Chapter 7

2083 Words
Asha Napaupo ako at agad kong sinapo ang aking ulo dahil ang hapdi nito sabay ang sakit pa. Tinulungan naman ako ng aking kapatid at ina na umupo sabay binigyan nila ako ng isang baso ng tubig na aking iinumin. Nang naubos ko ito ay nagtataka pa rin ako kung bakit nag-aalala silang nakatingin sa akin. “Iha, ayos ka lang ba?” tanong sa akin ng aking ina. “Okay lang naman po ako pero masakit po iyong ulo ko. Ano po bang nangyari?” Nagkatinginan silang dalawa sa akin. “Ate, wala ka bang naaalala bago nabagok iyang ulo mo?” tanong sa akin ni Tasha. “Nabagok? Kaya ba masakit ang ulo ko dahil nabagok ako? Saan ako nabagok?” tanong kong muli. “Hala lagot na at mukhang nagka-amnesia na yata si Ate,” sabi naman ni Tasha. “Teka, hindi ko kayo maintindihan. Ang tanging naaalala ko lang kasi kanina ay dumating ako galing trabaho at pumasok ako sa loob ng banyo. Pagkatapos nun ay wala na akong maalala,” sabi ko sa kanilang dalawa. “Iha,” simulan ni Mama sabay hinawakan ang aking kamay. “Tinatawag ka kasi namin kanina para kumain na ng hapunan pero nakalipas ang ilang minuto ay hindi ka sumasagot. Pagkatapos ay inutusan ko itong kapatid mo para tawagin ka pero nagsisisigaw siya na wala ka na raw malay sa loob ng banyo. Hindi ka naman namin maitakbo sa hospital dahil wala naman ang Tito mo at may pinuntahan.” “Sumubok kaming tumawag ng tulong sa pamamagitan sana ng cellphone mo pero may password naman ito kaya hindi tuloy namin alam kung saan kami hihingi ng tulong,” sabi naman ni Tasha. “Mabuti na lang at may alam si Stella sa first aid kaya naagapan namin agad ang sugat sa ulo mo.” Doon na ako tumayo at tinulungan naman ako nila Mama hanggang sa marating ko ang banyo ko. Pagtulak ko ng pinto ay wala talaga akong maalala kanina pagkatapos kong mauntog. Basta ang naaalala ko lang ay pumasok ako sa banyo upang maligo at pagkatapos nun ay wala na akong maalala pa. Ang tanging naaalala ko na lang ay nagising ako na may benda sa aking ulo habang nag-aalalang nakatingin sa akin ang aking pamilya. Pagkatapos ay bumalik na ako sa aking kama at agad naman na inutusan ni Mama na kumuha ng makakain ko si Tasha. Habang hinihintay namin si Tasha ay binantayan naman ako ni Mama. “Anak, ano ba ang nangyayari sa iyo at nitong mga nakaraang araw ay napapansin kong parang ang dami mo na lang nakakalimutan. Katulad na lang noong sinabi mo na nasa kusina ka pero nahanap ka naman namin na sumisigaw sa may banyo mo. Pagkatapos naman ay ito naman ang sumunod at hindi mo maalala kung paano ka nahimatay,” mahabang sabi ni Mama. Huminga ako ng malalim at pati ako ay hindi ko rin alam kung ano na ang nangyayari sa akin. Hindi naman ako ganito noon at hindi ko alam kung bakit ang dami kong nakalilimutan nitong mga nakaraang araw. Nang matapos akong pakainin nila Mama ay sinabi ko na ayos na ako para hindi sila mag-alala katulad na lang ni Mama. Naghahanda na akong matulog nang makarinig ako ng katok sa aking pinto at agad na bumukas ito kung saan ay ilinuwa nito si Tasha. Nakasuot na siya ng pajamas at agad na lumapit siya sa akin sabay umupo sa gilid ng aking kama. Napatingin naman ako sa kanya sabay huminga siya ng malalim bago siya nagsalita. “Ate, sigurado ka bang ayos ka lang? May hindi ka ba sinasabi sa akin?” Napakurap-kurap naman ako sa kanyang sinabi. “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ko. “Ilang araw ko na kasing napapansin na para bang may kakaiba sa iyo at alam ko na hindi ka naman dating ganyan. Dati kasi ay wala namang kakaiba sa iyo pero simula nang—” Hindi niya tinuloy ang kanyang sasabihin. “Simula nang ano, Tasha? May nalalaman ka ba na hindi ko alam?” tanong ko pero umiling lang siya. “W-Wala. Pumunta lang talaga ako rito para kamustahin ka. Ang mabuti pa ay magpahinga ka na lang dahil sabi ni Mama na bukas na bukas daw ay pupunta kayo ng hospital.” Tumango naman ako. Umalis na siya ng aking kwarto at naiwan naman akong nag-iisip kung ano na nga ba ang nangyayari sa akin. Ayokong mas lalong sumakit ang aking ulo kaya naman napagdesisyonan kong matulog na para maaga akong magising bukas. Kinabukasan ay nagising ako na pinagpapawisan at para akong napagod na ewan. Iniisip ko na siguro ay dahil sa nangyari ito sa akin kahapon kaya ganito ang aking nararamdaman. Inayos ko na ang aking kama at agad kong nabungaran si Mama na parang may kausap yata. Kaya naman nang makababa ako ay agad kong nakita si Mama at mabilis siyang lumapit sa akin. Habang kinakamusta naman niya ako ay napansin ko na nakasunod pala sa kanya si Sir Birch at nagulat ako kung ano ang ginagawa niya rito. “Birch?” tanong ko. “Asha, sinabi sa akin lahat ng nanay mo ang nangyari. Ayos ka lang ba?” tanong niya at agad akong linapitan sabay tinignan ang aking benda. “Ayos lang ako. Pasensya ka na pero mukhang hindi ako makakapasok ngayon dahil kailangan pa naming pumunta sa hospital.” Tumango naman siya. “Gano’n ba? Kung gano’n ay ihahatid ko na kayo. Malapit lang naman ang hospital sa trabaho kaya hihintayin ko na lang kayo.” Umiling ako. “Ha? Hindi na kailangan. Mal-late ka at sigurado akong makaaabala lang kami sa iyo,” sabi ko. “It’s okay. Hindi rin naman ako mapapakali sa trabaho oras na makarating ako roon dahil ikaw lang ang iisipin ko.” Kinilig naman ako pero agad kaming napalingon sa tumikhi. “Excuse me lang ho at pakiramdam ko ay nalalanggam na yata ako,” sabi naman ni Stella na kanina pa pala nakatayo habang kasama niya si Tito. Lumapit siya sa amin at agad niyang nginitian si Birch sabay tinuon niya ang tingin niya sa akin. “Insan, maligo ka na at lilinisin ko na muna iyang sugat mo sa ulo bago kayo pumunta sa hospital.” Tumango naman ako. Nagpaalam na muna ako kay Birch at sinabing maghintay na lang muna siya habang naghahanda kami. Sumunod naman sa akin si Stella sa aking kwarto kung saan ay nagsimula na akong maligo. Habang naliligo ako at nag-apply ng shampoo sa aking ulo ay sinigurado ko na dadahan-dahanin ko ang pag-shampoo. Mahirap na at baka biglang umuka iyong sugat sa aking ulo. Nang matapos akong maligo ay tumayo akong muli sa harapan ng salamin at akmang lilinisan ko ang fog sa salamin ay natigil ako nang biglang sumakit ang aking ulo. Nasapo ko ito at napahawak sa gilid ng aking lababo dahil parang mas lalo lang lumalala ang sakit nito. Maya-maya ay nang mawala ang sakit nito ay unti-unti kong minulat ang aking mga mata at nakita kong may nakasulat sa fog sa salamin. Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan at kung bakit parang pamilyar sa akin ang nakasulat dito. Isang ‘You are mine’ lang naman ang nakasulat doon at nagtataka ako kung sino ang nagsulat niyan dahil alam ko namang hindi ako. Mas lalo rin namang hindi si Birch ito dahil imposible namang pumasok siya sa aking kwarto at alam kong hindi si Stella ito dahil bakit naman niya gagawin iyon ‘di ba? Maya-maya ay narinig ko na mula sa labas ng aking banyo ang boses ni Stella na tinatanong kung kumusta na raw ako. Nataranta ako at mabilis kong binura ang nakasulat sa aking salamin. “T-Tapos na ako. Lalabas na ako saglit lang.” Nang mabura ko ito ay nagmadali akong lumabas ng banyo. Paglabas ko ay nagpalit ako saglit ng aking damit at agad namang lininisan ni Stella ang aking sugat. Habang linilinisan niya ay hindi ko makalimutan iyong nakasulat sa salamin ko kanina. You are mine, huh? Kung sinuman ang nagsulat nun ay super possessive naman niya yata na pati ako ay dinamay niya pa. Nang matapos na kami ay lumabas na ako ng aking kwarto at nakita ko nang nakapagpalit na rin ang aking ina habang nakikipagkwentuhan kay Birch. Sabay-sabay na kaming lumabas habang si Birch ay dumiretso naman sa kanyang sasakyan upang paganahin na ang makina nito. Agad naman akong tinaboy ni Mama na samahan ko na raw si Birch at siya na raw ang bahalang magsasara ng bahay. Wala akong nagawa kaya naman linapitan ko si Birch at agad niya akong pinapasok sa kanyang kotse. “Noong pumunta ako rito at sinabi sa akin lahat ng ina mo ang nangyari ay sobra akong binalot ng kaba. Akala ko kasi ay may nangyari na talaga sa iyo pero noong nakita kitang ayos ay medyo gumaan ang aking loob.” Napangiti naman ako sa kanyang sinabi sabay hinawakan niya ang aking kamay. “Salamat sa concern, Birch.” Ngumiti siya at agad na dumukwang siya upang bigyan ako ng halik sa aking mga labi. Ito ang pangalawang beses na bibigyan niya ako ng halik at natutuwa ako dahil tuwing hahalikan niya ako ay kinikilig ako ng sobra. Naghiwalay lang kami nang pumasok na si Mama si kotse at nahihiya akong napatingin sa kanya nang matapos niya akong halikan. Binagtas na namin ang daan papunta sa hospital at pagdating namin doon ay nagpasalamat kami na kunti lang ngayon ang mga pasyente. Agad naman kaming inasikaso at nagbigay sila ng doktor na titingin sa akin. Habang papunta roon ay sinabi ko naman sa aking ina na maiwan na siya dahil kaya ko naman na ito. Pero masyado siyang nag-aalala at sinabi niyang baka mahimatay daw ako ulit. Wala na akong nagawa nang marating namin ang clinic ni Dr. Sanchez na isang neurologist. Ako ang pinaka-una sa pila hanggang sa unti-unting dumami ang kanyang pasyente. Ito lang ang pangit kapag naghihintay ka sa doctor mo dahil maaaring lumala na ang kalagayan ng pasyente ay wala pa rin sila para mag-check-up sa amin. Napabuntong hininga na lang ako hanggang sa makita ko mula sa malayo ang isang gwapong doctor na nakasuot ng doctor’s robe habang may kasunod itong secretary. Nang pumasok ito sa kanyang clinic ay alam kong siya na ito kaya naman hinanda ko na ang aking sarili kapag tatawagin na nila ako. Ilang minuto pa ay nagsimula nang magtawag ng pangalan ang secretary niya. “Asha Azucena?” Tumayo ako at agad niya akong pinaupo sa isang upuan. Kinuha niya ang aking BP at tinanong kung ano raw ang aking ipapa-check-up. Agad ko namang sinabi sa kanya ang nangyari at sinabing pwede na akong pumasok sa loob. Nagpasalamat ako at naiwan naman ang aking ina sa labas dahil pasyente lang ang pwedeng pumasok. Pagpasok ko ay agad na umangat ang tingin ng doctor sa akin at agad naman siyang napangiti nang makita niya ako. Binati ko siya sabay binigay ko sa kanya ang papel na aking hawak. Nang binasa niya ito ay napangiti siya na parang nalaman niya kung ano ang aking pangalan. “Nauntog ka? Hindi ka naman ba nahihilo?” tanong niya. “Hindi naman ho doc. Masakit lang ho iyong sugat ko pero wala naman na ho akong nararamdamang iba.” Tumango siya sabay sinuot niya ang kanyang stethoscope. Maya-maya ay marami na siyang chineck-up sa akin at marami siyang tinanong. Sinabi niya rin na kung may mga mapapansin pa raw akong mga kakaiba pagkatapos ng ilang araw ay bumalik daw ako agad sa kanya. “Sa ngayon ay magpasalamat tayo na hindi naman gano’n kalalim ang sugat mo, Ms. Asha. Mag-iingat ka na lang sa susunod.” Tumango ako. “Sa susunod na linggo ay titignan ulit kita at kung makita kong hindi naman delikado ang sugat mo ay kahit huwag ka nang bumalik pa.” “Salamat ho, Doc.” “Walang anuman. Nice meeting you, Ms. Asha.” Nakipagkamay siya sa akin pero ikinagulat ko nang bigla niyang halikan ang aking palad. Gwapo siya pero kahit gwapo siya ay may boyfriend na kasi ako at hindi ko siya ipagpapalit. Pagkatapos ay lumabas na ako sa kanyang silid at lumabas na kami ng hospital. Nakita ko si Birch at nakita kong may kinakausap siya sa kanyang cellphone at nang makita niya ako ay agad niya itong binaba. Bigla kong naalala ay may honeybabe nga pa lang tumatawag sa kanya noon. Sino kaya iyon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD