Asha
Masaya akong humuhuni habang naghahanda ako ng almusal kinabukasan. Simula kasi ng nangyari sa amin ni Sir Birch kagabi ay hindi na maalis-alis sa aking utak ang ginawa niyang paghalik. Hindi ko nga alam kung ano ang dahilan ni Sir Birch sa ginawa niyang iyon pero isa lang ang nararamdaman ko noong gabing iyon. Kilig.
“Mukhang ang ganda ng tulog mo ngayon ate ah? Hindi ka na ba nanaginip ng mga mumu?” Napalingon ako sa aking kapatid na katatapos lamang maligo.
“Wala na. Iniwasan ko na kasi ang manuod ng mga horror movies at sa tingin ko ay nasobrahan lang ako kaya kung anu-ano na ang pumapasok sa aking kukute. Thanks sa advice.” Ngumiti ako sabay binalik ko ang aking atensyon sa aking ginagawa.
“Sabi ko naman kasi sa iyo na panaginip lang ang lahat ng iyon. Pero bakit ka nga masaya ngayon at parang blooming ka?” Hindi ko siya sinagot at tinaasan lang niya ako ng kilay nang lumaki ang kanyang mga mata. “Oh. My. God. Are you in love ate? Kyaa! Magkaka-love life ka na ba?” excited na sigaw niya.
“Shh,” sita ko sa kanya. “Huwag ka ngang maingay at baka marinig ka ni Mama.”
“Ayie. Meron nga? Totoo nga na magkaka-love life ka na? Hala, sino? Teka, iyong gwapong lalaki ba na katabi mo kagabi?” tanong niya at tumango ako.
Nagtatatalon siya sa tuwa at pati tuloy ako ay natawa na sa kanyang kaligayahan.
“Pero secret na muna natin ito kay Mama ha? Ayoko kasing sabihin muna sa kanya hanggat hindi pa naman kami opisyal na kami. Hindi ko pa kasi sigurado kaya silent ka na muna ha?” Tumango siya ng mabilis.
“Promise. Pero ipakilala mo ako sa kanya ate ha kapag kayo na at saka isama mo ako sa first date niyo para makilatis ko siya ng mabuti kung hindi ka ba niya lolokohin.” Naiiling naman ako sa kanya. “Ate, ha?”
“Oo na. Ang mabuti pa ay kumain na tayo at baka ma-late ka pa.” Masaya siyang sumunod sa aking sinabi at agad na kumuha ng pinggan at kumain.
Nang matapos akong maligo ay nagpalit na rin ako ng aking damit at nakangiti pa ako habang nakatingin ako sa salamin at nagh-hum. Sinusuklay ko ang aking buhok nang bigla na lang magsara ng sobrang lakas ang aking pinto. Halos napatalon pa ako sa gulat pero hindi ko na lang ito pinansin dahil inisip ko na marahil ay dahil lang ito sa hangin.
Malalaki pa man din ang mga bintana namin dito kaya hindi na nakapagtataka na hanginin pati pinto namin at kusa itong magsara. Nang matapos akong magsuklay ay kinuha ko naman ang lipstick ko sa aking bag pero nang kapain ko ito ay hindi ko ito mahanap. Kaya naman binuksan ko ang aking bag at halos ilabas ko na lahat ang laman nito pero hindi ko pa rin ito makita.
“Asan na ba iyon?” tanong ko.
Maya-maya ay hinanap ko pa ito sa ilalim ng aking kama pati na rin sa ibabaw ng aking aparador. Lumuhod ako para silipin na rin ito sa ilalim ng aking closet nang makita ko nga na nandoon ang aking lipstick. Kinuha ko ito at saka lininis sabay tumayo at inalis na ang takip nito para makapag-apply na ako ng lipstick.
Pero pagharap ko sa salamin ay nagulat na lang ako nang makakita ako ng itim sa aking likuran at agad akong lumingon upang tignan kung sino ito. Hinanap ng aking mga mata ang itim na anino na iyon pero wala naman na ito at pagtingin ko sa salamin ay wala na rin ito. Napapikit ako at umiling sabay sinabi sa aking sarili na guni-guni ko lang iyon at marahil ay nagulat lang ako sa aking nakita.
Nang maka-apply na ako ng lipstick ay lumabas na ako sa aking kwarto at bago ko isara ang aking pinto ay muli kong pinakatitigan ang kabuuan ng aking kwarto. Pagsara ko nito ay mabilis akong lumabas ng aming bahay at agad na humalik sa aking ina.
“May naghihintay sa iyo iha,” sabi niya.
“Ho?” Nginuso niya ang tinutukoy niya at nang sundan ko ito ay nagulat ako nang makita kong nakasandal si Sir Birch sa kanyang kotse.
“Uy, mukhang yayamanin ah.” Napatingin naman ako kay Tito na nakalapit na rin pala sa amin.
“Alis na ho ako Mama, Tito,” paalam ko sa kanila at nagsimula nang maglakad palapit kay Sir Birch.
Nang makalapit na ako sa kanya ay binati niya ako ng magandang umaga na akin namang sinagot din. Pinapasok niya ako sa kanyang kotse at umikot naman siya upang sumakay sa driver’s seat. Sinimulan niyang paandarin ang kanyang makina at minaneho ito paalis. Habang nasa daan kami ay hindi ko mapigilang kiligin pero lalo na sa lahat ay nagugulat pa rin ako.
“Bakit niyo ho ako sinundo? Hindi ho ba at madadaanan niyo pa ho ang gusali natin bago kayo pumunta sa bayan namin?” tanong ko sa kanya.
“Gusto kitang sunduin syempre. Ang pangit naman yata kung iiwan ko na lang ang nobya ko pagkatapos kitang halikan kagabi.” Napasinghap ako sa kanyang sinabi at nakagat ko ang aking ibabang labi.
Tama ba ang pagkaka-rinig ko na nobya niya na raw ako? Hala. Kami na ba talaga ng crush ko dahil lang sa ginawa niyang paghalik sa akin?
“P-Pero hindi pa naman ho kayo nangliligaw ‘di ba?” tanong ko at natawa naman siya.
“Pwede naman kitang ligawan kahit tayo na ‘di ba? Iyong iba nga mag-asawa na pero liniligawan pa rin nila ang kanilang mga asawa. Isa pa may gusto ka rin naman sa akin ‘di ba?” tanong niya at napatango ako ng isang beses. “See? Bakit pa natin patatagalin kung may gusto rin naman ako sa iyo?”
Pakiramdam ko ay nag-iinit na ang aking mukha dahil sa sobrang kilig na aking nararamdaman. Nang makarating kami sa gusali ay sabay na kaming lumabas. Pagpasok namin ay napansin ko na nakasunod ang mga mata nila sa amin kaya naman napatungo ako dahil sa sobrang hiya.
Binati nila kami pareho at agad na kaming pumunta sa pwesto namin upang magsimula nang magtrabaho. Magka-harap kami ng cubicle ni Birch nang bigla akong makaramdam ng tapik sa aking balikat at paglingon ko ay nakita ko si Tiffany. Sumenyas siyang sundan ko raw siya kaya naman tumayo ako at agad na sumunod sa kanya.
Hindi ko alam kung saan kami pupunta pero nakita kong pumasok siya sa women’s bathroom. Pagpasok namin ay linock niya ang pinto at agad akong hinila sabay nakipagtitigan sa akin. Nagtataka naman akong napatingin sa kanya hanggang sa magulat ako nang tumili siya ng sobrang lakas.
“Kayo na ni Sir Birch?” tanong niya at masaya akong tumango. “Ayiee! Umalis lang ako kagabi ay lumandi ka na agad? Ano’ng ginawa niyo noong umalis ako kagabi ha? Binigay mo na ba ang bataan?” Umiling naman ako.
“Hindi pa naman pero b-binigyan niya ako ng k-kiss.” Nagtatatalon siya at para siyang linta na nasabuyan ng asin.
“Malapit mo nang maranasan ang heaven friend. Ipagpatuloy mo lang iyan at huwag kang makikinig sa sinasabi ng iba ha?” Nawala ang aking ngiti sa kanyang sinabi.
“Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ko sa kanya.
“Ah, eh…n-naku wala iyon. Huwag mo na lang pansinin iyon, okay? Ang importante may love life ka na friend.” Ngumiti ako at tumango naman siya.
Sabay na kaming lumabas at bumalik na kami sa aming pwesto kung saan ay nakita kong abala na si Birch. Dumaan lang ang aking araw na mas pagod kaysa noong bank accountant pa lang ako dahil mas marami na akong responsibilidad ngayon. Pagsapit ng hapon ay hinatid ako ni Birch pauwi sa amin kung saan ay kumalat na agad sa kamag-anak namin ang nangyari.
Pagdating ko ay agad nila akong inusyoso kaya naman wala na akong nagawa at sinabi kong kami na nga ni Birch. Nang sinabi ko iyon ay natuwa silang lahat pero syempre may bad comment pa rin naman sila dahil hindi raw nangligaw si Birch sa kanila. Ugali na kasi ng pamilya namin na mauna munang ligawan dapat ay ang mga magulang bago nila makuha ang matamis na oo ng kanilang anak.
“Tss. Wala na kayo sa panahon niyo noh? Ang uso na ngayon ay sasagutin mo na lang iyong manliligaw mo gamit ang text,” sagot ni Stella.
“Asus. Nagsalita siya e wala naman siyang boyfriend.” Pang-aasar ni Tito sa kanya kaya naman nagtawanan kaming lahat at inirapan lang sila ni Stella.
Iniwan ko na muna sila at pumanhik ako sa aking kwarto upang magpalit ng aking damit. Pagkatapos kong alisin ang aking mga damit ay nagpahinga na muna ako bago ako pumasok sa aking banyo upang mag-half bath. Naisipan kong mag-half bath ng maligamgam na tubig at nang matapos ay pinulupot ko ang aking tuwalya sa aking katawan at tumayo sa harapan ng salamin.
Ugali ko kasi ang mag-apply agad ng cream sa aking mukha bago ako magpalit ng damit at dahil may fog sa aking salamin ay agad ko itong lininis. Pero saktong pinahid ko ito gamit ang aking kamay ay gano’n na lang ang gulat ko nang makita kong may nakatayong muli na isang maitim na nilalang sa aking likuran pero sa pagkakataong ito ay nakita ko ang kanyang mga mata.
Akmang sisigaw ako ay namatay ang aking ilaw at nagsimula akong sumigaw pero hindi ko mabuksan ang aking pinto. Hindi ko makita ang aking pinupuntahan kaya naman naramdaman ko na lang na nadulas ako at agad na nabagok ang aking noo sa kung saan. Doon ako nawalan ng malay hanggang sa unti-unti na akong binalot ng dilim.
Nang imulat ko ang aking mga mata ay nakita ko na napapalibutan ako ng malalaking apoy. Ang buong kapaligiran ko ay apoy kaya naman ramdam na ramdam ko ang init. Suot ko pa rin ang aking tuwalya at mahigpit itong hinawakan sabay tumayo upang tignan ang aking kapaligiran.
“N-Nasaan ako?” tanong ko sa aking sarili. “Mama! Tasha! Tito! Stella!” sigaw ko pero wala sila at tanging ako lang ang nandito.
Inikot ko ang aking paningin pero puro apoy ang aking nakikita at walang hanggan ito.
“Help! Tulong!” sigaw ko pero walang nakaririnig sa akin.
Nagsimula na akong maiyak nang may narinig akong nagtatawag ng aking pangalan.
“Asha…” Hinanap ko ang pinanggagalingna ng boses na iyon pero wala akong makita ni isang gusali. “Asha…”
“S-Sino ka?” tanong ko. “Nasaan ako?” sigaw ko.
“You are mine, Asha…” Mahina lang ang pagkakasabi nito pero rinig na rinig ko ang bawat salita na sinambit niya.
Umiling ako. “This is not happening. This is just a dream. You are not real.” Halos mapa-sabunot ako sa aking buhok at napaluhod.
Paulit-ulit niyang sinasabi ang aking pangalan na para ba itong panalangin at paulit-ulit niyang sinasabi na sa kanya lamang ako. Maya-maya ay nakaramdam ako na may humawak sa aking balikat at paglingon ko ay nagulat ako nang makita kong si Birch ito.
“Asha, let’s get out of here. You are just dreaming.” Akmang tatanggapin ko ang kanyang kamay ay agad na nag-iba ang kanyang itsura at naging demonyo ang itsura niya.
Masama siyang tumatawa na para bang natutuwa siyang nakikita niya akong naghihirap at umiiyak. Maya-maya ay nakita kong nakahubad siya at walang saplot ni isa. Maya-maya ay may lumabas na mga kababaihan sa ilalim ng lupa at agad na humawak sa bawat parte ng kanyang katawan. Nakahubad din ang mga ito pero pansin na wala silang mukha at tanging katawan lang nila ang meron.
“B-Birch…w-what is happening?” tanong ko.
“s*x, s*x, s*x, s*x,” iyon lang ang palagi niyang sinasambit at napasigaw ako nang bigla na lang siyang kagatin ng mga kababaihan.
Kapansin-pansin na para siyang kinakain ng mga ito pero wala akong makitang ni kahit na anong emosyon sa mukha ni Birch. Unti-unti siyang nawala sa dami ng mga babae na pumatong sa kanya at doon ako umiyak sabay sumigaw ng sobrang lakas. Maya-maya ay bigla na lang akong nagising at nakita ko agad ang mukha ng aking ina at kapatid. Nagtataka akong napatingin sa kanilang dalawa.
“W-What happened?”