Chapter 01
“GISING na ang Disney Princess,” nakangisi pang wika ni Kaizen kay Aniah pagkarating niya sa komedor ng kanilang mansiyon.
Hindi niya pinansin ang kapatid. Minabuti muna niyang bumati sa kanilang mga magulang at humalik sa pisngi ng mga ito.
Humikab pa siya bago naupo sa katabi ni Kaizen. “Bored ka ba?” ani Aniah na saka lamang binalingan ng tingin ang kapatid.
“Medyo.”
“Kumain na kayo,” saway pa ng kanilang Mommy Tanya sa kanilang magkapatid.
Tulala lang si Aniah habang kumakain nang agahan. Nagkatinginan naman ang kaniyang ama’t ina. Kapag kuwan ay tumikhim ang kaniyang Daddy Karzon.
“May problema ba, Aniah, anak?”
Saka lang napakurap-kurap si Aniah nang marinig ang tinig na iyon ng kaniyang ama.
“Ahm, wala po, Dad. I’m fine,” agad naman niyang tugon.
“Kung tinatamad ka ng mabuhay, just say so,” baling naman sa kaniya ni Kaizen. “Ipapadala ka namin sa Australia. Makipaghabulan ka roon sa Kangaroo.”
“Dad, puwede po bang sa Penthouse na lang ninyo patirahin si Kaizen? O kaya naman, ipadala ninyo sa Baguio, Davao or Cebu. Basta malayo sa paningin ko,” reklamo niya sa kaniyang mga magulang.
Palibhasa, magkasunod sila ni Kaizen, kaya naman literal ang pagbabardagulan nilang dalawa.
“I’m just giving you some idea. Kung bored ka lang naman,” hirit pa ni Kaizen.
“Spare me.”
“Kumain na kayo at magmadali ka na, Kaizen,” baling dito ng kanilang ama.
Muling itinuon ni Aniah ang kaniyang tingin sa kaniyang kinakain.
Mag-iisip na naman siya kung ano ang gagawin niya sa lilipas na maghapon. Palibhasa, hindi naman niya kailangang magtrabaho sa kompanya nila dahil ang tatlo niyang Kuya ang namamahala ng Montejero’s Group of Companies na nasa Pagbilao City.
Nakakapagod na ring magmaganda. Maglustay ng pera at higit sa lahat, magpaka-Disney Princess, ika-nga ni Kaizen kapag inaasar siya.
Pero wala naman siyang magawa kung ayaw siyang pagtrabahuhin ng kaniyang ama. Kung handa na nga raw siyang mag-asawa ay magsabi lamang siya at walang tutol sa mga ito.
Ibang klase rin talaga ang mga magulang niya.
Palibhasa, isa siyang Montejero. Literal na nasa kaniya na ang lahat. Kung tutuusin, wala na nga siyang mahihiling pa. Kinaiinggitan siya ng ibang tao. Lalo na ng mga babaeng hindi nalalayo ang edad sa kaniya.
Gusto ng mga iyon na maging siya.
Kung alam lamang ng mga iyon, dumarating din iyong time na para bang napapagod siyang maging isang Aniah Montejero.
Pero sa kabilang banda, kapag naman nakakapanood siya ng mga taong hindi suwerte sa isang buong pamilya, saka naman niya napagtatanto kung gaano siya kasuwerte na may pamilya siyang mapagmahal at handang dumamay sa isa’t isa.
Minsan, dumarating din talaga siguro iyong ganitong stage, tipong wala naman siyang dapat na problemahin ngunit pakiramdam niya, pasan niya ang buong mundo.
Huminga nang malalim si Aniah at pinagdiskitahan naman ang alagang mga rosas ng kaniyang ina sa hardin nila isang kinahapunan. Inalisan niya ng tuyong mga dahon ang puno ng rosas gamit ang cutter.
“Wow, ang sipag naman ng Disney Princess.”
Naipikit ni Aniah ang kaniyang mga mata habang mariing magkalapat ang kaniyang mga labi. At hanggang doon talaga ay walang balak si Kaizen na tantanan siya.
“What do you want?” pigil ang inis na baling niya kay Kaizen.
At ang magaling niyang kapatid, nakapamulsa pa. Palibhasa, matangkad sa kaniya, kaya ganoon na lamang kung mang-asar. Ngumisi pa ito sa kaniya.
“Alam kong bored ka kapag ganiyan ang kilos mo. Ipag-da-drive kita, saan mo gustong pumunta?” tanong pa nito.
Ibinaba ni Aniah ang hawak niyang cutter sa may pabilog na lamesa na malapit lang sa kanila bago muling binalingan si Kaizen.
“Kilala kita, Kaizen Montejero, kapag ganiyang magpapaalila ka, may kapalit ‘yan. ‘Wag nga ako.”
“Tamang duda ka naman. Libre ang serbisyo ko. Isa pa, wala akong gagawin. Sulitin mo na dahil sooner or later, aalis na ako at tuluyan ng mawawala sa paningin mo. As you wish.”
Sandaling natigilan si Aniah sa narinig. “Aalis ka? Titira ka na sa Cebu o Davao?”
“At mukhang excited kang ipatapon ako sa malayo?”
“Hindi naman masyado.”
“Well, hindi katulad ng gusto mong mangyari. Mag-a-around the world lang naman ako.”
Umawang ang labi niya sa narinig. “What?!”
“Kapag kasi na-bo-bored ka, mag-travel ka.”
Umiling siya. Hindi niya kayang mag-travel nang mag-isa lang. Palagi siyang may kasama.
“Sino ang kasama mo?”
“Me, myself and I.”
“Kaya mong mag-isa lang?”
Ngumisi na naman sa kaniya si Kaizen. “Of course. Ikaw lang naman ang hindi kayang mag-isa sa ating dalawa. I can stand on my own na walang kasamang Yaya sa lugar na pupuntahan ko.”
Bagay na hindi niya kaya. Hindi naman siya marunong magluto o kahit maglaba. Baka hindi siya mabuhay nang maayos kung mag-isa lang siya. Simpleng pag-operate nga sa automatic na washing machine ay hindi niya kaya, mag-travel pa kaya sa abroad na solo lang siya?
Isipin pa lamang iyon ay kinikilabutan na siya.
“Pumayag na sina Mommy at Daddy?”
“Bakit naman hindi? Pagbalik ko naman, mag-fo-focus na ako sa company.”
“Gaano katagal kang mawawala?”
“One year.”
Umawang ang mga labi niya. “Really? Oh, come on, Kaizen. You’re kidding.”
“Itanong mo pa kina Mommy at Daddy.”
“Kaya mong mabuhay ng isang taon sa abroad?”
“Tingin mo sa akin? Ikaw? Kayang-kaya ko.”
“Baka wala pang isang buwan, makita kitang bumalik dito,” duda pa niyang pang-aalaska sa kapatid.
“Let’s have a deal then.”
“Kapag umuwi ka ng wala pang isang taon dito sa Pilipinas,” agad na patol ni Aniah sa pakikipag-deal ni Kaizen sa kaniya. “Sana magbagong buhay ka na rin. Punong-puno na ako sa pang-aasar mo. Please lang, Kaizen.”
Napatawa si Kaizen sa demand niya. “Easy. Deal.”
Tinaasan pa niya ng kilay ang kapatid. Kapag kuwan ay nakipagkamay siya rito. “Deal. Dahil paalis ka, treat mo ako ng kape.”
“Kape?”
“Hmm.”
“Okay. May alam akong coffee shop sa Lucena na masarap ang kape. Let’s go.”
Dahil libre ni Kaizen kaya sumama siya rito. Wala rin naman siyang gagawin sa araw na iyon. idagdag pa na wala sa kanila ang magaling nilang mga Kuya. Lalo tuloy nakakainip sa bahay nila.