“Bakit parang natigilan ka? Huwag mong sabihing alam mo o narinig mo na tungkol sa aming grupo?”
“Wala,” maikli kong sagot ngunit pasasaan din at mabigyang linaw lahat ang mga gumugulong ito sa isip ko.
“Ngayon, maghihiganti ka na rin lang, paghandaan mo na pati ang magiging trabaho mo sa pamilya.”
“Trabaho sa Pamilya? Wala na akong pamilya, yung dalawang kapatid ko na lang ang naiiwan ko ng pamilya.”
Umiiling-iling na napapangiti si Boss Ismael. “Kapag bahagi ka na ng aming samahan, kapamilya na ang turing namin sa inyo. Hindi member kundi family ang turing naming sa isa’t isa.”
“Ah. Sorry. Hindi ko alam.”
“Okey lang ‘yon, unti-unti mo rin namang malalaman lahat.”
“Alam mo, malaking pera ang naghihintay sa’yo gawin mo lang ang trabaho ng tama. Yayaman ka. Magiging milyonaryo. Malaki ang pera ang papasok sa’yo. Hindi na kayo mamalimos pa ng mga kapatid mo. Alam kong malayo ang mamarating mo, naniniwala kasi ako sa kakayanan mo. Dati kasi, kagaya mo rin lang ako. Walong taong gulang rin lang ako noong nagsimula ako. Pulubi na pinulot lamang at pinagkatiwalaan ng dating underboss nan ang lumaon ay naging boss ko.” Huminga nang malalim si Boss Ismael na para bang may naalala.
Ako man ay parang may kung anong naalala na bahagi ng aking panaginip. Lumilinaw ng lumilinaw habang kausap ko si Boss Ismael ngunit hindi ko lang mabuo pa ang kuwento dahil marami akong hindi naiintindihan.
“Boss, kailangan ako ng mga kapatid ko. Gusto ko silang puntahan.”
“May mga inutusan na akong mga tao kong pumunta sa lugar kung saan ka naming nakitang nakahandusay. Hintayin na lang natin silang bumalik.”
“Talaga ho?”
“Oo. Kaya relax lang.”
Hindi naman kasi pwedeng saka ko na lang pupuntahan ang mga kapatid ko kung kailan ako malakas na at tuluyang gumaling. Kung tama ang sinasabi sa akin ni Boss Ismael na halos isang buwan na akong walang malay paano kaya sila nakakakain ngayon? Ano na ang naging buhay nila nang nawala ako sa kanila?
Dumating ang mga inutusan ni Boss Ismael na tumingin sa mga kapatid ko. Ibinalita ni Kokoy ang namuno sa paghahanap sa mga kapatid ko na wala na roon ang mga kapatid ko kung saan ko sila iniwan.
“Imposibleng wala sila roon. Baka nandoon lang sila at hindi ninyo nakita. Hindi naman ninyo alam kung sino ang hinahanap ninyo.”
“Tinanong naming sa mga naroon kung kilala nila sina Denzel at Diane. Ang sabi nila, sumama daw sila sa isang lalaking nagbigay sa kanila ng pagkain.”
“Sumama? Hindi. Naturuan ko silang hindi basta-basta sumasama sa kung sinu-sino lang. baka nandoon lang sila, naghanap ng makakain.”
Napailing si Kokoy. “Wala eh! Hindi naming nakita.”
“Sige, ako na lang ang maghahanap sa mga kapatid ko. Alam kong naroon lang sila. Walang ibang pupuntahan ang mga iyon.”
“Ang tanong, kaya mo na ba?” tanong sa akin ni Boss Ismael.
“Kaya ko na boss, maayos na ang pakiramdam ko. Medyo mahapdi pa man konti ang mga sugat ko pero kaya ko na ho. Hindi pwedeng nandito ako at kumakain ng masasarap samantalang ang mga kapatid ko doon, hindi ko alam kung buhay pa sila o namamatay na sa gutomn. Sila na lang ang meron ako eh.”
“Sige. Payagan kitang pumunta ro’n. Kung mahanap mo sila, ititira mo sila sa maayos na apartment at bumalik ka rito para sa kasunduan natin. Magsisimula ka na sa training mo kapag naayos mo sila.”
“Sige Boss. Salamat sa pagpayag.”
“Wala, ‘yon. Alam na ng tao ko kung sa’n dadalhin ang mga kapatid mo at kung ano ang gagawin kapag nahanap ninyo sila.” Tumingin siya kay Kokoy. Nakita kong tumango si Kokoy kay Boss Ismael.
Nasa daan pa lang kami ay excited na akong makita ang mga kapatid ko. Handa kong isugal ang buhay ko at isanla sa demonyo ang kaluluwa ko, mapabuti lang ang kalagayan nila. Kahit mamatay ako, masigurado ko lang ang kanilang kaligtasan at kinabukasan.
Ngunit pagdating namin doon sa kung saan ko sila noon iniwan ay walang bakas na naroon pa sila. May iba na kasing nakapuwesto sa pwesto namin at hindi nila kilala ang mga kapatid ko. Ako man ay hindi ko rin naman sila namumukhaan. Magtatanong dapat ako sa mga iba pang naroon ngunit parang ibang mukha na. Wala na roon ang mga kasabayan namin. Anong nangyari? Nasaan sila?
Bumuhos ang ulan habang matiyaga kong sinuyod ang malapit lang doon na park baka lang doon sila lumipat na pumuwesto pero walang Diane at Denzel akong nakita. Nakita ko ang ilang mga batang basa na sa ulan at walang masilungan. Nakita kong parang mga basing sisiw na rin ang mga pumalit sa dati ay puwesto naming magkakapatid. Naalala ko yung hirap na pinagdaan din namin doon. Mahigit isang buwan na ang nakakaraan. Umupo ako. Naluluha sa pag-aalala sa mga kapatid ko. Baka naman sumuko na sila. Umalis. Naligaw sa paghahanap sa akin. Ilang pag-ulan kaya ang tiniis nila. Ilang araw at gabing pagkagutom. Gumaling kaya si Diane? Alam kong hindi titigil ang mga iyon sa paghahanap sa akin. Parang nakikita ko ang mga kapatid kong umiiyak. Hinahanap nila ako. Nagdurusa, nagtitiis sa gutom, natatakot dahil wala na akong nagpapalakas sa loob nila.
“Ano? Naniniwala ka nang wala talaga sila rito?” Si Kokoy. Nasa labing-walong taong gulang at siyang laging ipinapasama sa akin ni Boss Ismael na bumalik.
“Nasaan kaya sila?” mangiyak-ngiyak kong sagot. Sandali akong umupo kung saan ako pinagtulungang bugbugin at patayin ng mga pulis.
Tumila ang ulan. Muli kaming naglibot. Huling libot na naming iyon.
“Tara na. Sayang lang ang oras natin dito. Kanina pa tayo paikot-ikot eh.”
“Sige. Babalik-balikan ko na lang ito sa susunod na araw. Magbabakasakali na baka maligaw sila dito,” malungkot kong sagot.
Malapit na kami sa aming sasakyan nang nakarinig ako nang sumisigaw na babae. Mukhang inagawan siya ng bag. Isang batang lalaki ang nakita kong kumakaripas sa pagtakbo tangan ang bag ng babae. Nakilala ko agad ang bata. Si Denzel. Siya ang hinahabol ng babae na patuloy sa paghingi ng tulong. Mabilis akong kumilos. Kahit humahapdi pa ang mgasugat ko ay kailangan kong maabutan ang kapatid ko.
“Sandali! Bata!!!!” sigaw ng may katabaang pulis.
Bang!
Nag-warning shot ang pulis para lang matakot at huminto ang kapatid ko pero nagtuluy-tuloy sa pagtakbo. Tumakbo na ang pulis pero sa katabaan alam kong hindi niya ito aabutan pero hindi ang bala ng baril nito. Hinahabol pa rin niya ang kapatid ko. Nagdasasal ako na sana hindi niya totohaning babarilin ang kapatid ko. Ayaw kong makitang mamatay ito. Hindi ito dapat magaya sa akin.
Lumiko si Denzel at pumasok sa maliit na eskinita. Nakasunod pa rin ang pulis sa kanya.
Bang!
Pinaputukan niya ito pero hindi pa rin humihinto ang kapatid ko sa pagtakbo.
Gusto kong tawagin siya. Pahintuin ngunit baka malaman ng pulis na kilala ko siya at ako ang pagbabalingan niya.
Bang!
Bang!
Nagimbal ako. Hindi talaga tinitigilang paputukan ng pulis ang kapatid ko. Mukhang balak pa yata nitong tamaan na lang. Kailangan kong gumawa ng paraan para mailigtas si Denzel.
“Siya na ba ‘yun? Yan na ba yung kapatid mo?” tanong ni Kokoy ngunit hindi ko na siya pinansin pa. Iikot ako sa kabilang kanto. Sasalubungin ko siya sa dulo ng eskinitang nilusutan niya. Alam ko kung saan ang dulo ng eskinita na pinasukan niya at doon ko siya aabangan. Sana maunahan ko siya. Hindi kasi ako pwede ng takbuhan dahil hindi pa ako tuluyang gumagaling.
Kapag masukol ko si Denzel sa dulo, kailangan ko siyang itago sa pulis na humahabol sa kanya kaya sinenyasan ko si Kokoy na sumunod sa akin dala ang aming sasakyan. Binilisan ko pa ang aking pagtakbo. Wala na akong pakialam kung may masakit sa akin. Buhay na ng kapatid ko ang nakataya.
Hanggang sa malapit na ako sa lagusan ng eskinita na pinasukan ni Denzel. May nakaharang doon na malaking puting van.
Ilang dipa na lang ang layo ko nang nakita ko si Denzel palabas sa eskinita.
“Denzellll! Sandali lang! Denzellll!” sigaw ko! Kumaway pa ako. Sinenyasan ko na lapitan niya ako.
Lumingon siya.
Nagulat.
Sandali siyang huminto. Limang dipa na lang ang layo ko sa kanya.
Biglang bumukas ang puting van at kitang kita ko ang paghila sa kanya ng isang lalaki papasok sa loob.
“Kuyaaa! Kuyaaa Drake!” sigaw niya ngunit mabilis na pinaharurot ng driver ang van. Nagawa ko pang kalampagin ang gilid ng van at nang makita kong may naglabas ng baril para asintahin ako ay bigla akong tumambling para makapagtago sa mga malalaking basurahan sa gilid nang hindi ako tamaan.
Humihingal ang pulis na humahabol kay Denzel.
Ako man ay sandaling nagtago muna. Kinakabahan. Kinutuban ng hindi maganda para kay Denzel.
Biglang may humintong sasakyan sa tapat ko.
“Drake! Tara! Kailangan na nating umalis.”
Agad akong sumakay nang makita ko si Kokoy.
“Habulin mo ang puting Van na ‘yon dali!”
“Bakit?” kalmado lang na tanong sa akin ni Kokoy. Parang wala siyang pakialam.
“Anong bakit? Dinukot nila ang kapatid ko! Kailangan mabawi ko sila sa kanila.”
“Sigurado kang dinukot?”
“Hinila nila sa loob eh! Di ibig sabihin pwersahang kinuha?”
“May baril ka?” tanong ni Kokoy.
“Ikaw ang meron, hindi ba?”
“Meron pero baril ko ito. Hindi mo baril. Kapag hahabulin natin sila at mga armado ang mga naroon, kaya mo ba sila? Tandan mo wala kang armas. Mahabol man natin sila, tayo naman ang babalikan at papatayin. Hindi ka pa kasapi ng grupo, sa tingin mo, makikipagpatayan na agad ako sa’yo?”
“Paano naman yung kapatid ko? Paano kung patayin nila?”
“Problema mo na ‘yon. Ang utos lang sa akin, samahan ka para hanapin ang kapatid mo at hindi para makipagbarilan sa ibang grupo para sa kapatid mo.”
“Tang-ina, gano’n na lang ‘yon? Wala kang gagawin?”
“Wala. Sumusunod lang ako sa kung anong utos ni Boss Ismael. Saka wala na tayong magagawa do’n. hawak na ng sindikato ang mga kapatid mo.”
“Paano mo nasabi?”
“Sa tagal ko sa lansangan, alam ko na ang mga kalakaran na ganyan. Sa nakita ko, hindi sila bahagi ng ating grupo. Marahil ibang grupo ang may hawak sa kanila.”
“At ganoon na lang iyon? Dahil hindi natin sila grupo, wala na tayong magagawa pa? Tulungan mo naman ako. Pangako, babawi ako sa’yo. Hindi ko pwedeng pabayaan ang mga kapatid ko.”
“Sumanib ka muna sa grupo natin. Patunayan mo muna na deserving kang matulungan. Hindi kita matutulungan na hindi ka pa naming formal na pamilya. Saka wala ka ba talagang galang? Sampung taon ang agwat ng edad natin, hindi ka man lang nagku-kuya?”
“Please. Ipahiram mo na lang sa akin ang baril mo!” hindi ko na pinansin ang pagku-kuyang sinasabi niya sa akin.
“Hindi nga pwede! Ano ba!”
Huminto ang van na sinusundan namin. Nakita kong may mga batang babae na madungis silang dinaanan. Parang mga namamalimos ang mga ito. Tumigil ang mundo ko nang makita kong isa sa mga batang iyon ay ang kapatid kong si Diane. Pero hindi kagaya ni Denzel na hinila nila sa loob. Parang kusang naglinya ang mga bata para sumakay sa van na walang sapilitang nangyayari.
Mabilis kong inagaw ang baril ni Kokoy.
“Uy anong ginagawa mo!”
Bumaba ako sa sasakyan at dali-dali kong nilapitan ang van. Isang bata na lang ang sasakay at susunod na si Diane.
Kailangan kong mabawi kahit si Diane na muna.
Hindi ko pwedeng pabayaan ang kapatid ko.
Hindi ko kayang panonoorin lang sila sa delikadong sitwasyon.
“Diane! Dianeee!” sigaw ko.
Lumingon ang kapatid ko.
“Kuya Drake! Kuya!” sigaw ng kapatid kong akmang tatakbo na palapit sa akin pero biglang may lalaking bumaba. Tumakbo ang kapatid ko palapit sa akin at sinalubong ko siya.
Naglabas ng baril ang lalaking bumaba.
“Dianeeee!” malakas ang sigaw ng lalaki.
Takot na takot na huminto ang kapatid ko ilang dipa na lang ang layo sa akin.
Itinutok niya ang baril niya sa kapatid ko.
Itinutok ko rin ang baril na hawak ko sa lalaki.
Bahala na! Magkamatayan man, kailangan kong mabawi ang kapatid ko sa kanila.