Nalilito ang kapatid ko kung kanino siya sasama. Hanggang sa may bumaba pang isangng lalaki at sa akin na nakatutok ang baril. Dehado ako. Kung ipuputok ko ang baril ko, buhay ng kapatid ko ang nakataya at buhay ko.
“Kuya!!! Kuyaaa Drakkeeeee!” sigaw ni Diane ngunit napapaluha ako kasi wala akong magawa. Mabilis na kinuha ng lalaki si Diane. Binuhat niya ito at tinutukan sa ulo.
Bang!
Bang!
Pagpapaputok ng kasama ng lalaki. Mabuti at mabilis akong naka-tumbling patago sa likod ng van nila. Nadaplisan lang ako ng bala. Mabilis nilang pinatakbo ang kanilang van at bumaba si Kokoy na galit na galit. Kinuha niya sa akin ang kanyang baril.
“Sakay na bata. Tandaan mo ha, katorse ka lang. Maaring ang pakiramdam mo kaya mo lahat pero hindi. Bata ka pa. Marami ka pang damat matutunan. Kung gusto mong bawiin ang mga kapatid mo, dapat trabahuin mo muna ang pakikianib sa amin nang may makaksangga ka hindi yung papasok ka pa lang sa amin, gagawa ka na agad ng problema. Makakarating ito kay Boss Ismael.”
“Huwag naman, Kuya. Atin na lang ‘to. Nadala lang naman ako ng emosyon ko kasi mga kapatid ko na ang kasangkot. Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, siguradong gagawin mo rin naman ang lahat para sa mga kapatid mo.”
Hindi na siya sumagot.
Tumahimik na rin ako pero kinakabahan. Nag-iisip kung paano ko ipaliliwanag kay Boss Ismael ang ginawa kong paglalagay sa alanganin ang buhay ko at buhay ng kasama ko. Mabuti na lang talaga hindi nila sineryosong patayin ako o ni Kokoy kanina lalo na yung baril na hawak ko lang ang armas namin.
“Anong nangyari sa lakad?” tanong ni Boss Ismael sa amin habang nagbibilang sila ng napakaraming pera sa malapit ng swimming pool.
“Wala boss. Hawak na nang grupo ni Franco ang mga kapatid niya.”
“Tuso talaga yang Franco na ‘yan. Iba ang ugali niya sa kanyang ama. Kaya nga pinatay si Frank dahil nasobrahan nito ang pagiging mabait pero itong anak niya na sumunod sa yapak ng Daddy ni Donna, mukhang walang patawad sa paggawa ng masama.”
May kung anong hindi ko maintindihan na damdamin sa narinig kong mga pangalan na iyon. Pakiramdam ko may koneksiyon sa akin ang mga nabanggit na pangalan ngunit paano? Ni hindi ko kilala kung sino ang Donna, ang Franco at si Frank. Hindi kaya bahagi ang mga ito sa dating panaginip ko?
“Ano ngayon ang plano mo bata?”
“Kailangan kong mabawi ang mga kapatid ko.”
“Kung babawiin mo ang hawak na ng ibang grupo, magsisimula ka ng gulo. Mainit na tayo sa grupo ni Franco at kung kukunin mo ang mga kapatid mo na bahagi na ng kanyang sindikato at malalaman niyang bahagi ka ng grupo natin, paniguradong hindi lang ikaw ang pag-iinitan at babalikan. Buong grupo. Sisimulan mo lang uli ang labanan ng dalawang grupo na humupa na.”
“Bakit? Paano ba nagsimula ang dati nang iringan ng grupo?”
“Mag-training ka muna bata bago ka magtanong na mga bagay-bagay tungkol sa grupo. Hindi ka pa nga bahagi ng grupo eh.”
“Kailan ba ako magsisimula?” matapang na tanong ko. “Gusto ko kasi mabawi talaga ang mga kapatid ko eh.”
“Hindi nga iyon basta basta. Kung gusto mo, umanib ka sa kabila. Do’n may pagkakataon kang itakas ang mga kapatid mo o magiging tauhan ni Franco ngunit ituring mo na rin akong kaaway. At lahat ng kaaway ko, kaaway ng buong pamilya. Hindi na nakalalabas pa sa gate. Pinapatay at itinatapon ang bangkay sa lugar na hindi na matatagpuan pa. Gusto mo bang mangyari sa’yo ‘yon?” nakita kong iba ang mukha ni Boss Ismael habang sinasabi niya iyon. Hindi ito basta pananakot o pagbabanta lang. sigurado akong kaya niyang gawin. Ibig sabihin, hindi na talaga ako makakawala pa.
Hindi ako nagsalita. Huminga lang ako ng malalim.
“Ano? Sagot!”
“Hindi na ho.”
“Yown! Madali ka naman palang kausap eh. Hindi ako nag-aalaga ng ahas o ulupong ha? Tandan mo ‘yan. Dinidikdik ko ang lahat ng ahas sa buhay ko. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Oho.”
“Opo Boss! Gano’n dapat ang sagot!” sigaw ni Helen na noon ay umuusok pa ang bibig dahil sa sigarilyong nasa bibig niya. Itinaas niya ang kanyang paa. Nakatitig sa akin. “Kamukha talaga ito ni Frank ano? Kung hindi ko lang nakita na namatay si Frank, iisipin kong ito siya bilang bata. Ano uli ang apilyido mo Drake?”
“Moreno ho.”
“Hindi naman Castro ano? Malay natin Mael, anak pala niyan ni Frank sa labas.”
“Moreno nga at hindi ko kilala si Frank!”
“Aba! Astig ka sumagot ah.”
“Sige na. Doon ka na muna sa kuwarto mo. Nasa babang bahagi katabi ng bodega ha? Iyon ang kuwarto ko noong kasing-edad mo ako. Linisin mo kung gusto mo basta mula ngayon do’n ka na matutulog.”
Habang naglalakad ako papunta sa aking kuwarto iniisip ko ang mga pangalan na narinig ko. Frank, Mael, Helen, Donna at Franco. Lahat ng mga pangalang iyon ay pamilyar at unti-unti sa aking lumilinaw. Bahagi sila sa aking panaginip. Nabubuo ko na ang kuwento hindi ko lang sigurado. Malapit ko nang mapagtagpi-tagpi ang lahat ng mga pangyayari. Kailangan ko lang tandaang mabuti ang mga detalye paggising ko kasi pabalik-balik naman ang mga iyon sa panaginip ko.
Isinulat ko ang mga pangalan at alam ko na ang aking gagawin. Para hindi ko makalimutan agad, paggising ko ng madaling araw o kahit anong oras, isusulat ko agad para mas malinaw sa akin.
Isang madaling araw ay bumangon ako para isulat ko lang ang mga napaginipan ko saka ako natulog muli. Gusto kong alamin ang sikreto ng mga paulit-ulit na panaginip na nakakalimutan ko rin paggising. Detalye ang nawawala pagkaraan ng ilang oras ngunit hindi yung pakiramdam. Nanatili yunng poot sa dibdib ko. Yung paghihiganti at hindi ko alam kung kanino.
Isang gabi ay kinatok ako ni Kokoy.
“May lakad tayo. Kailangan mo na raw magsimula.”
“Magsimula saan?’
“Inutusan ako ni Boss Ismael na samahan ka para mapatunayan mo raw na karapat-dapat ka ngang tulungan at kung handa na ang loob mo sa grupong papasukan mo.”
“Agad? Wala pa akong training ah. Isasabak ninyo ako agad?”
“Hindi mo pa naman kailangan ang training ngayon eh. Ang kailangan mo ay lakas ng loob at buradong konsensiya.”
“Ano? May ipapapatay kayo, hindi ba? Gusto ninyo yung inosente para tumibay ang loob ko. Para mapatunayan ko sa inyo na kaya kong pumatay ng kahit sino. Tama?”
Nagkamot si Kokoy. “Alam mo naman na pala eh!” Nagtaka siguro kung bakit ko alam.
Bakit hindi eh iyon ang isa sa mga bahagi ng aking panaginip. Iyon ang ginawa at pinagagawa ko sa panaginip ko.
“Alam ko na ‘yan. Ngayon na ba?”
“Oo ngayon na.”
“Sandali bibihis lang ako.”
Pagtingin ko sa salamin, wala na halos bakas ang nangyaring pagpapahirap sa akin ng mga gagong pulis. Bumalik na ang aking kaguwapuhan. Nagsisimula na akong tubuan ng balbas. Matangos ang ilong ko, matapang ang aking lalaking-lalaki na panga, malalalim na mga mata at makakapal na kilay. Hindi ko alam kung kanino ako nagmana. Hindi kasi ganito ang hitsura ni Papa at ni Denzel. Iba rin ang mukha ni Mama.
“Wala nang atrasan ito, Drake ha. Kapag nagawa mo ito, habang-buhay ka nang nakatali sa pamamalakad ni Boss Ismael. At kung hindi mo magawa ang mga iuutos, alam mo na ang mangyayari. Magkakasama na kayong mga magkakapatid. Ihahanda ang mga libingan ninyong tatlo nang tabi-tabi.”
“Ano? Tang-ina, bakit kailangang madamay ang mga kapatid ko?”
“Dahil sila ang meron ka! Sila lang ang pwede kong panghawakan sa’yo!” boses iyon ni Boss Ismael. Naninigarilyo at nakasandal sa pader habang nakatitig siya sa akin.
“Malinaw ang sinabi ko, gagawin mo ito at mapabuti ang buhay mo o hindi mo gagawin at sabay na kayong mawawala ng mga kapatid mo sa mundo. Ayaw ko ng mga taong liabilities. Dapat lahat ay kumikilos para sa akin, para sa pamilya para maayos tayong lahat. Malinaw?”
“Malinaw Boss.”
“Ibig sabihin nagkakaintindihan na tayo?”
“Oo, nagkakaintindihan tayo.”
“Good. Susunod ako. Panonoorin kita at kung babagal-bagal ka, ako ang titira sa’yo. Tandan mo, binuhay kita. Tinulungan kita nang halos mamatay ka na sa kalsada. Oras na para ipakita mo na hindi ka basura kundi isang malaking pakinabang na basura. Give and take lang. Bibigyang kitang pera, bibigyan mo ako ng maayos na trabaho.”
“Ibig sabihin lahat para sa’yo? Paano ang paghihiganti ko?”
“Huwag kang mag-alala. Kapag handa ka na. Kapag mahusay ka na, bibigyan kita ng sapat na oras na maghiganti na muna bago ka sumabak sa tunay mong trabaho, okey?”
Tumango ako. Hindi na ako makapaghintay na patayin si Tiyo Oscar at ang ibang mga tambay na gumahasa kay Mama at tumulong kay Tiyo Oscar na sumunog sa aming bahay. Babalikan ko rin ang mga na bumaril sa akin.
“Tara na. Swerte mo, tinutukan ni Boss Ismael. Ibig sabihin gusto ka niya. Kung gagawin mong maayos ang trabaho mo, yayaman ka ng husto.”
“Huwag mo na akong bolahin, Koy. Alam ko na ang gusto mong sabihin. Hindi na kailangan ang mahabang usapan. Sabihin mo na kung ano ang ipagagawa sa akin.” Atat na tanong ko.
Tumingin siya sa kanyang relo. “Sige, sakto ang oras. Pagkatapos ng trabaho mong ito, bilin ni Bossing na bibigyan kita agad ng cash at ikaw na ang bahalang mamili ng pamporma mo o pangkain o kahit anong gusto mong panggamitan sa perang kikitain mo.
Nang lumabas kami sa magandang bahay na pamilyar na pamilyar sa akin na para bang matagal ko nang natirhan ay dinala ako sa hindi na mataong harap ng simbahan. Halos madaling araw na iyon noon. Kaya wala nang halos tao pa sa paligid ng simbahan maliban sa mga nagtitinda ng mga lugaw, balot at mga kwek kwek.
“Anong gagawin natin dito?” tanong ko kahit may pakiramdam na ako.
“Saksakin mo ‘yang mag-inang iyan hanggang sila ay mamatay. Yung siguradong mapuruhan silang dalawa ha,” utos ni Kokoy sa akin. Iniabot sa akin ang isang mahaba at matalas na kutsilyo.
“Ano? Dalawa sila? Kahit yung batang halos sanggol pa?”
“Oo. Iyon ang utos. Iyon ang una mong misyon.”
“Ayaw ko. Bahala ka pero hindi ko ‘yan kayang gawin lalo na sa sanggol,” nanginginig kong pagtanggi.
Dumating ang isang nakamotor. Si Boss Ismael. Nakamasid. Seryoso pala talaga siya sa sinabi niya kanina na siya ang papatay sa akin kung hindi ko gagawin ang kanyang ipinag-uutos.
“Ano? Tatanggi ka ba?”
Napalunok ako. Nakita kong may inilabas si Boss Ismael sa kanyang tagiliran.
Napailing ako. Buhay ko buhay ng isang babaeng yakap ang kanyang sanggol at payapang natutulog. Tang-ina! Hindi ko kayang pumatay ng mga inosente. Hindi ito ang turo ni Papa sa akin. Hindi ito ang inaasahan kong ipa-trabaho sa akin. Akala ko maghahanap kami ng magnanakaw na titirahin o kaya mga rugby boys at isnatcher na papatayin ngunit hindi kagaya nito.
“Gusto mong gumanti, gusto mo nang madaliang pera at mabilis na pagyaman, gusto mong mabawi ang mga kapatid mo at gusto mo ng kakampi, hindi ba?”
“Oo. Sino bang may ayaw? Pero hindi sana sa paraang ganito, huwag sa inosente. Dalhin mo ako sa mga kriminal at gagawin ko ang iuutos mo nang walang pagtaggi.”
“Drake, sa’yo nanggaling mismo na kahit ano, kaya mong gawin. Nagsabi ka hindi lang sa akin kundi kay Boss. Tinulungan ka niya, binuhay at pinagkatiwalaan. Nandiyan siya oh! Nag-aabang. Kapag tumanggi ka, kilala ko ‘yan. Sa puso ka agad sasaksakin o sa ulo ka babarilin. Yung hindi ka na muli pang mabubuhay.” Parang may kung anong pumasok sa isip ko sa sinabi niyang sumasaksak si Boss Ismael sa puso. Nakaramdam ako ng kakaibang poot sa dibdib.
“Mamili ka, 10 thousand pesos na tumataginting mong pera o dito pa lang tapusin ka n ani Bossing at huhugutin namin ang mga kapatid mo para sama-sama kayong aagnasin na palutang-lutong sa ilog.”
Naglakad na si Boss Ismael. Ikinasa niya ang kanyang baril.
“Bakit ba ang tagal niyan? Tang ina ka, ang dami mo ng arte ah!” Nakatutok na ang baril sa aking ulo. “Huwag mong isiping iportante ka sa akin, tang ina mo! Madali lang kitang patayin dahil kung tutuusin e matagal ka na rin lang naman talagang patay. Ano! Magdesisyon ka, karanyaan kapalit ng buhay ng mag-inang ‘yan o bangkay mo at ng mga kapatid mo ang aanurin sa Ilog Pasig?”
“Pero wala naman kasi sa akin kasalanan ang mag-inang ‘yan, bakit ko sila papatayin? Ihatid ninyo ako sa mga mandurukot o mga masasamang tao at isa-isahin ko silang papatayin sa harap ninyo.”
“Putang ina ka ah! Pinapagod mo pa akong kumbinsihin ka! Parang utang na loob ko pa ito sa’yo! Tang-ina! Ito nga ang challenge. Ito ang unang misyon. Ngayon kung mahina ka pala e, totodasin na lang kitang gago ka! Wala ka palang kuwenta eh. Nagkataon lang na magkamukha kayo ni Frank ngunit mahina kang version gago! Ano ha! Patayin mo ‘yan o hindi? Andaming mong tanong!” naramdaman ko ang malamig na baril na nakatutok na sa aking sintido na may diin.
Hindi ako natakot. Sa dami na ng aking pinagdaan, wala na ang takot sa isip at puso ko. Takot lang ako na mamatay dahil sa aking mga kapatid na hawak na ng mga sindikato. Takot akong mamatay na hindi nakapaghiganti. Hindi lang talaga buo pa sa aking loob na gawin ang bagay na ipinapagawa sa akin. Nakikita ko kasi sa babae ang lubos na pagmamahal niya sa natutulog niyang anak kagaya ng pagmamahal niya sa kanyang mga kapatid. Kawangis ng pagmamahal ng Mama nila noon sa kanilang magkakapatid.
“Isa!” pagsisimula ni Boss Ismael na magbilang. “Pagbilang ko ng tatlo at di ka pa magdedesisyong gawin ang iniuutos ko, sabog ang utak mo, tang-ina ka!”
Huminga ako nang malalim. Nakita ko na sa mat ani Boss Ismael ang galit.
“Dalawa!”
Kailangan ko nang magdesisyon.