MIA
“Ibaba mo na ako, kaya ko namang maglakad.” Utos ko sa kanya dahil naka-akyat na kami sa itaas ng hagdan pabalik sa kuwarto ay hindi niya pa rin ako ibinababa.
“Malapit na tayo, wag kang maingay.” Saway niya sa akin. Naiwan ang tingin ko sa pintuan ng kuwarto na nilabasan ko kanina dahil sa paglampas namin.
“Saan mo ba ako dadalhin? Ibaba mo na ako!” Inis na sabi ko sa kanya. Ngunit hindi niya parin ako pinansin hangang sa isang kulay itim na pinto kami tumapat. Bumukas ito ng hindi niya man lang hinahawakan.
Dahil sa gulat ko namalayan ko na lamang nasa loob na kami ng silid. Nagliwanag ito at isa-isang nagsindihan ang mga ilaw na kandila sa bawat sulok nito.
Parang gusto ko nang himatayin sa takot ngunit baka kapag hinimatay ako lalo lamang akong mapahamak sa lalaking ito!
Ibinaba niya ako at bumungad sa amin ang isang candle light dinner. Naka-set up ang kulay itim na mesa may mga pagkain sa ibabaw na sa tingin ko ay masasarap.
“Let’s eat.”
Akmang hihilahin niya ako ngunit winasiwas ko ang kamay niya.
“Alam ko na, engkanto ka ano? Tapos pakakainin mo ako ng itim na kanin upang hindi na ako makabalik sa amin. Hindi ba?”
Kagaya kanina sumilay ulit ang maliit na ngiti sa kanyang labi. Bago niya ako tinitigan.
“Malalaman mo din sa tamang panahon.” Seryosong sabi niya sa akin. Hinila niya akong muli at ini-upo sa upuan. Umikot siya sa kabilang dulo at naupo. Napakapino niyang kumilos daig pa niya ang babaeng mula sa royal family. Lahat ng galaw niya ay tantiyado. Pati ang tindig niya at pananalita ay nagsusumigaw sa kaguwapuhan. Ngunit habang tumatagal ako dito mas lalong gusto ko nang bumalik. Habang tumatagal ako dito lalo kong naiisip na panaginip lang ito at gusto ko ng magising sa bangungot na ito!
“Kumain ka na.” Utos niya sa akin.
“No! Ayoko! Ayoko niyan! Ibalik mo na ako sa amin! Ibalik mo na ako sa bahay ni Lolo— Ahhhh!”
Napasigaw ako at napatakip sa aking tenga nang magliparan ang mga pagkain sa harapan namin. Nalinis ang mesa at nagbagsakan sa sahig ang mga basag na plato at baso pati na rin ang mga pagkain.
“Ang sabi ko hindi ka na babalik at mananatili ka na lang dito! Hindi mo ba ako naintindihan?!” Malakas na sigaw niya sa akin. Sa takot ko ay isa-isang naglaglagan ang mga luha ko nagmadali akong tumayo at patakbong nagtungo sa pinto ngunit maski yun ay mabilis na sumara ng malakas.
Pagharap ko sa kanya ay nasa harapan ko na siya. Ibinalya niya ako sa likuran ng pinto at hinawakan niya ako sa magkabilang balikat. Naramdaman ko ang mga daliri niya sa balikat ko. Sobrang lakas ng pagkakapisil niya. Parang madudurog ang mga laman at buto ko. Nakatingkayad na ako sa sahig dahil sa malakas na paghawak niya sa akin.
“Dito sa tabi ko! Dito ka nararapat Mia! Naiintindihan mo ba?!” Angil niya. Naglabasan ang ugat niya sa noo. At matalim ang matang ipinukol niya sa akin. Kulang na lang lumabas ang pangil niya at sakmalin ako.
“A-aray! Plea-se, t-tama na nasa-saktan na ako…” Humikbing sabi ko sa kanya. Nakita ko ang pagbabago ng kanyang itsura mula sa nanlilisik niyang mata at igting na panga ay lumambot ulit ang mukha niya. Naramdaman ko din ang pagluwag ng kamay niya at tuluyan akong bumagsak sa sahig. Napahagulgol na ako dahil sa takot sa kanya.
“I-I’m sorry…hindi ko sinasadya.” Narinig kong sambit niya. Parang totoong nagsisisi na nga siya sa ginawa niya. Sabi niya kanina wala daw siyang balak na saktan ako ngunit nagawa niya.
Tinangka niya akong hawakan ngunit mas siniksik ko pa ang sarili ko sa likod ng pinto.
“Hindi ko sinasadya, maniwala ka sa akin.”
Hinawakan niya ang isa kong pisngi at pinahid ang luha ko. Nanginginig ang kanyang kamay. Hindi ko alam kung dahil ba yun sa galit o kung dahil sa pagsisisi.
Nagulat na lamang ako nang bigla niya akong kabigin at yakapin.
“Sshhh…hindi na mauulit Mia.” Pag-alo niya. Ilang minuto din siguro kaming nasa ganung kalagayan hangang tumigil na rin ako sa pag-iyak.
“Magpapahanda na lamang ako ng bagong pagkain. Magpahinga ka muna sa kuwarto.”
Naramdaman ko ang pag-angat ko sa ere. Wala man lang siyang kahirap-hirap na buhatin ako. Bumukas ulit ang pinto at sumara na rin ito ng kusa. Nandoon pa rin ang takot ko ngunit wala naman akong ibang nakikita dito kundi siya.
Pumasok muli kami sa madilim na silid na may mga kandila. Pati ang mga ito’y hindi man lang natutunaw. Ibinaba niya ako sa kama at umayos ako ng upo.
“Lalabas lang ako sandali, babalik din ako mamaya. Wag mo nang tangkain na umalis. Dahil gaya ng sinabi ko. Ako lang ang makakapagbalik sayo sa mundo mo.” Paalala niya sa akin. Inilapit niya ang kanyang mukha kaya napatakip ako ng kumot sa aking labi. Dahil baka halikan niya akong muli ngunit sa noo ko dumampi ang kanyang labi.
“Babalik ako.” Sambit niya bago niya ako tinalikuran. Bumukas ulit ang pinto at marahan siyang naglakad palabas bago ito sumara.
Inikot ko ang aking paningin sa buong silid. Wala namang kakaiba bukod sa madilim ang paligid at tanging kandila lang ang ilaw na nagbibigay liwanag dito.
Bukod sa malaking kama ay may dalawa pang pinto ang naroroon. Napangiwi ako nang subukan kong itukod ang kamay ko upang bumaba sa kama. Masakit pa rin ang balikat ko pero hindi gaya kanina.
Humakbang ako papalapit sa isang pinto at dahan-dahan na binuksan ito. Nanlaki ang mata ko nang bumungad sa akin ang maraming kasuotan. Puro ito dress na may iba’t-ibang desenyo. May mga mahahaba ding damit ba wari’y ko’y sinusuot ng mga prinsesa na nakikita ko lang sa libro. May mga alahas din sa kabilang bahagi ng malawak na silid at mga sapatos naman sa ibaba magaganda at may iba’t-ibang desenyo din ang mga ito. Maliwanag sa silid na ito dahil may isang napakalaking chandelier na nasa gitna ng kuwarto.
Kanino kaya ang mga ito? Sino kaya ang nagmamay-ari sa mga ito? Ang gaganda ng mga damit dito. Para siyang sinusuot ng mga prinsesa noong unang panahon. At meron din akong iilan na nakikitang bestida sa sinusuot pa rin hangang ngayon. Ngunit bakit may ganitong silid dito?
Naisipan kong sukatin ang isa sa mga nakasabit na damit. Napili ko ang isang kulay puting bestida maganda kasi ang desenyo nito. Tinignan ko ang sarili sa harapan ng salamin pagkatapos kong maisuot. Inilugay ko ang mahaba at wavy kong buhok.
At pagkatapos ay humarap ako sa malaki at lumang salamin. Namangha ako sa damit na sinuot ko. Hangang tampakan ang laylayan nito at may laso din ito sa likuran. Conservative ang itaas nito. Ngunit parang sinukat talaga sa akin ang pagkakayari dahil tamang-tama lang ang sukat sa katawan ko. Hinawakan ko ang laylayan at nagtungo ako sa nakahilerang sapatos.
Kumuha ako ng isang pares ng itim na flat shoes na may makinang na beads design lalo pa kapag natatamaan ng ilaw mula sa chandelier. At sumilip naman ako sa mga alahas. Sinuyod ko ng tingin ang salamin kung saan nakalagay ang mga gold na alahas. Hangang sa may mapadako ang aking tingin sa gold na kwintas na may black half-moon na pendant.
Binuksan ko ang salamin at maingat na kinuha ang kuwintas. Pagkatapos ay sinuot ko sa aking leeg.
Hindi ko maiwasan ang mapangiti sa harapan ng salamin. Hindi ko rin alam kung bakit ngunit magaan ang pakiramdam ko.
Ilang sandali kong pinagmasdan ang aking sarili hangang sa bigla akong nakaramdam ng pagkahilo. Napapikit ako at napahawak sa salamin. Ngunit may isang imahe na lumarawan sa aking isip. Isang lalaking naghihintay at nakatalikod habang nakatayo sa tabi ng isang malaking puno na. May hawak siyang— may hawak siyang malaking garapon at sa loob nito’y may lamang mga alitaptap. Kitang-kita ang mga liwanag nila.
“Mia?”
Nagulat ako nang marinig ko ang isang pamilyar na boses ngunit bago pa ako makapag bihis ulit bumukas na ang pintuan kung nasaan ako.
Nanlaki ang mata ko nang makita ko siyang nakatayo at mataman na nakatingin sa akin.
“I’m sorry nagandahan kasi ako kaya sinukat ko.” Nahihiyang sabi ko sa kanya. Hindi ko rin alam kung bakit ko naisip na magsukat ng damit. Ngayon nahuli niya ako nagsisi na tuloy ako.
“Leona…”