Chapter 03

1484 Words
“NAHULOG daw ‘yong cellphone mo.” Nag-angat ng tingin si Aniah. Mukha ng kaniyang Kuya Uno ang kaniyang nakita. Agad gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi nang makita ang kapatid. “Kuya,” masaya pa niyang bulalas. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kaniyang gaming chair at agad yumakap dito. Napapalatak pa si Uno. “Aniah, dalawang araw lang kaming hindi nakauwi. Kung makayakap pa, parang sampung taon akong nawala.” She rolled her eyes. “Isipin mo na lang na five years ang katumbas ng isang araw,” aniya bago kumalas sa pagkakayakap sa kaniyang kapatid. Si Uno ang panganay sa kanila. Close naman siya sa mga kapatid niya. “Napaka-exaggerated mo. Patingin ng phone mo,” ani Uno na dinampot ang cellphone niyang nakapatong lang din sa kaniyang table. Sinuri nito iyon hanggang sa makita nito ang gasgas sa gilid ng cellphone niya. Ipinakita pa nito iyon sa kaniya. “What do you want? Palitan na ‘to ng bago?” “Pati ba naman nangyari sa phone ko, tsinismis sa inyo ni Kaizen?” “Well, concern lang naman siya na baka ayaw mo na ‘tong gamitin.” Kinuha niya ang kaniyang cellphone sa kamay ng kaniyang Kuya Uno. “Gumagana pa naman.” “Pero nirereklamo mo ‘to kay Kaizen kanina.” “I did?” pagmaang-maangan niya. Kapag kuwan ay matamis na nginitian ang kaniyang kapatid. “Still working pa naman ang phone ko, Kuya Uno. Pero kung magkakaroon ito ng damage dahil sa pagkakabagsak, sige, palitan mo ng bago.” Humalukipkip si Uno habang may pagtataka ang tinging ipinukol sa kaniya. “Sa arte mong ‘yan, maaatim mong gamitin ‘yang may gasgas mong cellphone?” “Kuya, hindi naman ako maarte.” “Sabi nino?” Inismiran niya ito. Kapag kuwan ay muling naupo sa kaniyang gaming chair. “I’m tired, Kuya. Leave me alone.” “Akala ko ba na-miss mo ako?” “Expired na agad.” “Tss. Lumabas ka mamaya. Sabay-sabay tayong mag-di-dinner.” Nag-thumbs-up lamang siya sa kaniyang kapatid bilang pagsang-ayon. Nagkunwari siyang abala sa harap ng kaniyang laptop kaya iniwan na rin siya ni Uno sa kaniyang silid at hindi na kinulit pa. Nang marinig ang pagsara ng pinto ay napatingin pa siya roon. At nang masigurong mag-isa na lamang siya ay muli niyang kinuha ang kaniyang cellphone at matamang pinagmasdan. Pinadaanan pa niya ng kaniyang hintuturo ang gasgas na kitang-kita sa gilid ng kaniyang cellphone. Bukod sa kitang-kita ang gasgas, damang-dama rin niya kapag hinahawakan niya. It reminds her of that arrogant guy named Evo. Marahas siyang bumuntong-hininga nang maalala ang lalaking iyon. “Ano ba ang akala niya sa sarili niya? Napaka-attitude niya,” litanya pa niya. “Akala mo kung sino. Waiter lang naman.” Aniah, that’s too much! saway ng isang bahagi ng kaniyang isipan. Humigpit ang kapit niya sa kaniyang cellphone. Hinding-hindi na talaga siya babalik sa lugar na iyon dahil sa lalaking iyon. Kahit masarap nga ang kape roon. “DITO NA LANG PO,” ani Aniah sa sinakyang taxi. Huminga pa siya nang malalim bago ipinasyang bumaba. Kapag kuwan ay naglakad papunta sa kinaroroonan ng main door ng The Kings. Right. Nasa The Kings ulit siya dahil sa isang bagay. At iyon ay para magkape. Hindi rin siya nakatiis. Para bang kinakati talaga siyang pumunta roon. Iyon nga lang, hindi alam ng sino man sa pamilya niya na bumalik siya sa lugar na iyon o kahit si Kaizen. Nagpahatid naman siya kanina sa driver nila sa Monterey Mall. Ang paalam pa niya ay may kailangan lamang siyang bilhin. Hindi alam ng mga ito na nakarating na siya sa Lucena City para lamang magkape. Kape my ass, Aniah, epal ng isang bahagi ng kaniyang isipan. Naroon naman talaga siya para magkape. At iyon ang pilit niyang dahilan sa kaniyang sarili. Masarap naman talaga ang kape roon. Habang papalapit siya sa may counter, pasimple pa kung ilibot niya ang tingin sa paligid. Wala ang isang pamilyar na mukha sa paligid. Ipinilig niya ang kaniyang ulo. Bakit ba kailangan niyang hanapin ang mukhang iyon? Minabuti na muna ni Aniah na um-order na ng kape. Dahil walang nakaupo sa paborito niyang spot sa lugar na iyon, kaya doon ulit siya naupo. Para sa kaniya, ang ganda ng vibes ng lugar na iyon. Inilibot muli niya ang tingin sa paligid. Wala. Nagbawi siya ng tingin at itinuon na lamang iyon sa labas ng The Kings. Saktong pagbaling niya roon ng tingin, nakita niya ang aroganteng waiter. Deretso lang ang tingin niyon sa dinaraanan nito. Ngunit may tila kung anong magnet dahilan para mapabaling ito ng tingin sa kinaroroonan niya. Blangko ang ekspresiyon ng guwapong mukha ng binata na para bang ni hindi man lamang siya nakilala na agad ding nagbawi ng tingin. Gustong magngitngit ni Aniah. Hindi ba nito alam na sobrang daming kalalakihan ang nagpapa-cute at gustong makuha ang atensiyon niya? “Here’s your coffee, Ma’am,” nakangiti pang wika ng waitress na nag-serve sa kaniya ng kaniyang order. Kung bakit hindi iyon ang taong inaasahan niya na magdadala ng order niya. Kimi lamang siyang ngumiti bago nagbawi ng tingin. What’s happening to her? At bakit ba kailangan niyang pumunta sa lugar na iyon? Para ba talaga sa kape? Bumaba ang tingin ni Aniah sa isang tasa ng kape na ngayon ay nasa harapan niya. Napabuntong-hininga siya. “Coffee,” anas pa niya. Nang muli siyang mag-angat ng tingin, kung bakit agad napako ang kaniyang tingin sa waiter na nasa pangatlong table at naglilinis. It was Evo. Pati pangalan nito, kung bakit hindi niya magawang kalimutan. Dahil ba sa lalaking ‘yon kaya ka narito, Aniah? tila pang-aasar pang epal ng isipan niya sa kaniya. “Of course not,” tanggi niya sa kaniyang sarili. Nagbawi siya ng tingin. Nakagat pa niya ang kaniyang ibabang-labi. Is it really because of that guy? Hindi rin siya sigurado sa kaniyang sarili. Basta, gusto lang niyang bumalik sa lugar na iyon. Napalunok siya. Aniah, hindi lang ang isang hamak na lalaki ang makakakuha nang atensiyon mo. Gosh! Hindi ka nagtapos sa isang prestihiyosong unibersidad sa bansa para lamang ma-agaw ang atensiyon mo ng lalaking tagapunas ng table at taga-serve ng food sa isang coffee shop. Wake up! Hindi ang ganoong klase ng lalaki ang dapat pinapansin! anang isang atribidang bahagi ng kaniyang isipan. Buhat sa tasa ng kape, pasimple pang nag-angat muli ng tingin si Aniah. Pabalik na sa may counter ang waiter na nagngangalang Evo. Pansin niya na ang ibang customer na babae roon ay nahahabol din ng tingin ang binata. Despite of his good looks, wala itong kahiya-hiya sa uri ng trabaho nito. Puwede itong maging model o mag-artista kung tutuusin. Matapos maubos ang kaniyang kape na halos unti-untiin talaga niya para hindi agad maubos, sumaglit muna siya sa Comfort Room. Sinuklay niya ang kaniyang buhok at nag-retouch ng kaniyang mukha. Napangiti pa siya nang makita ang kagandahan niyang tinataglay. Paglabas niya sa CR, natigilan pa siya nang makita si Evo na nag-ma-map nang sahig. Lihim na namang napalunok si Aniah. Ano ba ang mayroon sa lalaking ito? Bakit kapag nakikita niya, para bang humihinto sa pag-inog ang mundo? Kung tutuusin ay hindi naman ito espesyal. “Excuse me,” agaw niya sa atensiyon ni Evo. Nang tingnan siya nito, blangko pa rin ang ekspresiyon nang guwapo nitong mukha. Bakit ganoon? Wala man lamang siyang spark na makita sa mga mata nito. Samantalang ang ibang lalaki kapag nakikita siya, kulang na lamang ay pumuso ang mga mata. Siguro nga, hindi ito apektado sa kagandahan niya. Bakit hindi siya natutuwa sa kaalaman na iyon? Bulag ba ito? Manhid? Hindi marunong um-appreciate ng kagandahan? At nang hindi ito magsalita, basta umisod lang ito at ang map na gamit nito, nakaramdam siya ng kakaibang inis. Nang bahagya niya itong lampasan ay muli siyang pumihit paharap sa binata. “Hindi ka talaga magalang sa mga customer dito, ‘no? Oh, never mind,” agad niyang bawi bago ito tuluyang tinalikuran. Nagtuloy-tuloy siya sa paglalakad palabas ng The Kings. That’s it. Uwian na. Napabuntong-hininga si Aniah habang naghihintay ng padaang taxi. At nang may dumaan na, nagpahatid na kaagad siya sa Monterey Mall sa Pagbilao City. Pagdating doon ay nagpasundo na rin siya sa kanilang driver. Nagulat pa siya nang ang sumundo sa kaniya ay ang kaniyang Kuya Dos. “Bakit ikaw ang sumundo sa akin?” taka pa niyang tanong nang makasakay siya sa passenger seat nang kotse nito. “Bakit parang dismayado ka?” “Hindi naman sa ganoon, Kuya.” “Nag-shopping ka raw, pero wala ka namang dala na kahit ano,” ani Dos na pinaandar na ang kotse nito. “Out of stock ‘yong gusto kong bilhin,” dahilan niya. Nagbaling siya ng tingin sa may labas ng bintana. Ngayon, natututo ka ng magsinungaling, Aniah, saway niya sa kaniyang sarili sa kaniyang isipan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD