NAKAHALUMBABA ako habang naghihintay na matapos ang video shoot ni Master. Kaninang alasais pa kami nandito sa venue at talagang inaantok na ako. Ilang oras pa lang ang tulog namin dalawa dahil pumunta kami sa disco bar. "Gusto mo ba ng kape?" tanong sa akin ng matandang babae na kamag-anak ng groom. "Libre po ba ang kape rito?" tanong ko. Kaninang tanghali ay pinag-serve pa kami ng waiter ng pagkain at kapag gano'n siguradong mahal ang mga pagkain. Ngumiti siya sa akin. "Yes, kumuha ka ng puwede mong kainin habang naghihintay ka." Ngumiti ako. "Salamat." Tumayo ako at um-order ako ng kape at kumuha na rin ako ng pagkain. Hindi nga ako pinagbayad kaya naisip kong kumuha ulit mamaya ng pagkain kapag naubos ko ang kinakain ko. Habang kumakain ako ay may lumapit sa akin na isang lalaki.