Asha
Kinabukasan ay naka-handa na ako para sa pagpunta sa plaza upang manuod ng opening ng pyesta rito sa aming barangay. Kasama ko rin sina Mama, Stella, Leo, at Tito Boy na gusto ring manuod dahil excited na raw sila para sa pyesta. Walking distance lang ang plaza mula sa bahay namin kaya naman hindi na kami sumakay pa ng tricycle.
Pagdating namin sa plaza ay dumiretso kami sa may covered court kung saan ay marami na ang mga tao at halos mapuno na ang buong lugar. Naghanap kami ng mauupuan at nagpasalamat kami na may nakita kami na kasya kaming lahat. Swerte pa namin dahil maganda ang nakuha naming pwesto at hinintay na lang namin na mag-umpisa ang event.
Mainit sa loob ng covered court dahil hindi naman kasi ito linagyan ng air conditioner kaya naman kahit saan ka lumingon ay may dala-dala silang pamaypay. Habang naghihintay ay may mga nagtitinda rin ng iba’t ibang klase ng mga meryenda at tubig. Maya-maya ay napansin ko na may hinahanap si Mama sa kanyang bag at nagtataka ako kung ano ito.
“Ano iyon, Mama?” tanong ko.
“Naku, iha. Nakalimutan ko iyong cellphone ko sa ibabaw ng drawer ko sa kwarto. Hindi naman mananakaw iyon dahil naka-lock naman iyong pinto pero gusto ko sanang kumuha ng picture gamit ang cellphone na iyon,” sabi niya sabay halungkat sa kanyang bag.
“Pwede naman ho nating gamitin iyong cellphone ko pansamantala kung picture rin lang naman ang habol mo Mama.” Umiling siya.
“Pasensya ka na anak pero may pagkaarte ang Mama mo ngayon. Iha, pwede mo bang balikan iyong cellphone ko please. Ito iyong susi.” Abot niya sa akin ng susi ng bahay kaya naman tumango ako.
Maaga pa naman at hindi pa naman nagsisimula ang palabas kaya naman kinuha ko mula kay Mama iyong susi at agad na naglakad pabalik sa bahay namin. Lakad-takbo ang aking ginawa dahil ayoko rin namang ma-miss iyong pinaghirapan ng kapatid ko na pagtuturo ng sayaw. Pagdating ko sa bahay ay mabilis kong sinusihan iyong pinto at dali-daling pumunta sa kwarto ni Mama na katapat ng kwarto ni Tasha.
Pagpasok ko roon ay hinanap ng aking mga mata iyong drawer at agad kong nakita roon ang cellphone na tinutukoy niya. Akmang lalabas na ako nang bigla na lang akong matigil sa paglalakad nang parang may nakita akong dumaan na tao sa labas ng kwarto ni Mama. Nagtaka ako kung sino iyon kaya naman agad akong lumabas mula sa kwarto ni Mama at tumingin sa aking kanan at kaliwa.
Pero wala naman akong nakita kaya naisip ko na marahil ay guni-guni ko lang iyon. Nagkibit-balikat ako at maglalakad na sana ako patungo sa pinto nang mapatigil ako ulit. Para kasing may narinig akong kumakalabog na kung ano sa may kwarto ko kaya naisip ko na baka mamaya ay may pusa o ibon na naipit doon.
Mabilis kong inakyat ang aking kwarto at binuksan ang aking pinto nang makita ko nga na nagsasara at bukas ang pinto ng aking closet kaya mabilis ko itong linapitan. Hindi naman bukas ang bintana ko para hanginin ko kaya nakapagtataka na bakit ito biglang tinutopak. Nang itulak ko ito pasara ay napatingin ako sa salamin at gano’n na lang ang gulat ko nang makita kong may nakaupong itim na lalaki sa ibabaw ng aking kama.
Paglingon ko ay wala naman ito kaya muli akong napatingin sa salamin at gano’n na lamang ang gulat ko nang makitang nasa likod ko na ang nasabing nilalang. Nagulat ako nang bigla niyang takpan ang aking mga mata at ramdam na ramdam ko ang init na nagmumula sa kanyang mga kamay. Sinubukan kong umalis sa hawak niya pero naramdaman ko na lang na lumulutang na ako sa ere.
Gusto kong sumigaw pero parang wala akong boses na mailabas mula sa aking lalamunan. Pagkatapos ay naramdaman ko ang paglapit ng kanyang bibig sa aking tenga dahil ramdam ko ang mainit niyang hininga na para bang mapapaso ako sa init nito. May binulong siya sa akin at nagtataka ako kung bakit ito ang sinasabi niya sa akin.
“You will soon remember me, amica mea. Your life will be in danger again.”
Gusto ko siyang tanungin kung ano ang ibig niyang sabihin pero paano ko magagawa iyon gayong walang boses na lumalabas mula sa aking bibig. Pagkatapos nun ay naramdaman ko nang tumapak ang aking mga paa sa lupa at biglang nawala iyong itim na nilalang. Imbes na matakot ako mismo sa kanya ay natakot ako sa babala na binigay niya sa akin.
Nagmadali akong lumabas ng bahay at patakbo akong bumalik sa covered court dahil naririnig ko na ang mga lyre at drum na tumutugtog. Pagdating ko sa mismong entrada ng covered court ay halos isingit ko na ang aking sarili sa sobrang dami ng tao. Nang makapasok ako ay nakita kong kinakawayan ako ni Mama sabay may tinuturo rin siya sa kanyang tabi.
Napakurap-kurap ako nang makita kong katabi niya si Birch at nakasuot ito ng casual wear. Agaw tingin siya lalo na sa mga kababaihan dahil bukod sa gwapo siya ay makinis ang kanyang balat sabay nakasuot pa siya ng sunglasses. Mabilis akong lumapit sa kanila at binigay kay Mama ang kanyang cellphone sabay pinatabi nila ako kay Birch.
“Nagsimula na tuloy Mama,” sabi ko sa aking ina.
“Sakto lang ang dating mo dahil susunod pa lang diyan ang klase ng kapatid mo.” Nakahinga naman ako ng maluwag sabay napatingin kay Birch.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Wala ka bang trabaho?” tanong ko kay Birch.
“Naka-leave ako ng fifteen days sa trabaho. Dumating ako sa bahay niyo kanina pero walang sumasagot at sinabi lang sa akin ng isang Tito mo na pumunta kayo rito kaya nandito ako ngayon,” paliwanag niya sabay ngiti sa akin.
Nang matapos ang unang grupo ay nagsipalakpakan kami at in-announce naman ng MC ang klase ng aking kapatid. Nakita ko siyang umakyat ng entablado sabay may binigay sa sound system at nagsimula na ang kanilang sayaw. Nag-picture si Mama habang tahimik naman na nanunuod ang iba ko pang kamag-anak nang maramdaman kong pinulupot ni Birch ang kamay niya sa aking baywang.
Napatingin ako sa kanya dahil hindi ako sanay sa PDA lalo na kapag kasama ko ang pamilya ko. Kaya naman magalang kong sinabi sa kanya na ayaw ko ng PDA sabay inalis ang kanyang kamay sa aking baywang. Humingi naman siya agad ng tawad na aking ikinatango at tahimik na lamang kaming nanuod muli ng sayaw.
Marami pa ang sumunod at galing pa sila sa iba’t ibang eskwelahan kaya naman nakatutuwa na panuorin silang lahat. Siguro ay inabot din hanggang tanghalian ang panuod at palaro na ang susunod ngayong hapon. Binigyan kaming lahat ng oras para kumain kaya naman isa-isa na kaming lumabas ng covered court at babalik na lamang kami mamaya kung gusto pa namin. Nag-inat-inat na rin ako at sabay-sabay na kaming lumabas kung saan ay kasama ko na ngayon si Birch.
“Gusto mo bang kumain sa bahay iho? Hindi nga lang gano’n ka-bongga ang ulam namin dahil hindi ko akalain na darating ka,” alok ni Mama kay Birch.
“Okay lang po, Tita. Hindi naman ho ako pihikan sa pagkain kaya ayos lang ho,” sagot naman ni Birch.
“O sige. Umuwi na tayo at nagugutom na rin ako,” sabi ni Mama.
Naglakad kaming lahat pauwi at dahil si Mama lang ang bukod tanging nakapagluto ng pananghalian namin kaninang umaga pa ay doon na kami lahat dumiretso. Nakita rin namin na naghihintay na roon sina Tita at Tito na marahil ay makikikain na rin sa amin. Hinanda na namin ang hapag kainan at binuksan ko naman ang mga bintana para pumasok ang hangin dahil sobrang init.
Si Birch ay tumulong na rin sa pag-aayos ng mga pinggan at kutsara at ikinatuwa ni Mama. Nang matapos ay linabas nila Tito ang binili nilang coke para pampagana raw sa pagkain. Nang maayos na ang hapag kainan ay nagdasal na muna kami ng pasasalamat at nagsimula na kaming kumain.
Nasa kalagitnaan kaming lahat ng pagkain nang mapuno ng tawanan ang buong silid dahil sa pagpapatawa nanaman ni Tito Boy. Inaasar niya nanaman si Stella dahil naunahan ko pa raw siya na magkaroon ng boyfriend.
“Tss. Hindi ako ang maghahanap ng boyfriend noh. Kung gusto nila e di sila ang maghanap sa akin,” sagot ni Stella.
“E paano ka naman nila hahanapin e palagi ka namang nakakulong sa bahay niyo? Lumabas-labas ka rin para naman may makakita sa iyo at para na rin maarawan ka. Tignan mo nga iyang balat mo sobrang puti na sa kakukulong mo sa bahay niyo,” sabi ni Tito Boy sa kanya.
“Kapag ako nagkaroon ng boyfriend, who you ka sa akin Tito. Hmp!” Muli kaming nagtawanan sa asaran nilang dalawa.
Nang malapit na kaming matapos kumain ng pananghalian ay natigil kaming lahat sa pagkain nang marinig namin ang pagkalabog ng aking closet. Napatingin naman silang lahat sa ikalawang palapag kung saan ay naririnig namin ang pagsara at pagbukas ng pinto ng closet ko. Bigla naman akong kinabahan dahil marahil ay iyong itim na nilalang nanaman na iyon ang gumagawa nun.
“Hindi mo ba sinara iyong pinto ng closet mo, Asha? Masisira iyon ng wala sa oras sa kagaganyan nun,” suway ni Mama sa akin.
“Ang totoo niyan ay kanina pa namin napapansin na may kumakalabog sa loob ng bahay niyo. Hindi nga lang namin makita kung saan ito nanggagaling dahil sarado naman ang pinto ng bahay niyo kanina,” sabi ni Tita.
“Ayusin natin mamaya iyong closet door mo, Asha. Buti hindi ka binubulabog niyan sa gabi lalo at parang may multo na nagsasara at nagbubukas nun,” sabi naman ni Tito.
Nang makarinig naman ng salitang multo ang anak nilang si Leo ay mabilis itong nagpabuhat sa kanyang ina at natatakot na nakatingin sa taas. Sinita naman ni Tita ang kanyang asawa na huwag takutin ang bata at baka mamaya ay mapanaginipan daw nito ang multong sinasabi niya.
“Hays. Asha ipatingin mo sa Tito mo ang closet door mo at ako na ang bahalang magligpit dito,” sabi naman ni Mama.
“Tulungan na ho kita, Tita,” alok naman ni Stella sa kanya.
Mabilis naman akong tumayo at kinuha ni Tito ang kanyang toolbox at sabay na kaming umakyat sa aking kwarto. Gustong sumama ni Birch pero hindi ako pumayag dahil ayokong ipakita sa kanya ang aking kwarto lalo na at ang gulo pa man din nito. Pagdating namin sa nasabing closet door ko ay nakita ko nga na hindi tumitigil ito sa pagsara at pagbukas hanggang sa hinawakan ito ni Tito.
Sinimulan niya itong ayusin habang ako naman ang taga-abot ng mga kailangan niya sa pag-aayos nito. Habang hawak ko ang closet door ay iniiwasan ko na mapatingin sa salamin nito dahil natatakot akong makita muli iyong itim na nilalang na iyon. Gusto kong sabihin ito kay Mama pero alam ko naman na hindi rin lang siya maniniwala sa akin.
Nang maayos ni Tito ang aking closet ay hindi na ito nagbubukas at nagsasara na aking ipinagpasalamat. Lumabas na si Tito at sumunod naman ako dahil ayokong manatiling mag-isa rito sa aking kwarto. Pero napukaw ang lahat ng iyon nang makarinig kaming lahat ng sigaw sa baba kaya dali-dali kaming bumaba ni Tito.
Ang kaso pagbaba ko ay gano’n na lamang ang gulat ko nang makitang nakaupo na sa sahig si Birch habang tinutulungan naman siya nila Tito na makatayo. Nag-aalala akong lumapit sa kanya at tinanong kung ano ang nangyari.
“Hays. Bigla na lang siyang nahulog sa hagdan nang tangkain niyang sundan kayo sa kwarto mo. Mukhang na-sprain iyong paa niya at namaga kaya ayan at nahihirapan na siyang maglakad,” paliwanag ni Tita.
“Sandali at kukuha lang ako ng ice at benda,” sabi naman ni Mama.
Pinaupo nila si Birch at lumuhod ako para tignan ang kalagayan ng kanyang paa. Habang pinagmamasdan ko ito ay napansin ko na bukod sa namamaga nga ito ay may isa pa akong napansin doon. Bakit parang may marka ng mga daliri sa bukong-bukong niya?