TAMANG inom na lamang muna ng tubig si Aniah. Hindi rin naman siya puwedeng umalis para mag-lunch. Na-pa-paranoid siya na baka mayroong makakita sa kaniya kung sasakay siya sa taxi para kumain sa isang mamahaling restaurant na sanay niyang kainan. O kaya ay sa pagpunta niya sa Chelary Mall.
Napabuntong-hininga pa siya habang hawak ang disposable cup na kaniyang iniinuman ng tubig.
Bukas, gusto niyang magbaon ng lunch box. Pero ano naman ang ipapalagay niyang pagkain sa kaniyang lunch box? Tiyak na paborito niyang pagkain ang lulutuin para sa kaniya ng chef nila sa kanilang bahay.
Ngayon niya naiisip na hindi ganoon kadali na makibagay sa mga katrabaho niya. Baka mapuna pa siya o kung ano man.
Hindi pala madaling magpakasimpleng tao lamang. Lalo na kung praning siya at takot na mapuna ng iba.
Napatingin si Aniah sa lamesa na nasa harapan niya nang may maglapag doon ng tinapay. Galing iyon sa loob ng The Kings. Base na rin sa pangalan sa supot niyon.
May pagtataka na nag-angat siya ng tingin. Lalo pa siyang nawalan ng masasabi nang makita kung sino ang naglagay niyon doon.
Si Evo!
“Hindi ka mabubusog kung tubig lang ang gagawin mong tanghalian,” wika pa nito sa malamig nitong tinig. Hindi mabanat ang labi nito para sa isang ngiti o kahit ang mga mata nito.
Napalunok si Aniah. Saktong walang ibang tao sa pahingahan ng mga staff ng The Kings. Sila lang ni Evo ang naroon.
“Nag-da-diet ako,” dahilan pa niya kay Evo.
“Talaga lang, ha? Ewan ko na lang kung hindi ka tumumba mamaya kung tubig lang ang ilalaman mo sa tiyan mo. Tao ka pa rin na kailangan ng lakas. Dahil kung hindi ka kakain nang maayos? Ubos ang lakas mo.”
Concern ba si Evo sa kaniya?
“‘Yang tinapay, napag-utusan lang ako na ibigay sa iyo. Kainin mo ‘yan.”
Muling napasulyap si Aniah sa tinapay. Buong akala niya, dito mismo galing. Hindi pala. “Sinong nagpapabigay?”
“Ayaw magpasabi.”
“Thank you,” aniya nang muling tingnan si Evo. Napabuntong-hininga siya. Alam naman ni Evo kung sino siya. Alam nito na hindi siya simpleng tao lang. “Hindi ko lang talaga alam kung paano ako kakain ng lunch at kung saan,” amin niya rito.
“Bakit? Dahil ba mas malaki pa ang magagastos mo sa pagkain mo ng lunch kaysa sa maghapon mong sasahurin dito sa The Kings?”
May punto naman si Evo na mas malaki pa nga ang magagastos niya sa pagkain lamang ng lunch kaysa sa sahod niya sa isang araw sa The Kings. Tingin niya, hindi iyon praktikal na tingnan. Lalo na at nagpapakasimple siyang tao ngayon.
“Hindi pa natatapos ang maghapon mo rito, suko ka na ba?” dagdag pa ni Evo.
“Bakit parang mas gusto mo pa na sumuko ako sa trabaho ko rito?”
“Alam ko naman na bored ka lang kaya pumasok ka rito.”
“Bored? Hindi, ah. Ang hirap kasi sa iyo, masyado kang judgmental. Masama bang sumubok dito ang isang katulad ko?” aniya na tumayo pa para mas makaharap si Evo. “Ikaw lang ba ang may karapatan na magtrabaho? Ang dami mo ngang trabaho, pinakikialaman ba kita? Malay ko ba kung ano naman ang raket mo sa gabi?”
“Bakit parang may kakaibang laman ‘yang sinasabi mo?”
Lihim na napalunok si Aniah. Sa halip na mapunta pa sa kung saan ang usapan ay nginitian na lamang niya si Evo.
“Salamat sa tinapay, kung sino man ang nagpapabigay,” sabi na lamang niya na akmang uupo na sana nang pigilan naman siya ni Evo sa isa niyang braso. Napatingin tuloy ulit siya rito.
Damn his eyes!
Bakit parang natutunaw siya sa derektang titig na iyon ni Evo sa kaniya?
“Ang bilis mong umiwas sa pinag-uusapan natin. Bakit hindi mo ituloy? Ano’ng tingin mo na raket ko sa gabi? Macho dancer?”
Napakurap-kurap ang mga mata ni Aniah. “Sa iyo nanggaling ‘yan, ha? Wala akong sinasabi,” agad naman niyang depensa.
“Nakalimutan mo yata na sa iyo ‘yan unang nanggaling?”
“Don’t tell me, sa gabi nag-ma-macho dancer ka rin? Sa online ba o sa bar mismo?”
Gustong mapapikit nang mariin ni Aniah nang maalala ang mga salitang binitiwan kay Evo sa Monterey Mall. Noong makita niya itong namimigay naman ng flyers.
“Sineryoso mo ‘yon?” ani Aniah nang makabawi. Binawi na rin niya ang braso niyang hawak ni Evo. “I’m just kidding.”
“Kidding? Hindi halata. Mas bagay ‘yong pagiging sarkastiko mo noon.”
“Evo, ‘wag mong ipahalata na hindi ka maka-move on. Hindi mo ba nakikita? Nagpapakabait ako ngayon. Isa pa, may utang na loob pa rin ako sa iyo dahil sa pagtulong mo sa akin kanina.” Ngumiti siya rito. “Kakain na muna ako. Thank you ulit sa tinapay.”
Bumalik siya sa kaniyang pagkakaupo. Lihim pa siyang nakiramdam kay Evo ngunit hindi na siya kinulit pa nito. Ilang sandali pa ang lumipas bago nagawang umalis ni Evo. Saka lang nakahinga nang maluwag si Aniah. Natatakot naman siyang lumingon at baka hindi pa nakakalayo si Evo.
All this time, tanda pa rin nito na sinabihan niya ito noon na baka macho dancer ito sa gabi?
Napabuntong-hininga si Aniah.
Na-realize niya kung gaano siya ka-harsh kay Evo noon. Siguradong deep inside, inis na inis ito sa kaniya.
Pero sa kabila niyon, nagawa pa rin siya nitong tulungan. Kahit na hindi naman siya humihingi ng tulong dito.
Kinuha niya ang tinapay sa lamesa. Gusto tuloy niyang isipin na galing talaga iyon kay Evo at hindi ipinabibigay lamang sa kaniya.
Dream on, Aniah, aniya sa kaniyang isipan.
“HOW’S YOUR TRAINING?” salubong naman agad ni Tres kay Aniah matapos niyang sumakay sa passenger seat ng kotse nito.
As usual, sa Monterey Mall na siya sinundo ng kaniyang kapatid.
“Babalik ka pa ba bukas o hindi na?”
Matapos ikabit ang seatbelt sa kaniyang katawan ay saka lang nagawang balingan ng tingin ni Aniah si Tres.
“Kuya, ano ba ang tingin mo sa akin? Weak? Of course, babalik ako bukas.”
“Ang lakas din talaga ng tama mo,” ani Tres na pinaandar na ang sasakyan. “Kung experience lang naman kasi ang gusto mo, puwede namang gawin sa mismong café mo. Kaso, ayaw mong magpatayo na lang ng sarili mo.”
“Tingin mo, Kuya Tres, may thrill pa kapag ganoon? Pero sa first day of work ko, nahimatay ako at—Oh, my God!” palirit ni Aniah nang biglang magpreno si Tres. “Kuya!”
Agad namang iginilid ni Tres ang kotse nito.
“Ano’ng sinabi mo? Nahimatay ka? Bakit? Nakakita ka ba roon ng ipis?”
Umasim ang mukha niya sa kaniyang kapatid. “Kuya, ang OA mo! Kung wala akong seatbelt, baka naumpog ang mukha ko sa dashboard nitong kotse mo,” she hissed.
“Bakit ka nahimatay?” sa halip ay mariin nitong tanong.
Ipinakita niya rito ang kaniyang mga kuko at daliring may injury. Kapag kuwan ay ikinuwento niya rito ang nangyari kung bakit siya nahimatay.
Sa huli, napatawa pa ang kaniyang kapatid.
“Ipaayos mo ang kuko mo. Patatanggalan natin ng nail polish para magmukhang natural lang,” ani Tres na nagpatuloy na sa pagmamaneho. Nakahinga rin ito nang maluwag dahil wala namang ibang masama pang nangyari sa kaniya.
Sa nail salon muna sila nito dederetso bago umuwi sa kanilang bahay.
“Kuya, may isa pa akong problema.”
“Ano ‘yon?”
“Kailangan kong magbaon ng lunch box para makakain ako ng lunch. Hindi naman puwedeng kumain ako sa mamahaling restaurant. Natatakot ako na may makakita sa akin na ka-work ko.”
“At ano naman ang kakainin mo for lunch?”
“‘Yong mga simpleng meal lang.”
Napapailing si Tres. “Hanggang saan ka kaya tatagal sa trip mong ‘yan, Aniah?”
Hanggat may dahilan siya ay mananatili pa rin siya sa The Kings. Iyon naman ang importante sa kaniya ngayon.
At saka, ngayon lang siya na-excite kahit hindi naman madali iyong ginagawa ng mga crew sa isang kainan.
“Tingin mo, Kuya Tres? Hanggang kailan?”
“Hmm. Dahil nakaraos ka sa isang araw, baka isang linggo? Imposible kung aabutin ka ng isang buwan sa trabaho mong ‘yon.”
Duda ba ito sa kakayahan niya? kung ganoon, kailangan din niyang patunayan sa kaniyang kapatid ka kaya niya ang pinasok niya. Hindi niya basta-basta na lang susukuan.
Isa pa, kung susuko kaagad siya, para bang pinatunayan lang din niya kay Evo na madali siyang sumuko dahil bored lang siya sa buhay niya.
No way, aniya sa kaniyang isipan.
Nang maalala si Evo ay bahagya pa niyang nakagat ang kaniyang ibabang-labi.
Matapos ang kaniyang training kanina ay hindi na rin niya nakita pa si Evo. Umalis kaagad ito.
Magkikita ulit tayo bukas, Evo, aniya sa kaniyang isipan na napangiti pa. Nagbaling siya ng tingin sa may labas ng bintana sa may gilid niya upang hindi makita ng kaniyang kapatid ang pagngiti niyang iyon.