Sunud-sunod na putok ang narinig kong umalingawngaw na putok ng baril ngunit bago pa man nila magawa iyon, bago pa man nila ako maasinta ay nagawa ko nang ipang-cover ang anak ni Oscar. Hindi ko na kasalanan iyon. Hindi sila sumunod sa usapan. Lahat ng bala ay sa kanya tumama. Kasabay ng pag-asinta ay ang paghagis ko rin ng granada sa kaliwa at kanan ko na halos sabay ding sumabog. Tumilapon ang mga bangkay. Naasinta ko rin agad ang isa na bumaril at pumuwesto sa likod ko. Bago pa makadiskarte yung mga nasa balkonahe sa taas ay nahagisan ko na rin sila ng granada kaya imbes na asintahin ako, nataranta sila sa bilis ng ipinamalas kong pagkilos. Minaliit nila ang kakayahan ng mukhang katorse anyos na binatilyo. Hindi ako patatalo. Hindi na nila ako muli pang mauutakan.
Patay ang dalaga, hindi sa bala mula sa baril ko kundi sa bala mismo ng mga tauhan ng kanyang ama. Tatakbo sana papasok sa loob ng bahay ang inutusan ni Oscar na mag-aabot ng pain sa akin ng pera pero mabilis na isinara ni Oscar ang pintuan. Nanginingig ang gagonang hinarap ko.
“Kilala kita gago! Ikaw yung unang humalay kay Mama, hindi ba?” singhal ko. Hindi ko na hinintay pang sasagot siya o makabunot ng baril. Isang bala sa noo ang ibinigay ko sa kanya. Bagsak na dilat ang mga mata.
Muli kong pinakiramdaman ang paligid ko. Baka may buhay pa. Baka lang may aasinta sa akin. Isang bala lang tapos ang buhay ko. Hindi na ako pwedeng magkamali ngayon. Hindi na pwede pang magtiwala. Iyon ang iniisip ko at hindi ko alam kung bakit.
Wala. Mukhang patay na rin naman ang lahat. Si Oscar na lang ang nalalabi at ang pamilya niya na nagtatago na sa loob. Wala na siyang pagtataguan pa. Hindi ako aalis nang hindi ko siya mapatay.
Tumingin ako sa mga gilid-gilid. Wala akong makita na kahit anong CCTV. Bakit nga naman siya magkakabit ng CCTV na pwedeng gamitin na ebidensiya sa kanyang illegal na transaction? Isa na lang ang naiiwan sa granadang dala ko. Hindi ko maaring gamitin sa pagsira sa pintuan. Pinihit ko ang seradura. Naka-lock. Mukhang secured ang lock ng main door pati mismo ang pinto. Hindi basta-basta mabubuksan lang o masisira ng kahit gamitan ng granada. Mabilis akong umatras. Inihagis ko sa balkonahe sa taas ang dala kong tali na may hook sa dulo. Sumabit iyon at mabilis kong inakyat ang second floor ng bahay niya. May tatlo doong bangkay na nakabulagta. Naabutan kong bukas ang pintuan sa second floor at nang naramdaman siguro ni Oscar na doon ako dadaan ay mabilis din siyang pumanhik ngunit bago pa man niya maisara ang pintuan ay inasinta ko agad siya sa kaliwang balikat. Nagpaputok din siya ngunit mabilis ang ginawa kong pagsirko-sirko hanggang sa nakapagtago ako sa tabi ng pintuan.
“Susuko ka man o lalaban, wala ka nang iba pang mapuntahan Oscar! Papatayin kita!”
“Anong kailangan mo?”
“Maniningil lang ako ng pautang, gago!” Umupo ako. Kinuha ang huling granada sa bag ko, tinanggal ko ang pin at pinagulong ko sa loob kung saan ko narinig ang kanyang boses. Hinintay kong sumabog saka ako lumabas para maunahan pumorma si Oscar kung napaghandaan niyang iwasan ang granada.
Tama, may ilan lang siyang sugat sa katawan ngunit hindi napuruhan ang gago. Nakita ko siya, pababa na sa hagdanan para siguro proteksiyunan o patakasin ang kanyang pamilya.
Bang!
Bang!
Inasinta ko ang dalawang paa niya. Nawalan siya ng panimbang. Nagpagulong-gulong ang katawan niya hanggang sa sahig. Nahulog sa tabi niya ang armas niya at nang akma niyang itong pulutin para barilin ako ay inunahan ko nang tinira ang kanyang bisig hanggang balikat.
Nagsisigawan ang kanyang asawa at maliliit pang anak. Sinisigaw nila ang pangalan ng kanilang ama. Humihingi ng tulong sa kapitbahay ngunit sinong tutulong sa katulad ng ama nilang criminal?
“Ikaw! Ikaw yung anak ni Delfin na pulis, hindi ba?” sabi ni Oscar nang makita niya ako nang malapitan.
“Ako nga! Mabuti naaalala mo pa ako, Oscar!”
“Ambata mo pa! Kaedad mo lang halos ang anak ko, anong…”
“Dami mong satsat. Alam mo bago ako nagpunta dito, gusto ko sana patayin ka. Gusto kong todasin ka agad sa harap ng pamilya mo. Kaya lang mukhang masyadong madali iyon. Gusto kong maghirap ka at habang naghihirap ka, maranasan mong mabuhay na walang silbi.” Pinulot ko ang baril niya na gusto niya sanang gamitin sa akin. Kargado ng bala.
Bang!
Bang!
Bang!
Bang
Bang!
Halos ubusin ko ang bala sa hita ni Oscar. Yung kahit madala siya sa hospital, puputulin na lang ito dahil sa dami ng tama ng bala sa kanyang mga buto.
Tinigilan ko muna.
Dalawang kamay ko ang may hawak na baril. Itinutok ko ang isang baril kay Oscar at ang isa ay sa pamilya niyang nanginginig sa takot. Nakita ko ang batang babae na nakayakap sa Mama niya at ang anak niyang halos kaedad kong si Freddie na kalaro ko lang dati. Pinipigilan lang siguro ng Mama niyang mangialam pero alam kong nang makita ako ni Freddie na ako lang pala ang kalaban ay gusto na niyang tulungan ang kanyang pamilya.
Lumapit ako sa mag-ina.
“Huwag! Huwag mo kaming idamay.” Pakiusap ng natatakot na ginang. Masakit man para sa akin pero kailangan.
Hinila ko sa kanya ang batang babae.
Nakita kong nanigas ang kamao ng palabang si Freddie.
“Ano ha? Kakasa ka ba? Gusto mong magaya diyan sa Daddy mong mamatay tao? Gusto mong gayahin siya sa pinagkakakitaan niyang droga!” singhal ko. Sa kanya ko na itinutok ang hawak kong baril. Nagtaas siya ng kamay. Natatakot din pala ang loko.
“Kung ayaw mong mawalan ng anak at asawa, ilagay mo sa bag ang lahat ng pera ninyo at ibigay mo sa akin. Bilis!” sigaw ko sa asawa ni Oscar.
“Sige. Pero please. Huwag mong saktan ang kahit sino sa mga anak ko. Susundin ko ang gusto mo. Ibibigay ko lahat ang per ana kailangan mo!”
“Lahat ha! Kapag sinabi kong lahat dapat lahat kasama ng mga alahas mo dahil kung matutuklasan kong nagsisinungaling ka, lagot ang buhay ng asawa mo at mga anak mo. Sama-sama kayo sa impyerno!”
Nanginginig na tumalima ang ginang.
Para hindi ako mapagod. Pinagtabi ko ang magkapatid. Yakap ni Freddie ang kanyang kapatid na babae habang patuloy na uma-aray si Oscar sa tama ng baril sa kanya. Umaagos na sa sahig ang dugo ni Oscar mula sa kanyang mga paa, balikat at bisig.
“Bakit mo ginagawa ito, Drake?” tanong ni Freddie sa akin.
“Hindi mo alam?”
“Anong hindi ko alam?”
“Pinatay lang naman ng gago mong ama ang aking mga magulang. Pinahalay niya si Mama sa mga bugok niyang mga tauhan. Pinatay niya si Papa at sinunog niya ang aming bahay. Hindi mo alam ‘yon?” singhal ko.
“Dad! Totoo ba ang sinasabi ni Drake? Pinatay mo ba ang Mama at Papa niya? Totoo bang may kinalaman ka sa pagkasunog ng bahay nila?”
“Anak…”
“Huwag kang magsinungaling dahil bala ng mismong baril mo ang gagamitin ko para pasabugin ang ulo mo,” babala ko.
“Dad, ano? Totoo ba?”
Tumatango ang umaaray na si Oscar. “Oo anak. Totoo. Totoo ang sinasabi ng kalaro mo.”
Nakita kong napaluha si Freddie. “Dad! Bakit? Bakit kailangan mo pang gawin iyon!” sigaw ni Freddie.
Hindi makasagot si Oscar sa tanong ng anak. Alam kong sinisingil na siya ng konsensiya niya ngunit kulang pa ang lahat. Hindi pa buo ang aking paghihiganti. Nagsisimula pa lang ako.
Nagkukumahog na bumaba ang asawa ni Oscar. Inabot niya sa akin ang dalawang bag.
“Buksan mo. Gusto kong makasiguro sa laman niyan!”
Mabilis siyang tumalima. “Heto! Heto na lahat ang perang itinatago ng asawa ko. Kunin mo lahat huwag mo lang saktan ang mga anak ko.”
“Ilagay mo sa labas ang lahat ng perang iyan. Dali!
Sumunod ito at nangangatog ang tuhod. Isinukbit ko ang isang armas ko. Inilabas ko ang knife ko.
“Anong gagawin mo sa akin! Huwag mo akong patayin! Kailangan ako ng mga anak ko! Huwag mong idamay ang mga anak ko at asawa ko” pakiusap ng nagmamakaawa at umiiyak na si Oscar. Marunong din palang umiyak ang magmakaawa ang gago.
Tumakbo ka mamaya ha? Iyon ay kung gusto mo pang mabuhay. Iyon ay kung kaya mo pang iligtas ang sarili mo!”
“Nakikita mo ba ang ang mga anak ko? Maliliit pa sila. Baka naman…”
“Anong karapatan mong makiusap gago! Kami bang tatlong magkakapatid noon? Sa tingin mo ba, hindi naming kailangan ang aming mga magulang? Sa tingin mo ba, okey lang sa amin na patayin mo sila nang walang kalaban-laban? Alam mo bang dahil sa’yo napariwara ang buhay naming magkakapatid? Ngayon, Oscar. Buong buhay mong dadanasin ang lupit ng aking paghihiganti!” singhal ko at sa isang iglap tinusok ko ang dalawang mata niya.
“Arayyyy! Putabg inaaaa! Anong ginagawa mo! Arayyyyyyyy!”
Nakita kong napasigaw din ang babaeng anak ni Oscar nang nasaksihan niyang sinungkit ko ang mga mata ng kanyang ama. Ganoon din si Freddie. Hindi nila matignan ang ginagawa kong iyon.
Tumayo ako nang sigurado akong hindi na makakita pa si Oscar. Agad kong tinungo ang kanilang kusina. Gamit ang aking knife, binustas-butasan ko ang host ng kanilang mga gas. Binuksan ko ang tangke. Umalingasaw ang amoy gas at alam kong ilang sandali lang, kapag mapuno na ng gas ang buong kabahayan o kapag magkakaroon ng spark sa kuryente sasabog na lang ito. Mabilis akong lumabas at nakita kong pilit hinihila ni Freddie ang ama na hindi mabuhat patakas kasama ang kanyang mga kapatid at Mama. Sinindihan ko ang lighter ko inihagis ko sa aking likod. Hinigop ng gas ang apoy na iyon. Mabilis kong pinulot ang tatlong bag na naglalaman ng pera at patakbo akong lumayo. Sumabog ang buong kabahayan. Sa lakas ng pagsabog ay halos maabutan ako ng apoy at ilang basag na salamin sa kalsada. Sa pagmamadali ng mag-anak, nakita kong nakaligtas sina Freddi, ang Mama niya at ang kapatid niya ngunit hindi si Oscar. May mga tumamang mga basag na salamin sa kanya. Malas. Hindi nan ga yata siya mabubuhay pa. Pinaharurot ko ang aking motor palayo roon na parang walang nangyari.
Bubuhayin ko sana si Oscar. Magiging kargo sana siya ng pamilya niya na bulag, pilay at putol ang kamay. Iyon ang gusto kong buhay sana ni Oscar kung sakaling mabubuhay pa siya sa mga tinamo niyang sugat. Kapag hirap na hirap na sila sa buhay, paniguradong sisihin siya ng kanyang mga anak. Ipapaalala nila sa kanya ang ginawa niyang kasamaan kaya nagka-letse letse ang kanilang buhay.
Dinala ko ang mga pera kay Boss Ismael. Tatlong bag iyon na punum-puno ng tiglilimandaan at tig-iisang libo at alam kong lahat ng iyon ay galing sa droga.
“Bakit mo sa akin ito ibinibigay? Hindi naman ito kasama sa misyon mo sa grupo?” nagtatakang tanong ni Boss Ismael.
“Gusto ko lang patunayan sa inyo na hindi ako nasisilaw sa pera. Gusto ko lang ng tulong para mabawi ang aking mga kapatid mula sa mga kalaban. Hindi pera ang habol ko sa pagkakaroon ng grupo boss kundi pamilyang handa akon g tulungan. Pamilya na hindi ako iiwan. Pamilya na hindi ako huhudasin pagdating ng araw.” Diretsahan kong sinabi iyon sa kanya habang nakatitig ako sa kanyang mga mata.
“Huwag mo nga akong tignan ng ganyan? Parang ikaw si Frank sa tingin mong ganyan sa akin.”
“Ano bang nangyari sa Frank na sinasabi mo Boss?”
“Labas ka na ro’n. Gawin mo ang trabaho mo at hindi kung anu-anong pinakikialaman mo.”
Tumango ako pero hindi iyon ang gagawin ko. Aalamin ko ang lahat ng nangyari. Gusto kong magkaroon ng kumpirmasyon na lahat ng nasa panaginip ko ay tama. Buo na kasi sa papel na matiyaga kong isinusulat ang kuwento tungkol kay Frank. Magpatotoo na lang na nangyari nga sa tunay na buhay ang lahat ng iyon para malinaw na sa akin ang lahat. Gusto ko ng kumpirmasyon lalo pa’t habang palapit ako ng palapit sa katotohanan ay namumuo ang poot sa dibdib ko. Ramdam na ramdam ko na ako at si Frank ay iisa. Sana lang mali ako dahil wala akong patatawarin sa lahat nang tumarantado sa akin.
“Gumagabi na? May tatrabahuin ka pa ba?” tanong ni Boss Ismael.
“Meron pa, kailangan ko lang ng armas kapalit ng isusurrender kong pera sa inyo.”
“Sige, dalhin mo ang mga perang iyan at ilagay natin sa kuwarto namin ni Helen. Doon namin inilagagay ang perang paghahati-hatian pagdating ng akinse.”
“Sige Boss. Ako na ang magdadala nito.”
Pumanhik kami sa taas. Pinauna niya ako sa paglalakad at sumunod lang siya sa akin.
Kumanan ako kahit may ilang kuwarto pa sa kaliwa. Tinalunton ko ang panghuling kuwarto.
Kunot ang noo ni Boss Ismael na tumingin sa akin. “Paanong alam mong ito ang kuwarto naming ni Helen?”
Nagulat ako sa tanong na iyon. Paano ko nga ba alam na iyong ang master bedroom? Wala akong maidahilan. Ako man ay nagtaka at nagulat.
“Hindi ko alam.” Naging totoo lang ako sa sagot ko. Unconciously, parang alam ko ang lahat ng bahagi ng bahay noon pa. Sa pagdaan ng mga araw, kapag hindi ko iniisip at hinahayaan ko lang ang sarili ko na walang pagkontrol sa aking isip, sa kuwartong ito ang gusto kong tulugan. Ang gusto kong pasukin. Parang dito ako nasanay mamalagi. Maraming mga biglang alaala na bumabalik sa akin kapag nakikita ko ang kuwartong ito ngunit hindi ko alam kung gaano katotoo ang mga iyon.
“Hindi mo alam? Niloloko mo ba ako Drake?
“Paano kita lolokohin Boss. Kilala ninyo akop. Alam ninyo ang buong buhay ko.”
“Paano mo nga alam na ito ang kuwaryo namin?”
“Pakiramdam ko lang. Kasi nang kumanan ako, hindi kayo nagsalita. Ibig sabihin dito sa bahaging ito ang kuwarto ninyo. May mga dinaanan tayong kuwarto, hindi rin naman ninyo sinabi na ang mga nadaanan natin ang kuwarto ninyo hanggang sa eto nga, nakarating na tayo sa dulo.”
Tumitig sa akin si Boss Ismael. “Sino ka ba talaga?” tanong niya sa akin.
“Bakit boss? May mali ba akong nagawa?”
“May mga ginagawa kang naoobserbahan ko na kahit alam kong hindi mo sinasadya, kusang lumabalas. Parang lahat ng kailangan mo, lahat ng iniuutos ko, alam mo kung saan mo matutunton. Parang matagal ka na ditong nakatira. Hindi ko alam kung alam mo iyon pero ako, napansin ko. Tumatayo ang balahibo ko. Pero imposible. Sigurado akong imposible.”
“Ang alin boss?”
“Wala! Sige na! ipasok mo na ang pera.”
Pagbukas ng pinto ay nakita ko si Helen na nakahiga sa kama. Hubo’t hubad. Nakabukaka.
“Putang ina naman, Mael! Ano ‘to? Bakit mo pinapapasok ang batang ‘yan dito?” Bigla niyang hinila ang kumot at itinakip niya iyon sa kanyang katawan.
“Pasensiya na. Lagi ka kasing ready to fight. Damit-damit din kasi.” Tumawa si Boss Ismael na lalong kinainisan ni Helen. Binato pa niya si Boss Ismael ng unan sa inis.
Natigilan ako. Parang nangyari na ito noon. Bahagi iyon ng aking panaginip. Yung pumasok ako sa kuwarto at naabutan kong nakahubad si Helen. Ngunit ako ang nilalandi. Ako ang kasama at hindi si Mael. Malayong mas bata at mas maganda si Helen sa panaginip ko pero siya pa rin iyon. May kung anong galit sa dibdib ko na namumuo kay Helen na hindi ko alam kung saan nagmumula.
“Do’n bata. Do’n mo ilagak ang mga perang iyan.”
May code number na kailangan para magbukas ang pintuan. Kung hindi ako nagkakamali, 041795 ang number no’n. Pipindutin ko na sana pero natigilan ako. Alam kong inoobserbahan na ako ni Mael. Tama, parang Mael nga ang alam kong pangalan niya at hindi Ismael na ginagamit niya ngayon sa lahat. Hindi ako dapat magpahalata. Masyado pang maaga para malaman niyang may alam na ako. isa pa, hindi ko rin naman sigurado kung tama ang aking hinalang iyon nga ang code number.
“Sir, hindi ko ho alam ang code?”
Tumawa si Mael, “Akala ko pati ‘yan alam mo eh!” Mabilis niyang pinindot ang number 0 4 1 7 9 5. Tama ako.
Bumukas ang pintuan.
Nakita ko doon ang isang malaking safety deposit box. Mabilis na nagrehistro sa utak ko ang number na 032975. Kung kaninong birthday iyon hindi ko alam. Basta iyon ang biglang nagrehistro sa aking utak.
Pinindot ni Mael ang code ng deposit box at kahit mabilis niya itong ginawa para hindi ko masundan ay tama ako. 0 3 2 9 7 5 nga! Ano ‘to? Bakit ba pati ang mga codes na iyon ay memoryado ko na?
Tinulungan ko siyang ilagay ang mga pera sa safety deposit box. Hindi ako nagpapahalata.
“Magugulat ang mga kasamahan natin lalo na ang ating board at adviser sa laki ng perang iniambag mo ngayong buwan na ito. Sa susunod na meeting, ihaharap kita sa kanila. Magpakitang gilas ka bata, gagawin kitang underboss ko kung patuloy mong patutunayan sa akin na karapat-dapat ka.”
“Salamat boss,” sagot ko.
Iyon ang pinakahihintay ko.
Gusto kong makita ang lahat ng sinasabi niyang board members at ang adviser ng grupo. Ano kaya ang kanilang magiging reaksiyon kung makita nila ako? Kagaya kaya ng reaksiyon din ni Mael ng una niya akong makita? Paghahandaan ko ang araw na iyon pero sana bago mangyari iyon, kailangan mabuo na at may magpatotoo na rin na ang kuwento ni Frank sa panaginip ko ay pareho sa kuwento ni Frank na naririnig ko ngayong pahapyaw na ikinukwento sa akin ni Mael. Ano ang nangyari kay Frank sa totoong buhay? Katulad ban ang nangyari sa kanya sa panaginip ko? Kung makita ko kaya ang mga nasa panaginip ko, makikilala ko kaya silang lahat?
“Hindi ba, kailangan mo ng armas?” tanong ni Mael na siyang nagpatigil sa mga tumatakbo sa isip ko.
“Oo boss.”
“Tinatamad na akong bumaba. Alam mo na kung nasaan ang mga armas, hindi ba?”
“Oho?”
Binunot niya ang susi sa kanyang bulsa. Bago niya binitiwan ang susi sa nakalahad kong palad ay tumingin siya sa akin at nagwika, “Buo ang tiwala ko sa’yo bata. Huwag mong sirain iyon. Hindi mo magugustuhang makalaban ako. Hindi mo kaya ang buong grupo. Huwag na huwag mong iisiping hudasin ako!”
“Hindi hinihingi ang tiwala boss, hindi ko rin iyon hiningi sa’yo. Patutunayan kong karapat-dapat ako sa tiwalang ibinibigay ninyo sa akin.”
“Good. Pagkatapos mong makuha ang mga armas na kailangan mo sa huling personal na lakad mo, idaan mo sa akin ang susi dahil tinatamad na akong bumaba.”
“Sige boss. Masusunod.”
Mabilis akong tumungo sa basement. Kumuha ako ng bala at karagdagang granada baka lang kakailanganin ko. Mga tanod na lang ang huli kong misyon. Madali na lang iyon ngunit mukhang nagsisimula pa lang ako. Lalo na’t nakikita ko ang bahaging iyon ng basement na ibang kulay ng semento? Alam kong may nakalagak doon na lihim. Lihim na pasasaan di’t mabubunyag. Mukhang mas malaking mga laban pa ang aking susuungin. Ramdam kong naghahanap kasi ako ng mas higit pang hustisya! Mukhang marami pang mapapabilang sa listahan na aking mga babalikan.