Chapter 18

1725 Words
(Three hundred years ago) LEONA “Senyorita! Nakalimutan mo ang iyong panuelo!” Napalingon ako dahil sa malakas na boses ni Anita. Hawak niya ang aking panuelo. “Hindi ka pa matanda ngunit makakalimutin ka na.” Wika niya sa akin. “Paumanhin, alam mo naman na ngayon ko na lamang ulit makikita si Padre Damion. Ngunit salamat dahil sa paghabol mo ng aking panuelo.” Nakangiting saad ko pagkatapos ay nagpaalam na rin siyan sa akin. Ibinigay sa akin ni Padre Damion ang kapirasong tela nang minsang magkumpisal ako sa simbahan sa kanya. At isa ito sa bagay na lagi kong dala at pinaka-iingatan. Matagal ko na siyang hinahangaan. Alam kong mali ang magkaroon ako ng pagtatangi sa isang alagad ng diyos. Ngunit hindi ko mapigilan ang aking damdamin. Sa tuwing nakikita ko siya napupuno ng galak ang aking puso. Sa tuwing nasisilayan ko ang matamis niyang ngiti at marinig ang kanyang maamong boses. Sapat na yun upang patuloy ko siyang mahalin ng hindi niya nalalaman. Ilang beses kong iniwas ang aking sarili. Ilang beses kong itinangi ang aking pag-ibig para sa kanya. Ngunit lalo lamang akong nanabik na makita siyang muli. Umalis kasi ito at nagbakasyon sa malayong probinsya at ngayon nalaman kong nagbalik na siya. Nasasabik na akong makita siyang muli. Alas-otso ng umaga ang misa ngunit alas-sais pa lang ng umaga ay gising na ako. Gusto ko kasing maging maganda sa harapan niya. Kahit alam kong hindi ako makakaagaw ng atensyon niya dahil sa napakaraming magagandang dilag dito sa nayon namin. At nakatalaga talaga siya sa kanyang tungkulin bilang kura paroko ng simbahan. Kalahati ng buong lupain ng San Joaquin ay pagmamay-ari ng aking Ama. Kaya kilala ang aming pamilya sa buong nayon. At nabibilang kami sa maharlikang angkan. Ngunit hindi ko ipinagmamalaki yun kahit kanino. Para sa akin pantay lang ang pagtingin ko sa tao. Walang maharlika at walang mahirap. “Magandang umaga Leona!” Narinig kong tawag ni Carmelita. Isa siya sa matalik kong kaibigan at isa din sa kaagaw ko sa puso ni Damion. Ngunit hindi niya alam ang aking nararamdaman para dito dahil hindi ko ito sinasabi sa kanya. Kahit gaano pa siya kalapit sa akin hindi ko magawang sabihin sa kanya ang aking nararamdaman dahil isa itong sekreto na tanging ako at ang aking malapit na kababatang si Anita ang nakakaalam. Nakatira kasi si Anita sa aming mansyon dahil ang kanyang Ina ay naninilbihan sa aming pamilya at si Anita din ang palaging nasa tabi ko lalo na kapag kailangan ko siya. Hindi ko siya itinuturing na isang alalay kundi kapamilya. “Magsisimba ka din?” Usisa ko sa kanya. “Oo, ang ganda mo ngayon. Sino ang lumikha ng iyong baro’t-saya?” Napatingin ako sa aking kasuotan. “Yari sa hinabing pinya ang aking kasuotan.” Nakangiting sagot ko sa kanya. “Kaya pala maganda at bagay na bagay sa’yo.” Papuri niya sa akin. “Maraming salamat, ikaw din ang ganda mo.” Mayumi siyang ngumiti alam ko na ang ibig sabihin noon dahil alam ko namang para kay Padre Damion. Napansin ko din ang kolorete niya sa kanyang labi. Hindi lang ako ang nanabik na makita siyang muli. “Tayo na’t baka mahuli pa tayo sa misa ni Padre Damion.” Aya ko sa kanya. Alam kong hindi lang ako ang nahuhumaling kay Padre Damion. Dahil sa tuwing siya ang padre na mangangasiwa ay halos hindi mahulugang karayom ang simbahan dahil halos lahat ng kadalagahan ay nais siyang masilayan at isa na ako doon. Makalipas ang tatlong minuto naming paglalakad ay narating namin ang malaking simbahan ng San Joaquin. Unti-unti na ring dumadami ang pumapasok dito. “Sa unahan tayo umupo.” Wika ni Carmelita sabay hila niya sa akin patungo sa unang silya. Halos dalawang dipa lamang ang layo nito sa akin kung saan mamaya tatayo si Padre Damion. Sa tuwing naiisip ko siya hindi ko mapigilan ang mabilis na silakbo ng aking puso. Halos anim na buwan din kaming hindi nagkita. At sa anim na buwan na yun palaging siya ang laman ng aking isipan. At sa tuwing naalala ko siya nagtutungo ako sa lawa na nasa likuran lang ng simbahan na ito. Doon ko kasi siya unang nakita. Nakahiligan ko ang panghuhuli ng mga alitaptap. Sa katunayan kasama ko pa si Anita at nanghuhuli kami noon. Inilalagay namin sa malaking garapon. At inilalagay ko sa ibabaw ng maliit kong lamesa katabi ng aking kama. Hindi ko makakalimutan ang gabing yun. Madilim ang paligid at tumakas lang kami sa mansyon ni Anita. Upang masilayan ang mga alitaptap sa lawa. “Alam mo bang may buhay din ang mga yan?” Napadako ang aking tingin sa lalaking nakasandal sa malaking puno. Hindi ko gaanong maaninag ang kanyang mukha dahil sa natatabunan ng lilim ng malaking puno. At tanging isang sulo at liwanag ng malaking buwan pati na rin ng alitaptap ang nagsisilbing tanglaw namin. “Ano? Sino ka?” Mahinahon na tanong ko sa kanya. Umatras ako at nagtago sa likod ni Anita. “Maraming taon mula ngayon. Hindi na masisilayan ng maraming tao ang mga isektong hinuli mo.” Wika niya sa akin. Lumabas siya sa lilim at nagulata ko nang makita ko siya. Hindi siya pamilyar sa akin at ngayon ko lamang siya nakilala. “A-Anong ibig mong sabihin manong?” Si Anita ang sumagot. “Sa paglipas ng maraming taon. Dadami ang mga tao sa mundo. At lahat sila magtatayo ng kanilang tirahan.” “At ano naman ang kinalaman sa alitaptap noon?” May diin na tanong ko sa kanya. “Sa susunod na daang taon dadami ang taong marurunong. Dadami ang taong mga sakim sa ari-arian. Dadami ang taong magpapatayo ng mga gusali at ang magandang tanawin na ating nasisilayan ay mapaparam.” Seryosong sabi niya sa akin. Nawala ang takot ko at lumabas ako sa likuran ni Anita. Napatitig siya sa akin ngunit pakiramdam ko ang kanyang tingin ay isang panghuhusga. “Hindi kasing haba ng buhay mo ang buhay ng mga insekto na yan. Hayaan mo silang mabuhay sa maiksing panahon at palayain mo sila sa kaniwalang kulungan.” Pagkatapos niyang sabihin yun ay humakbang siya palayo. Hindi ko man lang nalaman ang kanyang pangalan. At nang yayain ako ni Ina na magsimba. Nabigla ako nang makita ko siyang suot ang itim na kasuotan na sinusuot ng mga prayle. Doon ko nalaman na isa pala siyang alagad ng simbahan. “Ayan na si Padre Damion!” Mula sa taimtim na pagdarasal ay nag-angat ako ng tingin sa lalaking paparating na may dalang malaking bibliya. Hindi ko alam kung namalikmata lang ba ako o kung talagang sa akin siya nakatitig. Nagulat ako nang bigla akong sikuhin ni Carmelita. “Ang kisig niya! At sa akin siya nakatingin!” Mahinang bulong niya sa akin ngunit kulang na lang ay magtatalon siya sa tuwa. Akala ko sa akin siya nakatingin ngunit kay Carmelita pala. Ngumiti ako sa kanya dahil hindi ko maitago ang aking nararamdaman sa mga oras na ito. “Magandang umaga sa inyong lahat. Nais kong simulan ang aking misa sa isang pamamaalam.” Wika niya sa amin na ikinagulat naming lahat. Lumakas ang bulong-bulongan sa paligid. “Bakit po?” Hindi napigilang tanong ni Carmelita na katulad ko ay hindi rin nagustuhan ang anunsiyo nito. “Magbibitiw ako bilang kura paroko. Dahil sa personal na dahilan. Umaasa akong patuloy parin kayong maglilingkod sa diyos kapag hindi na ako ang kura paroko dito sa San Joaquin.” Seryosong sabi niya sa amin. Kanina lang puno ng galak ang aking puso ngayon ay hindi pa siya nagpapaalam ngunit isipin ko pa lamang na hindi ko na siyan muling makikita pa ay hindi ko na maiwasan ang mangulila. Napayuko ako nang isa-isang magbagsakan ang aking luha. Hindi ko maipaliwanag ngunit pakiramdam ko masakit para sa akin na isipin na hindi ko na siya masisilayan sa susunod na linggo. Ginamit ko ang panuelo upang tuyuin ang luha sa aking pisngi. Kahit si Carmelita ay naiiyak na rin ngunit pareho kaming walang magagawa. Natapos ang misa na wala akong naunawaan. Maayos siyang nagpaalam sa amin ngunit ayaw ko siyang tignan. Naglabasan na ang mga tao ngunit nanatili ako sa aking upuan. “Leona, hindi ka pa ba aalis?” Tanong ni Carmelita sa akin. “Mauna ka na, magdadasal lang ako ng taimtim.” Sagot ko sa kanya. Napabuntong hininga siya at umalis na rin. Dahan-dahan akong tumayo at nagpunta sa kumpisalan. Ito na siguro ang kapalit sa aking kasalanan na magmahal ng alagad ng diyos. Dahil kaagad na rin niya itong inilayo sa akin. “Ano ang ikukumpisal mo?” Napaangat ako ng tingin at napadako sa malabong kurtina na nagtatakip sa pagitan namin. Hindi ako maaring magkamali. Si Padre Damion ang nasa kabilang kurtina. “Padre, nais kong ikumpisal sa inyo ang malaki kong kasalanan.” Naiiyak na sambit ko. Hindi ko narinig ang pagtugon niya. “Padre? Naririnig mo ba ako?” Ulit ko sa kanya. “Magsalita ka naririnig kita.” Wika niya sa akin. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin ang nararamdaman ko para sa kanya o itatago ko na lamang ito hangang sa aking libingan. “May iniibig ako, ngunit hindi ko siya maaring ibigin.” Panimula ko. “Bakit? Mababang uri ba ang kanyang katayuan sa buhay?” Umiling ako kahit hindi niya ako maayos na nakikita pero alam kong sa akin siya nakatingin. “Hindi Padre, hindi mahalaga sa akin ang uri ng kanyang pamumuhay. Ang mahalaga para sa akin ay ang nilalaman ng aking puso. Hindi ko siya maaring ibigin dahil magiging kalaban ko ang diyos.” Wala akong narinig na sagot mula sa kanya. At nagpatuloy lang ako sa pagpunas ng aking luha. “Kalimutan mo ang pag-ibig na nararamdaman mo para sa kanya. Hindi lahat ng nagmamahalan ay nakatadhana sa isa’t-isa. At kung nahihirapan ka ngayon sa tingin ko nahihirapan din siya.” Napa-angat ako ng tingin sa kanya. “Hindi po niya alam ang aking nararamdaman kaya hindi niya alam na labis po akong nasasaktan.” “Gamitin mo ang panyo na ibinigay ko para sa ‘yong luha. Yun lang ang tanging magagawa ko upang pareho tayong makalaya.” Pagkatapos niyang sabihin yun ay tumayo na siya at umalis sa harapan ko. Natigil ako sa huling sinambit niya. Ano ang ibig sabihin ng mga yun?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD