bahay ni Mr. Cojuangco.
Teka, bakit kailangan niya na magpaalam sa akin?
"But, you are not allowed to go out side. You will stay here in the mansion. Pwede ka mamasyal sa may hardin o kaya sa may swimming pool pero hindi ka pwede lumabas ng gate. Don't try to escape kung iyan ang iniisip mo. Hindi madali sa iyo ang takasan ako dahil mahahanap at mahahanap kita." Nakagat ko ang labi ko nang mabasa niya ang iniisip ko. Malakas talaga ang pandama ng lalaking ito.
"O-Opo. Hindi naman po ako tatakas."
"Make it sure, Jasmine. Once you tried to escape and I captured you, hindi mo magugustuhan ang magiging parusa ko sa iyo. I will cage you in my room and I will put chain on your neck."