Chapter 20

1509 Words
LEONA Nakahinga ako ng maluwag nang tuluyan akong makababa sa lupa. Hinila naman ni Anita ang lubid na hagdan pataas. Hindi daw siya aalis doon hanga’t hindi ako nakakabalik. Madilim na rin at wala nang naglalakad. Mabuti na lamang matataas ang tanim sa hardin ni Ina kaya hindi ako makikita kapag dumaan ako sa likuran palabas ng mansyon. Hingal kabayo na ako nang makalabas dahil sa magkahalong kaba na baka mahuli ako ng tauhan ni ama. Ngunit dahil na rin sa mailap kong pagtago ay nagawa kong makatakbo patungo sa simbahan. Wala pang dalawang minuto ay narating ko ang malaking simbahan. Ngunit nang akmang bubuksan ko na ang pintuan ay nakasarado pala ito. Inayos ko ang salakot na suot ko pagkatapos ay naghanap ako ng ibang mapapasukan. Nasa likuran kasi ng altar nakatira si Padre Damion at nais ko siyang makita sa huling sandali bago niya lisanin ang San Joaquin. Nakakita ako ng maliit na pinto sa likuran kaya marahan akong kumatok. “Padre? Padre Damion?” Ngunit nakakailang tawag na ako at katok ay hindi pa rin siya lumalabas. Biglang naalala ko ang sinabi niya kanina sa kumpisalan. “Gamitin mo ang panyo upang punasan ang iyong luha. Yun lang ang tangi kong magagawa upang pareho tayong maging malaya.” Hindi ko pa rin maunawaan ang kanyang mga sinambit. Anong paglaya ang tinutukoy niya? “Padre? Padre!” Sumuko na ako sa pagkatok sa kanyang pintuan. Kung naririto siya dapat pinagbuksan na niya ako ng pinto ngunit namanhid na lang ang kamay ko sa pagkatok walang Padre Damion ang nagbukas. Tuluyan mo na nga ba akong iniwan? Bagsak ang balikat na nagtungo ako sa lawa. Malayo pa lamang tanaw ko na ang nagliliparang alitaptap sa malalaking puno. Maliwanag na rin ang buwan. At napakaraming bituin sa itim na langit. Napadako ang tingin ko sa lalaking nakatalikod at nakaharap sa lawa. May hawak siyang malaking garapon at puno ito ng alitaptap. Biglang lumakas ang pintig ng aking puso. Inaninag kong mabuti ang lalaki at kung hindi ako nagkakamali si Padre Damion ito. Namalayan ko na lamang ang unti-unti kong paghakbang papalapit sa kinaroroonan niya. “Anong ginagawa mo dito?” Dahan-dahan siyang lumingon sa akin. “Tumakas ka na naman ba sa inyo kaya ganyan ang kasuotan mo?” Kalmadong tanong niya sa akin. “Oo, may tao kasi akong gustong makita sa huling pagkakataon. Ikaw? Bakit ka nandito?” Usisa ko. “Gusto ko lang ibigay ito sa’yo bago ako umalis bukas.” Iniabot niya sa akin ang garapon at kinuha ko naman ito. “Padre—” “Hindi na ako isang alagad ng simbahan. Tinapos ko na ang aking tungkulin sa diyos dahil nakagawa ako ng malaking kasalanan sa kanya.” Putol niya sa sasabihin ko. Lalong lumakas ang pintig ng puso ko nang makita ko siyang nakatitig sa akin. Ang mapungay niyang mata. Ang makapal niyang kilay ang mapula niyang labi. Iilan lang yun sa nagustuhan ko sa kanya. “Malaking kasalanan?” Ulit ko. Tumango siya sa akin at nag-iwas ng tingin. Nakatingala na siya at pinagmamasdan ang buwan. “Nagmahal ako ng isang napakagandang babae. Ngunit dahil sa pagmamahal ko sa aking tungkulin pinili kong kalimutan ang aking nararamdaman. Pinilit kong ituon sa paglilingkod sa diyos ang aking buhay. Hangang sa kinailangan kong lumayo upang pansamantalang makalimot. Ang matamis niyang ngiti ang maganda niyang mga mata. At ang kanyang mga luha sa tuwing nagkukumpisal siya sa akin. Lahat ng yun para sa akin ay mahalaga. Akala ko ang paglayo ang sagot upang makalimot. Ngunit sa pagbabalik ko mas nanabik akong makita siyang muli. Kaya nagdesisyon akong talikuran na ang aking tungkulin. Dahil hindi ako nararapat upang maglingkod sa diyos kung ang puso ko naman ay nakalaan sa iba. Nang makita ko siya kanina, gusto ko siyang yakapin ng mahigpit at halikan sa labi.” Naramdaman ko ang hinagpis ng kalooban sa bawat salitang binitawan niya. Tumatagos ito sa aking puso hindi dahil pareho kaming nagmamahal ng bawal. Kundi masakit marinig sa kanya na may iba siyang babaeng minamahal. Hindi ko rin mapigilan ang aking luha sa pagpatak. Nasasaktan ako para sa kanya. Pero nasasaktan din ako para sa akin sarili. “K-kaya ba iniwan mo ang tungkulin mo upang makasama siya?” Nakagat ko ang ibabang labi upang pigilan ang aking paghikbi. Nagkamali ata akong magdesisyon na sabihin sa kanya ang aking nararamdaman. “Ginawa ko yun upang lumayo na sa kanya ng tuluyan. Ito ang parusa ko sa pagtalikod sa aking tungkulin. Nangako ako sa diyos na kapag tinalikuran ko ang paglilingkod sa kanya. Tatalikuran ko rin ang babaeng minamahal ko. Nang sa ganun pareho kaming mabuhay na walang nilabag na batas ng tao at ng diyos.” “Ganun lang ba kadali sa’yo na bitawan ang babaeng yun? Paano naman ang nararamdaman niya? Paano kung mahal ka rin niya?” Humakbang siya papalapit sa akin hangang maging isang dipa na lamang ang layo naming dalawa. “Alam ko na ang nararamdaman niya, sinabi niya ito sa akin kanina sa kumpisalan. At alam mo ba ang mas masakit? Wala akong magawa kundi ang sabihin sa kanyang itago ang panyo na ibinigay ko. At gamitin niya yun sa kanyang pagluha. Dahil yun lang ang tanging paraan upang mapalaya namin ang isa’t-isa.” Awang ang labi kong sinalubong ang kanyang mga mata. Na ngayon ay may nabubuo na ring luha. Katunayan lang na hirap na hirap na rin ang kanyang kalooban. Ngunit bigla ko ulit naalala ang mga sinabi niya. Para akong naitulos sa kinatatayuan ko. “A-Ako?” Nanghihinang sambit ko sa kanya. Tinawid niya ang pagitan namin at hinawakan ang aking pisngi. “Iniibig din kita, Leona.” Sambit niya na ikinagulat ko. Hindi ko akalain na ako pala ang babaeng sinasabi niya. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman ngunit sa ngayon isa lang ang alam ko. Totoo ang pag-ibig namin para sa isa’t-isa. “Iniibig din kita Damion.” Nagbagsakan ang aking mga luha ngunit hindi sa lungkot kundi sa galak. Dahil nalaman ko ang lahat mula sa kanya. “Leona…patawarin mo ako…sa simula pa lamang mali na ang pagmamahal ko para sa’yo. Patawarin mo ako dahil mas pipiliin kong bitawan ka… alam ng mga taga-rito na isa akong pari. At kapag nalaman nila ang tungkol sa relasyon natin hindi lang ako ang kamumuhian at malalagay sa kahihiyan kundi pati ikaw.” “Bakit? Bakit mo pa sinasabi ang lahat ng ito? Kung iiwanan mo rin naman ako bakit sinabi mo pa ang nararamdaman mo. Ang bilis mong sumuko. Mahal mo pala ako bakit ayaw mo akong ipaglaban? Wala akong paki-alam Damion sa sasabihin ng iba. Mas pipiliin ko pang mabuhay sa kahihiyan. Kaysa makasal kay Flavio!” May diin kong saad sa kanya. “Ikakasal ka na?” Hindi makapaniwalang tanong niya sa akin. “Oo, yun ang nais ni ama. At si Gobernador-heneral ang mismong humingi ng pahintulot kay ama… Kaya ako naririto upang ipagtapat sa’yo ang lahat. Ngunit mabibigo rin pala ako dahil mas masakit ang naging sagot mo…Sana maging masaya ka sa pagbitaw mo sa akin. Sana maging masaya ka kahit hindi mo ako sinubukang ipaglaban. Kasi ako…mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa makasal sa lalaking yun.” Napansinghap ako at pinigilan ang aking mga luha. Hindi na rin maghalaga na nalaman ko ang lahat. Dahil ayaw niya sa pagmamahalan naming dalawa. “Babalik na ako sa amin. Baka inaantay na ako ni Anita. Pero bago ako umalis…sana hindi mo pagsisihan ang lahat ng ito. Kasi ako hindi ako nagsisi na minahal kita kahit sakit na.” Umatras ako sa kanya at tuluyan ko siyang tinalikuran. Paano ko palalayain ang isang taong hindi naman naging akin? Paano ko kakalimutan ang lalaking naging laman ng bawat pagpintig ng puso. Kung siya mismo hindi ako kayang ipaglaban. Kung siya mismo ang nais bumitaw. Kung siya mismo ang natatakot subukan. Tama ang sinabi niya. Hindi lahat ng nagmamahalan ay itinadhana habang buhay. Ngunit paano pa ako magmamahal ng iba? Habang papalayo ako sa kanya. Wala ring tigil ang pagpatak ng aking luha. Binuksan ko ang garapon at nag-alisan ang mga alitaptap. Kailangan ko silang palayain. At kailangan ko din siyang palayain dahil ang kanyang nais. “Leona!” Nagulat ako nang bigla niyang hilahin ang braso ko. Nabitawan ko ang garapon na dala ko nang tuluyan niya akong yakapin ng mahigpit. “Patawad…patawarin mo ako…hindi ko kaya…” Humihikbing sabi niya sa akin. Pagkatapos ng ilang sandaling yakap ay humiwalay na siya sa akin. “Ipagpalalaban kita at ilalayo kita dito.” Pagkatapos niyang sabihin yun ay kaagad niya akong siniil ng halik sa aking labi. Noong una ay marahan lang at may pang-iingat. Hindi ako tumutol dahil iniibig ko siya. Naging malalim ang halik hangang sa maisandal na niya ako sa malaking puno. Mas naging mahigpit ang pagkakayakap niya sa aking beywang. Hindi ko maunawaan ang aking nararamdaman ngunit alam kong higit pa doon ang maaring mangyari sa amin sa oras na ito at wala akong kahit katiting na pag-aalinlangan na ibigay sa kanya ang aking sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD