CHAPTER 3
Sandali lang iyon. Agad akong naka-recover. Nagsimulang kumilos ang aking mga paa. Kailangan kong makatakas. Kailangan kong tumakbo para sa aking kaligtasan. Hindi pwedeng mahuli ako. Ako lang ang inaasahan ng aking mga kapatid. Kung wala ako, paniguradong kakayan-kayanin lang sila ng mga batang-kalye na kagaya namin. Saka paano si Diane kung hindi gagaling? Paano sila ni Denzel? Paano sila makakakain at mabubuhay kung mahuli nila ako.
Agad kong tinungo ang madilim na eskinita. Kailangan ko silang iligaw. Kailangan kong makabalik sa aking mga kapatid na buhay. Maibigay ko lang itong tinapay at gamot sa kanila, okey na ako.
“Tigil!” sigaw ng tumatakbong security guard.
Ngunit bakit ako titigil? Bakit ko hindi ilaban ang katiting na pag-asa na makatakas sa kanila. Bako ako lumiko at pumasok sa eskinita ay nagawa ko munang lumingon. Apat na silang humahabol sa akin kasama ng mga pulis.
Bang!
Bang!
Bang!
Binabaril ako ng mga pulis. Tanging ang security guard lamang ang nagsabing tumigil ako. pero ang mga pulis mukhang gusto agad akong patayin. Mabuti na lamang nakaliko na ako. Medyo malayo-layo pa ang dulo bago ako pwedeng lumiko sa panibagong eskinita. Kung maabutan nila ako at aasintahin, paniguradong tatamaan nila ako bago ko marating ang dulo kung saan pwede akong makapagtago. Hanggang sa muli akong nakarinig ng malakas na pagputok.
Ramdam kong tinamaan ang aking balikat at paa.
“Huwag sir! Huwag ninyong patayin! Kawawa naman ang bata!” narinig kong sigaw pa ng security guard ngunit mukhang hindi siya pinakinggan ng mga humahabol na pulis.
“Bumalik ka na sa pwesto mo. Trabaho namin ito! Kami na ang bahalang humili!” sigaw ng isang pulis. Hanggang sa muli silang nagpaputok at nagawa kong lumiko na. Kitang-kita ko ang pagtama ng bala sa pader. Konti na lang sana tamaan na ako sa ulo.
Ramdam ko ang pag-agos ng dugo sa aking balikat at paa. Humahapdi na ang sugat sa aking mga paa pero kailangan kong makaabot sa kung saan ko iniwan ang aking mga kapatid. Isang pagliko na lang, nasa highway na ako kung saan nasa gilid ng kalsada, malapit sa simbahan sina Denzel at Diane.
Habang tumatakbo ako at inililigtas ko ang aking sarili, alam kong may mali ako. Hindi lang sa pagnanakaw kong ito kundi ang pagtakas naming magkakapatid sa DSWD. Hindi naman ako makukulong dahil siguradong ibabalik ako roon pero paano ang mga kapatid ko? Paniguradong kailangan ko na namang tumakas kagaya ng pagtakas naming pagkakapatid nang dinala kami roon. Mas gusto kasi namin noon ang maging malaya kaysa nandoon nga kami, natutulog sa maayos na higaan at nakakain pero para kaming walang sariling buhay. Mahigpit at malupit kasi ang namamahala. Napakaraming bawal. Hindi kagaya sa labas na kaya naming gawin ang lahat ng gusto naming gawin. Kaya lang, panandalian lang pala iyon. Nang nakaramdam na ako ng hirap, nang alam kong hindi ko pala kayang alagaan at pakainin ang aking mga kapatid, gusto na naming bumalik doon. Pero alam kong ang kukunin lang ay sina Diane at Denzel. Maaring hindi na nila ako tatanggapin dahil katorse na ako.
“Tigillll!” sigaw ng pulis at muling gumuhit sa tahimik na gabi ang putok ng kanilang baril. Muli, tinamaan ako sa likod. Ilang hakbang na lang. Konting tiis pa makakarating na ako sa aking mga kapatid. Tinanggal ko sa loob ng damit ko ang tinapay at biscuit. Kasabay ng ninakaw kong gamot ay malakas kong ipinukol ang mga iyon sa kung saan natutulog ang aking mga kapatid. Hindi ko kailangang huminto. Hindi sila dapat madamay pa rito. Kung mahuli man ako, sinisigurado kong may makain ang mga kapatid ko at may maiinom na gamot si Diane.
“Kuya! Anong nagyari? Kuya!” sigaw ni Denzel nang magulat siya na may bumagsak na tinapay sa paanan nila at nakikita niya akong tumatakbo.
“Diyan ka lang! Huwag mo akong sundan! Diyan ka lang!” sigaw ko.
Hanggang sa nakalagpas na ako sa kanila at nakita kong nakatayo pa si Denzel. Umaasa ako na sana hindi titigil ang mga pulis sa kanila. Sana hindi sila madadamay. Muli akong lumingon at nakita kong lumagpas ang mga pulis sa kung nasaan ang mga kapatid ko. Wala na akong matatakbuhan at mapagtataguan pa kundi ang abandonadong gusali. Pumasok ako doon. Umaasa na tigilan na nila ang paghahabol nila sa akin.
Nagkamali ako. Sinundan pa rin nila ako hanggang sa loob. Naghanap ako ng matataguan. Madilim ang abandonadong lugar na iyon. Sa silong ng hagdanan ako nagtago. Nagdadasal na sana hindi ako makita.
Gumuhit ang liwanag sa dala nilang flash light.
“Hayan, may dugo. Mukhang doon sa likod ng hagdanan nagtago!” narinig kong sinabi ng pulis.
Alam nila. Dahil sa patak ng dugo ko, masusundan nila ako kahit saan ako magtago.
Lumabas ako sa aking pinagtataguan. Kumaripas ako ng takbo paakyat sa second floor kaya lang, medyo ramdam ko na ang panghihina. Kahit ang ihakbang ang aking mga paa paakyat ay hirap na ako. umiikot ang aking paningin. Parang hinihigop ang aking lakas. Ngunit kailangan kong subukan. Kailangan kong gumawa ng paraan. Baka lang kaya ko pa. Baka lang may mas mapagtataguan ako sa taas. Hanggang sa isang baitang na lang nang ramdam kong muli akong pinaulanan ng bala. Tumama ang isa sa pinakawalan nilang mga bala sa aking likod.
Parang tumigil ang inog ng aking mundo. Hinayaan ko na lang ang sarili kong bumagsak. Ramdam ko ang pagbagsak ng aking katawan sa bawat baitang ng hagdanan hanggang sa bumagsak ako sa sahig. Doon ko narinig ang kanilang mga tawanan. Ang kanilag mga pagmumura. Ang kanilang mga pangmamaliit sa aking pagkatao.
“Pinagod mo pa kami tang-ina mong magnanakaw ka! Pinapatigil ka na, hindi ka pa titigil ha?” itinutok ng pulis ang baril niya sa akin.
Naimumulat ko pa ang aking mga mata. Nakikita ko pa sila. Nakikilala.
“Maawa po kayo sa akin. May sakit lang ho ang kapatid ko. Gutum na gutom na ho kami. Napilitan lang ho akong magnakaw, sir. Please. Huwag ninyo akong patayin.” Humihikbing pakiusap ko. Pilit kong itinaas ang aking mga kamay.
“Narinig mo ‘yon pare? Humihingi ng awa!”
“Tang-ina! Kung lahat ng nakikusap ay pagbibigyan natin, mapupuno ng kriminal ang lugar na ito,” sagot ng isa sa kanila.
Binitbit niya ako. Ngumingisi siyang nakatitig sa akin.
Hanggang sa bigla na lang niya akong sinuntok sa sikmura. Bukod sa nanghihina na ako, ang hirap pa para sa akin ang huminga. Muli niya akong sinuntok sa panga. Hanggang sa pinagsisipa na nila akong tatlo. Sa kabila ng mga tama ko sa katawan, binubugbog pa nila ako. Hindi lang siguro ganoon katindi ang mga tama sa aking katawan, walang tinatamaan na pwede kong biglaang ikamatay ngunit ang ginagawa nilang pagsipa-sipa sa akin, ang kanilang pagdudura sa aking mukha at ang pagtapak nila sa aking leeg hanggang sa sumisinghap-singhap na ako ng hangin ay para na rin lang nila akong pinatay.
“Gapang! Sige! Gumapang ka! Kung makakagapang ka hanggang doon sa pintuan, hanggang doon sa malapit sa kalsada, pababayaan ka naming makatakas,” bulong ng isa nang sinabunutan niya ako. Hindi ko kailanman makakalimutan ang kanyang mukha. Tinandaan ko ang kanilang mmga pagmumukha para kung sakaling mabuhay pa ako, kilala ko kung sino pa ang aking mga babalikan.
“Gapang!” sigaw ng isang pulis. Makalas na sipa ang kanyang pinakawalan dahilan para madislocate ang aking panga.
Sa takot na tutuluyan na ako at sa katiting na pag-asa na baka kaya pa. Na baka tutupad sila sa usapan na buhay pa ako hanggang sa pintuan o malalit sa lansangan ay iiwan nila akong buhay. Hirap man, pilit akong gumapang. Iginagapang ko ang aking buhay. Pilit kong inilalaban kahit pa pinagtatawanan nila ako. Hanggang sa nang makarating ako sa pintuan na buhay pa. Sinipa muli ako at gumulong ang mahina kong katawan sa gilid ng lansangan.
“Tapusin mo na ‘yan, pare! Sayang lang oras natin diyan!” utos ng isang pulis.
Binunot ng isang pulis ang kanyang baril at tinutukan ako.
Walang sabi-sabi niyang kinalabit ang gatilyo.
Iyon na ang alam kong katapusan ng buhay ko.
Kasabay iyon ng pagdilim na nang tuluyan ng aking mundo.