“TILA tahimik yata ang Principal’s office sa mga araw na ito, anak?”
Lumapit sa kanya ang ina habang nagtutupi siya ng mga bagong labang damit. Sabado noon kaya nakakatulong siya sa mga gawaing bahay.
“Isa lang po ang sagot diyan. Pagtitimpi. Ilang beses na akong sinubukang guluhin ulit ni Rafa pero pinipilit ko pong hind pumatol.”
Ngumisi ang ina at bahagya siyang niyakap. “Naku. Masaya ako sa ginawa mo anak. Nababagay ka talagang maging isang alagad ng simbahan. Napakabait mo.”
Hindi agad siya nakasagot sa ina. Kung noong maliit siya ay naeengganyo siya sa kagandahan ng pagsisilbi sa Diyos ay tila hindi na ngayon. Para sa kanya ay maganda at banal pa rin iyon. Pero ganoon talaga siguro kapag nagkakaroon na ng sariling isip. Mas marami ka nang gustong ma-experience. May iba ka na ring pinapangarap. Pero paano niya ipapaintindi iyon sa ina?
She tried to open her mouth but nothing came out. Natatakot siyang baka magalit ang ina kung sasabihin niyang nagbago na ang isip niya tungkol sa pagmamadre.
Nangako siya noon sa kanyang ina na papasok siya bilang madre pagkatapos ng high school. But it was her talking as an eleven year old kid. Iba na ngayon ang gusto niya. At iyon ay ang mag-aral ng literatura.
Nang magkaroon kasi siya ng pagkakataon na maging miyembro ng Booklovers Club ay nagustuhan pa niya ang pagbabasa ng mga libro. Para siyang dinadala noon sa ibang dimension. Nais niya ring makapagsulat at maging isang magaling na author tulad ng mga nababasa niya.
“Naririnig mo ba ako, Olive?”
“H-ho?” Malalim na pala ang pag-iisip niya at hindi na narinig pa ang sinasabi ng ina.
“Ang sabi ko, pupunta tayo sa kumbento sa Sabado. Tutulong tayo sa pagre-repack ng relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo sa Visayas.”
“Ah, opo, Ma.”
“Mabuti. Isa pa ay ipakikilala ka rin daw nina sister sa Madre Superiora nila na dadalaw sa kumbento. Iyon ‘yong madre na naka-assign sa pagre-recruit ng mga bagong madre. Mabuti na iyong ngayon pa lang ay makikilala ka na niya.”
Hindi niya alam kung bakit tila nalungkot siya nang ipaalam sa kanya iyon ng ina. Kahit alam niyang mabuti lamang ang intensyon nito hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng bigat sa puso. At alam niyang hindi mabuti iyon kung totoong papasok siya bilang madre.
“O ano, Olive? Hindi ka nagsasalita diyan?” Pukaw muli ng ina niya sa kanya. “Basta sa Sabado, dapat wala kang lakad niyan. Malinaw ba?”
Napabuntong hininga siya. “O-opo, Ma.”
“TOTOO ba itong nakikita ko? Ha? Olive, Rafa?” Nakangiting bati sa kanila ng principal nilang si Mrs. Regalado. Talagang magtataka ito dahil magkasama silang dalawa ni Rafa na kumakain sa canteen. Paanong namang hindi sila magkasama ngayong pinilit lamang siya nitong ‘master’ niya na ilibre niya ito ng snacks dahil recess time?
“Ah, opo Ma’am naisip po kasi namin na maging magkaibigan na lamang kaysa sa palaging magtagisan. Kaya nga po nilibre ko siya ng snacks ngayon.” Proud na sabi ni Rafa.
Ang epal! Super! Mukhang hindi siya matutunawan sa mga sinabi nito.
Sa loob ng tatlong araw ay naging sunod sunuran siya sa mga gustong mangyari ni Rafa. Pinadala ng mga gamit sa school at kung anu-ano pang errands na maisip nito.
In short, isa siyang dakilang aliping sagigilid.
At ngayong huling araw na niya bilang slave nito, hindi masukat ang tuwa niya. Hindi lang mababawasan na ang oras na magsasama sila ni Rafa kung hindi ay matatapos na rin ang kalbaryo niya sa mga kamay nito.
At mangyayari iyon nang hindi muli sila dadalaw sa opisina ng punong guro na ito.
Amazing...
“Talaga? Naku! That’s good to hear. Actually you two look good together. Ibig kong sabihin ay bilang magkaibigan ha? Hindi magnobyo at nobya. Mga bata pa kayo.”
“Naku, Ma’am Regalado, imposible pong mangyari ‘yan! Sagad na po iyong maging magkaibigan kami. No more than that.” Mabilis niyang sagot. Ni sa hinagap ay hindi pumasok sa isip niyang maging boyfriend si Rafa. Lamunin man siya ng lupa o tamaan man siya ng kidlat ay hinding hindi mangyayari iyon.
“Hala sige. Continue being friends. Hindi ba’t masarap nang walang kaalitan? May peace of mind and heart.” Pagkasabi ay umalis na rin ang lampas singkwenta anyos na punong guro. Sa tingin niya ay nakumbinse na nila itong magkaibigan na talaga sila.
Nang maiwan sila ay nagsalita muli si Rafa. “Eto naman kung makapagsalita kanina ay parang wala nang pag-asa pang maging tayo.”
Humagalpak siya sa tawa. “Aba at bakit? Umaasa ka? Iniisip ko pa lang, nasusuka na ako. Yuck!”
“Talaga lang ha? Siguro ay excuse mo lang iyan dahil alam mong hindi ka hihigit sa mga girls na may gusto sa akin.”
“Sino? Iyong mga bulag na batang paslit na may crush sa iyo? Hah! Ikumpara ba ako sa kanila? Baka pati ikaw ay bulag na rin?”
“Hindi ako bulag, Olive. Ang I know how pretty you are. Kaya lang... ”
Nahigit niya ang hininga. Ako pretty? Tama ba ang naririnig niya?
Hindi marunong pumuri ang kilala niyang Rafa. At never siyang pinuri nito.
“Kaya lang ano?”
“Walang lalaking magkakagusto sa iyo dahil sa kasungitan mo.”
Sabi na nga ba niya. Hindi ito magsasabi kailanman ng kabutihan. Lalo na sa kanya.
“Excuse me! Sa iyo lang ako masungit dahil panggulo ka sa akin! May manliligaw kaya ako! Pero hindi ko pinapansin.”
Totoo namang may nanliligaw sa kanya. Alam nga ng buong klase nila na mayroong nag-iiwan sa kanya ng roses sa ibabaw ng upuan niya tuwing umaga. At mukhang napapadalas pa ito ngayong nagdaang mga araw.
“Manliligaw? Sino? Iyong nagbibigay sa iyo ng roses? Ni hindi mo nga sigurado baka multo iyon.” Tumawa pa ito. Iyong tawa na nakakainis pakinggan. “Okay lang iyan Ollie. Nandito naman ako. Pero hindi ako sigurado kung masasagot kita agad. Sa dami ng karibal mo sa akin, suguradong matatagalan ang proseso. Pero huwag kang mag-alala, since close naman tayo, bibigyan kita ng special privilege. Isisingit kita sa top one hundred applicants ko.”
Wala talaga itong kapares sa pang-aasar sa kanya. “Salamat sa konsiderasyon ha? Utang na loob ko pa na isama mo ako sa Rafa one hundred mo? Pero ang tindi rin ng tama mo ano?” Inilapit niya ng bahagya ang mukha rito upang maklaro nito ang mga susunod niyang bibitiwang salita.“Kahit kailan hindi kita magugustuhan! Wala sa bokabularyo ko ang magkaroon ng boyfriend na tulad mo!”
“Tulad kong gwapo?”
“Tulad mong hambog! Aalis na ako! Wala kang kwentang kausap!”
Kinuha niya ang litratong ipinangako ni Rafa na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Dahil natapos niya ang tatlong araw bilang ‘slave’ nito ay makukuha na niya rito ang nakakahiyang picture niya.
Akmang aalis na siya nang biglang nagkaroon ng commotion sa canteen nila. Sa di kalayuan ay nakikita niyang nagsusuntukan ang dalawang estudyante.Habang ang kaibigan niyang si Kristel naman ay nakapamaywang na hinarap ang mga nag-aaway.
“Tumigil na kayo!” Narinig niyang sigaw ni Kristel sa mga nag-aaway. Maski siya ay napahanga sa toughness ng kaibigan. Miyembro kasi ito ng Student Council kaya tungkulin nitong ipalaganap ang disiplina sa buong campus. At mukhang isang malaking hamon itong si Mark—isang estudyanteng sikat bilang basagulero ng paaralan nila.
“Oy,” tawag niya sa kay Rafael, “hindi ba’t kaibigan mo ‘yang si Mark?”
“Si Mark? Oo naman. Barkada ko ‘yan!”
She smirked. “At proud ka pa. Wala talaga akong masabi. Same feathers flock together.”
Tuluyan na siyang tumayo at akmang iiwan na ito nang bigla siyang tawagin nito. “Saan ka pupunta? Kumakain pa tayo.”
“Tutulungan ko lang si Kristel na disiplinahin iyang kaibigan mo.”
“Ikaw bahala basta iwan mo na lang ang resume mo sa desk ko.”
“In your dreams!”