Chapter 1
Mia
Tatlong buwan pa lang mula nang ma-aksidente sa kotse at mamatay sila Mom and Dad. Pero hangang ngayon ay gabi-gabi pa rin akong umiiyak. Umaasa na sana panaginip lang ang lahat. Umaasa na sana pagising ko, mukha ni Mom ang bubungad sa akin at sabay-sabay kaming kakain ng almusal bago si Dad pumunta sa kanyang trabaho. Ngunit sa bawat araw na lumilipas ay unti-unti ko na ring natatangap ang lahat. Wala na sila, kasama ng pagkawala nila ang unti-unting pagkawala ng aming ari-arian. Dahil sa matagal na pananatili nila sa hospital bago sila bawian ng buhay. Pati ang pangarap kong maging doctor sana kapag nakatapos na ako ng high school ay nawala na parang bula.
“Mia, kailangan na nating umalis.”
Nag-angat ako ng tingin kay Yaya Sabel.
“Yaya, hindi ko po ata kayang umalis at iwan ang bahay na ito.” Nangingilid ang luha na sabi ko sa kanya. Sobrang sakit lang dahil marami kaming memories sa bahay na ito. Dito ako lumaki at nagkaisip. Sa lahat ng parte ng bahay na ito ay nakikita ko si Mom at Dad. Pero kailangan na namin itong lisanin upang tumira sa malayo kung nasaan ang ancestral house ni Lolo.
Lumapit si Yaya Sabel sa akin at niyakap niya ako.
“Malalagpasan mo din ang lahat. Sa ngayon ay kailangan na natin tangapin ang lahat ng nangyaring ito at kailangan mong magpakatatag. Andito ako at hindi kita iiwan.” Emosyonal na sabi niya sa akin. Si Yaya Sabel ang natitirang nagmamalasakit sa akin. Siya ang nag-alaga sa akin simula nang ipinanganak ako at hangang ngayon ay narito pa rin siya sa tabi ko.
“Salamat po, dahil sa inyo nakakayanan ko pa ang lahat ng ito.” Wika ko sa kanya. Wala na kaming magagawa kundi ang umalis at talikuran ang bahay kung saan bumuo ng masayang pamilya at pangarap ang aking mga magulang.
Dala ang tatlong maleta ko ay tinulungan ako ni Yaya Sabel na ilagay sa compartment ng kotse. Katulong niya si Tito Jose, matalik na kaibigan ni Dad. Isa din siyang abogado at siya ang namahala ng lahat nang mawala si Dad at si Mom.
“Let’s go baka gabihin tayo sa byahe.” Wika niya sa amin nang mailagay na niya lahat ng gamit na pwede kong dalhin.
Pinagbuksan ako ni Tito ng pinto sa harapan at sumakay na rin ako. Nakatanaw lang ako sa labas ng bintana hangang sa umandar na rin ang kotse papalayo. Nagbagsakan ang aking mga luha habang tinatanaw ko ang papalayong bahay namin na hindi ko na muling masisilayan.
“May dahilan ang lahat kung bakit nangyayari ito sayo Mia, sabi ng Dad mo isa ka daw matapang na babae just like your Mom. I know its hard pero wag kang mag-alala. Nandito lang kami para alalayan ka. Kapag may kailangan ka tawagan mo lang ako. Pinalinis ko na rin ang ancestral house ng Lolo mo kaya hindi na kayo mamomoblema sa paglilinis.” Paliwanag niya sa akin. Nagpahid ako ng luha at tumingin ako sa kanya.
“Salamat po Tito Jose.” Wika ko sa kanya. Kinuha ko ang bag ko at inilabas ko ang wallet ko kung nasaan ang picture namin nina Mom at Dad kuha namin ito nang minsan magpunta kami sa enchanted kindom noong seventeenth birthday ko. Yun na pala ang last birthday ko na makakasama ko silang dalawa. Napakasaya namin noong araw na yun dahil tinupad nila ang matagal ko nang pangarap.
Halos pitong oras din ang naging byahe namin nang marating namin ang probinsya ng Albay at patungo na kami ngayon sa Bacacay dahil naroon ang ancestral house ni Lolo Tasyo kung saan na kami titira ni Yaya Sabel. Ilang minuto pa narating na namin ang mansyon. Maliit pa lang ako nang huli akong makapunta dito. May sakit na noon si Lolo at ilang araw lang ay namatay na din ito nanatili kami dito ng isang buwan pagkatapos ay umalis na ulit kami.
Malaki na ang pinagbago ng lugar. Malalaki na rin ang mga puno sa buong paligid ng bahay niya. At kitang-kita na din na luma na ito. Sa tingin ko panahon pa ata ng mga hapon nang itayo ang bahay na ito. Pagpasok ko ng bakal na gate ay humampas ang malamig na hangin. Kinilabutan ako habang tinatanaw ko ang kabuohan ng bahay ni Lolo. Kung titignan ito ay para na itong may nakatirang multo sa loob.
“Ya, masyadong malaki ang bahay na ito para sa ating dalawa.” Wika ko sa kanya habang naglalapag siya ng mga maleta namin katulong si Tito.
“Hindi lang kayo ang nakatira dito. Sa likuran ng bahay na yan ay ang care taker ng mansyon simula nang mamatay ang Lolo mo.” Sabat ni Tito Jose.
“At wag kang mag-alala dahil napa-bendisyunan na ang bahay na yan. Sadyang luma pero wala naman daw nakatira diyan.” Dagdag pa niya.
Mabuti na lamang at wala akong third eye ayoko din namang makakita. Kung meron mang ibang titira bukod sa amin.
“Senyorita!”
Napadako ang tingin ko sa matandang lalaki na malakas ang boses.
“Magandang hapon po Tatang Celso. Maiiwan ko na po sa pangangalaga niyo si Mia. Kailangan ko na rin kasing bumalik sa Quezon.” Wika ni Tito sa matanda.
“Ay ganun ba Hijo? Naghanda pa naman ako ng mainit na tsokolate. Sige at ika’y mag-ingat kami na ang bahala kay Senyorita.” Nakangiting sabi niya. Humarap sa akin si Tito at nagpaalam na rin siya.
Pagkatapos ay nagtulong na sila ng isang binata na kasama ni Tatang Celso. Hindi ko na siya maalala pero pamilyar ang pangalan niya sa akin.
“Senyorita, siya nga pala si Pablo ang anak ko.” Pakilala niya sa amin sa binatang nakangiti at nakatingin sa akin.
“Magandang hapon po tulungan na po namin kayong dalhin ang mga maleta niyo sa taas.” Wika niya sa amin.
Tipid lang akong ngumiti sa kanya at sumunod na rin kami kay Tatang sa pagpasok sa loob ng malaking bahay.
“Doon na lang po kayo sa dating kwarto ng Mama at Papa mo. Naka-locked po kasi ang dati mong kwarto at ipinagbawal din yun na buksan ng kahit na sino ng Lolo niyo.” Paalala niya sa amin. Sumunod ako sa kanya papasok sa dati at malaking silid nila Mom and Dad. Umakyat kami sa hagdan pataas sa second floor. Mahabang hallway ang bumungad sa amin. May kulay pulang sahig at may malalaking pinto na yare sa matibay na kahoy.
Si Tatang na rin ang nagbukas ng pinto at sumilip agad ako sa loob. May malaki at antique na kama na may kulay puting sapin . Sa paanan nito ay may isang pinto papasok sa banyo. May katabi din itong isa pang pinto kung nasaan nakalagay ang mga gamit at ang magiging bihisan nito. Sa gilid naman ng kama naroon ang antique na vanity mirror. May veranda din na pwedeng buksan kapag umaga upang lumiwanag ang buong silid. Simple lang ang buong kwarto. Wala itong gamit at wala din itong aircon. Pero may malaking antique na ceiling fan sa tapat ng kama may apat na ilaw din ito sa gitna na korteng bulaklak.
Humakbang ako papasok sa loob.
“Maayos na po ulit ang linya ng koryente dito senyorita. Pati na rin po ang tubig dito ay okay na rin kung may kailangan po kayo pwede niyo naman po kaming tawagin nasa likuran lang po kami nakatira.” Wika ni Tatang Celso sa akin. Inilapag nila ang mga gamit ko sa gilid ng kama.
“Maghahanda lang kami para sa hapunan niyo.” Dagdag pa niya.
“Tulungan ko na po kayo.” Wika ni Yaya Sabel. Tumango ako sa kanya para tulungan si Tatang Celso.
“Ako na lang magdadala ng ibang gamit na naiwan sa baba.” Wika naman ni Pablo. Hinayaan ko silang lumabas lahat at mag-isa na lamang ako sa loob ng kwarto. Hinawi ko ang puting kurtina at binuksan ko ang pinto ng veranda.
Malamig na hangin ang sumalubong sa akin. Napayakap ako sa aking sarili. Simula ngayon ay dito na ako titira. Bagong buhay at bagong pag-asa ang haharapin ko. At sila na rin ang magiging bago kong pamilya.
Umihip ang malakas na hangin at at nagulat ako nang pabagsak na sumara ang salamin na pinto ng veranda. Pero ang pinagtataka ko ay ang pagalaw pa rin ng kurtina sa loob nito na wari’y nagmumula sa loob ng kwarto ang hangin. Lumapit ako sa pinto at hinawakan ko ng dalawang kamay ko ang salamin. Akmang itutulak ko na sana ito nang bumagsak ang kurtina at nagulat ako nang may mukhang dumungaw mula sa loob.
“AAHHH!” Malakas na sigaw ko.
Nagtayuan ang mga balahibo ko sa katawan dahil sa nakakatakot niyang itsura.