“Tingin mo, kaya ko ‘to?”
“Drake, kahit pa hindi mo kaya, nang pumayag ka, wala nang atrasan ito dahil kung hindi, ako na mismo o si Boss na ang papatay sa’yo. Kayanin mo. Magsanay ka.”
“Naranasan ko na ang buhay ng walang-wala. Alam ko na ang buhay ng isang mahina, ngayon ko pa ba ‘to isusuko.”
Sa mga sumunod na araw, nagsimula na ako sa aking mga trainings. Habang nagsasanay ako ng martial arts at pagbaril ay isinabay na rin nila ako sa actual na trabaho sa pagsama sa mga tauhan ni Boss Ismael sa pagharang sa mga sasakyan na alam naming may mga lamang pera o droga. Organized na pagpasok sa mga bangko at pangho-hold up. Madali kong natutunan ang lahat ng iyon na para bang dati ko nang alam. Kahit sa pag-asinta sa mga small time na pinapatay sa akin na may atraso sa aming grupo ay hindi na bago pa sa akin. Asintado ako sa pagbaril at mahusay ako sa combat trainings ko. Mas nangibabaw ang pagtataka sa mga nagte-train sa akin kaysa ang hangaan ako. Kapag kasi ako na ang gagawa sa itinuturo nila, mas mahusay pa ako sa kanila. Hindi iyon pangkaraniwan lalo sa kagaya kong katorse at nagsisimula pa lamang. Pati ang pagpapaplano ng pag-atake at pagpasok sa bangko ay naging sisiw na sa edad kong labing-apat. Mas mahusay pa ang plano ko kaysa sa plano ng kanilang inaasahan. Tuloy, plano ko ang sinusunod. Naging mabilis ang pag-akyat ng pera araw araw dahil sa akin. Sa hitsura at edad ko, tingin nila sa field sa akin ay kilabot. Tinatawag din akong wonder boy ng mga kasama ko dahil sa bilis kong matuto at sa matagumpay naming mga misyon dahil sa aking kakaiba at di matatawarang kontribusyon.
Dahil saksi ang lahat na walang kahirap-hirap kong nagawa ang lahat ng utos sa akin o kahit ang hindi naiutos ay sila na mismo ang nagrekomenda sa akin kay Boss Ismael na pwede na ako. Alam ko rin na pinapainan ako ng pera ng lahat ngunit wala akong pinakialaman sap era kahit ilang milyon pa ang ipain sa akin. Hindi lang naman pera ang dahilan ng pagsapi ko sa kanila kundi yung makukuha kong kapangyarihan. May iba akong misyon na tinututukan.
“Congrats, mukhang lahat ng naririnig ko tungkol sa’yo positibo. Kilabot ka raw ah!” bat isa akin ni Boss Ismael nang pinatawag niya ako sa kanyang opisina.
“Salamat Boss,” maikling sagot ko. Pinauupo niya ako perop hindi ako umupo.
“Ngayon na pinatunayan mo na karapat-dapat kang maging bahagi ng aming pamilya at handa ka na rin naman sa kahit anong misyong iuutos ko sa’yo, pwede na.”
“Pwede nang alin boss?”
“Pwede mo nang balikan muna ang mga gusto mong balikan dahil may ipa-trabaho ako sa’yo na gustong tibagin ang ating grupo. Mga anay na gustong sirain ang ating pundasyon.”
“Sige Boss. Bigyan mo ako ng armas na gagamitin ko sa aking paghihiganti at bibilisan ko lang ang aking paghihiganti at babalik ako agad para mas maka-focus ako sa mga gusto mong ipagawa sa akin.”
“Good. Gusto ko ‘yan. Halika, sumama ka sa akin at piliin mo ang mga gusto mong armas.”
Sumama ako at bumaba kami sa basement. Pagbukas niya ng ilaw ay nakita ko ang kabuuan ng basement. Sobrang pamilyar sa akin ang bahaging ito ng bahay. Parang biglang may pumasok sa akin na malinaw na alaala. Natigilan ako nang makita ko ang isang upuan doon. Napapikit ako. nanginginig. Parang may pamilyar na alaala na nangyari sa akin sa upuang iyon. Isang malinaw na alaala na bahagi ng aking panaginip. Ramdam ko yung sakit na parang nakatali sa upuan. May nakapatong sa upuan na isang baseball bat. Mabilis na nagrehistro sa aking isip ang lahat. Ang pagpalo, ang pagtuklap sa kuko, pagsugat sa mukha sa pamamagitan ng blade, pagtapyas sa ilong, pagtanggal ng tainga, ang pagpalo sa ulo na tinapos sa pagsaksak sa puso. Nanginginig ako. Pinagpapawisan. Nahihirapan akong huminga. Hindi ko alam kung kanino iyon ginawa ngunit parang ramdam ko yung sakit. Ramdam ko yung pagkalagot ng hininga. Nanghina ako. Dahan-dahan napasandal sa pader at padausdos akong naupo habang sinasapo ko ang ulo ko na para bang may mga alaalang pilit binubuo. Bakit ramdam kong ako yung pinagkaisahang patayin? Bakit parang ako yung lalaking nasa aking panaginip? Bakit parang ako yung pinatay? Hindi. Hindi! Imposible! Hindi iyon maaring mangyari.
“Uy! Bata! Ayos ka lang?”
Humihingal akong tumingin kay Boss Ismael.
“Anong nangyayari sa’yo” tanong niyang muli. Kunot ang noo.
Nang makita ko ang kanyang mukha ay ibang Ismael ang nakita ko. Mas bata kaysa sa Ismael na nakikita ko ngayon. Mael. Tama Mael ang pangalan niya sa panaginip ko. Siya ‘yon! Siya nga ba yung sumaksak sa puso ko nang huli? Pero bakit niya ako sasaksakin? Nangyari na ba ang nasa panaginip ko o mangyayari pa lang. Basta, ang gulo. Hindi ko masundan ang daloy. Hindi ko maintindihan ang bawat detalye.
“Uyyy! Ano ba! Kinakausap kita!” Sinampal ako ni Boss Ismael. Malakas.
Para akong naalimpungatan.
“Ano yung sinasabi mo, boss?”
“Ano bang nangyayari sa’yo?”
“Wala ho. Nahilo lang ako.” pagsisinungaling ko.
Hindi niya dapat malaman ang mga naiisip ko. Habang hindi pa klaro ang lahat, wala ni isa akong pagsasabihan sa mga pinagdadaanan ko. Alam kong may mali. Ramdam kong may kinalaman si Ismael sa lahat ng di ko alam kung alaala ng nakaraan o premonisyon lang ang mga gumugulong ito sa akin ngayon.
“Hayan, mamili ka ng mga armas mo riyan,” utos niya sa akin.
Huminga ako nang malalim. Napakaraming mga armas ang naroon. Iba’t iba ang sukat at laki. Handgun lang ang kailangan ko. Matalas na knife. Mga bala. Pampasabog. Naglagay na rin ako sa bag ko ng mga alam kong makakatulong sa akin kung sakaling makipagbakbakan ako.
“Okey na sa’yo ‘yan? Hindi mo ba gustong mga rifles?”
“Masyadong bulky. Handgun lang ang kailangan ko. Hindi mabigat dalhin. Madali lang din itago.”
“Alam mo, kung hindi ko alam na fourteen ka lang, iisipin kong matanda ka na. iba eh. Pati mga kilos mo at pagpaplano. Para kang ipinanganak maging ganito.”
Hanggang sa napansin ko ang bahagi ng basement na iba ang pagkakasemento. May kung anong kakaibang enerhiya na nagsasabing may nakabaon do’n. May nakatago. Nasalansanan man ito ng ilang mga lumang gamit pero iba ang kutob ko. Aalamin ko iyon kapag nakuha ko na ang tiwala ni Boss Ismael. Sa ngayon, kailangan ko munang makuha ang buo niyang tiwala.
Paakyat na kami noon at may sinasabi sa akin si Boss Ismael ngunit hindi ko siya naiintindihan sa dami ng naglalaro sa isip ko. Nang may nakita akong mga frame pictures na nakasalansan sa isang malaking karton. Nakita ko lang yung bahagi ng mukha ngunit hindi lahat. Tumigil ako. Binalikan ko ang picture frame. Hinugot ko. Nagimbal ako. Akong-ako yung nasa litrato.
“Sino siya boss?” tanong kong pinagpapawisan. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib. Nabubuo ang isang katotohanan.
“Kung anong pinakikialaman mo. Hindi ba armas lang ang ipinunta natin dito?”
“Siya ba yung sinasabi mong kamukha kong si Frank? Naalala ko, nasabi mo ito sa akin noong nagpapagaling ako?”
Kinuha niya sa kamay ko ang photo frame. Tumingin siya sa akin saka niya ibinalik ang tingin niya sa photo frame. Bumunot siya ng malalim na hininga. “Di ba? Tama ako? Kamukhang-kamukha mo ang dati kong boss?”
“Dati mong boss? Dating siya ang nasa posisyon mo?” kompirmasyon ang kailangan ko, hindi ito basta tanong lang.
“Oo at huwag na natin siyang pag-usapan kasi medyo nawiwirduhan akong nakikita ka at pinag-uusapan natin siya at boses niya at mukha niya ang nakikita ko sa’yo. Hindi ko tuloy kung ano ang iisipin ko. Mula ngayon, wala kang ibang pakikialaman. Gawin mo ang iniuutos sa’yo. Iyon lang. Ganoon lang kasimple kung gusto mong malayo pa ang marating mo.”
“Anong nangyari kay Boss Frank?” gusto kong alamin baka pareho ang nangyari sa Frank sa panaginip ko sa nangyari kay Frank sa kuwento niya.
“Hindi ba kasasabi ko lang? Huwag na natin siyang pag-usapan? Sige na. Umalis ka na dahil bukas ng umaga. Gusto kong bumalik ka rito na tapos ka na sa misyon mong paghihiganti. Marami pa akong ipatutumba sa’yo kasama ng bumabalik na babae mula Italya na pumunta sa bahay nang nakaraan at nagbanta laban sa ating samahan. Bukas ko na sasabihin sa’yo ang lahat pagbalik mo.”
Tumango ako. Tinignan ko ang litratong binitiwan niya.
Habang hindi pa malinaw ang lahat. Habang binubuo ko pa lamang sa aking isipan ay unahin ko munang balikan ang mga naaalala kong tumarantado sa akin at sa aking pamilya. Uunahin ko ang Oscar na iyon na pumatay kay Papa at Mama. Bonus na lang ang ilang mga tambay na binayaran niya o kasama niya sa pagtitinda ng mga droga. Kung mapasok ko ang bahay ni Oscar, paniguradong naroon na rin naman ang kanyang mga alipores.
Bago ako tumuloy sa bahay ng aking target ay huminto muna ako kung saan dati nakatirik ang aming dating bahay. Ilang bahagi ng dinding ng bahay naming ang nakatayo pa. Huminga ako nang malalim. Mahigit dalawang taon na rin ang nakakaraan at tandang-tanda ko pa ang lahat ng nangyari sa aking mga magulang. Kaya ako nalilito dahil sa dalawang mukha ng buhay ang nasa isip ko. Ako bilang isang anak ng pulis na si Drake at yung isa sa panaginip ko ay ako bilang nasa trena’y singkong si Frank. Sino ba ako sa dalawa? Sa panaginip ko, ako si Frank ngunit hindi ko naman alam ang buong kuwento. Hindi pa malinaw sa akin ang lahat kung anong totoong nangyari pero kapag ganito na nasa wisyo ako, ako si Drake na may gustong balikan. Ganoon din naman si Frank, may mga gustong balikan ngunit hindi pa klaro kung sinu-sino at bakit? Ngayon, hindi ko na muna pinoproblema ang kay Frank. Yung sa akin muna. Yung ako bilang isang binatilyong si Drake.
Bumaba ako mula sa aking motor at tinungo ang madilim na bahagi ng aming bahay. Nakatayo mismo ako sa alam kong kuwarto nina Mama at Papa. Umupo ako. Inapuhap ko ang sahig ng dati naming bahay. Pumikit ako. Naalala ko pa yung huling sandaling. Kitang-kita ko sa balintataw ko kung paano nila babuyin si Mama habang ipinapanood kay Papa ang lahat. Yung walang magawa si Papa kundi ang magmakaawa. Nakikiusap siya ngunit hindi siya pinakikinggan. Hanggang sa isinisigaw na lang niya ang kanyang galit. Sumesenyas sa akin na iligtas ko ang aking mga kapatid. Nailigtas ko naman ang aking mga kapatid ngunit nasaan sila ngayon? Hindi ko pa rin sila nailigtas hanggang sa huling sandali. Kung tatanungin ako nina Mama at Papa ngayon kung nasaan ang mga kapatid ko, nakakahiya ang isasagot kong hindi ko alam. Bigo ako.
Hindi ko na pinigilan pa ang aking pagluha. “Pa, alam kong ayaw mong gantihan ko ang gumawa nito sa inyo kasi natatakot kayo para sa aking kaligtasan. Ngunit nakapiring ang hustisya sa ating mga karapatan, Pa. Hindi na talaga mabibigyan pa ng katarungan ang nangyari sa inyo kaya ako na lang ho. Ako na lang ang gaganti para sa inyo. Kung buhay kayo ngayon, alam ko ang sasabihin ninyo sa akin. Hindi ako dapat gumawa ng masama. Hindi ko dapat ilalagay sa aking kamay ang paghihiganti. Hindi ako dapat gagawa ng labag sa batas. Pero Pa, wala na kayo. Ako na lang ho ang nandito. Kaya patawarin ninyo ako. Gagawin ko ang alam kong tama para sa akin.”
Tumayo ako. Naglakad hanggang sa aming kusina. Parang nakikita ko si Mama na nagluluto ng aming hapunan. Masaya ang mukha. “Alam ko rin Ma na hindi ka papayag ngunit hindi pwedeng walang magbabayad sa ginawa nila sa inyo lalo na sa’yo Ma. Hindi pwedeng gano’n na lang ang lahat. Buo pa rin sana tayo kung hindi nila ito ginawa sa inyo. May mapagtatanungan sana ako kung anong nangyayari sa akin ngayon. Kung bakit may mga panaginip na gumugulo sa akin. Bakit may ibang katauhan na parang nakadikit na sa akin. Sino baa ko talaga Ma? Anong nangyayari sa akin? Bakit ganito? Bakit ang gulu-gulo ng isip ko at buhay ko?” Huminga ako nang malalim.
Ngunit kahit anong gagawin ko alam kong wala na sila. Hindi na nila ako maririnig. Hindi ko na sila makakausap pa. Naglakad ako. Binalikan ko ang nakaparadang motor ko. Panahon na para simulan ko ang aking paniningil. Planado na ang aking gagawin.
Muli kong sinakyan ang motor ko.
Magpapanggap akong food delivery boy. Malapit lang ang bahay ni Tiyo Oscar sa amin. Ilang metro lang. Hindi ko na tinanggal ang helmet ko. Nakasuot naman ako ng green na uniform ng sikat na delivery company.
Pinagmasdan ko ang unang target kong bahay. Kita mo nga naman. Kahit kilalang mamatay tao at makasalanan ay lalong yumayaman. Lalo kasing gumanda at lumaki ang bahay nito.
Nag-buzz ako. Dalawang beses. Hanggang sa may nagbukas. Ang panganay na anak na babae ni Oscar. Ayaw ko mang madamay siya ngunit siya na ang nandito. Siya ang nagbukas samantalang may mga utusan naman sila at mga boy? Iba talaga kapag umaayon ang pagkakataon.
“Ano ‘yon?” maldita niyang tanong. Nakataas pa ang isang kilay.
“Pizza po. Order ninyo.”
“Order? Sinong nag-order?”
Dahil nakabukas na ang gate ay sumilip na rin agad ako sa loob. Nakita kong may nag-iinuman sa kanilang mga beranda. Nakilala ko agad sila. Si Tiyo Oscar kasama ang kanyang mga alagad na pumasok sa bahay.
“Kuya, sino nang nag-order?” mataray niyang tanong uli sa akin.
“Oscar ang pangalan Ma’am eh.”
“Si Daddy? Sandali, tatanungin ko muna.”
Akmang isasara niya ang gate ngunit pumasok na agad ako.
“Bakit ka pumasok? Di ba sabi ko…”
Itinutok ko ang baril sa kanyang likuran.
“Huwag kang mag-ingay. Huwag na huwag mong iisiping sumigaw at humingi ng tulong dahil patay ka sa akin.” Pabulong iyon.
“Anong ginagawa mo? Anong kasalanan ko?”
“Hawakan mo ‘tong pizza! Dali!”
Hinawakan naman niya agad na nanginginig.
Inilagay ko sa harap ko ang aking backpack. Naroon kasi lahat ang mga kakailangan ko sa aking pagsugod.
“Lakad lang. Magkunwarian kang walang nangyari. Ikaw ang una kong babarilin kung magpapahalata ka. Pagkalapit na pagkalapit natin sa mga nag-iinuman, sabihin mo lang na dumating na ang delivery. Iyon lang, malinaw?”
“Sige. Sige. Huwag mo lang akong patayin.” Nanginginig ang boses niya. Nakita niyang totoong baril ang nakatutok sa tagiliran niya.
“Sige na. Lumakad kang parang wala lang. Nakasunod ako sa’yo.”
Nang malapit na ako sa kanila ay nakita kong nakakalat ang pera, droga at baril sa mesa kung saan magkakaharap ang lahat ng mga gusto kong balikan. Umaayon talaga ang pagkakataon. Sila na mismo ang nagtipon-tipon para sa kanilang kamatayan.
“Janice, ano ba naman ito anak! Bakit ka nagpapasok ng ibang tao!” si Oscar. Nakita kong itinago ng iba ang mga droga ngunit hindi ang pera. Ang baril nila ay hawak na nila.
“Nag-order daw kayo ng…”
Bang!
Bang!
Bang!
Hindi ko na hinintay pang matapos ng babae ang kanyang sasabihin. Pinuruhan ko ang tatlong kasabwat ni Oscar. Sa ulo lahat ang tama. Napasigaw ang anak ni Oscar at umupo na lang sa takot at pagkabigla. Agad na kumilos ang apat pang kasama ni Tiyo Oscar para asintahin ako.
Bang!
Bang!
Bago pa nila maikasa ang baril ay napatumba ko na ang dalawa pero ang dalawa kasama si Oscar ay nakapagtago na.
Hinila ko ang anak ni Oscar na sumisigaw sa takot.
“Tayo! Tumayo ka! Putang ina! Tumahimik ka!” singhal ko.
Sumunod naman siya. Ginamit ko siyang pang-cover ko muna kung gagantihan nila ako.
“Sandali! Anong kailangan mo? Pera ba?” sigaw ni Oscar.
“Sige, ilabas mo ang lahat ng pera mo. Isilid mo at ilagay sa isang bag. Ibibigay ko sa’yong buhay ang anak mo,” sagot ko.
“Sige. Sandali lang. Bigyan mo ako ng sapat na panahon. Huwag mo lang sasaktan ang anak ko.”
“Bilisan mo. Madali akong mainip.”
“Sandali lang. Limang minuto. Limang minuto nasa sa’yo na ang perang kailangan mo basta huwag na huwag mong sasaktan ang anak ko. Nagkakalinawan ba tayo?”
“Sige. Limang minuto.” Sagot ko.
Habang nakatutok ang baril ko sa anak niya ay tinanggal ko ang aking helmet. Gusto kong makita niya mamaya pagkaabot niya ng pera kung sino ang bumabalik para gantihan siya. Kilala niya ako. Alam kong namumukhaan pa rin niya ako. Gusto kong ako ang makikita niya sa huling sandali ng kanyang buhay. Ang perang makukuha ko sa kanya, lahat ng yaman na meron siya ay iintriga ko kay Boss Ismael para pampabango sa grupo. Doble ang makukuha ko sa lakad na ito.
Tumahimik ang paligid mukhang may mali. Mukhang tuso ang kalaban.
Ilang sandali lang ay may lumabas na. Hawak ang isang bag na naglalaman siguro ng pera. Mukhang pain lang. Bumili sila ng oras sa akin para makapaghanda. Ramdam kong may tao sa likuran ko, sa taas ng bahay, nakapalibot silang lahat sa akin. Akala ni Oscar, hindi ko ramdam ang mga pagtakbong iyon.
“Hayan na! Kaliwaan kayo ng inutusan ko. Ibibigay namin ang pera sa’yo pero bitiwan mo ang anak ko.”
Kailangan kong mag-plano ng panibago. Sa dami pala ng kanyang tao na ngayon ay nakapalibot sa akin, mukhang hindi ako makakalabas ng buhay kung mali ang aking magiging diskarte. Inayos ko ang bag ko. May mabilis akong binunot doon. Baril sa isang kamay habang nasa isang kamay ko ang isa kong huling panlaban ngayong mukhang nagkakagipitan na. Hindi ako pwedeng mamatay sa paniningil ko ng pautang. Hindi dito dapat matapos ang lahat. Nagsisimula pa lang ako.
Tumingin ako sa kaliwa. Gumagalaw ang mga halaman doon. Mukhang may nakapagtagong kalaban. Ganoon din sa kanan ko at sa likod. Sa taas may nakita akong nakatutok na baril. Sa harapan lang ang safe. Doon sa kung saan naghihintay ang mag-aabot sa akin ng pera na pain. Mukhang mabilis na nakapag-isip si Oscar ng kanyang plano.
Sa isang iglap, hinawi ko ang anak ni Oscar. Nagkapalitan kami ng pwesto. Mabilis akong kumilos paatras. Alam kong kung hindi ako haharap sa mga kalaban na nasa likod ko at mga nasa kaliwa at kanan ko, madali nila akong mapuruhan. Naghihintay lang ang mga iyon ng signal sa kanilang amo.
At tama ang hinala ko.
Sunud-sunod na putok ang narinig kong umalingawngaw.