Ang plano kong pumunta sa malaking bahay ay hindi na natuloy lalo na’t pumayag din akong sumama sa babae habang akay akay niya ang kanyang pusa na si Carrie.
“Ngayon lang kita nakita rito,” sabi ko habang binabaybay namin ang kakahuyan palabas.
“Minsan lang ako lumalabas pag pinapasyal ko si Carrie,” paliwanag niya habang hinahaplos ang balahibo ng pusa.
“Taga baryo ka rin ba?” tanong ko, lalo na’t halos ang mga bata roon na kaedaran ko lamang ay namumukhaan ko naman at kilala ko pa ang iilan kahit na hindi ko kasundo.
Ngunit itong babae ay talagang hindi ko pa nakikita buong buhay ko. Baka naman bagong lipat sila?
“Baryo? Iyong sa may bayan?” tanong niya na ikinatango ko.
“Oo! ‘Yung medyo maingay!” kuwento ko.
“T-Tagaroon ka ba?” Medyo may dumaloy na takot sa kanyang mukha.
Tumango ako at ngumiti. “Oo... Matagal na kami roon. Doon din ako isinilang at lumaki,” sabi ko.
Namilog ang kanyang mga mata ngunit mabilis niya ring binawi ang tingin. Yumuko siya at nasa sahig na tumingin.
“Bawal kasi akong pumunta roon lalo na’t mga masama raw ang ugali ng ibang bata roon at baka anong gawin sa’kin...”
Nagulat ako. “Huh? Eh ano namang gagawin namin sa’yo? Masama ba ang ugali ko?”
Mabilis na umahon ang kanyang tingin at umiling.
“H-Hindi! Ang bait mo nga dahil tinulungan mo ako at nasugat ka pa para lang makuha si Carrie...”
“Gano’n din ang mga bata sa baryo. Mababait naman kami. Kung sino man ang nagsabi niyan ay baka siya talaga ang masama ang ugali,” giit ko.
“Si Kuya...” pag-amin niya sabay nguso.
Umismid ako. “Ang pangit naman ng ugali ng Kuya mo. Nambibintang.” Nailing iling ako.
Wala akong maalalang may mga masamang ugali sa aming baryo. O baka naman may nakaaaway ang kuya niya roon kaya ganoon ang tingin sa mga taga baryo na mga bata. Eh halos ang babait nga namin!
“May pumunta kasi na mga bata sa bahay namin at taga baryo sila. Inaway nila si Kuya kahit wala namang ginawang masama si Kuya...”
Mabilis na nasira ang aking ekspresyon. May mga ganoon palang bata?!
“Ang sasama ng mga iyon! Dapat sinuntok ng Kuya mo!”
“Hindi naman ganoon si Kuya... At isa pa, ang sabi niya ay kaedad ko lang daw...”
“Eh ilang taon na ba ang Kuya mo?”
“Katorse,” aniya.
“Edi tatlong taon lang pala ang agwat namin. Eleven ako eh...”
“Ako rin!” masaya niyang sambit sabay hagikhik.
Magka-edad nga lang talaga kami pero mas matangkad ako sa kanya ng kaonti.
“Hayaan mo... Ipapakilala kita para magbago ang isip niya sa mga taga baryo! Friends na tayo ha...” Sabay lahad ng kanyang kamay sa akin.
Ngumiti ako at tinanggap ang kanyang kamay para sa shake hands.
“Sige friends! Ako pala si Celeste...”
“Ako naman si Indira...”
Nangislap agad ang aking mga mata. “Ang unique naman ng pangalan mo!”
Humagikhik siya kaya humagikhik din ako. Doon lamang naputol ang aming pinag-uusapan nang matanaw namin ang malaking bahay. Medyo kumunot ang aking noo lalo na’t iyon lamang ang tanging bahay na naroon at walang ibang malapit. O baka naman nawawala siya lalo na’t imposibleng bahay nila ‘yan—
“‘Yan ang bahay namin,” aniya na ikinatigil ko sa paglalakad.
B-Bahay nila ‘yan? Diyan siya nakatira? Bigla kong naalala ang tinutukoy noong lalake na kanyang kapatid at kaedad ko lamang. Ibig sabihin Kuya niya iyon? At iyong nagsasabing masama ang mga bata sa baryo ay ang lalake?! H-Hindi kaya ay iyong tinutukoy niyang masasamang mga bata sa baryo ay ako?
Ngayon na napagtanto iyon, parang umurong ang aking planong sumama sa kanya lalo na’t sigurado akong sisiraan ako noong lalake at sasabihing ako iyong masamang bata! Paano na ‘yon? Ayoko namang mangyari ‘yon! At isa pa, humingi na ako ng tawad, ah! Sadyang napagkamalan lang talaga naming ganoon ang kanyang Kuya!
Sumimangot ako at hindi na alam ang gagawin. Siguro hindi na lang ako sasama sa kanya.
“Celeste. May problema ba? Tayo na...” Hinawakan niya ang aking pulso at hinihila na ako papunta sa malaking bahay.
“A-Ah... Ano... Masakit pala ang tiyan ko! P-Parang natatae ako! Uuwi nalang siguro muna ako!” pagsisinungaling ko para makawala.
“Sa bahay nalang. May cr naman sa kwarto ko,” alok niya.
Umiling agad ako. “Hindi na, Indira... Sa bahay nalang!” giit ko naman.
“Eh mas malapit na ‘yong bahay namin. ‘Tsaka bibigyan pa kita ng pamalit na damit. Halika na!” Mas nagpumilit siyang hilain ako, gustong gusto akong dalhin doon.
“Eh nakakahiya! B-Baka hindi ako magustuhan ng Kuya mo dahil taga baryo ako. Baka magalit siya at itaboy rin ako...”
“Hindi ‘no! Ikukwento ko naman sa kanya ang ginawa mo at may sugat ka rin kaya kailangan natin iyang ipagamot kay kuya dahil kung hindi baka ma infect ‘yan. At isa pa, mabait naman ‘yon sa’yo dahil alam niyang mabait ka.” Ngumiti siya sa akin at hindi pa rin binibitiwan ang aking pulso.
Bumuntong ako ng hininga at walang nagawa kundi sumama lalo na’t wala rin siyang balak na patakasin ako. Habang papalapit kami nang papalapit sa kanilang bahay ay mas lalo lamang lumalaki ang aking kaba at pakiramdam ko ay maiihaw ako ano mang oras.
Ano kaya ang magiging reaksyon ni Indira pag nalaman niyang ako ang batang iyon? Magagalit ba siya sa akin? Mandidiri? Kakasuklaman niya ba ako at magsisisi siyang nakipagkaibigan siya sa akin? Sigurado akong hindi niya na gugustuhing maging kaibigan ako.
Naging matamlay ako habang iniisip iyon. Akala ko pa naman ay may panibago na akong kaibigan. Iyon pala ay panandalian lang din.
Nagdoorbell siya sa kanilang bahay. Kabado naman ako habang tahimik na nakikinig sa kanyang mga plano.
“Pumunta kana lagi rito ha! Manonood tayo ng movie sa kuwarto ko tapos kakain ng chocolates at maglalaro ng luto luto. Marami akong laruan at marami rin akong barbie dolls! Pwede kang mamili ng kahit ano sa aking laruan tapos bibigyan kita!”
Sasagot na sana ako kaso bumukas ang kanilang maliit na gate. Akala ko ay Kuya niya na ngunit nang makitang ang katulong ay medyo nakahinga pa ako ng maluwag.
“May bisita po ako. Pakidalhan po kami ng meryenda sa sala,” sabi ni Indira habang hinihila na ako papasok.
Tumango ang katulong at sumulyap sa akin. Nakita ko ang pagtatagal ng kanyang tingin kaya mabilis akong umiwas at nagpanggap na hindi ko napansin ang makahulugan niyang titig.
Siguro ay namukhaan niya ako lalo na’t siya rin iyong nagserve sa amin ng meryenda noong nagtungo kami ni Mama rito.
“Nasa’n si Kuya?” tanong niya sa katulong nang bumuntot ito sa amin papasok.
“Nasa kuwarto niya, Miss...” pormal na sagot ng katulong.
“Pakisabi na bababa kami mamaya sa sala. May ipapagamot ako sa kanya.”
Tumango ang katulong habang deri-deritso na akong dinala ni Indira sa itaas ng palapag ng bahay. Iyon ang unang beses kong makaakyat sa ikalawang palapag. Ang halos naroon ay mga pinto at mukhang puro mga kwarto ang makikita. Pansin ko rin na may hagdan pa patungong itaas at marahil ay ikatlong palapag na iyon ng bahay.
“Ilang palapag ba meron ang bahay niyo?” tanong ko sa kyuryusidad.
Tumigil kami sa puting pinto at pinihit niya ang doorknob.
“Apat lang,” aniya na ikinalaglag ng aking panga.
Lang?! Eh iyong bahay namin ay parang isang kwarto nga lang nila! Walang palapag at wala pang gaanong espasyo! Tapos itong kanila ay apat na palapag pala! Ang laki laki!
Kung namamangha na ako kanina, ngayon na nakita ang loob ng kanyang kuwarto ay kulang nalang malaglag sa sahig ang aking panga dahil parang kuwarto talaga iyon ng isang tunay na prinsesa.
Malaki ang kanyang kama at may pink na kurtina sa bawat gilid. Puti ang bedsheet at cream naman ang kanyang kumot.
May malaking kulay pink na tent sa gilid at sa isang carpet ay naroon ang mesa kung saan nakaupo ang kanyang mga manika at parang may tea party na nangyayari lalo na’t may mga magagandang baso rin na nakalagay.
Meron din siyang malaking book shelf na puno ng mga libro at mukhang puro pa ata Princess ang laman. Maganda rin ang itaas lalo na noong tumingala ako at halos ang layo noon. May puting mahahabang kurtina at mukhang may sliding door na kumukonekta palabas ng veranda.
May dalawang pinto at hindi ko alam kung ano ang mga iyon. Siguro cr niya at iyong isa ay wala naman akong ideya lalo na’t dalawang magkadikit iyon na pinto na may kulay gold na doorknob.
“Wow...” sambit ko at hindi alam kung paano iisa-isahin ng tingin ang bawat detalye ng kanyang kuwarto.
“Magccr ka, hindi ba?” tanong niya at itinuro ang puting pinto. “Cr ‘yan... Pasok ka lang.”
Kumurap ako. “Ah... Nawala na pala...” Sabay kamot ng aking batok at ngumiti ng hilaw.
“Gano’n? Osige magbihis ka nalang para maipagamot agad natin ang sugat mo kay Kuya!” Saka siya nagtungo roon sa may dalawang pinto at pinihit iyon ng sabay.
Bumukas ito saka ko nakita ang loob na puro mga gamit niya. May damit, bags, sapatos sa ibaba, perfumes, at kung ano ano pa na nakadisplay lamang.
“Parang Mall!” sabi ko na ikinalingon niya habang nimimili sa mga nakahanger na damit.
“Ang alin?”
“Ah... Ang loob...” sabi ko.
Kumurap siya at humagikhik. “Maliit nga ‘to kumpara sa kuya ko...”
Namilog ang aking mga mata. Eh ang laki na nga eh! Lumabas din siya roon na may dalang isang hanger at puting bestida. Sa sobra noong ganda ay parang nahiya agad akong tanggapin nang ilagay niya iyon sa aking katawan para tingnan nang maigi.
“Bagay sa’yo! Sa’yo na ‘yan... Suotin mo na!” Naeexcite niyang sabi habang ako naman ay nagdadalawang isip.
Parang masyado akong madungis para sa napakaganda at napakalinis na isang damit. Hindi ata iyon nababagay sa akin at baka pumangit pa.
“Nakakahiya naman. Hindi ka ba mapapagalitan ng parents mo pag binigay mo ‘to sa’kin? Baka magalit din ang Kuya mo. Magpaalam ka kaya muna?”
Umiling agad siya. “Hindi ah! Kaibigan tayo kaya ayos lang. At hindi naman ito kay Kuya kaya hindi siya magagalit.”
Nagdalawang isip pa rin ako iyong kunin ngunit hinila niya na ako patungo sa kanyang pinasukan kanina na closet at ipinahawak na sa akin ang hanger.
“Magbihis kana tapos bababa tayo para makapagmeryenda rin habang ginagamot ni Kuya ang sugat mo,” sabi niya bago tuluyang isara ang pinto.
Bumuntong ako ng hininga at walang nagawa kundi hubarin ang madungis kong suot at magbihis na. Sobrang bango noon at sobrang lambot pa, malayong malayo ang tela na ito sa nakasanayan kong nipis at medyo magaspang na tela.
Parang wala ring tinapat ang bango ng downy sa pabango na meron ang damit! Ganito ba talaga ang mga mayayaman? Masyado silang mababango!
Iginala ko saglit ang tingin sa loob. Sa sobrang dami ng kanyang gamit ay natakot akong lapitan dahil baka may mawala at mapagbintangan pa akong magnanakaw.
Lumabas din agad ako. Nakita niya ang aking itsura saka siya pumalakpak habang malapad ang ngiti.
“Bagay sa’yo! Wait!” Tumakbo siya papasok sa kama at may kinuha sa gilid kung saan may mesa at binuksan ang ibaba na mala drawer.
Noong lumapit siyang muli ay may dala na siyang suklay at hairpin na may mga kumikinang na dyamante.
Sinimulan niyang suklayin ang buhaghag kong buhok at inilagay sa bawat gilid ang hairpin. Mas lalong lumaki ang kanyang ngiti nang muli niya akong tingnan.
“Ang ganda! Bagay sa’yo!”
Nahihiya akong ngumiti at kinapa ang hairpin.
“Ang ganda ganda naman ng mga gamit mo...”
“Nasa ibang bansa kasi parents ko. Nagpapadala sila sa akin lagi at sa sobrang dami ay hindi ko na nagagamit ang iba,” paliwanag niya at muling hinawakan ang aking pulso.
“Tara... Bumaba na tayo.”
Huminga muna ako ng malalim bago tumango. Unti-unting nabuhay ang kaba na nawala saglit kanina. Sumunod naman ang kanyang pusa sa amin noong lumabas kami. Noong nasa hagdan na ay natanaw ko agad sa ibaba ang pamilyar na lalake, nakaupo sa sofa habang nakahalukipkip at medyo buhaghag ang buhok suot ang kulay itim na tshirt at khaki shorts.
Nag-angat siya ng tingin sa amin. Nagtama agad ang aming mga mata. Nahihiya akong yumuko dahil alam kong namukhaan niya agad ako.