“Ang guwapo talaga ni Pablo!”
Napalingon ako sa likuran ko nang marinig ko yun.
“Oo nga, ganyan talaga ang ideal boyfriend ko kaya lang napaka-suplado.” Wika naman ng katabi ng babaeng hindi ko alam kung anong department.
Napabalik ang tingin ko sa papalapit na si Pablo.
“Nagsimula lang naman siyang maging ganyan nang umalis si Leona. Dati naman namamansin siya.” Narinig ko pang chismisan nila sa likuran ko. Nahihiwagaan na tuloy ako kung yung pablo bang papalapit sa akin ang tinutukoy nila o ibang pablo. Kasi ang Pablo na papalapit sa akin. Palagi akong inaasar sa bahay at napakayabang pa. Hindi rin naman siya snub kagaya ng sinasabi nila. Yung gabing yun lang. Nang makita ko siya sa harapan ng terrace.
“Kanina ka pa?” Kunot noo na tanong niya sa akin. Narinig kong nagbulungan ang mga babae sa likuran ko pero hindi ko naintindihan dahil sa kanya na ang atensyon ko.
“H-Hindi naman…” Sagot ko sa kanya.
“Sinong tinatawagan mo?” Nakangising tanong niya na nagpabalik sa aking pag-iisip. Mabilis kong ibinaba ang phone at isinilid sa bag ko. Dahil kanina pa pala ito nakadikit sa tenga ko.
“Let’s go, uwi na tayo siguradong nagluluto ng kakanin si Itay pang meryenda.” Wika niya sa akin. Sumabay ako ng lakad sa kanya palabas ng university. Ngunit pagkalabas namin ay bumuhos ang ulan.
Nagulat ako nang hilahin niya ako kaya napatakbo rin ako at sumilong kami sa malaking puno. Napatingin ako sa kamay kong hawak niya. Kaya nang mapansin niyang doon ako nakatingin ay agad niyang binitawan ang kamay ko.
“Nakalimutan kong magdala ng payong. Mataas kasi ang araw kanina kaya akala ko hindi uulan.” Katwiran ko sa kanya para hindi awkward ang sitwasyon naming dalawa.
“Kung ayaw mong mabasa pwede naman tayong sumakay.” Suhestion niya sa akin. Umiling ako sa kanya.
“Hindi ko pa naranasan ang maulanan. Kahit noong bata pa ako. Palagi kasing nandyan si Mama Sabel. Sabi nila kapag nagpaulan daw pwede kang magkasakit. Pero tignan mo sila?”
Nguso ko sa mga batang tuwang-tuwa na nagtatampisaw sa gilid ng kalsada. Malalapad na ngiti at hiyawan nila ang ingay na sumasabay sa malakas na buhos ng ulan.
“Ang saya nila, para silang walang mga problema. Gusto ko tuloy maging bata ulit. Gusto kong maranasan na maramdaman ulit kung paano tumawa ng ganyan. Yung wala kang nararamdaman na sakit. Yung kahit mahirap ang buhay kontento ka dahil hindi mo iniisip ang hinaharap.” Nakangiting sabi ko habang nakatingin ako sa mga bata na nagtatakbuhan. May mga lumalangoy pa kahit hindi naman gaanong mataas ang baha.
Napatingin ako sa kanya nang hawakan niya ulit ang kamay ko.
“Tara!”
“Ano? Saan? Teka!”
Hindi ko na siya napigilan nang hilahin niya ako paalis sa malaking puno.
“Mababasa tayo!” Malakas na sabi ko sa kanya dahil malakas din ang ulan.
“Kapag mamaya pa tayo baka hindi pa rin tumila ang ulan sayang ang oras!” Sagot niya sa akin. Hinayaan ko na lang siya dahil habang tumatakbo kami sa gitna ng ulan ay hindi ko maiwasan ang mapakagat sa aking labi. Ang sarap ng pakiramdam, malamig at nakakawala ng stress. Pero kahit pala gawin namin ito. Hindi pa rin nito maalis ang katotohanan na matanda na ako. At kailangan ko nang harapin ang katotohanan. Ang problema na darating ng mag-isa.
Napalingon siya sa akin at nakita niyang hindi ako masaya dahil pinipigilan ko ang aking emosyon. Tumigil siya sa pagtakbo at hinarap ako. Mabuti na lamang at wala na gaanong bahay dito malapit na rin kami sa bahay ni Lolo.
“Umiiyak ka ba?” Kunot noo na tanong niya sa akin.
Umiling ako at nagpatuloy sa paglakad. Pero hinila niya ang braso ko at ikunulong niya ako sa bisig niya. Sinubukan kong kumawala pero lalong humigpit ang yakap niya sa akin.
“Pwede kang umiyak kung gusto mo…Hindi ako makikinig. Hindi ako magtatanong... Ilabas mo lang ang nararamdaman mo...I know mahirap mag-adjust sa sitwasyon mo. Lalo na’t teenager ka pa rin at sigurado akong nagluluksa ka pa rin hangang ngayon. Pero wala kang choice Mia. Wala kang choice kundi tangapin ang lahat. Kahit masakit wala kang choice kundi ang tiisin ang sakit hangang kaya mo na.” Sambit niya. Nanlambot ang kamay ko at hindi ko na siya tinulak pa. Namalayan ko na lamang ang masagang luha na dumaloy sa mga mata ko. Habang hinaplos naman niya ang buhok ko na parang batang pinapatahan niya sa pag-iyak. Nakakahiya. Kahapon lang kami nagkakilala. Tapos ganito na kami samantalang kahapon lang nag-aasaran pa kaming dalawa.
Hindi ko na tuloy alam kung ano ang iisipin ko tungkol sa kanya. Kasabay ng pagtahan ko ay ang pahina rin ng ulan. Humiwalay na ako sa kanya. Kahit paano ay gumaan na rin ang pakiramdam ko. Kaya lang nahihiya akong humarap sa kanya.
“Itakip mo sa harapan mo. Nabasa na yung blouse mo.” Wika niya pagkatapos ay nagbaling siya ng tingin sa kalsada habang
Inaabot niya sa akin ang itim niyang bag. Pero inuna kong tignan yung harapan ko at nanlaki ang mata ko dahil bumakat na ang itim kong bra. Pati na rin ang hindi kalakihan kong cleavage ay kitang-kita na. Mabilis na hinila ko ang bag niya at tinakip sa katawan ko.
“Nakita mo?” Bulalas ko.
“Medyo, pero wala sa akin yun. Tara na baka magkasakit na tayo.” Sagot niya sa akin. Nauna siyang lumakad papasok sa bakal na gate at nakasunod ako sa kanya.
“Jusko! Bakit ka nagpaulan!” Salubong sa akin ni Mama Sabel. May dala siyang malaking tuwalya at payong.
“Akala po namin hindi titila eh.” Si Pablo ang sumagot.
“Ganun ba? Pasensya ka na ha. Kasi nagluluto ako kaya hindi agad ako nakaalis. Para sunduin ka.”
Ibinalot niya sa akin ang tuwalya.
“Mama Sabel, okay lang po malaki na naman ako saka ang saya kaya habang tumatakbo kami papunta dito.” Nakangiting sabi ko sa kanya para hindi na siya mag-alala pa.
Bumaling ako kau Pablo at inabot ko sa kanya ang bag.
“Maraming salamat Pablo.” Ngumiti din ako sa kanya at pagkatapos ay niyaya na ako ni Mama Sabel pa-akyat ng hagdan papasok sa bahay.
Pagpasok ko sa kwarto ay napasandal ako sa likod ng pinto. Ito ang unang beses na nagkaroon ako ng kaibigan na lalaki. Hindi ko alam kung kaibigan din ba ang tingin niya sa akin. Pero gusto ko kung ano man ang meron kami ngayon. Namalayan ko na lamang na napapangiti na pala akong mag-isa.
Ngunit nawala din ang ngiti ko at nagulat ako nang may marinig at makita ko ang unti-unting pagkalamat ng antique na vanity mirror ko. Dahan-dahan akong humakbang papalapit sasalamin at nanlaki ang mata ko nang biglang may lumabas na sulat mula sa may lamat na salamin.
“Akin ka!”
Tuluyang nabasag ang salamin at napasigaw ako sa takot.