Tinitigan ko ang buong blangkong papel na susulatan ko ng kwento para kay Vincent. Gagawin ko siyang tunay na bampira at magiging tragic ang buhay niya nang makaganti naman ako!
Ngumingiti na ako habang nagsisimulang magsulat at sinimulan iyon sa unang ingkwentro nila ng babae. Gumagalaw galaw ang aking mga paa habang sunod sunod ang aking sulat at idinidetalye sa bawat salita ang tumatakbo sa aking isipan.
Nagtuloy tuloy iyon hanggang sa hindi ko na namalayang nangangalahati na pala ang aking sulat. Tumigil ako nang mapagtantong ang dami ko agad nasulat. Marunong pala ako! Mapupuno ko ang papel na ito at maipapamukha ko kay Vincent kung gaano siya kaaawa awa rito!
Ganado ko iyong tinapos hanggang sa nagamit ko rin ang likod noon lalo na’t masyado pang maraming ideya ang naglalaro sa aking isipan at hindi ko na rin mapigilang magsulat.
Tama si Vincent... Kung hindi ko susubukan ay hindi ko talaga malalaman kung marunong ba ako o hindi. Ginamit ko lang ang aking imahinasyon lalo na’t maraming tumatakbo sa aking isip at ginamit iyon bilang tinta upang may maisulat.
“Ano ‘yan, Celeste?” tanong ni Mama nang makauwi na at may dalang supot.
Hinawakan ko ang kanyang kamay para magmano. Inilapag niya naman ang supot sa lamesa at ngumiti sa akin.
“May ginagawa po akong kuwento. Kumusta po ang trabaho, Mama?” tanong ko at sinisilip ang laman ng kanyang dala.
Nakita ko ang isang ulam at tinapay. Kumuha ako ng isa habang si Mama naman ay nagkainteres na basahin ang aking sulat. Nang namalayan ko iyon ay mabilis ko iyong kinuha.
“Vincent? Hindi ba at iyan ‘yung kuya ng kaibigan mong si Indira?” lito niyang tanong.
“Ah... eh...” Itinago ko iyon sa aking likuran habang nag-iiwas ng tingin.
“Celeste... Ano na naman bang kalokohan iyang ginagawa mo?”
“Parusa ko po ito, Mama!” sabi ko nang muli ko siyang tingnan. “Naglaro kasi kami ng snake and ladder at natalo ako kaya inutusan ako ni Kuya Vincent na magsulat ng nobela na siya ang bida!”
Medyo kumalma ang kanyang ekspresyon.
“Ah ganoon ba? Pabasa nga ako at mukhang magaling ka...” Inilahad niya sa akin ang kanyang kamay.
Mabilis akong umiling lalo na’t hindi niya magugustuhan ang ending nito. Tragic pa naman ang aking pagkakasulat at siniguradong hindi ko bibigyan ng happy ending si Vincent para makaganti sa kanya.
“Huwag na, Mama! Nakakahiya! Unang subok ko lang naman ito. Hindi pa ako masyadong marunong...” sabi ko.
Humalukipkip si Mama ngunit kalaunan ay bumuntong din naman ng hininga at sumuko na. Sinimulan niyang ilagay sa plato ang dinalang pagkain at inihanda ang mesa para makakain na kami bilang tanghalian.
Nagsimula kaming kumain ni Mama habang nagkukwento siya sa kanyang araw.
“Nag-iipon ako lalo na’t magh-hayskul kana sa susunod na pasukan. Mag-aral ka ng mabuti, Celeste. Ang gusto ko ay sa syudad ka makapag-aral ng kolehiyo,” aniya habang sumusubo.
“Sa syudad? Sa pinagt-trabahuan ni Papa, Mama?” tanong ko.
Medyo natigilan siya ngunit nang makabawi ay ngumiti rin naman at tumango. Naging malawak ang aking ngisi. Ibig sabihin ba noon ay madalas ko nang makikita si Papa?!
“Sige po, Mama!”
Ngumiti siya at iniwas ang tingin habang tahimik ng sumusubo. Hindi iyon nawala sa aking isipan hanggang matulog ako. Noong gumising ay doon lamang nabura nang maalalang ibibigay ko na ang gawa kong kwento kay Vincent.
“Talaga? Nagawa mo talagang magsulat?!” gulantang na sabi ni Dira nang ipakita ko sa kanya ang buong papel na natapos ko kagabi.
Nasa loob kami ng kanyang kuwarto habang suot ko ang bigay niyang bestida sa akin na kulay puti at puff sleeve pa. Sa bawat galaw ko ay natatangay iyon lalo na’t flowy rin ang ibaba na lagpas tuhod. Bagay raw kasi sa akin ang puting damit kaya nahihilig siyang bigyan ako ng mga ganitong kulay at uri ng dress.
Tumango ako. “Tragic ito, Dira! Gusto kong gumanti sa kapatid mo kaya hindi ko siya binigyan ng happy ending!” mayabang kong sabi.
Humagikhik si Dira at inilahad ang kanyang palad sa akin.
“Pabasa nga ako...”
Ibinigay ko iyon sa kanya. Umayos naman siya ng upo suot ang kanyang pajamas lalo na’t hindi pa ito nakakaligo. Maaga kasi akong pumunta para maipakita agad sa kanya ang aking gawa at nalaman kong tulog pa si Vincent kaya itatago ko muna.
Humagikhik si Dira habang nagbabasa.
“Ang pangit naman ng pagkakadescribe mo kay Kuya rito. Halimaw talaga ang kanyang dating!” Tumawa siya.
Malawak ang aking ngisi lalo na’t sigurado akong hindi maipinta ang mukha ni Vincent habang binabasa ang aking gawa. Baka nga ay bumusangot pa siya at magsisi na pinarusahan niya ako at sa inis ay pagpipira-pirasuhin niya ang aking gawa.
Habang nasa kalagitnaan na siya ay nakita ko ang pagiging seryoso ni Dira. Nagkakasalubong ang kanyang kilay at parang hindi na nadidisturbo dahil talagang tutok na tutok siya roon.
Habang nagbabasa siya ay inabala ko naman ang aking sarili para lapitan ang kanyang book shelf at muling pumili ng librong babasahin. Maraming fantasy na libro si Dira kaya iyon ang aking pinagkainteresang basahin. Pinili ko iyong Beauty and the Beast.
Binuklat ko iyon at nakita ang isang halimaw na lalake. Marahil ay siya ang bida lalo na’t siya rin ang kausap noong magandang babae na may pangalang Belle. Binuklat ko pa iyon at nakita ang iilang larawan ng mga nagsasalitang tasa at lampara. Kung hindi lang tumili si Dira ay hindi mapuputol ang aking binabasa.
“Ang ganda, Cee!” tumitili niyang sabi at nagawa pa akong lapitan para yugyugin.
“Ang ganda ganda nito kahit hindi happy ending!” gulantang niyang sabi.
“Huh? Talaga?” lito kong tanong.
Marahas siyang tumango. “Yes! You should keep on writing! I think Kuya is right about you! You’re good at it!” pahayag niya na medyo ikinatigil ko.
Sanay ako lagi na inaasar lamang ako ni Vincent kaya ngayon na naririnig ko kay Indira na sang-ayon siya sa sinasabi ng kanyang kapatid ay medyo napapaisip ako.
“Magsulat ka pa ng marami! Ang ganda ng pagkakasulat mo!” dagdag niya pa.
“Sige... Susubukan ko,” sabi ko at ngumisi.
Nagtitili siyang muli at hindi makapaniwala sa nadiskubri sa akin. Tumawa ako lalo na’t siya pa itong sobrang excited sa aming dalawa.
Kaya habang naliligo ay nagtungo ako sa ibaba para uminom ng malamig na tubig. Saktong pagdating ko sa kanilang kusina ay naroon si Vincent, bagong gising at topless habang binubuksan ang ref at kinakamot ang kanyang tiyan.
Magulo ang kanyang buhok at naniningkit ang mga mata noong mapansin niya ako. Kinuha niya ang isang bottled water at binuksan iyon para uminom.
Hinintay ko muna siyang matapos at makaalis ito sa ref dahil baka pagtripan niya na naman ako. Pagkatapos niyang uminom ay inilahad niya sa akin ang kalahati noon.
Huh? Paano niya nalamang iyon ang aking sadya. Kinuha ko na lamang iyon lalo na’t bukas na rin naman. Humalukipkip siya sa may pinto ng ref nang isinara niya iyong muli.
“Where’s your punishment?” tanong niya sa paos na boses.
Inubos ko ang tubig at muli iyong nilagyan ng tubig para maibalik sa loob ng ref.
“Nasa kuwarto ni Dira. Tragic ‘yon!” pagmamayabang ko sa kanya at ngumisi.
“I don’t care. Akin na. Babasahin ko na.” Sabay lahad sa akin ng kanyang palad.
Umismid ako at pinatay ang gripo nang umapaw palabas ang tubig. Isinara ako ang bottled water at muling nagtungo sa kanyang gawi. Iyon ang ibinigay ko sa kanya lalo na’t hindi ko rin mabubuksan ang ref dahil sinasandalan niya ang pinto.
“Nasa itaas nga. Ibibigay ko nalang mamaya,” sabi ko.
Kinuha niya ang bottled water at ibinalik sa loob ng ref. Isinara niya iyong muli at tumingin sa akin.
“I want it now.” Utos niya.
Umismid ako. Bakit ba siya excited eh alam ko namang hindi niya iyon magugustuhan dahil masyadong pangit ang kanyang ugali at pagkaka describe ko sa kanya roon. Baka mamatay rin ang kanyang excitement sa oras na sinimulan niya na iyong basahin.
“Oo na!” Umismid ako at tumalikod. Ang sungit niya talaga minsan! May mga araw na hindi ko siya ma gets dahil ang seryoso niya.
Nagtungo akong muli sa loob ng kuwarto at nadatnang kinukusot na ni Dira ang kanyang buhok. Kinuha ko ang papel sa table para ibigay na iyon kay Vincent.
“Sigurado akong magugustuhan ‘yan ni Kuya.” Ngumisi si Dira.
“Huh? Baka nga magalit pa ‘yon.” Natatawa kong sabi.
Mas lumawak lamang ang kanyang ngisi. Hindi ko ma gets kung para saan iyon kaya bumaba na lamang akong muli at noong matanaw siya sa ibaba na naghihintay ay dahan dahan na ang aking paghakbang.
Bigla akong kinabahan nang mapagtantong ipapabasa ko ito sa kanya. Paano kung magalit nga siya? O kung hindi niya magustuhan? Paano kung inaasar lang ako ni Dira na maganda ang aking pagkakasulat ngunit pag nabasa na iyon ni Vincent ay iba pala ang kanyang reaksyon?
Bigla akong nagdalawang isip at tumigil sa paglalakad. Nakita ni Vincent ang aking pagkatigil. Nagkasalubong ang kanyang kilay at mukhang nawawalan na ng timpi habang naghihintay.
Ngumuso ako at bumalik ang hakbang sa itaas. Nilukot ko agad ang papel sa aking kamay na nakatago sa likuran at gusto na lamang tumakbo pabalik. Nang makita niya ang aking pagtalikod at akmang pagtakbo ay mabilis na siyang tumakbo para habulin ang aking pag-akyat.
Tumili ako nang madatnan niya ako sa ilang baitang at mabilis na hinuli ang aking kamay.
“A-Ano ba! Akin na ‘yan!” sigaw ko nang wala niya iyong kahirap hirap na nakuha sa aking kamay.
“Why did you crumpled it? Tsss...” Iritado niya iyong binuklat ulit.
“Eh nagbago na ang isip ko! Pangit naman ‘yan!” giit ko.
“Not until I read it,” aniya at bumaba na habang dala iyon.
Talagang desidido siyang mabasa iyon lalo na’t masyado niya ring seryosong tiningnan ang papel
habang may kakaiba sa kanyang mga mata.
Sumimangot ako at pinanood siyang bumababa na ng tuluyan. Tumalon siya sa likod ng sofa at hinayaang mahulog ang sarili paupo roon. Sinimulan niya iyong basahin kaya imbes na bawiin ay bumalik na lamang ako sa kuwarto ni Dira.
“Naibigay mo na kay Kuya?” tanong niya habang nakaupo sa harap ng salamin at bihis na bihis na. Sinusuklay niya na lamang ang kanyang buhok.
Tumango ako habang nakakaramdam ng kaba. Ewan ko ba. Ngayon ko lang naisip na bigdeal sa akin ang magiging reaksyon ni Vincent. Eh sinulat ko iyon para sa kanya at alam ko namang sinadya kong maging pangit siya roon kaso iniisip ko pa lang na binabasa niya iyon ay may nabubuhay agad na kaba sa akin.
“Magugulat din ‘yon for sure!” hula niya.
“Maganda ba talaga?” tanong ko, medyo may pagdududa na.
Marahas na naman siyang tumango at nakikita sa mukha ang pagkakabilib sa akin.
“Sobra, Cee! You’re actually good at it! Akala ko nga nangt-trip lang si Kuya sa’yo but when I read your work then I realized he’s right! Ang vivid ng sulat mo! Parang naiimagine ko talaga at parang totoo ang bawat eksena. Iyon nga lang fantasy siya lalo na’t vampire si Kuya but overall it’s really good and satisfying to read!”
Namula ako sa compliment ni Dira. Pakiramdam ko tuloy ay magugustuhan din iyon ni Vincent katulad ng reaksyon ni Dira ngunit ayokong mabig kaya hindi ko na lamang masyadong inisip. Ako naman ang kanyang inayusan kaya medyo nawala sa aking isipan ang ginawa kong nobela. Noong bumaba kami ay nadatnan namin si Vincent sa sofa, seryoso pa ring nagbabasa roon.
Huh? Hindi niya pa rin tapos? Kanina pa siya riyan ah?
“Hello Kuya!” bati ni Dira nang makababa kami.
Lumingon agad si Vincent sa akin. Kinabahan ako bigla lalo na’t base sa kanyang seryosong ekspresyon ay parang may pangit siyang nabasa. Imbes gusto ko siyang asarin at pagtawanan dahil alam kong halos dungisan ko siya sa aking ginawang story, mas nauuna pa ang kaba sa akin.
“A-Ang pangit mo ‘no!” Sinikap kong magtunog maayos kahit ang totoo ay kumakalabog na ang aking dibdib sa nerbyos.
Binasa niya ang labi at muling ibinalik ang tingin sa papel.
“I want another part...”