CHAPTER 1 (VAGABOND)
MURDERED MAFIA BOSS REVENGE
By: JOEMAR ANCHETA
CHAPTER 1
Mabilis na mabilis ang takbo ng aking motor. Tinutugis ko sa gabing iyon ang isang lalaki na nakasakay sa itim na kotse. Matindi ang hangarin kong mapatay ito. Ang plano, kailangan kong maunahan ang tulin ng takbo ng kanyang kotse saka ko siya haharangan at pauulanan ng bala. Armado ako. Malakas ang loob. Walang takot pumatay. Nang malapit ko nang mapantayan ang takbo ng kotse ay nagbago ang isip ko. Pwede ko nang barilin ang driver sa tapat ko at saka ko na pupuntiryahin ang target kapag bumangga na ang sasakyan. Ako naman ang nagplano, ako rin naman ang susundin ng mga kasama kong kagaya ko, nakamotor din at armado. Tinira ko ang driver. Sapol sa ulo. Ikinagulat iyon ng mga tao ko dahil wala iyon sa plano nang binibilinan ko sila. Kitang-kita ko ang pagbangga ng sasakyan sa poste ng kuryente. Lumabas ang ang target mula sa sasakyan na iika-ika. Duguan at mukhang nahihilo pa. Inihinto ko ang aking motor. Itinutok ko ang baril ko sa sintido ng target ngunit hindi ko pa nakakalabit ang gatilyo nang bigla na lang akong paputukan ng aking kasamahan. Ramdam ko ang sakit ng balang tumama sa aking ulo na dumaan sa aking utak. Bumagsak ako! Sumisinghap-singhap! Hindi ako makahinga! Mamatay na ako!
“Kuya! Kuya Drake!” dinig kong boses ni Denzel. Ang sumunod sa aking kapatid ko. Ginigising niya ako mula sa isang bangungot na hindi ko alam kung bakit palagi kong napapanaginipan. Bata pa ako sa edad na katorse samantalang sa panaginip ko ay parang nasa edad trenta na ako. Sinasarili ko lang nang matagal na ang mga panaginip kong iyon kahit alam kong parang totoo. Parang nangyari na sa akin ngunit imposible.
Umupo ako. Tinignan ko si Denzel.
“Kuya nagugutom na ako.”
“May pagkain diyan ah?” humihikab kong sagot.
“Wala na eh!” sagot niyang parang nagmamaktol pa.
Humikab ako. Pilit kong ginigising ang aking diwa. Gusto kong bumalik sa pagtulog baka lang kasi matandaan ko ang lahat ng aking panaginip. Baka lang kasi nando’n ang sagot ng aking pagyamanan. Nakakainis lang kasi paulit-ulit ang panaginip na iyon pero di ko kilala kung sino ang mga iyon at kung ako ba talaga ang napapaniginipan ko.
Narinig ko ang sunud- sunod na ungol ng pitong- taong gulang kong kapatid na si Diane. Uminat muna ako bago ako tumingin sa paligid. Maramot ang liwanag ng ilaw na nakasabit sa posteng malapit lang sa amin. Noong una, natutuwa pa ako sa patay-sinding lumang Christmas light sa katabi naming gusali ngunit nang tumagal ay kinaiinisan ko na ito. Bukod sa nakakahilo, ipinaalala lang kasi nito ang mga nagdaang masayang pasko na buo pa ang aking pamilya.
Papungas- pungas akong bumangon at inapuhap ang pagkaing itinabi ko kanina na kinalkal ko lang sa basurahan malapit sa fastfood. Ngunit wala na roon.
“Nasaan na ‘yon?” tanong ko sa aking sarili.
Alam kong kahit tulog si Diane ay gutom na rin ito kagaya ni Denzel. Kumakalam na rin kasi ang aking sikmura. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid, nakita ko ang aso, nginangatngat na nito ang buto ng manok na inagaw ko pa kanina sa basurahan sa mga kasama naming mga palaboy. Napabuntong-hininga ako. Gusto ko sanang itaboy ang aso o batuhin at saktan ngunit anong ipinagkaiba ko sa ibang malulupit na tao kung gagawin ko iyon? Pareho lang naman kaming gutom. Parehong gumagawa ng paraan para mabuhay. Malas ko lang dahil naunahan ako at hindi ko iningatan ang meron kami.
Humiga muli si Denzel sa karton na aming hinihigaan. Bumaluktot na lang siya para hindi ginawin dahil wala naman kaming kumot at unan. Narinig ko na naman ang nakakaawang ungol ni Diane. Gutom na siguro talaga siya. Saan naman kaya ako kukuha ng pagkain gayong malakas pa rin ang ulan at abot na nga ng tubig ang bahagi ng mataas na iyon na kalyeng aming tinutulugan?
Nakaramdam ako ng matinding awa sa aking mga kapatid. Hindi ko alam kung anong oras na pero wala na halos naglalakad sa lansangan kaya alam kong magmamadaling araw na rin siguro. Tamad na tamad kong tinignan ang kahabaan ng lansangan. Halos lahat na yata ng basurahan ng mga fastfood ay may mga kliyente nang matiyagang nagkakalkal ng pampatawid gutom. Pati mga mga askal nakikiiagaw sa kagaya naming walang matirhan. Sawa na ako sa buhay na ganito. Gusto ko yung buhay ko sa pabalik-balik kong panaginip. Buhay na malayo sa hirap na pinagdadaanan naming mga magkakapatid ngayon. Sawang-sawa na rin ako sa pagpag at halos hindi ko na masikmurang kainin pa iyon. Minsan, pati yung may amoy na, pinagtitiisan naming kaining magkakapatid. Ganoon kahirap ang aming buhay. Pero sa kagaya naming mahirap pa sa daga, ano naman ang ibang pamimilian? Ang tira at itinatapon ng mga taong nakakariwasa sa buhay ang siya lang naman naming pwedeng kainin. Pinagmasdan ang mga payat na payat nang mga kapatid ko. Kung di hahayaan kong tatamarin lang akong maghanap, hindi rin lang ako makakatulog sa kaiisip sa dalawang gutom na kapatid ko. Kailangan kong makipag- agawan na lamang sa mga kasamahan ko kaysa mamamatay kami gutom.
“Kuya, ano? Aalis ka ba? Maghahanap ka bang pagkain?” ginising ako ng sinabing iyon ni Denzel
“Oo na. Eto na. Maghahanap na!” sagot ko habang kinukusot ko ang aking mga mata. Kailangan ko na talagang humanap ng makakain. Sumasakit na rin ang aking sikmura at tuyo na ang aking lalamunan. Nagugutom na rin talaga ako. Inayos ko muna ang itim na garbage bag na ginamit naming kumot para labanan ang lamig ng Disyembre. Hindi ko sinasadyang maidampi ang palad ko noo niya. Mataas ang lagnat niya. Lalo akong naging desperado.
“Denzel! Uyyy! Denzel!”
“Ano? Kuya naman natutulog ng tao eh!”
“Bantayan mo si Diane ha?”
“Bakit kuya? Saang ka pupunta?”
“Dito lang muna kayo, maghahanap ako ng makakain at maibili ng gamot.”
“Talaga? Kanina pa ako nagugutom eh.”
“Kaya nga, bantayan mo si Diane at ako na didilihensiya.”
“Sige kuya, bilisan mo ha?”
“Maysakit yang si Diane. Huwag na huwag mong iwan.”
“Opo kuya. Akong bahala.”
Huminga ako nang malalim. Tinignan ko ang mga kapatid ko. Awang- awa ako sa kalagayan namin. Hindi ko inakala na magiging ganito kahirap ang buhay namin.
“Kuya… kuya…” Boses iyon ni Diane. “Masakit po ang ulo ko.” Binalikan ko na muna siya bago umalis at bago magwawala kapag alam niyang wala ako at di niya alam kung saan ako pumunta. Lagi kasi sila ni Denzel magkaaway kaya hindi niya ito gusto.
“Aalis si Kuya muna ha? Hahanap akong pambili ng gamot mo at saka nang makakain.”
“Kuya, kung mamatay ako, makikita ko kaya muli sina Papa at Mama?” paanas na tanong ni Diane.
“Paano mo sila makikita e, hindi naman kita papayagang mamatay. Paano naman kami rito ng Kuya Denzel mo kung iwan na lamang ninyo kaming dalawa.”
“Kuya, kung mamatay ako, makikita ko rin ba doon ang mga pumatay sa mga magulang natin? Makikita ko rin ba ang nagsunog sa bahay natin at ang nagpalayas sa atin sa loteng kinatitirikan ng ating bahay?”
“Hindi mo sila makikita dahil nasa impiyerno sila. Saka, sinong nagsabi na mamatay ka?” nagawa kong sabihin iyon ngunit sa tinuran ng kapatid ko, muling nagwawala ang galit sa dibdib ko. Bata pa ako pero planado na ang aking paghihiganti. Alam na alam ko na kung paano ko sila lahat gagantihan. Hindi ako makapapayag na wala akong gagawin sa pumatay kay Papa at Mama at nagsunog sa aming bahay. Minsan nga, sa panaginip ko, parang laging bumabalik sa akin yung mga nangyari kung paano ako pinatulungang patayin. Hindi ang aking mga magulang ang pinatay kundi ako mismo ngunit hindi ko talaga matandaan kapag gumigising ako kung sino sila.
Pero habang tumatagal, hindi ko na alam kung kanino ba dapat ako magagalit, sa mga taong pumaslang kina Papa at Mama at nagsunog sa bahay namin? Sa mga nagpapatupad ng batas at mga nagpaparusa sa mga nagkasala sa lipunan na naging pipi at bingi sa kanilang mga reklamo? Sa gobyernong hindi pansin ang mga katulad naming naghihirap o sa sistema na lalong nagpapahirap sa kagaya naming walang-wala. Siguro nga kinalimutan na ng hustisya ang sinapit ng pamilya namin ngunit sa aking alaala, buhay na buhay iyon at hindi ko kailanman makakalimutan. Basta ang alam ko, gaganti ako. Magtatagumpay ako at magiging ako yung lalaki sa aking panaginip.