CHAPTER 9
THE KILLER LOVER
JOEMAR ANCHETA
"Sorry. Hindi mo naman kailangang magalit.”
“Ang kulit kulit mo kasi eh. Ayaw ko talagang kinukilit ako at ang paulit-ulit.” Biglang nagbago ang kanyang tono.
“Concern lang ako. Hindi na mauulit." Mapagkumbaba kong sagot. Hindi ako 'to. Palaban ako pero bakit sa lalaking ito, tumitiklop ako?
Narinig ko ang paghinga niya ng malalim. "Sige na, ihatid mo na lang ako kung talagang concern ka." Napalitan ng isang ngiti ang kanina'y namayani na galit sa kaniyang mukha. Mabilis na nag-switch ang kanyang emosyon.
"Sandali lang. Magshower lang muna ako." Pinakalma ko ang sarili ko.
Tahimik kong tinungo ang banyo. Gustong-gusto ko siya. Kaya lang tama bang siya na ang masusunod? Ang gusto lang ba niya ang dapat pagbibigyan? At bakit bigla siyang nagagalit sa hindi naman talaga pinagtatalunang mga bagay?
Paglabas ko pa lang ay sinalubong na niya ako. Binuhat niya ako at sa gulat ko sa biglang ginawa niya ay napasigaw ako. Mabilis na nawala ang ngiti niya kanina na parang natigilan sa ginawa kong pagtili.
"Julia, nakakawala ka naman ng gana e. Makasigaw ka talo mo pa si Vice Ganda." Halata ang kaniyang pagkadismaya.
"Huwag mo kasi akong ginagulat. Sorry na." Inilagay ko ang kamay ko sa kaniyang batok.
Dahan-dahan niya akong ibinaba sa kama saka siya pumatong sa akin.
"Kung magawa mo ang gusto ko Julia, magtatagal tayo. Kung mahal mo ako, kaya mong magbago para sa akin. Saka please, para hindi tayo nag-aaway huwag kang makulit. Gawin mo lang ang gusto ko para maayos tayo.”
“Nagulat nga lang ako, sorry na.”
“Sorry din kung nasigawan kita kanina." Hinaplos-haplos niya ang makinis kong pisngi. Hinawakan ko rin ang kaniyang mukha at sandali kaming nagkatitigan.
"Bigyan mo lang ako ng sapat na panahon Den. Pangako, pilitin kong magbago para ma-meet ko yung gusto mong standard na babae."
Tinitigan niya ang mukha ko. Bumaba ang palad niya sa aking baba at hinaplos ng kaniyang hintuturo ang aking labi. Idinikit niya ang mukha niya sa mukha ko hanggang sa muli kong naramdaman ang labi niya. Oh My! Kung gamot lang ang halik, sigurado nakaratay na ako sa hospital ngayon dahil sa over-dossage. Pagkatapos ay ipinatong niya ang pisngi niya sa aking dibdib.
"Hindi ko alam kung tamang pagbibigyan ko muli ang sarili kong magmahal ngunit sana Julia, ikaw na 'yun. May mga bagay lang akong gustong baguhin mo at alam ko, papunta na tayo doon dahil nararamdam ko, gusto kita. Ikaw ang tatami sa lahat ng mali sa aking pagkatao at nararamdaman.”
“Gusto rin kita,” bulong ko.
Sinuklay niya ang buhok ko gamit ang kanyang mga daliri. “Pagkatapos akong iwan at wala akong magawa pa nang taong una kong minahal, mahirap na sa akin ang magtiwala at magmahal muli ngunit susubukan ko sa'yo, susubukan ko sa alam kong siyang dapat at tama para sa akin, para sa kagaya ko.”
“Salamat. Hindi mo lang alam kung paano mo ako pinapasaya, kung paano mo binuo ang pangarap ko,” bulong ko sa kaniya.
“Kung sakaling may pagkakataong nagagalit ako o nasasaktan kita, sana huwag kang susuko, sana mas maramdaman ko pa rin ang pagmamahal mo. Sana sa mga panahong kailangan ko ang suporta mo, lagi kang nandiyan para sa akin. Di ba ganoon naman talaga? Kailangan suportahan ang isa't-isa? Punan ang kakulangan ng isa?" Huminga siya ng malalim.
Tumango ako. Hinawakan ko ang pisngi niya.
“Mangako ka,” bulong niya sa akin.
"Pangako, Den. Suportado kita all the way kasi mahal na yata kita.”
“Ano?” nagulat siya sa sinabi ko. Ako man ay hindi ko inaasahang masabi ko sa kanya. “Mahal mo na ako?”
“Sorry. Nataranta lang.”
"Salamat ha! Naks! Mahal mo na ako? Eh, paano kung mahal na rin yata kita!" Tumawa siya ng mahina.
Unti-unting nawala ang ngiti sa labi. Tumingin siya sa akin na parang gustong basahin kung ano ang nasa loob ko. Kinuha niya ang kamay ko at hinalikan iyon. Ang lahat ng agam-agam ko at takot nang binulyawan niya ako ay biglang pinawi ng kaniyang paglalambing. Noon ko naipangako sa aking sarili na wala akong hindi gagawin para kay Denver. Kaya kong tiisin para tumagal kami at gusto kong siya na ang makakasama ko habang-buhay. Pumuwesto siya at nagyakapan kami sa kama. Muling nagsalubong ang aming mga labi.
"Tara na, ihatid mo na ako." Pinisil niya ang ilong ko.
Bumangon siya at hinila ang kamay ko saka niya ako muling niyakap. Kahapon lang wala pang ganito. Ilanga raw kong pangarap lang siya. Naghahanap sa library. Iniikot ang school para lang makita siya. Ngayon, nandito na siya. Kasama, kayakap at kahalikan. Parang napakabilis naman yata ng mga dating nang hindi ko napaghandaang mga pangyayari. Hindi ko na nga mawari kung may katotohanan ang lahat ng ito.
Iyon na siguro ang pinakamasayang pagdadrive ko nang ihatid ko na siya sa tinitirhan niya. Rock ang mga pinapatugtog niya. Sinasabayan niya iyon. Pilit kong sinasabayan kahit hindi ko naman alam ng lyrics. Nilingon ko siya. Pumipikit pa siya na parang naggigitara. Napapangiti ako. Sobrang cute lang ng ginagawa niya. Ako naman e, syempre, gusto niya daw babaeng-babae kaya para akong French fries na maghapong hindi nakain sa kalambutan. Parang walang buto ang leeg lang kasi pati galaw ng ulo ay sobrang lambot na. Mawawasak ang gelatin sa hiya kapag itabi ang aking kalambutan. Ang mga siko dapat sobrang lapit sa tagiliran at ang mga paa dapat magkadikit lagi. Nakakangawit. Pilit kong sinasabayan ang mga kanta nina Pitbull, Neyo at Usher pero dapat kasinghinhin ng boses ni Moira. Oh My! Hindi ko talaga alam ang buong lyrics kaya kapag nasa bandang alam ko yung lyrics, doon lang ako bumibira para naman di halatang hindi ko alam ang mga paborito niyang mga kanta pero kapag sa mga bahaging hindi ko alam, hinaan ko na lang at kunyari busy sa pagda-drive.
"Salamat ha. Puwede na ba kita tawaging mahal ko?" tanong niya.
“Mahal ko? Bakit?”
“Ayaw mo? Ayaw mo yata e.”
“Ibig sabihin, tayo na ba? Sasagutin na talaga kita?" Ang arte ko lang. Nakakabuwisit na.
“Baka kasi may makilala ka sa pagpunta mo ng Canada, gusto ko akin ka na para sa pag-alis mo nakatali ka na sa akin," bulong niya.
"Anong ibig mong sabihin? Tayo na talaga?" paglilinaw ko. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig na parang hindi na talaga niya kailangan manligaw. Ang labas nga parang ipinagtutulakan ko pa ang sarili ko sa kanya.
"Sige na nga. Huwag na lang. Ayaw mo yata e"
"Hindi sa ayaw. Gustung-gusto ko. Nagugulat lang ako." Muling nanginig ang pang-ibabang labi ko. Oh My! Magkaka-boyfriend na ba ako?
"Well, naisip ko kasi, I enjoyed your company. Magkatabi tayong natulog at wala kang ginawa sa akin kundi yakapin lang ako magdamag. Maliban doon sa groping na nangyari. Nakakaya kong halikan ka ng paulit-ulit sa labi. So, maaring ang kasunod ay ang tuluyan na rin kitang mahalin.”
“Ah, hindi mo pa pala ako mahal?”
“Ikaw ba? Mahal mo na ba agad ako?” tanong niya. Sa pakiramdam ko, oo pero nangyayari ba talagang mahal na rin agad ang isang tao dahil lang sa halik at yakap? Hindi ko alam. Lahat kasi ng ito bago sa akin. Hindi ko ma-distinguish kung pagmamahal na ba ito o libog lang.
“Siguro? Oo mahal na din,” napabuntong-hiningang sagot ko.
“Oh, di ba? Hindi tayo sigurado pa. We'll just wait na nandoon na din tayo sa stage na 'yun and at the same time, tayo na. Kasi sa ramdam ko naman, we don't need a long courtship. Dami nga diyang nagkachat lang one time sa f*******:, paglog-out nila, sila na. Kaya, I decided na tayo na, kung okey lang sa'yo? Kung tatanggapin moa ng proposal ko sa’yo. Ikaw pa rin kasi ang magde-decide. Ikaw ang babae e. Kung ayaw mo pa, wala naman akong magagawa kundi ang maghintay."
"Tinatanong mo kung okey lang sa akin? Tang-ina! Choosy pa ba ako?" natigilan ako.
Papalpak pa yata ako. Nakakainis naman. May nahalong salitang baka di niya gusto. Nagbago ang kaniyang facial expression kaya ako muling bumalik sa aking katinuan.
"Sorry! Sobrang saya ko lang at hindi ko napigilan ang aking sarili," pambawi ko.
Umiling-iling siya.
"Pero alam mo, mahal na nga talaga yata kita Den kahit bago tayo nagkainuman. Mahirap man sa'yong paniwalaan 'yun pero nang magkita tayo sa library hindi na kita nakalimutan tapos 'eto na, tayo na? Hindi ko maitago ang sobrang saya ko ngayon." Hinawakan ko ang kamay niya. Nanginginig pa ako. Gusto ko siyang yakapin at halikan ngunit nagmamaneho pa ako.
Itinigil ko ang sasakyan. Narating na namin ang lugar kung saan ko siya sinundo. Hindi muna siya bumaba agad.
"Gusto kita, Julia. Pero alam kong sa mga susunod na araw, masabi ko din sa'yo na mahal kita." Tumingin siya sa akin. Nakatitig sa aking mga mata.
Oh My! Heto na naman siya. Hahalikan na kaya niya ako kahit may mga tao sa labas? Lumapit ang mukha niya sa mukha ko. Ito na nga. Hindi kaya niya ako ikahihiya? Unang halik na naging official na kami sa loob ng kotse at may mga tao sa labas. Nang halos magbunggo na ang aming mukha ay pumikit na ako. Bahagyang inginuso ang labi ko. Naghihintay sa magical kiss namin. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib.
"Meron ka ba?" pabulong.
"Ha? Meron? Ano yung meron?" Binuksan ko ang mga mata ko. Tumabi ang mukha niya sa mukha ko. Nasa tainga ko ang bibig niya at may ibinubulong. Anong meron? Pa'no naman ako magkakameron e nang isang Linggo lang naman ako dinatnan.
"Sabi ko, may pera ka ba riyan?”
“Bakit?” nagtataka kong tanong.
“May bibilhin ako mamayang hapon sa Mall e, alam ko saktong allowance ko lang ang ibibigay ni Papa. Sabi mo kasi pupunta ka ng Canada kaya baka puwedeng mag-iwan ka ng... alam mo na 'yun, mahal ko."
Natameme ako. Nahiya pang sabihin? Sa lagay na 'yun hiyang-hiya pa siyang banggitin iyon. Pera lang pala. Akala ko halik. Nakakainis. Ginagawa akong sugar mommy, para akong bakla na nagbabayad ng lalaki!