"Kuya, this is my friend Celeste. She saved Carrie and hurt herself. Please treat her scratch," si Indira nang huminto kami sa harap ng kanyang kapatid na hindi ko man lang matingnan sa mga mata.
Hiyang hiya ako sa totoo lang. Hindi ko iniisip na dadalhin din pala ako ng tadhana sa kanya. Iniiwasan ko na nga, ngayon ay nasa harapan niya na ako. Parang kahit iwasan ko man siya ay magkikita pa rin kaming dalawa.
Ito ba ang parusa ni Lord sa akin? Dahil inaway ko siya? Kaya gusto niyang lamunin ako sa kahihiyan at manliit? Gusto niya bang mabura ang aking mukha at hilingin na lamang na sana ay bumuka ang lupa at lamunin siya?
"Let me see the scratch..." marahang sabi ng lalake habang nasa akin na ang atensyon.
Kumurap ako at natatarantang ipinakita ang aking siko.
"M-Maliit lang naman... Malayo 'to sa bituka," matapang kong sabi kahit hirap na siyang tingnan sa mga mata.
"Sit here," he ordered and tap the space beside him.
Kinabahan agad ako. Nilingon ko si Indira na tumatango habang marahang tinutulak ang aking likod para lang gumalaw ako at makaalis sa aking kinatatayuan.
Nagsimula akong maglakad at nagtungo sa kanyang gawi. Umupo ako habang may natitirang espasyo sa amin. Hinawakan niya ang aking siko para mas makita ng maigi ang aking sugat. Ito ang unang beses na sobra niyang lapit sa akin kaya mas lalo tuloy akong kinabahan.
Itinuon ko ang tingin sa medicine kit na nasa paanan niya lamang lalo na't chinicheck niya ng maigi iyon.
"Let's clean it with a running water first..." Tumayo siya habang pinapatayo rin ako.
Napatayo ako ng wala sa oras lalo na't hawak niya pa rin ang aking braso. Nagsimula siyang maglakad at hinihila ako patungo sa may kusina. Nilingon ko si Indira na hindi sumunod kaya medyo kinabahan ako.
"H-Huwag mo nalang gamutin..." sabi ko at pilit binabawi ang aking kamay lalo na't nakikita ko na ang mga kutsilyo na nakadisplay sa kanilang sink.
"Kung hindi natin 'yan gagamutin ay ma-iinfect 'yan," sabi niya at tuluyan akong dinala sa lababo.
Kinuha niya ang kanilang gripo at nagulat ako na natatanggal ang ulo noon. Iniangat niya ang aking siko saka maingat na itinapat doon ang tubig. Kumuha rin siya ng sabon para lagyan iyon at muling itinapat iyong gripo.
Grabe talaga itong mayayaman. Pati gripo nila ay natatanggal. Eh amin pag natanggal talagang magiging fountain na at mapapagalitan agad ako ni Mama dahil mahirap iyong ayusin at kailangan pang itali.
Nilingon ko si Indira. Nagsisimula na siyang kumain doon habang kausap si Carrie na humiga sa kanyang kandungan. Ibinalik ko ang tingin sa kanyang Kuya na seryosong abala sa ginagawang paglilinis ng aking sugat.
"H-Hindi mo ba sasabihin kay Indira na ako 'yung batang..." Mabilis kong kinagat ang labi lalo na't alam kong malalaman din naman iyon ni Indira.
"Why?" tanong niya.
"S-S'yempre para ma hate niya ako. Eh gano'n naman ang gusto mo 'di ba? Galit ka sa mga batang taga baryo dahil masasama ang ugali. Galit ka sa'kin..."
Pinatay niya ang gripo at ibinalik sa iyon sa lalagyan.
"Matatawa lamang 'yan kahit malaman niya. At isa pa, sinabihan na kitang bumalik dito ngunit hindi ka bumalik ng ilang araw." Inilapit niya ang mukha niya sa akin. "Were you guilty?" Sabay ngisi.
Namilog ang aking mga mata at mabilis na umatras. Muli siyang tumayo ng tuwid at sumeryoso ang ekspresyon.
"H-Hindi ako guilty, ah! Busy lang ako. Naglalaro kami lagi nila Rina kaya nawala sa isip ko ang pumunta rito!" giit ko.
Umangat ang kanyang kilay at kumuha ng malinis na towel. Muli niyang hinawakan ang aking braso at hinila na ako pabalik.
Kahit na ang totoo talaga ay iniiwasan kong pumunta rito ay hindi ko iyon aaminin sa kanya. At isa pa, nakakatakot din namang kasing bumalik! Baka magulat nalang ako isang apak ko lang sa loob ng kanilang bahay ay umangat na agad ako sa ere dahil sa bitag na hinanda niya.
Bumalik kami muli sa sofa. Mabilis na tumayo si Indira at lumundag pa si Carrie paalis sa kanyang kandungan habang hawak niya ang isang cookie at gusto kaming panoorin.
Umupo kaming muli sa sofa. Nagsimulang galawin ng kuya ni Indira ang medicine kit habang tahimik naman ako.
"Heto, Celeste. Kain ka muna..." Binigyan ako ni Indira ng isang pirasong cookie.
"Salamat." Ngumiti ako sa kanya nang tanggapin iyon.
Hinawakan muli ng kanyang Kuya ang aking siko at sinimulan nang gamutin. Medyo mahapdi iyong ointment na pinapahid niya ngunit sa ilang beses ko ng nasusugatan kakalaro ay hindi na iyon masakit sa akin. Ilang minuto niya iyong ginawa hanggang nilagyan niya rin ng bandage pagkatapos.
"Be careful next time," aniya nang ibinigay na sa katulong ang medicine kit.
Tumango ako. "S-Salamat..."
"Taga baryo si Celeste, Kuya. She climbed the tree just to help Carrie! See! Sabi mo masasama ang mga tagaroon! Eh mabait nga si Celeste!" si Indira na masama ang tingin sa kanyang kuya habang nakapamaywang.
"May iba lang talaga ang masama ang ugali, Dira. Like that kid who threw garlic at me because she's assuming that I'm a vampire..." Sabay lingon sa akin ng makahulugan at nagagawa pang ngumisi.
Para akong madidissolve sa kahihiyan lalo na't alam na alam ko na ako iyong tinutukoy niya. Eh kasalanan ko ba kung napagkamalan namin siyang ganoon lalo na't madalang namin silang makitang lumalabas? Gano'n pa naman ang vampires!
"Kaya nga, Kuya. She's so bad! But iba si Celeste sa mga batang 'yon! She's nice! Mga bad sila and she's not!" pagtatanggol sa akin ni Indira.
Hindi ko tuloy alam kung ngingiti o ano dahil alam ko namang ako ang tinutukoy nila.
Tumango ang kanyang Kuya at nagawa pang guluhin ang aking buhok.
"Well yes... Celeste's different... This little princess is nice..." Sabay pisil ng aking pisngi at ngiting inosente.
Hilaw ang aking ngiti kahit ang totoo ay gusto ko ng makipagsuntukan sa kanya lalo na't halata namang alam niyang ako ang tinutukoy ni Indira at ako ang batang tinutukoy niyang masama na taga Baryo. Bakit ba ayaw niyang sabihin kay Indira at pinapamukha pa sa akin na parang magkaiba kaming dalawa?
At anong little princess?! Talagang inaasar niya ako! Siguro ito ang kanyang parusa dahil tinapunan ko siya ng bawang! Gusto niya akong pagmukhaing katawa tawa sa kanyang kapatid at may iba na siyang binabalak para gantihan ako. Baka naman plano niya ito? Na sa umpisa lang siya magpapanggap ngunit pag naging malapit na kami ni Indira ay doon niya na ilalantad ang lahat lahat hanggang kamuhian ako ng kanyang kapatid at magalit ito sa akin?
Oo nga 'no?! Marahil ay iyon talaga ang kanyang binabalak! Strategy niya lang ito dahil gusto niya akong mapaniwalang mabait siya sa akin!
Kung ganoon man ang kanyang plano ay sisiguraduhin kong hinding hindi ako mahuhulog sa kanyang bitag!
"Babalik ka ulit dito, ha... Please? Maglalaro pa tayo bukas..." Hinawakan niya ang magkabila kong kamay noong magpasya na akong umuwi lalo na't matagal rin akong nawala at baka mag-alala na si Mama.
Tumango ako habang ngumingiti kahit hindi ako sigurado kung babalik pa ba ulit o hindi na.
"O sige! Makikipaglaro ako sa'yo ulit!" sabi ko.
Ngumiti siya. "See you tomorrow!"
"Sige..."
Iyon ang huli naming pagkikita sa mga sumunod na araw lalo na't hindi muna ako lumitaw roon. Nababahala ako at natatakot na baka ay malaman niya ang totoo at magalit din siya sa akin. Hindi ko na hihintayin na ipagtulakan niya ako.
"Ano nga bang nakain mo at pinagbintangan mo kaming mga aswang?" Tumawa ng husto si Dira habang nagbabalik tanaw kami sa aming kabataan.
Nahipo ko ang aking noo. "Eh s'yempre bata... At malawak ang imagination ko..."
"And you accused Kuya as a vampire!" Halos gumulong siya sa kama kakatawa.
Mariin akong pumikit kahit natatawa na rin. Hindi ako makapaniwang nagawa ko talagang gawin iyon noong kabataan ko. But thinking about it more, maraming nagbago dahil sa pangyayaring iyon. Hindi ako makapaniwalang iyon pa ang magiging daan para maging close kami ni Dira sa isa't isa. I was very persistent to stay away from her. I was persistent to never show myself again. Ngunit nakakagulat at ilang araw ang lumipas ay siya na mismo ang nagpakita sa akin sa baryo!
"Ayan si Celeste! 'Yang madungis na may kalarong tatlong babae! 'Yang buhaghag ang buhok ay si Celeste!" sigaw ng batang lalake habang tinuturo ako.
Sumimangot pa ako noong narinig ko iyon at lalo na't iyong bantot na si Jerry pa ang may ganang magsabi sa'kin! Eh isa rin naman siyang mabaho! Halos hindi nga nagsisipilyo kaya ang dilaw ng ngipin niya!
Itinuon ko ang babaeng naghahanap sa akin na kahit sina Rina ay nasa kanya na rin ang atensyon. Ganoon na lamang ang pamimilog ng aking mga mata nang makita kong si Indira iyon akay akay si Carrie at may kasamang katulong habang pinapayungan siya.
"Sino 'yan?" tanong ni Janna nang binitiwan ang pinaglalaruan naming mga d**o at ginagawang lutu-lutuan.
"Ang ganda ganda niya naman. Para siyang princess! Ang ganda ng dress niya..." si Rina na nagawa pang pahiran ang kanyang pawis sa noo.
"Hindi siya pamilyar. Taga ibang baryo ba 'yan? May mayaman ba roon? Eh 'di ba iyong may malaking bahay na mga aswang lamang ang mayaman dito?" si Ari naman habang naglalakad na papalapit sa amin si Indira.
Mabilis ko silang sinenyasang tumahimik lalo na't baka marinig sila nito at umiyak. Isa pa, ba't siya nagpapayong? Hindi naman gano'n ka sakit sa balat ang init ah? Kaya rin sila pinagdududahan dahil para silang vampire na allergic sa araw!
"Hindi kana bumalik sa bahay," ani Indira nang makalapit ng tuluyan.
Pumaibabaw agad ang kanyang pabango. Ang amoy araw naming apat ay natakpan ng mala bulaklak niyang amoy. Hindi lamang ako ang nakaamoy noon lalo na't pinagbubulungan na agad iyon nila Rina.
"E-Eh kasi..." Nagkamot ako ng ulo.
"Saan kayo nagkakilala, Celeste?" bulong ni Janna sa aking tabi.
"Sa kakahuyan," sagot ko pabalik.
Tiningnan sila ni Indira sa nakukuryusong paraan.
"Mga friends mo?" Ngumiti siya.
Tumango ako habang nahihiya na ang tatlo sa kanya. Naglahad agad siya ng kamay sa kanila.
"Ako pala si Indira. I am Celeste's friend... Nice to meet you!" masaya niyang sabi na ikinatigil ng tatlo at nagsitinginan pa.
Tiningnan ni Rina ang kanyang kamay at tiningnan ang sariling palad.
"M-Madumi ang kamay namin... Baka madumihan ka..." sabi niya.
Umiling agad si Indira at isa isang kinuha ang kanilang kamay para makipag shake hands. Kitang kita ko ang pagkamangha sa kanilang mga mata.
"Pag friends kayo ni Celeste, ibig sabihin ay mababait din kayo," sabay ngiti.
Tiningnan ako ng tatlo. Hilaw akong ngumiti at hindi alam kung paano aaminin na nakatira ito sa malaking bahay. Pag nalaman iyon ng tatlo ay sigurado akong magpapanic agad sila at matatakot. Baka magbago ang pananaw ni Indira sa amin at mapatunayan na tama nga ang kanyang Kuya, na masasama ang aming ugali.
Kaya ang ginawa ko ay niyaya ko si Indira paalis doon.
"Pumunta tayo sa bahay. Let's play..." aniya sabay hawak sa aking pulso.
"Indira ang baho ko pa at ang dungis. Maliligo na muna ako," sabi ko at gustong bawiin ang aking kamay sa kanya.
"Malapit lang ba ang house niyo rito? Sasamahan nalang kita and then I'll wait for you..."
"H-Huh?! Pangit ang bahay namin! Gawa lang sa kahoy! Napanood mo na ba 'yong Snow White and the Seven dwarfs? Naalala mo 'yong napadpad si Snow White sa maliit na bahay ng mga dwarfs? Gano'n ang bahay namin!" paliwanag ko.
Nagulat siya. Inaasahan kong sapat na iyon para magbago ang kanyang isipan ngunit humagikhik lamang siya.
"Edi cute! Tara!"
Huh? Grabe hindi ba siya nandidiri? Eh ganoon pa sana iyong mayayaman. Halos ayaw nilang pumunta sa mga lugar na ang pangit tingnan. Pero pansin ko kay Indira hindi siya maarte.
"Friends tayo kaya magiging madalas kana sa bahay namin at ganoon din ako sa inyo," aniya habang naglalakad na kaming dalawa.
Hindi ko alam na doon magsisimula ang friendship namin na tatagal ng ilang taon.