MIA
“Oh ayan! Mukha ka ng dyosa!”
Inabot niya sa akin ang bilog na mirror at nakita ko ang itsura ko sa salamin. Awang ang labi ko nang tignan ko ang aking sarili. Simple lang naman ako mag-ayos kaya hindi ko akalain na may igaganda pa pala ako. Dinagdagan niya ang kilay ko at nilagyan ako ng makapal na pulang lipstick. Nilagyan din niya ako ng eye shadow na may glitters. May nilagay pa siyang eyeliner at eyelashes kaya humaba lalo ang pilik mata ko. Inisang tali din niya ang mahaba kong buhok at ginawang hair bun. Okay naman ang itsura ko ngunit yung damit ko na pinasuot niya sa akin. Kulay itim na crop top, long sleeve nga ito ngunit kita naman ang buong tiyan ko. At yung mini-skirt ko na kulay puti sobrang iksi sa akin.
“Lucy? Hindi kaya ako masilipan at kabagin dito?” Naiilang na tanong ko sa kanya na ikinatawa niya.
“Ano ka ba? Minsan lang naman ito. At kung kabagin ka man i-utot mo na lang! Tara na!” Wika niya sabay hila sa akin pababa ng van.
“Mabuti naman bumaba na ka—”
Natigilan si Drey nang mapunta sa akin ang tingin niya. Sinuyod niya ako ng tingin mula ulo hangang paa. Lumapit siya sa akin at inilahad niya ang kamay niya.
“Hi, I’m Drey. Ano nga ulit ang pangalan mo?” Nakangiting tanong niya sa akin.
“Siya na ngayon si Mia version 2.0” Nakangising sabi ni Lucy sa akin.
“Sira ka talaga!” Saway ko kay Lucy. Pagkatapos ay inaya ko na siyang pumasok sa loob.
“Basta kailangan mai-uwi mo na ako bago mag alas-tres ng madaling araw okay?” Ulit ko kay Lucy.
“Oo nga! Wag kang mag-aalala kaming bahala sa’yo.” Wika niya.
Pagbukas pa lang ng pintuan ng club ay malakas na tugtog na ang sumalubong sa amin.
Sa lakas ng ingay parang mababasag na yung ear drum ko. Ngunit yung mga nagsasayaw sa gitna parang ang saya-saya pa nila. Mga sari-saring kulay ng ilaw din ang patay sindin kung saan sila nagsasayawan. At nakalanghap agad ako ng usok mula sa sigarilyo.
“Ganito ba talaga dito?” Tanong ko kay Lucy. Ngunit hindi niya ata narinig kaya hinila ko siya upang marinig niya ako.
“Lucy! Ganito ba talaga dito?!” Malakas na sabi ko sa kanya na ikinangiwi pa niya.
“Ano bang tanong yan? Akala ko ba alam mo ang tungkol dito?” Natatawang tanong niya sa akin. Umakyat kami sa hagdan dahil doon pala ang mga kaibigan niya at tinatawag pa kami mula sa itaas.
“Alam ko, pero ngayon lang ako nakapasok sa ganitong lugar!” Sagot ko sa kanya. Hinila niya ako ng mabilis paakyat mabuti na lamang at doll shoes ang suot ko kung hindi baka natalisod na ako.
“Masasanay ka din!” Masayang sabi niya. Nang maka-akyat na kami ay hindi na gaanong malakas ang tugtog.
“Wow, best...napaka-talented mo talaga.” Litanya ni Alex nang makalapit na kami sa table.
“Ako pa ba?” Nakangising sagot ni Lucy sa kanya. Nahiya tuloy ako kasi sa akin silang lahat nakatingin.
“Dito ka na maupo!” Aya sa akin ni Drey habang tinatap yung tabi niyang upuan.
“No! Dito siya sa tabi ko. Mahirap na baka manyakin niyo pa si Mia!”
“Best naman! Wag ka namang ganyan. Maaring playboy kami pero hindi naman kami ganun.” Angil ni Alex sa kanya.
“Oo nga!” Nakangusong sabi ni Drey.
“Ah basta! Hindi puwede, kung gusto niyo siyang kausapin malapit lang naman ang table natin. Ako na ang maghahanap sa kanya ng jowa.”
Napabuntong hininga na lamang ako sa bangayan nila. Mabuti na lamang may sariling mundo yung apat na kasama pa namin kaya nakikitawa lang sila sa kulitan ng tatlo.
“Umiinom kaba?” Tanong ni Lucy. Umiling ako sa kanya. Inabot niya sa akin ang bote na may laman.
“Okay, ito na lamang flavored beer ang inumin mo. Hindi masama ang lasa nito at hindi matapang ang amoy. At maliit lang din ang alchohol content kaya hindi ka malalasing.” Sambit niya. Kinuha ko ang bote na pinunasan niya muna ang bunganga nito bago ibinigay sa akin.
“Tikman mo.”
Inilapit ko ang alak sa aking bibig at lahat sila sa akin nakatingin. Pumikit ako at tinikman ko ang alak ng kaunti.
“Ano? Kaya? Masarap ba?” Tanong niya sa akin. Tumango ako sa kanya at ngumiti.
“Okay lang…” Sambit ko.
“Good! Cheers!” Nag-angat din siya ng alak na kagaya noong akin pero doon sa iba. Sa tingin ko mas matapang ang nasa kanila kasi nasa baso itong may yelo. At mas matingkad din ang kulay nito.
Tunay ngang hindi nakakalasing ang alak na binigay sa akin ni Lucy. Naubos ko na ang isang bote pero wala naman akong nararamdaman. Hindi ko alam kung paano malasing pero sabi nila kapag hindi na daw alam ang ginagawa o di kaya nagdadalawa na ang paningin ibig sabihin lasing na daw. Masaya sila kausap dahil napakaingay ni Lucy at ganun din si Drey si Alex naman yung isang baso niya kanina hindi na nadagdagan. Siguro dahil siya ang magmamaneho mamaya pag-uwi namin.
“Magbabanyo lang ako.” Paalam ko sa kanila. Nagulat ako nang tumayo din yung dalawa.
“Samahan na kita!” Sabay nilang sabi sa akin. Tumayo din si Lucy at sinamaan ng tingin ang dalawa.
“Ako na, alangan naman samahan niyo pa siya sa loob. Naiihi na rin ako.” Wika ni Lucy naiiling na umupo na lamang si Alex.
Hinila na ako ni Lucy papuntang restroom. Pagpasok namin sa loob ay sabay kaming pumasok sa cubicle.
“Pasensya ka na kung medyo nilalayo kita sa dalawang yun. Kilala ko na kasi sila at kilala ko na rin ang mga babaeng pinaiyak nila.” Narinig kong sabi ni Lucy sa kabila.
“Okay lang yun, thank you nga pala.” Sambit ko. Nakarinig ako ng flash at pagbukas ng pinto sa kabila. Pagkatapos ay lumabas na rin ako.
“Para saan?” Tanong niya sa akin. Nasa harapan siya ng lababo at naghuhugas ng kamay habang nakatingin sa salamin.
“Wala lang, kasi kahit mga kaibigan mo sila dini-distansya mo ako sa kanila.”
“Ano ka ba? Wala yun! Babae din ako, saka isa pa hindi ka naman sanay na magpunta sa lugar na ito. Hindi rin naman totoo yung maghahanap tayo ng jowa. Maghu-hunting lang tayo ng guwapo. Malay mo makakita tayo ng kamukha ni Lee min ho, Park Hyun shik at Park bo gum dito.” Natatawang sabi niya sa akin. Natapos na rin akong maghugas ng kamay.
“Puro ka kalokohan tara na nga!” Aya ko sa kanya pabalik. Nauna siyang lumabas ng pinto bago ako. Napagala ang mata ko sa dance floor kung saan maraming tao ang nagsasayawan. Hangang sa mapadako ang tingin ko sa lalaking nakatayo lang at nakatingin sa gawi ko. Hindi ko gaanong makita ang buong mukha niya dahil mata lang niya ang nasisinagan ng ilaw. At matalim itong nakatingin sa akin. Bigla akong kinilabutan at halos patakbo na akong sumunod kay Lucy.
Ilang oras pa kaming tumambay at nagpasya na kaming umuwi. Naka-tatlo pa akong bote ng alak at ramdam ko na rin na nahihilo na ako.
“Kaya mo ba?” Tanong ni Alex sa akin.
“Oo naman, alalayan mo na lang si Lucy napadami ata ang inom niya.” Wika ko sa kanya. Pinagtulungan nilang ibaba si Lucy at nakasunod lang ako sa likuran nauna na kasing bumaba yung apat.
“Hoy! Alam mo namang mahina ka rin sa alak tapos uminom ka pa ng madami!” Inis na sabi sa kanya ni Alex.
“Lagot ka kay Tita Ofelia nilasing mo na naman si Lucy.” Sabi naman ni Drey pero sinamaan lang siya ng tingin ni Alex bago bumaling sa akin.
“Mia, magbibihis ka pa ba bago ka namin ihatid sa inyo?” Tanong niya sa akin pagkatapos maipasok sa van si Lucy.
“Hindi na, siguradong tulog na ang mga yun.” Sagot ko sa kanya. Siguro naman wala nang gising ngayon.
Makalipas ang halos thirthy minutes ay nakarating na din kami sa bahay ni Lolo.
“Alex, tex mo ako kapag nakauwi na kayo ng safe okay?” Paalam ko sa kanya sabay kuha ng mga damit ko.
“Okay, nasa phone naman ni Lucy yung number mo diba?”
Tumango ako sa kanya at pagkatapos kong magpasalamat ay bumaba na rin ako at tumawid sa kabilang kalsada. Kumaway pa ako sa kanila. Bago ako pumasok sa loob ay malayo na sila.
“Saan ka nangaling?”
“Ay aswang!” Gulat ko nang marinig ko ang isang pamilyar na tinig. Lumingon ako sa likuran at nakita ko ang seryosong mukha ni Pablo.