“You are not answering my calls. Ano na bang nangyayari sa’yo?” Ang galit na si Daniel ang nagpagising sa akin sa tanghaling iyon.
Namilog agad ang aking mga mata nang mapagtantong masyadong napahaba ang aking tulog at halos hindi ko na namalayang tanghali na pala lalo na’t ang tagal ko ring natulog kagabi dahil sa pakikipag-usap kay Indira at pagsusulat.
“Lagi mo nalang talagang inuuna ‘yang lintik na pagsusulat mo!” bulyaw niya sa kabilang linya bago pa man ako makahinga ng tawag.
Bumuntong ako ng hininga at nasapo ang noo. Kulang ako lagi ng tulog kaya gusto kong bumawi paminsan minsan. Sana kahit kaonti man lang ay magbigay siya ng konsiderasyon lalo na’t alam niya namang trabaho ko rin ang pagsusulat. Dito ako kumikita. Ito na ang nagpapabuhay sa akin, at nagtutustos sa mga gastusin namin lalong lalo na sa kanyang condo.
Gusto ko man iyong sabihin ngunit pakiramdam ko ay mas lalo lamang siyang magalit.
“Pasensya na. Tumawag kasi si Indira kagabi at napasarap—“
“See? You got more time with your friends than with your boyfriend! Ano ba, Celeste? Are you taking our relationship as a damn joke?!” putol niya sa mas galit na tono.
Akala ko pag hindi tungkol sa pagsusulat ay medyo huhupa ang kanyang galit ngunit mas sumiklab lang ito lalo. Kinagat ko ang aking labi at pinigilan ang sariling maiyak sa ganoon ka babaw na rason. I was at fault and I should stop being dramatic. Ngunit hindi ko talaga mapigilan kung bakit ganito siya lagi sa akin. Para na lamang akong batang paslit sa kanya na nakakaya niyang sigaw sigawan.
“Babawi naman ako pag natapos ko na ‘to—“
“Tss. Nakakawalang gana ka. Palagi mo nalang talagang pinapainit ang ulo ko. Stress na nga sa trabaho, dadagdag ka pa. Ano nalang ang silbi mo sa relasyong ‘to? Ang bigyan ako ng sakit sa ulo?” he said bitterly.
It was a big blow. Doon na nagsimulang umagos ang aking mga luha. Kinagat ko ang labi para walang tumakas na hikbi lalo na’t ayaw ko ring masabihang nag-iinarte o nagpapaawa lalo na’t kasalanan ko naman. But isn’t it too much? Sapat na ba iyon para pagsalitaan ako ng masama?
“Fix this damn problem, Celeste.” Saka niya binaba ang tawag.
Nanginig ako at natakpan ang mukha habang humahagulhol. My chest hurts so much. Pakiramdam ko ay pinipiga iyon at sumisikip. How can he say cruel words so easily like I am not his girlfriend? Hindi niya ba talaga naiisip na ang sakit sakit niyang magsalita? I just need a damn sleep! Iyon lang naman sana! Kaya ko namang punan ang pagkukulang ko sa tamang panahon! Kaya ko namang maglaan ng oras para makabawi man lang ako sa kanya!
Hindi naman sana siya ganito... Kahit hindi siya interesado sa pagsusulat ko noon ay hindi naman ganito kagrabe ang kanyang galit at naiintindihan niya naman kahit papaano. Pero ewan ko ba kung bakit sa mga nagdaang araw ay parang mainit na lagi ang kanyang ulo sa akin.
Is it because I’m busy? Dahil ba nararamdaman niyang mas inuuna ko pa ang pagsusulat kaysa sa aming dalawa? Dahil ba wala na akong gaanong oras sa kanya? Pero hindi naman ito basta basta laro lamang! Paghahanda ito para sa aming future dahil ayokong iasa rin sa kanya ang lahat balang araw. Gusto kong hindi lamang siya ang may trabaho. Gusto kong may naibibigay rin akong tulong.
Ngunit bakit hindi niya iyon nakikita? Bakit pakiramdam niya ay winawaldas ko lamang ang aking oras sa walang kabuluhang bagay kaya ganoon na lamang ang kanyang galit?
Pinalis ko ang luha at sinikap na magsulat na lamang. Ilang sigundo kong tinitigan ang laptop. Minsan ay nak-kwestyon ko na tuloy kung tama pa bang ipagpatuloy ang isang bagay na nagpapadalas ng aming away. Tama pa bang magsulat ako? But I can’t just give this up. Mahal ko ang pagsusulat at dito ako mas motivated kaysa sa ibang trabaho.
Kung isinuko ko ito, sigurado akong matutuwa si Daniel. Pwede naman akong maghanap ng trabaho. Pwede akong mamasukan sa mga opisinang gusto niya. But the problem here, I don’t love those kind of work. It will just frustrate me. Baka sa huli, ako lamang ang maipit at mahirapan. Sa huli, pagsisisihan ko lamang iyon kung ba’t pa ako pumasok sa ganoong trabaho.
I sighed and pinched my throbbing head. Kung kaya niya lang talagang mahalin ang aking pagsusulat at mas unaawin ang aking sitwasyon ay hindi siguro ganito kahirap. Baka ay nakakapagsulat pa ako ng maayos at ganadong naikukwento sa kanya ang aking mga nobela.
“The vampire and the princess, huh?” Biglang kinuha ni Vincent ang nobelang binabasa ko sa kanilang hardin.
Namilog ang aking mga mata at mabilis na napatayo para agawin iyon sa kanya.
“Akin na nga ‘yan! Hindi naman ‘yan sa’yo!” I tried to reach it ngunit mas desidido siyang ilayo iyon sa akin habang binabasa na ang pahinang binabasa ko.
Simula noong bumalik ako ulit dito ay nagsunod sunod na ang pangyayaya ni Dira at halos napapadalas na rin ako sa kanilang bahay. Naglalaro kami ng kahit ano. Minsan ay sa loob lamang kami ng kanyang kuwarto ngunit sa tuwing tanghali ay madalas na kami sa hardin lalo na’t presko rin ang hangin.
Hindi naman sumasali sa amin si Vincent, ang kanyang Kuya, ngunit sa tuwing nakikita niya akong may pinagkakaabalahan ay talagang palagi niya akong inaasar at kinukulit. Nasisigawan ko na siya minsan o di kaya ay napipikon na ako ngunit ngingisi lamang siya at mas gaganahan sa ginagawa.
“Kuya! Ibalik mo nga ‘yan kay Cee!” inis na sigaw ni Dira nang madatnan kaming inaabot ko sa kanyang kapatid ang librong ayaw pa rin ibigay ni Vincent.
Nagpaalam pa akong kunin ito sa book shelf ni Indira lalo na’t marami siyang librong nakalagay roon. Medyo nakuryoso ako kaya gusto kong basahin ang unang nadampot na libro kanina. Kaso itong si Vincent ay talagang mahilig mangbwesit!
“And the vampire started sucking my blood...” basa niya kaya namula ako, lalo na’t iyon na ang parte na nagugustuhan na sana siya ng Prinsesa. Kapana-panabik na ang eksena ngunit napuputol ang aking excitement dahil kay Vincent.
“Nakakainis ka,” inis kong sabi kaya tiningnan niya ako.
Inilapag ni Dira sa lamesa ang box ng snake and ladder na balak naming laruin lalo na’t iyon din ang dahilan kaya siya pumasok muli. Padabog akong bumalik sa pagkakaupo habang sinasamaan niya naman ng tingin ang kapatid.
“Ano ka ba Kuya...” si Dira na nakasimangot na.
Humalukipkip ako sa aking upuan. Inukupa naman ni Vincent ang katabing upuan at nagawa pang iusog malapit sa akin. Inilahad niya sa akin ang libro ngunit hindi ko na iyon tinanggap sa sobrang pikon.
“Kaya ang sarap mong tuksuhin eh,” aniya habang ngumingisi.
Hindi ako kumibo. Si Dira naman ay binubuksan na ang box at inilabas ang snake and ladder.
Inilagay ni Vincent sa aking harapan ang libro nang hindi ko talaga iyon tinanggap. Humilig siya sa gilid ng aking inuupuan kaya kitang kita ko sa gilid ng aking mga mata ang kanyang mukha.
“Are you planning to be an author someday?” bigla niyang tanong na kumuha ng aking pansin ngunit hindi ako umimik.
“You are so imaginative. Baka magamit mo ang malawak mong isipan at makagawa ka ng katulad nang binabasa mo.” Sabay tingin sa libro.
Huh? Wala naman iyon sa aking isipan. Medyo nakahiligan ko lang talagang basahin lalo na’t nakukuryoso ako ngunit hindi naman sumagi sa aking isip ang magsulat.
Inilapit niya ang sarili sa akin at may binulong sa aking tainga.
“Pwede mo akong gawing bida at isulat doon kung paano mo ako pinagbintangang bampira... For sure it’s gonna be a bestselling book,” aniya kaya namula ako nang maalala na naman ang pilit kong kinakalimutan.
Kunot-noong napapatingin sa amin si Dira ngunit napupunta rin ang atensyon sa ginagawa. Mabilis kong itinulak palayo si Vincent lalo na’t alam kong pinagt-tripan niya lamang ako.
“Tigilan mo nga ako. Hindi ako marunong magsulat at imposible ‘yan,” giit ko sa matigas na boses.
Nagkibit siya. “You never know. You’re good at imagining things so there’s a big possibility you’ll turn into a great writer someday.”
Umirap ako sa kanyang kalokohang naiisip. Wala talaga siyang hilig kundi ang asarin ako. Eh halatang hindi ko naman maaabot ang ganyang level ng mga manunulat. Imposible ring magkaroon ako ng sariling libro eh hindi ko naman ‘yan hilig. At isa pa, ano namang alam ko riyan sa pagsusulat?
“Ayoko nga. Gusto mo lang akong gamitin para maging bida ka sa libro eh,” sabi ko na ikinahagalpak niya ng tawa.
“See? You’re so imaginative you already predicted my plan!”
Sinamaan ko siya ng tingin dahil basang basa ko talaga ang kanyang mga kilos. Simula noong madalas na ako rito ay hindi naman siya madaling kabisaduhin. Sa araw araw ba namang pambubwesit na ginagawa niya at sa araw araw na nagkikita kaming dalawa ay halos maumaw na ako sa kanyang mukha, sa kanyang pang-aasar at sa kanyang imahe. Lagi na lamang akong nauuwi sa pagkakairita sa kanya. Lagi nalang akong nanggigigil sa kanya. Minsan ang sarap niya nalang batuhin para matigil na siya.
Hindi ko sineryoso ang pinagsasabi ni Vincent lalo na’t alam ko namang pinagt-tripan niya lang talaga ako. Nagsimula naman kaming maglaro ni Dira ng snake and ladder at himalang nakisali pa ito. May punishment kami sa matatalo kaya sinisikap kong manalo at doon man lang gumanti sa kanya.
Ngunit mukhang mailap ata sa akin ang tadhana ngayon...
“Mukhang lapitin ka sa ahas ah?” asar ni Vincent nang muli akong napunta sa ibaba at kinain ng malaking ahas.
“Kaya mo ‘yan, Cee! We’ll beat Kuya and punish him!” si Dira na chini-cheer up ako lalo na’t ako na ang nahuhuli.
Ngunit siguro nga ay hindi ko talaga iyon araw dahil sa huli, ako itong nakatanggap ng parusa. Madali lang naman ang utos ni Dira at gusto niya lamang halikan ko siya sa pisngi ngunit itong si Vincent ang talagang papapasukin na ata ako sa butas ng karayom.
“I want a whole paper of your written story. Gusto kong ako ang bida roon,” he ordered like a mighty king.
Ganoon na lamang ang pamimilog ng aking mga mata. Ano ‘to, essay? Summer nga at nagpapasalamat ako na wala ng pasok dahil wala ng kailangang gawin tapos bibigyan niya ako ng ganito? Ano bang tingin niya sa’kin? Marunong magsulat? Ni wala akong experience sa ganoon!
“Ang hirap naman n’yan, Kuya! Hindi ‘yan kaya ni Cee! Maawa ka naman sa kanya! You always bully her!” si Dira na mukhang nababasa na ang nakasulat sa aking ekspresyon.
Hindi man lang natibag si Vincent. Talagang malakas ang kanyang loob na ipagawa sa akin ang ganoon.
“We’ll never know unless she didn’t try it. At isa pa, malakas ‘yang mag-imagine. Kahit nga gising ‘yan ay mukhang nananaginip pa rin,” tukso niya at ngumisi ng makahulugan.
Sinamaan ko agad siya ng tingin. Hanggang ngayon ay wala pa ring ideya si Dira sa pang-aakusa ko ng bampira sa kanyang kapatid, na ako iyong tagabaryong tinutukoy niya at ako iyong masamang bata. Hindi ko alam kung bakit hindi niya iyon sinasabi sa kanya hanggang ngayon ngunit baka ginagamit niya rin iyong alas laban sa akin pagdating ng araw.
“Kung hindi ko ‘yon gagawin ay ano namang mangyayari?” tanong ko.
“Then I’ll find a way to punish you.”
Huh? Baka kung ano na iyang tumatakbo sa isipan niya! Baka sasabihin niya na kay Dira ang totoo!
Edi sige! Hindi ko aatrasan itong parusang ibibigay niya! Dito ako babawi at kakawawain ko siya sa aking isusulat! Gagawin ko siyang tunay na halimaw roon! Magiging beast siya na kakakatakutan ng lahat!
“Magsusulat ako mamayang gabi!” matapang kong sigaw na ikinangisi niya lalo.
“Seryoso ka, Cee?” si Dira na nag-aalala.
Tumango ako, desidido na rin. Ipapamukha ko kay Vincent na halimaw siya roon! Sigurado akong magsisisi siya na pinasulat niya ako dahil hindi niya magugustuhan ang gagawin ko sa kanya! I’ll turn him into a a monster, a beast!
“I’ll expect that tomorrow...” aniya.