Chapter 16

1218 Words
MIA Mabigat pa ang talukap ng mata ko ngunit napabalikwas ako nang bangon dahil sa hindi pamilyar na silid na kinaroroonan ko. Nasaan ako? Anong lugar ito? Isang malawak na silid ang bumungad sa akin. At hindi lang ito isang simpleng silid dahil mga kandila ang nagbibigay liwanag dito. May malaking chandelier na nasa gitna ng kisami at imbis na ilaw ay kandila din ang nakapalibot dito. Ngunit napaitlag ako nang makita ko ang isang bulto ng lalaking nakaupo sa isang upuan na nasa gilid ko. Naka-dikwatro pa siya at sa akin nakatigtig ang matiim niyang tingin. Nagmadali akong bumaba ng kama at saka ko palamang napansin ang mahaba kong damit pantulog na hangang talampakan ko. “Sino ka?!” Singhal ko sa kanya. Gumapang ang kilabot sa bawat himamay ng katawan ko nang tumayo siya at humakbang papalapit sa akin. Hindi ko gaanong maaninag ang buo niyang mukha ngunit nasisiguro kong nakakatakot ito. Hindi ko hinayaan na lamunin ako ng takot. Mabilis na pinihit ko ang doorknob at nagawa kong buksan ang pinto. Kaagad akong tumakbo palabas. Hawak ko ang mahabang mangas ng suot kong puting damit pantulog at wala pa akong sapin sa paa. Ngunit hindi ko alam kung nasaan ako! Kahit saan ako lumingon ay wala akong makitang lagusan. Isang mahabang hallway ang bumungad sa akin at mga kandila din sa dingding ang nagbibigay liwanag dito. Bahala na! Mabilis akong tumakbo kahit hindi ko alam kung saan ako tutungo. Hangang sa bumungad sa aking ang mahabang hagdan pababa. Lumingon muna ako sa likuran ko bago ako nagmadaling bumaba. Madilim ang paligid napapalibutan ng mga baging ang hagdan pati na rin ang bawat sulok ng bahay. Napansin ko din ang mga kulay itim na rosas habang bumababa ako sa sobrang pagmamadali kong makatakas ay napahawak na ako sa hawakan ng hagdan at napangiwi ako nang pakiramdam ko ay may tumusok na tinik sa kamay ko. Tinangal ko ang kamay ko at kahit masakit ay muli akong tumakbo pababa. Hangang sa tatlong baitang na lamang nang lumingon ako muli sa likuran ko. Walang sumusunod sa akin, dahil siguro sa bilis ng aking takbo. Kailangan kong mahanap ang lagusan ng building na ito. Kailangan kong makatakas sa lalaking yun! “Ahhhhh!” Gulat na sigaw ko nang pagbalik ng aking tingin sa harapan ay bumungad siya sa akin. “Saan ka pupunta?” Walang emosyon na tanong niya. Napaupo ako sa hagdan at napatakip sa aking mukha. “T-Tama na! Hindi kita kilala! Ano bang kailangan mo sa akin? Bakit mo ako dinala dito?!” Nanginginig na at umiiyak na sambit ko. Nakatakip pa rin ako sa aking mukha gamit ang kamay kong may sugat dahil sa takot ko sa kanya. Maaring dumaan siya sa short cut kaya niya ako mabilis na nahabol! “Hindi kita sasaktan.” Napatigil ako sa paghikbi nang marinig ko yun mula sa kanya. Bahagya akong sumilip at nagulat ako nang kunin niya ang kamay ko. Hindi ko maalis ang tingin ko sa kanyang mukha kaya hindi ko nagawang bawiin ang kamay ko. Naalala ko na! Siya ang humalik sa akin nang pumasok ako sa kuwarto kagabi! Ibig sabihin siya ang nagdala sa akin sa nakakatakot na mansyon na ito! Ano bang nangyayari? Nananaginip ba ako? Kung panaginip lang ang lahat ng ito gusto ko ng gumising! Pero sobrang sakit? Pakiramdam ko totoo ang lahat? Mula sa seryoso niyang mukha ay napadako ang tingin ko sa kamay niyang galing sa bulsa. Nakita ko ang kulay puting panyo na inilabas niya at ibinalot sa kamay ko. Saka ko pa lamang napansin na puro dugo na pala ang kamay ko hindi pangkariniwan ang mga bulaklak na nakabalot sa hagdan pati na rin ang mga tinik nito. “P-Pakiusap, ibalik mo na ako sa amin…ibalik mo na ako sa bahay ko.” Magkahalong emosyon na ang nararamdaman ko. “Hindi kita maaring ibalik, sinabi ko na sa’yo na ako ang nagmamay-ari sa’yo Mia.” Seryosong sabi niya sa akin. Napatayo ako at nagmadaling nilagpasan siya ngunit nang makarating na ako sa gitna ng malawak na bulwagan ay nailibot ko ang aking paningin dahil sa tatlong pintuan na aking nakikita. “Kahit lumabas ka pa sa tatlong pintuan na yan ay hindi ka makakabalik. Ako ang nagdala sa’yo dito kaya ako lang ang may kakayanan na magbalik sa’yo.” Narinig kong wika niya sa likuran ko. Nilakasan ko ang loob ko. Kahit hindi ako makapaniwalang nangyayari sa akin ito ay wala akong choice kundi lakasan ang loob ko at harapin siya nang sa ganun ay palayain na niya ako. “Ano ba talagang kailangan mo sa akin? Kung kidnap for ransom ang ginagawa mong ito, walang maibibigay sa’yo si Mama Sabel. Wala na akong mga magulang kaya ibalik mo na ako sa amin!” Singhal ko sa kanya. Sumilay ang ngiti niya sa labi at nakadagdag pa yun sa kanyang kakisigan. Ayoko mang aminin ngunit malakas ang dating niya at hindi maitatangi ang kanyang gandang lalaki. Sa tingin ko nasa thirty’s pa lang ang kanyang edad. At sa suot niyang itim na polo at pantalon ay mas nakadagdag pa yun sa mysterious look niya. “Tatlong daang taon ang inintay ko Mia upang mahanap kang muli. At ngayon na nandito ka na. Hindi ko na hahayaang mawala ka pa sa akin.” Awang ang labi ko nang sabihin niya yun. Tatlong daang taon? Sabi ko na nga ba! Nanaginip lang ako. Mahina akong natawa. Hindi ko pala kailangan na matakot dahil nasa panaginip lang ako. Ang kailangan kong gawin ay magising sa panaginip na ito! Tumakbo ako paakyat sa hagdan. “Saan ka pupunta?” Narinig kong tanong niya sa akin. “Kailangan kong gumising sa bangungot na ito!” Malakas na sigaw ko sa kanya. Naririnig ko pa ang pag-echo ng boses ko. Nang makarating na ako sa itaas ng hagdan ay lumakad lang ako ng kaunti at sinilip ang baba. Shit! Mataas ang babagsakan ko! Pero kung ito lang ang paraan upang magising ako kailangan kong tumalon! Hindi na ako nagdalawang isip. Kaagad akong sumampa at tumalon mula sa itaas. “Ahhhh!” Hiyaw ko habang nasa ere. Hinanda ko ang aking sarili sa pagbagsak at pumikit ako. Sana magising na ako! Ayoko ng panaginip na ito! Mababaliw ako sa lalaking yun! Naramdaman ko ang mabagal na pagbagsak ko na parang sumabay ako sa hangin ngunit hindi sa sahig kundi mainit na bisig bumagsak ang katawan ko. Napadilat ako at mukha niya ang bumungad sa akin. Paano niya ako nagawang saluhin? Paano nangyari yun? “Hindi ito panaginip Mia, totoo ang lahat ng nakikita mo.” Seryosong sabi niya. Mas malapit na sa akin ang kanyang mukha. Isang dangkal na lamang ang layo ng mukha naming dalawa. Napadako ang tingin ko sa kanyang mapulang labi. Naalala ko ang paghalik niya sa akin sa aking silid. “Wag mo akong tignan ng ganyan. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko maangkin na kita ngayon.” Banta niya sa akin na mas lalong nagpagulo sa aking isip. Hindi niya ako ibinaba at humakbang siya papa-akyat ng hagdan. Kung hindi ito isang panaginip— “S-sino ka ba talaga?” Kinakabahan na tanong ko sa kanya. Bumaling siya ng tingin sa akin. “Sinabi ko na sa’yo ang pangalan ko at hindi ko na yun uulitin pa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD