CHAPTER 2 (THE THIEF)

1260 Words
CHAPTER 2 “Kuya, nagugutom na ako. Hindi ka pa ba aalis?” tanong ni Denzel na mukhang hindi na makapaghintay. Sapo na niya ang kanyang sikmura. “Eto nga aalis na. Atat na atat ka naman e.” inirapan ko siya. Muli kong tinignan ang aming bunso. Inayos ko ang binuhol kong mga plastic na siya niyang ginawang unan. “Sige, ‘antayin mo ‘ko dito at magdidilehensiya ako. Kailangan mong uminom ng gamot.” “Sa’n ka kukuha ng gamot ko at makakain kuya?” “Bahala na. Sige iwan ko na muna kayo ha?” Naglakad ako palayo sa tinutulugan namin subalit parang walang direksiyon ang tinatalunton kong daan. Nang dumaan ako, nag-alisan yung mga kasalukuyang nagkakalkal sa mga basuran ng fastfood. Pero hindi ko sila nilapitan. Hindi ko ginulo. Pagbibigyan ko sila ngayon. Hindi ko sila tatakutin. Masama na kasi ang tingin ng mga kasabay ko sa akin pero kinatatakutan lang talaga nila ako. Kailangan ko kasing magpakasiga. Kailangan kong manindigan para sa kapatid ko. Kung magpakita ako ng kahinaan, panigurado kakakawain lang kaming magkakapatid. Hindi ako papayag na tatapak-patakan kami ng mga kagaya lang naman naming hampas-lupa at kahit pa siguro mga nakakariwasa, kaya kong labanan sila kung mga kapatid ko na o ako mismo ang kanilang babanggain. Nakita ko ang isang hindi nagsasarang convenient store. May nakasulat na 24 hours sa pintuan nito at abala ang security guard sa patago nitong pagte-text. Wala akong mapuntahan iba. Wala akong alam na mapagkunan ng gamot ni Diane at makakain ni Denzel. Iniisip ko pa lang ang plano ko, kinakabahan na talaga ako. Hindi ko alam kung kailangan kong pumasok doon. Panigurado kasing hindi ako papayagan ng security guard na pumasok dahil sa ayos ko. Mahaba at naninigas na buhok. Marumi at lumang damit at nanlilimahid ang aking mukha dahil sa pangingitim na galing sa mga paroo’t paritong mga maiitim na usok ng mga sasakyan. Sinilip ko ang security guard. Kung aalis iyon sa pwesto niya, saka naman ako pupuslit na papasok sa loob. Kailangan ko na lang na tiyagain kasi doon lang ang alam kong pwede akong makakuha ng gamot ni Diane at pagkain naming tatlo. Alam kong mali ang aking gagawin pagnanakaw ngunit iyon na lamang ang tanging paraan para gumaling si Diane at makakain na rin kami. Nakakapanghina lang na kailangan kong gawin ito ngayon. Sinasabi kasi lagi ng pulis kong Papa noong nabubuhay pa ito na bawal ang magnakaw ngunit heto ako ngayon, dala ng kahirapan, napipilitang gawin ito. Kung ako lang sana, kaya ko ang sarili ko. Kaya lang, may mga kapatid akong kailangan kong pakainin at alagaan. May mga umaasa sa akin. Hanggang sa wakas, nakita kong umalis ang guard. Mukhang ginutom na rin yata siya. Lumapit siya sa tatlong mga pulis na nagkukuwentuhan at nagtitinda ng lugaw at pares. Kailangan kong kumilos na agad. Sandali kong pinagmasdan ang mga pulis. Maiingay sila. Parang mga lasing na rin. Natatakot na akong gawin ang aking binabalak ngunit saan naman ako kukuha ng gamot ni Diane kung hindi lang sa bukas na convinient store lang na ito? Pasimple akong naglakad papunta sa pintuan ng store. Lumingon ang security guard nang nasa tapat na akong pintuan ng store. Papasok na sana ako eh kung di lang niya ako napansin. Minabuti kong daanan na lang muna ang pintuan. Sobrang lakas na ng aking kaba. Kapag mahuli kasi ako, paano ang aking dalawang kapatid? Kailangan hindi nila ako masukol. Kapag may makahuli sa akin, paniguradong pati ang mga pulis na kasama ngayon ng gwardiya ay pagtutulungan akong hulihin o saktan. Madalas kong makita ang mga pulis na iyon doon. Minsan may mga hinahabol sila. Sinasaktan. Pinapatay. May mga kinakausap silang parang nag-iintriga sa kanila ng pera. May mga pinapabenta kasing hindi ko alam. Marunong lang talaga akong umiwas kaya hindi pa ako natitiyempuhan. Kapag alam kong lalapitan na ako, tumatakbo kami kasama ng mga pinauuna kong magtagong mga kapatid ko. Kabisado na namin ang lahat ng kalye sa lugar na iyon kaya alam na namin kung saan kami lulusot. Kaya naman ako takot dahil nakita ko na sila minsan nang barilin ang siguro kaedad kong batang kalye rin. Usap-usapan ng mga kasamahan ko, hindi raw nakaintriga ng bayad sa ipinabenta kaya siya tinuluyan. Naisip kong maaring droga ang ipinapadenta. Lalo kong kailangan silang iwasan kung ganoon. Bukod sa masama iyon, paniguradong mapapasama pa ako lalo kung nagkataong mahulian ako. Muli akong pasimpleng naglakad. Nang nakita kong kumukha na ng bowl na pula ang security guard at nagsimulang kumain habang nakatalikod at ang mga pulis naman ay maingay na nagpapasa-pasahan ng parang hinihitit nilang sigarilyo ay agad na akong pumasok. May kausap ang nasa kaha kaya hindi ako napansin. Sobrang lakas na ng kabog ng aking dibdib. Hanggang sa nang alam kong titingin na sa akin ang kahera ay mabilis akong nagtago. Sana hindi niya ako nakita. Sana hindi niya naramdaman na nakapasok na ako kasi kahit wala akong ginagawa pa, kung alam nilang batang-kalye o palaboy ang pumasok, palalabasin agad. Iisiping magnanakaw agad. At nang madaling araw na iyon, iyon naman talaga ang pakay ko. Bago pa makabalik ang security guard sa pwesto niya, kailangan ko nang makakuha ng pagkain. Agad akong kumuha ng mga biscuit at sliced bread saka ko inilagay sa loob ng aking damit. Naramdaman kong parang may pumasok na customer. Madadaanan niya ako. Kung makikita ako ng customer na nagnanakaw, paniguradong isusumbong niya iyon sa kahera. Hanggang sa nakita kong dumaan ang customer. Mabilis akong nagtago sa dulo ng estante ng mga paninda. Sumilip ako. Mukhang hindi naman niya ako nakita pero tumigil ito at parang nakahalata kasi may nahulog na pancit canton na nahagip ng mahaba at marumi kong damit. Ang malas naman! Kung saan ako nagtago na estante, doon pa siya pumasok. Nakakainis talaga! Hanggang sa wakas nakita ko na ang estante kung saan nakalagay ang mga gamot. Kailangan kong makakuha doon saka ko na poproblemahin ang lumabas. Kaya lang, open ang bahaging iyon sa kahera. Kung kukuha ako ng gamot, paniguradong makikita niya agad ako. Palapit na nang palapit ang customer kung saan ako nagtatago. Wala akong mataguan na iba pang estante kasi nasa gilid na ako at kung lilipat ako sa kabila, paniguradong makikita niya ako. Huminga ako nang malalim. Hindi ako dapat pahuhuli. “Miss, may mga pancit canton na nahulog oh!” sabi ng customer sa kahera. Umalis ang kahera sa pwesto niya. Dalawang hakbang na lang, makikita na ako ng customer. Nasa dulo ako ng huling estante. kaya wala nang mapagtataguan. Sana hindi dadaan sa bahagi kung saan ako nagtago ang kahera. Kung doon siya dadaan at papasok, panigurado, makikita niya ako. Sumilip ako. Sa kabilang pasukan siya dumaan. Pagkakataon ko na para kumuha ng gamot. Mabilis akong tumayo at patakbo kong kinuha ang gamot sa lagnat. Nang makuha ko ito, biglang sumilip ang kaherang nag-aayos ng mga pancit canton. Nagulat siya. Halatang hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Agad kong kinuha ang gamot at dumiretso ako sa nakasarang salamin na pintuan. Kailangan kong makatakas agad. Hindi ako dapat makita ng security guard o mga pulis. Nakuha ko na ang mga kailangan ko. Makababalik na ako sa mga kapatid kong naghihintay sa akin. “Magnanakaw! May magnanakaw!” sigaw ng kahera. Palabas na ako noon sa pintuan. Sinundan niya ako. Muntik na niya akong naabutan. Muling sumigaw. “Guard! May magnanakaw! Huliin ninyo! Huliin mo!” sigaw ng kahera. Tumingin ang security guard at mga pulis sa akin. Sandali akong napatda sa takot. Hindi ko maikilos ang aking paa sa sobrang takot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD