MULING pinagtuunan ng pansin ni Aniah ang hawak na nail cutter at ang kaniyang kuko. Paano ba kasi gamitin ang hawak niya?
Paano kung masugatan siya? Paano rin kung matanggal ang lahat ng kuko niya?
Ipinilig ni Aniah ang kaniyang ulo dahil sa mga naiisip.
Huminga pa siya nang malalim. Kapag kuwan ay halos manginig pa ang kaniyang kamay nang subukang i-nail cutter ang kaniyang kuko.
“Ouch,” impit niyang daing nang may mahagip na laman sa may daliri niya ang nail cutter na gamit niya.
Napaawang pa ang labi niya nang makitang dumugo ang gilid ng kuko niya. Nabitiwan niya ang nail cutter na hawak.
“N-no,” kanda-utal pa niyang bulalas.
Bigla siyang nakaramdam ng hilo dahil sa dugong nakikita. Hanggang sa tuluyang magdilim ang kaniyang paningin. At bago pa siya tuluyang mawalan ng balanse o bumagsak sa semento, ramdam niyang may sumalo sa kaniyang pagbagsak.
NANG BUMALIK ANG ULIRAT ni Aniah ay ganoon na lamang nang bigla siyang mapabangon buhat sa pagkakahiga sa isang sofa.
Inilibot niya ang tingin sa kaniyang paligid. Mukhang nasa loob siya ng isang opisina.
Nang maalala ang kaniyang kuko ay agad niya iyong tiningnan. May band aid na nakalagay sa may sugat niya sa isa niyang daliri. At ang mga kuko niya, maiksi na iyon. Putol na lahat ang mahahaba niyang kuko.
Napaisip siya kung sino naman ang magkukusang pumutol sa mahaba niyang mga kuko?
First day of work, nahimatay siya dahil lamang sa dugong nakita sa kaniyang daliri. Kung ganoon, hindi pa rin talaga nawawala ang takot niya pagdating sa dugo. Paano kung matanggal na siya agad sa trabahong iyon? Ni hindi pa nga siya nakakapagsimula.
Walang tao sa opisina kaya inayos na niya ang kaniyang sarili at ipinasya ng lumabas mula roon. Sakto naman na pagbukas niya sa pinto ay siyang papasok naman dapat si Sheryl. Nagulat pa ito nang makita siya.
“Mabuti naman at gising ka na,” ani Sheryl nang makabawi.
“Sorry. Hindi ko inaasahan na mawawalan ako ng malay kanina,” hinging paumanhin ni Aniah. Ganoon naman talaga dapat, ‘di ba? Kailangan niyang magpakumbaba kahit sa mga katrabaho niya.
“Mukhang takot ka sa dugo. Hayaan mo na. Okay ka na ba? Kasi mag-uumpisa ka na sa training mo.” Ibinigay ni Sheryl ang isang apron sa kaniya. “Isuot mo na ‘yan.”
“Thank you, Miss Sheryl,” aniya sa babae.
“Napakapormal mo naman. Sheryl na lang.”
Tumango siya. “Sige.”
“Tara muna sa kitchen, para makainom ka rin ng tubig bago sumabak sa training.”
Matapos isuot ang apron sa kaniyang katawan ay sumunod na rin siya kay Sheryl. At nang makainom naman siya ng tubig ay isinama na siya nito sa dining area ng The Kings.
Ang totoong trabaho na naghihintay sa kaniya. Sa first day naman niya ay mag-o-observe siya at makikinig sa mga sasabihin sa kaniya ng trainer niya. Gagawa rin siya kung kinakailangan.
Si Sheryl din ang naging trainer niya.
“Ahm, sino pong nakakita sa akin sa likod kanina?” pasimple pa niyang tanong kay Sheryl.
“Nang mahimatay ka?”
Tumango si Aniah.
“Si Evo,” bulong pa nito sa kaniya. “Mabuti na lang, sakto ang balik niya sa likod. Kung hindi? Malamang, putok pati ang ulo mo.”
Si Evo? As in, iyong lalaking masungit na iyon?
Agad niyang nailibot ang tingin sa paligid. Kung bakit missing in action ang lalaking iyon.
“Siya na rin ang nagtuloy ng pagpuputol sa kuko mo.”
Pati kuko niya ay si Evo ang nagputol?
Another utang na loob.
Lihim siyang napalunok. Kapag kuwan ay napatingin sa kaniyang mga kuko. Si Evo mismo ang nagputol nang mahahaba niyang mga kuko.
“Matagal na ba siya rito?” hindi napigilang itanong ni Aniah kay Sheryl.
Umiling naman si Sheryl. “Wala pa siyang dalawang buwan dito sa The Kings.”
Kung ganoon, halos baguhan pa lamang doon si Evo.
“Pakidala na muna nito sa kusina.”
Napatingin si Aniah sa tray na inilagay ni Sheryl sa mga kamay niya. May laman iyong tasa at platito. Wala ng marami pang salita na sinunod niya ang sinabi ni Sheryl.
Nang madala ni Aniah sa kitchen area ang tray, inutusan pa siya ng isang babae na itapon ang basura, na nakalagay sa isang itim na garbage bag, sa basurahan sa may likuran ng The Kings.
Napaisip siya kung parte pa rin ba iyon ng kaniyang trabaho? Akala ba niya, waitress lang ang kaniyang in-apply-an?
Aniah, bawal magreklamo sa unang araw mo sa trabaho, paalala naman niya sa kaniyang sarili.
Right.
Pagdating niya sa may parteng likuran ng The Kings, hindi naman siya nahirapan na makita ang malalaking trash bin. Apat ang naroong malalaking trash bin. Nilapitan niya ang isa at akmang doon itatapon ang dala niyang garbage bag nang may kumuha sa kamay niya.
“Dito ‘yan.”
Agad ang pagbaling niya ng tingin nang marinig ang boses na iyon. Napatingin pa siya sa basurang dala niya nang ilagay iyon ni Evo sa dulong bahagi ng mga naghelerang trash bin.
Sandali siyang na-speechless nang ibalik ang tingin sa guwapong mukha ni Evo. Nang tingnan siya nito ay agad siyang nakabawi sa pagiging speechless niya.
“Ahm, ‘yong kanina. Ikaw raw ‘yong—”
“Tingin ko, hindi ka tatagal sa lugar na ‘to. Ang mabuti pa, umuwi ka na sa inyo kaysa dito ka pa mag-experiment.”
Gusto sana niyang magpasalamat sa ginawa nitong pagmamalasakit sa kaniya noong mawalan siya nang malay. Pero hindi pa nga niya nagagawa, bibirahan naman kaagad siya ni Evo ng kasungitan nito.
“Alam mo, hindi naman ako narito para makipagtalo sa iyo. Saka, malay ko ba na narito ka pa sa The Kings? Buong akala ko, nag-iba ka na ng trabaho. Ni hindi ko nga inaasahan na makikita ka rito.”
“Tingin mo, maniniwala ako diyan sa sinasabi mo?”
Duda pa ito sa kaniya?
“Okay. Kung ayaw mong maniwala, ‘di ‘wag. Pero thank you pa rin dahil tinulungan mo ako kanina. And dito sa mga nails ko,” aniya na ipinakita pa kay Evo ang mga kuko niya. “Hindi ko alam kung paano mag-cut ng nails. Kaya nasugatan ko ‘yong sarili ko.”
“Rich kid,” ani Evo bago siya tinalikuran.
“Uy, hindi, ah! Sandali,” aniya na humabol pa kay Evo. “Puwede bang magkunwari ka na never tayong nagka-encounter sa buong buhay natin? At never akong naging customer dito?”
Nagpatuloy lang sa paglalakad si Evo.
“Evo,” sa unang pagkakataon ay tawag niya sa pangalan nito.
Napahinto naman si Evo sa paglalakad at humarap kay Aniah.
Lihim na napalunok si Aniah dahil sa klase ng tingin na ipinukol sa kaniya ni Evo. Para bang itinulos pa siya niyon sa kaniyang kinatatayuan.
“Just do it,” bulalas niya.
Sandali pa siyang pinagmasdan ni Evo bago siya tuluyang iniwan doon.
Napabuntong-hininga naman si Aniah.
“Bakit ang tagal mo?” sita pa ni Sheryl kay Aniah nang makabalik siya sa kinaroroonan nito.
“Ahm, pinakisuyuan pa ako na magtapon ng basura.”
“Okay. Kapag magpupunas ng lamesa, siguraduhin mong maayos at walang matitirang basa sa lamesa. Maliwanag ba?”
Tumango si Aniah.
“Subukan mo.”
Napatingin si Aniah sa ibinigay ni Sheryl na pamunas sa lamesa at pang-spray.
“Paano ‘to gamitin?” alanganin pa niyang tanong.
Nagsalubong lalo ang mga kilay ni Sheryl. “Hindi ka marunong niyan?”
Pinigilan ni Aniah na kagatin ang kaniyang ibabang-labi.
“Sheryl, tawag ka ni Boss. Ako na muna rito.”
Hindi alam ni Aniah kung savior ba niyang matatawag si Evo dahil sa pag-eksena nito o hindi? Dahil nasisiguro niya na hindi niya magugustuhan ang sasabihin nito.
“Bakit hindi mo pa ‘yan punasan?”
Napatingin si Aniah kay Evo nang makaalis si Sheryl. “Puwede bang iba na lang muna ang magturo sa akin? ‘Wag ka na.”
“Bawal ang engot dito. At kung pakupad-kupad ka, lalong mas bawal ‘yan dito.”
“Masyado mo naman akong ina-underestimate. At saka, kahit ano pang sabihin mo, sisikapin kong matuto,” aniya na basta na lamang pinunasan ang lamesa.
“Tss. Spray-an mo muna.”
Nilunok na lamang ni Aniah ang pagkapahiya at ginawa ang sinabi ni Evo.
Puwes, patutunayan naman niya rito na matututo rin siya. Kahit hindi siya sanay sa mga gawain doon, tinitiyak niya na matututo rin siya.
Challenging naman talaga ang napag-trip-an niyang trabaho. Bukod sa gusto niyang matuto sa mas mababa, may gusto rin siyang makita. Lalo na at doon pa rin iyon nagtatrabaho.
“Evo, sabay na tayong mag-lunch break,” nakangiti pang pag-aaya kay Evo ng isang babae na katulad niya ay waitress din sa The Kings.
Nang sulyapan iyon ni Aniah, agad niya iyong namukhaan. Iyon ang babaeng tumawag noon kay Evo. Agad dumako ang tingin ni Aniah sa nameplate ng babae.
Olivia… iyon ang pangalan nito.
Ang ngiti pa niyon kay Evo, abot pa hanggang sa mga mata. Nagbawi na ng tingin si Aniah at nagpatay-malisya na lamang sa presensiya ni Olivia. Sa tingin niya, para bang nagpapa-cute ito kay Evo.
Lumipat sa kabilang lamesa si Aniah upang ayusin ang ibabaw niyon. Kumuha pa siya ng tray para paglagyan ng pinag-inuman at kainan ng customer.
Nagkunwari siyang busy lang. Ni hindi rin niya tinapunan ng tingin si Evo na hindi niya alam kung ano ba ang isinagot sa pag-aaya ni Olivia.
Napaisip tuloy siya sa lunch break.
At paano ba ang lunch niya? Saan siya kakain? Hindi naman siya puwedeng pumunta sa isang mamahaling restaurant gayong waitress lamang ang ganap niya sa lugar na iyon.
Magtutubig na lamang ba siya?
Parang mas dapat niya iyong problemahin kaysa kay Evo.