“ONE order of café mocha, please.”
“Anything else, Ma’am?”
Umiling si Aniah. Pagkabayad niya sa kaniyang order ay hinayon niyang muli ang paborito niyang spot sa The Kings.
Pangatlong balik na niya sa lugar na iyon para lamang magkape.
Kape? Pero panay ang tingin mo sa paligid, Aniah. Masyado kang in denial, anang atribida niyang isipan.
Pasimple pa siyang huminga nang malalim. Kapag kuwan ay pasimple rin nang muli niyang ilibot ang tingin sa paligid.
Mukhang napaaga yata ang punta niya sa The Kings. Dahil naubos na lamang niya ang iniinom na kape ay hindi pa rin niya nakikita ang pamilyar na mukhang iyon.
Baka naman nag-resign na, aniya sa kaniyang isipan. Baka may naka-discover sa kaniya at ginawa na siyang model…
Ganoon nga kaya?
Napabuntong-hininga siya. Tumayo na siya buhat sa kaniyang pagkakaupo at ipinasya ng umalis.
Kung bakit ang lumbay ng kaniyang pakiramdam ng mga sandaling iyon.
Sa halip na maglakad nang deretso papunta sa may gilid ng highway ay pumihit pa siya paliko. Nagkunwari na lamang siyang naniningin-ningin ng mga halaman sa labas ng The Kings.
Hindi kaya siya magmukhang spy sa lugar na iyon?
“Ang ganda ko namang spy,” aniya na napangiti pa nang mapagmasdan ang bulaklak sa isang gilid ng The Kings. Pakiramdam niya, kasing ganda niya iyon.
Akmang magpapatuloy na siya sa paglalakad nang pagpaling niya ng tingin sa may daraanan niya ay makita niya ang mukhang iyon.
Para na namang tumigil sa pag-inog ang mundo ni Aniah habang nakatitig sa mukhang iyon.
It was Evo.
Nakasuot ito ng white polo-shirt na siyang uniform sa The Kings. Kung bakit pinakamaganda itong magdala niyon.
Nang mapatingin si Evo kay Aniah, bahagya pang kumunot ang noo nito. Tumingin pa ito sa likuran nito, ngunit wala naman itong ibang tao na nakita. Nang ibalik nito ang tingin kay Aniah ay lalong nangunot ang noo nito.
“Uso ang kumurap.”
Saka lang nakahuma si Aniah nang marinig na magsalita si Evo. Napakurap-kurap pa siya.
“W-what?”
Pero ang masungit na binata, nilampasan na siya at hindi sinagot. Hindi naman siya pumayag na lalampasan na lamang siya nang ganoon. Humarang siya sa daraanan nito.
“Anong sabi mo?” aniya na tiningala pa ito.
Sandali pa siyang pinagmasdan ni Evo bago ito nagsalita. “Wala.”
“Mayroon.”
Isang tingin pa sa malayo bago nito ibinalik ang tingin sa kaniya. “Hindi ko alam kung kape lang ba talaga ang ipinupunta mo rito sa The Kings,” sa halip ay wika ni Evo.
Bahagyang umawang ang labi ni Aniah. Kapag kuwan ay napatawa nang sarkastiko. “Ano pa ba ang pupuntahan ko rito? Ikaw?” aniya na para bang mayroong naghahabulang daga sa kaniyang dibdib.
“Malay ko.”
“Kape ka ba para puntahan ko? Malamang kape ang dahilan kung bakit ako narito. Tingin mo sa akin? Hindi ko afford ang kape rito? Baka kapag naisipan kong bilhin ang coffee shop na ‘yan, mawalan ka ng trabaho. Now, kung mahal mo ang trabaho mo, ‘wag kang atribida. Like, hello! We’re not close.”
Blangko lang siyang pinagmasdan ni Evo.
“‘Wag kang feeling. Tingin mo, hindi ko nakakalimutan ang atraso mo sa akin? Ikaw ang dahilan kung bakit nagasgasan ang phone ko. Kahit siguro mag-work ka ng tatlong beses sa maghapon, kulang ang sahod mo sa loob ng isang taon para ma-afford ‘yon.”
Bahagyang naggalawan ang panga ni Evo. Pero pinanatili nito na kalmado ang sarili.
“Tapos ka na ba? Baka may gusto ka pang sabihin?”
Lalong nakaramdam ng lihim na panggigigil si Aniah dahil sa ipinakikitang kalamigan ni Evo. Naiinis siyang lalo rito. Ipinakikita talaga nito na hindi ito apektado sa kaniya.
“Evo, tara na.”
Napatingin si Aniah sa isang waitress na nakangiti pang kinawayan si Evo buhat sa hindi kalayuan. Nang magbawi siya ng tingin ay siya namang paglampas ni Evo sa kaniya para lapitan ang babaeng iyon.
Pinigilan ni Aniah ang sarili na lumingon. Humigpit ang kapit niya sa kaniyang shoulder bag.
“Last mo na ‘to rito, Aniah,” mahina niyang anas.
Nang makabawi ay hinayon na niya ang papunta sa may highway upang maghintay ng taxi.
Ramdam niya iyong para bang naninikip ang kaniyang dibdib dahil sa inis na nararamdaman.
Nang makasakay sa taxi ay ipinikit pa niya ang kaniyang mga mata at sinikap kalmahin ang kaniyang sarili.
NAPAKISLOT SI ANIAH NANG gulatin siya ni Kaizen pagkapasok niya sa entrada ng kanilang mansiyon. Malay ba niya na nagtatago ito sa may likuran ng pinto.
“Kaizen!”
Tumatawa namang nilampasan siya ng sira-ulo niyang kapatid.
“I hate you!”
Huminto si Kaizen sa paglayo sa kaniya, kapag kuwan ay muli itong pumihit paharap sa kaniya at nilapitan siya.
“What?”
Masama ang loob niya. “Kasalanan mo.”
“Ang ano?” nagtataka namang tanong ni Kaizen.
Kung hindi mo ako dinala sa lugar na ‘yon, hindi ko sana makikita ang taong ‘yon… aniya sa kaniyang isipan.
Hindi nagsalita si Aniah nang lampasan ang kaniyang kapatid at hayunin ang grand staircase.
“Hey, ang KJ mo kahit na kailan. Ate Aniah!” pang-aasar pa nito.
Hindi na ito pinansin pa ni Aniah. Pagpasok sa kaniyang silid ay ni-lock kaagad niya iyon at baka sumunod pa si Kaizen sa kaniya.
Humiga siya sa kama at doon ay namaluktot.
Mukhang hindi talaga lahat ng tao, matutuwa sa isang katulad niya. May tao pa rin na mukhang mahirap pasayahin sa buhay.
Mariin siyang pumikit.
“Kalimutan mo na ang mukhang ‘yon, Aniah. Hindi niya deserve ang atensiyon mo. Right,” aniya nang muling magmulat ng mga mata. “Magsama sila ng waitress na ‘yon. Mas bagay silang tingnan.”
Idinaan na lamang ni Aniah ang inis na nararamdaman sa pagliliwaliw sa sarili.
Isang linggo niyang tiniis na hindi pumunta sa Lucena para lamang dumayo ng kape sa The Kings. Isa pa, itinatatak niya sa kaniyang isipan na ayaw na niyang makita ang lalaking iyon.
“Saan ka pupunta?” tanong pa ng Kuya Tres ni Aniah nang makita siyang papalabas na sa lobby ng Montejero’s Group.
“Kuya, maglalakad-lakad sa labas. Naiinip ako sa penthouse. Isa pa, hindi rin ako makatagal sa kahit saang parte ng opisina rito. Para bang sumasakit ang ulo ko makita pa lang ang bunton ng mga paper works.”
Napangiti si Tres. “I told you that office work is not your thing.”
“Right.”
“Gusto mo bang pasamahan kita sa labas?”
“Hindi naman ako bata. Bye,” aniya na humalik pa sa pisngi ng kaniyang kapatid. “Pero kung isasama mo ako sa UHB Leisure Club—”
“Mag-ingat ka sa labas,” nakangiti pang wika sa kaniya ni Tres bago ito nagmamadaling umalis.
Napasimangot pa si Aniah nang sundan niya ng tingin ang kaniyang kapatid. Kapag talaga UHB Leisure Club, iniiwan siya nito. Palibhasa, hindi siya pinapayagang makapasok sa lugar na iyon kahit na malapit lang sa kanila. Kahit nga ang Daddy niya, ayaw na ayaw rin.
Nagpatuloy na lamang si Aniah sa paglabas sa gusali ng Montejero’s Group.
Hindi pa siya nakakalayo nang makakita siya ng store ng Takoyaki.
Nakangiti pa siya nang lumapit doon.
“Hi, Kuya,” bati pa niya sa vendor na nakatalikod sa kaniya. “Isa nga pong order ng Takoyaki. ‘Yong may octopus, please. Thank you.”
Hindi naman siya sobrang pihikan sa pagkain. Basta gusto niya, kakainin niya.
Nang pumihit paharap sa kaniya ang nakatalikod na vendor, awtomatiko ang pagkawala nang ngiti sa labi niya.
Ikinurap-kurap pa niya ang mga mata. Pero hindi nagbago ang mukhang nakikita niya.
It was Evo for all of people!
“Ikaw?” hindi pa niya napigilang bulalas.
“O-order ka pa ba o hindi?”
At talagang hanggang sa lugar na iyon ay para bang nakukuha pa nitong sungitan siya. Lalong nakaramdam ng inis si Aniah para dito.
“No thanks. Baka hindi ako matunawan. Baka mamaya, lagyan mo pa ng kung ano ang order ko.”
Makaganti man lamang siya sa inis na nararamdaman para sa lalaking ito. Nag-walkout siya. Bahala na ito sa gusto nitong isipin.
Ngunit mukhang masyadong nagbibiro ang pagkakataon dahil hindi lang sa pagiging vendor ng Takoyaki niya nakita si Evo. Nadaanan pa niya ito sa may Monterey Mall na may hawak na flyers. Namimigay ito niyon at muntik pa siyang bigyan nang mamukhaan naman siya nito.
“Oh, my God! Hanggang dito ba naman?” exaggerated pa niyang wika nang huminto siya sa mismong harapan ni Evo. Bumaba ang tingin niya sa flyers na hawak nito. Kapag kuwan ay sa mukha nito. “Mukhang ang laki talaga ng pangangailangan mo sa pera kaya kahit anong trabaho papasukin mo. Sampu ba ang anak na binubuhay mo at puro panganay?” Bahagya siyang tumawa. “Don’t tell me, sa gabi nag-ma-macho dancer ka rin? Sa online ba o sa bar mismo?”
“Sandali nga,” ani Evo nang akmang iiwan na niya ito.
“What?” ani Aniah na tinaasan pa niya ito ng isang kilay.
“Ano ba ang problema mo?”
Ano nga ba ang problema niya?
Lihim na napalunok si Aniah. “Wala akong problema. Baka ikaw, marami. Kaya lahat na lang ng trabaho, pinapatos mo. Ang dami mong sideline, ha?”
Huminga nang malalim si Evo upang pawiin ang inis sa kaniya. “Tapos ka na?”
Naisip niya, ito na yata ang lalaking mahirap pasayahin sa mundo.
“Wala akong natatandaan na kailangan kong magpaliwanag sa iyo kada makikita mo ako sa iba’t ibang uri ng trabaho. Ano naman ngayon kung sa susunod, makita mo ako bilang janitor? Tumawa ka hanggat gusto mo.”
Isang titig pa sa kaniyang mukha bago naglakad si Evo palayo sa kaniya. Nagpatuloy ito sa pamimigay ng flyers.
Hindi niya napansin, halos mapigil na pala niya ang kaniyang paghinga.
Nang tingnan niya si Evo, malayo na ito.