Alas-nuwebe na ng gabi pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Naalala ko na naman ang nangyari kanina nang maidlip ako. Ang weird sa pakiramdam. Nahihiwagaan na rin ako kay Pablo. Habang kumakain kasi kami ng hapunan kanina madalas ko siyang napapansin na nakatitig sa akin. Hindi ko tuloy maiwasan ang mailang.
Napabangon ako nang marinig ko ang sunod-sunod na katok sa pinto.
“Sino yan?”
“Ako ‘to!” Malakas na boses ni Mama Sabel mula sa labas. Tumayo ako at pinagbuksan ko siya ng pinto.
“Nakalimutan mo yung gatas mo.”
Inabot niya sa akin ang isang basong gatas. Nagpasalamat ako sa kanya at pumasok ako sa loob para ilapag ang baso sa may mesa.
“Mia, sa isang lingo na ang 18th birthday mo. Tumawag sa akin si Tito Jose mo at maghahanda daw tayo.”
Napalingon ako sa kanya nang sabihin niya yun.
“Maghahanda po? Hindi na po kailangan yun Mama Sabel. Gagastos lang tayo ng malaki. Okay lang naman sa akin kahit kumain lang tayo ng sama-sama.” Wika ko sa kanya. Naalala ko tuloy sila Mom and Dad. Paghahandaan daw nila ang debut ko at gusto din nilang maging memorable na araw yun para sa akin. Pero imbis na maging masaya lalo lamang akong nalulunkot dahil wala sila. Wala na sila at hindi ko na sila makikita pang muli…
“Mia…” Sambit ni Mama Sabel. Hindi ko namalayan na malungkot na pala akong nakatingin sa kanya.
“Wala po ito naalala ko lang sina Mom at Dad kasi wala sila sa special na araw na yun.”
Lumapit siya sa akin at niyakap niya ako.
“Nandito naman kami, wag ka ng malungkot kinuha man sila ng maaga sa’yo ganun talaga ang buhay tanging ang may kapal lang ang nakakaalam ng lahat.”
Tumango ako sa kanya at binitawan niya ako.
“Pagkatapos mong uminom ng gatas ay magpahinga ka na. Unang araw mo sa school bukas. Sa sabado pa naman ang uwi ni Tito Jose mo kaya sa kanya mo na lamang sabihin ang tungkol sa debut mo.”
Pagkatapos niyang sabihin yun ay kaagad na rin siyang nagpaalam sa akin. Paano na lang kaya ako kung wala sila? Paano ako babangon kung mag-isa lang ako.
Ini-locked ko ang pinto at inubos ko ang gatas bago ako matulog.
Kinabukasan ay tilaok ng manok ang gumising sa akin. Tinignan ko ang antique na orasan na nakasabit sa dingding. Alas-singko pa lamang ng umaga at may kaunti na akong nakikitang liwanag sa labas. Tumayo ako at inayos ang aking kama. Binuksan ko ang salamin na pinto sa veranda upang lumanghap sana ng sariwang hangin. Ngunit naagaw ng atensyon ko si Pablo. Kasalukuyan kasi siyang nagme-meditate sa ibaba. Nakaupo siya sa madamong lupa na parang upo ng Buddha wala siyang pangitaas na damit at nakapikit at kita ko din ang kanyang malalim na paghinga.
Ang aga naman ata niyang magising? Sabagay maganda ang meditation sa katawan lalo na sa mental health.
Hindi ko maiwasan na pagmasdan siya. May girlfriend na kaya siya? Or marami na kaya siyang naging girlfriend? Impossible namang wala kasi nakikita ko ang paghanga sa mga babaeng tumitingin sa kanya.
Ilan na kayang babae ang pinaiyak ng mukong na ito?
Bigla kong naalala ang nangyari kahapon at napayakap ako sa aking sarili. Para kasing kinilabutan ako at nagtaasan pa ang balahibo ko katawan.
Biglang umihip ang malakas at malamig na hangin at nang mapatingin ako sa ibaba ay nakatingin na pala siya sa akin. Sa gulat ko ay nagmadali akong pumasok sa loob ng kwarto at mabilis na sinara ang salamin na pinto. Parang may nag-uunahan na kabayo sa aking dibdib. Hindi ko maipaliwanag kung bakit pero iba ang mga tingin niyan yun!
Napahawak ako sa aking dibdib at kinalma ang aking sarili.
Nagpasya akong maligo na lamang at ayusin ang mga gamit ko na dadalhin sa school.
Pagkatapos kong mag-agahan ay kinuha ko na ang mga gamit ko sa sofa at nagpaalam na rin ako kay Mama Sabel.
“Mag-ingat ka doon kapag nagkaproblema tawagan mo agad ako okay?” Wika niya sa akin.
“Opo.” Sagot ko sa kanya. At lumabas na ako ng malaking pinto. Pagharap ko ay malaking bulto niya ang gumulat sa akin.
“K-Kanina ka pa diyan?” Kinakabahan kong tanong sa kanya.
“Hindi naman kakarating ko lang tara na.” Nakangiting sabi niya sa akin na lalong ikina-kunot ng noo ko.
“Ah kasi, Pablo hindi mo naman ako kailangan na ihatid at sunduin malapit lang naman ang school natin.”
Nabura ang ngiti niya sa labi at sumeryoso siya ng titig sa akin.
“Bakit? Ikinakahiya mo ba ako?”
“Ano? Hindi sa ganun!” Agap ko sa sinabi niya. Bakit ko naman siya ikakahiya?
“Hindi naman pala eh tara na bago pa tayo malate.”
Kinuha niya ang kamay ko at hinila na niya ako.
“Pablo sandale!”
“Bibitawan ko ang kamay mo kapag nasa gate na tayo ng school.” Seryosong sabi niya.
“HA? Pero Pablo puwede naman na hindi tayo mag-holding hands diba?” Patuloy na angal ko sa kanya. Tumigil siya ng lakad at sumubsub ako sa balikat niya.
“Ano ka ba naman!” Inis na singhal ko sa kanya. Hinila ko ang kamay ko at kunot noo ko siyang tinignan.
“Ang bilis mo kayang lumakad isang hakbang ko dalawa na sa’yo!” reklamo ko sa kanya. Habang inaayos ko ang nagulo kong bangs.
“Sorry na, ibinilin ka sa akin ni Aling Sabel at apo ka ni Don Tasyo. Malaki ang utang na loob namin sa kaniya kaya ko ginagawa ito. Pero wag kang mag-alala hindi naman ako makiki-alam sayo pagdating sa school.” Paliwanag niya sa akin. Napabuntong hininga ako at hinarap ulit siya.
“Sige na, payag na ako pero walang holding hands okay?”
“Bakit? Naligo naman ako ah? At wala naman akong bacteria.”
“Ano? Hindi yun ang dahilan. Baka pag may nakakita sa atin pag-isipan tayo ng hindi maganda.” Pagdadahilan ko sa kanya. Ayoko naman pag chismisan ako ng mga nakakakilala sa kanya at isa pa hindi naman kami magjowa para mag holding hands.
“Ano naman ang iisipin nila? Pareho naman tayong single. Bakit? May naiwan ka bang boyfriend sa lugar niyo?” Tanong niya na ikina-awang ng labi ko.
“Boyfriend? Ang bata ko pa ano!” Inirapan ko siya at nagmadali akong lumakad. May mga nanliligaw sa akin noon at nagpapaalam pa kina Mom at Dad pero wala pa ako sa edad para sa ganun. Kahit nga si Cristian na inaanak ni dad hindi ko sinasagot eh.
Napalingon ako sa likuran ko at nakita ko siyang nakangiti habang nakatingin sa akin.
“Hoy! Ano? Para kang shunga diyan. Tara na!” Tawag ko sa kanya. Nagmadali siyang lumakad hangang maabutan niya ako.
Sabay kaming pumasok sa gate pero magkaiba kami ng way na dadaanan dahil nasa kabilang dulo pa ng university ang room ko.
“Ibigay mo sa akin ang schedule mo para alam ko kung nasaan ka at kung anong oras matatapos ang subject’s mo.” Wika niya na ikinalingon ko sa kanya.
“Bakit—”
“Wag na pala malalaman ko rin naman kung nasaan ka.” Nakangising sabi niya sa akin bago siya tumalikod sa akin at tumuloy sa kabilang daan.”
Malalaman ko rin naman kung nasaan ka?
At paano niya naman malalaman? May lahi ba siyang manghuhula? Baka naman niyayabangan lang niya ako. Subukan ko kayang taguan siya mamaya makikita niya kaya ako?