“ANG daming sikat na coffee shop sa Pagbilao,” litanya pa ni Aniah sa kapatid na si Kaizen. “Bakit sa Lucena pa tayo pupunta?”
Nasa daan lamang ang buong atensiyon ni Kaizen. “Para maiba naman,” kaswal na sagot nito.
Ibinaling ni Aniah ang tingin sa labas ng bintana. Kapag kuwan ay bumuntong-hininga.
Bakit kailangan niyang makaramdam ng ganito? Na para bang bored siya sa buhay. Hindi pa naman totally na nagsasawa na siyang mabuhay. Medyo kakaiba lang talaga ang vibes niya ngayon. Wala siyang makapang excitement.
“Ano ba ang nangyayari sa iyo? Para kang lutang na ewan,” usisa ni Kaizen kapag kuwan.
“Nothing.”
“Kung nagsasawa ka na sa buhay mo, mag-asawa ka na lang.”
Tiningnan niya nang masama ang kapatid. “Gusto mo pang mabuhay?”
Tumawa naman ito. “Nagbibigay lang naman ako nang idea. Malay mo, palagi kang happy mood.”
“Just keep driving, Kai.” Inismiran pa niya si Kaizen.
“Ate An—”
“Oh, stop calling me ‘Ate’.”
“You’re still the eldest.”
“I don’t care.”
Napapailing na lamang si Kaizen. Pakiramdam niya kasi, sobrang tanda niya rito kung makatawag ito ng Ate sa kaniya. Samantalang dalawang taon lamang naman ang agwat nila sa isa’t isa.
Sa bunso naman nilang kapatid, walang kaso sa kaniya kung tawagin naman siya niyong Ate dahil anim na taon ang agwat niya kay Chandrea.
Nang makarating sa kinaroroonan ng coffee shop na pasok sa taste ni Aniah ay napangiti pa siya kay Kaizen.
“Kaya naman pala todo effort kang madala ako rito,” aniya sa kaniyang kapatid.
“Alam ko naman kung gaano ka kaarte,” nakangisi pa nitong wika. “Bumaba ka na at mag-pa-park lang ako ng kotse.”
“Okay. Mauuna na ako sa loob,” paalam pa niya sa kapatid.
“Alam ko naman na matutunaw ka kapag walang aircon.”
“Hindi, ah,” apila naman niya. Hindi naman siya maarte. Ang ayaw lang naman niya ay iyong sobrang init sa pakiramdam.
So far, maganda ang location ng The Kings, ang coffee shop na pinuntahan nila. Marami kasing nagtataasang puno ng Narra ang nakapaligid doon. Nagbibigay iyon ng malamig na ambience. Hindi mainit sa pakiramdam. Ang ganda.
Sa loob man o labas ng coffee shop, Instagrammable. In short, perfect.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone at sandaling kinuhanan ng video ang labas ng The Kings. Umatras pa siya. At sa pag-atras niyang iyon ay may nabunggo pa siya. Sa gulat, dumulas sa kaniyang kamay ang hawak niyang cellphone.
“Oh, my God,” gulat pa niyang bulalas. “My phone,” aniya na agad iyong dinampot. Nakahinga lang siya nang maluwag nang makitang okay pa naman iyon. Ngunit nang makitang may gasgas iyon, doon na sumama ang timplada ng kaniyang mukha.
Inis na pumihit siya sa may likuran niya para makita kung sino ang nabunggo niya.
Sandali pang natigilan si Aniah nang makita ang isang lalaki na nakasuot ng white polo-shirt at black na slack. May suot din iyon na kulay dark brown na apron. At sa bandang dibdib ay may name plate roon.
Evo…
Iyon siguro ang pangalan nito.
Hindi lang pangalan sa name plate nito ang kaniyang napansin. Maganda kasi ang hubog ng katawan niyon. Kung bakit naalala niya ang mga Kuya niya sa lalaking ito. Medyo namumutok pa ang bicep. Iyong tama lang ang laki. Pero masasabi mong macho. Saktong-sakto sa katangkaran nito. At higit sa lahat? Iyong kaguwapuhan nitong tinataglay. Para bang hindi bagay na waiter ito roon. Mas magandang tingnan kung manager ito.
“You,” aniya nang makabawi dahil kung saan na pumupunta ang isip niya. “Hindi mo ba nakikita na may tao sa harapan mo? Look what you’ve done,” aniya na ipinakita pa rito ang cellphone niyang may gasgas ang gilid. “This is all your fault.”
Huminga nang malalim ang lalaking kaharap niya. Buong akala ni Aniah ay matatakot ito sa pagtataray niya. Ngunit hindi iyon nangyari. Kalmado lang ito na para bang hindi big deal ang ginawa niya.
“May CCTV camera ho rito. Malinaw na hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit napabunggo kayo sa akin. Isa pa, bago ho kayo mag-video, tumingin din muna kayo sa paligid ninyo kung may tao ba na dadaan o wala.”
Naningkit ang mga mata ni Aniah. “What are you trying to say? That’s my fault?” Tumawa siya nang mapakla. “Grabe ka. Diyan ka ba nagtatrabaho? First day ba ng trabaho mo rito? My God. Anong attitude ‘yan?”
“Excuse me,” sa halip ay wika nito. Kapag kuwan ay nilampasan na siya na lalong nagpainit sa bunbunan ni Aniah.
At talagang tinatakasan na siya ng lalaking iyon.
“You,” naiinis pa niyang bulalas.
“Ano’ng mukha ‘yan?” taka pang tanong ni Kaizen nang lapitan na siya.
Sa kapatid niya ibinuhos ang inis. “Ano bang klaseng lugar ‘to? Ang ganda nga. Pero bakit walang modo ‘yong waiter nila rito?”
“Ano ba ang nangyari?”
Ikinuwento naman niya kay Kaizen ang nangyari. Napapalatak naman ito.
“Enough. Hindi tayo pumunta rito para mag-alburuto ka. Let’s get inside.”
“Pero itong phone ko, may gasgas na,” reklamo pa rin niya.
“Calm down. Nasa public place tayo. Isa pa, baka isipin ng ibang tao, ikaw ang sobrang ma-attitude. Okay na ba?”
Huminga nang malalim si Aniah. “Ayaw kong makikita kahit ang dulo ng buhok ng waiter na ‘yon.” Litanya pa niya bago umagapay sa kaniyang kapatid papasok sa loob ng The Kings.
Nawala tuloy ang mood niyang maganda na sana kanina.
Matapos nilang um-order ng kanilang iinuming kape ay humanap naman siya nang magandang puwesto. Sa tabi ng glass wall niya napili. Gusto lang niyang nakikita iyong mga halaman at puno sa labas ng The Kings.
Napabuntong-hininga siya kapag kuwan.
“CR lang muna ako,” paalam pa ni Kaizen kay Aniah.
“Go,” tipid niyang wika na ang tingin ay nasa labas pa rin ng coffee shop.
Mayamaya pa ay dumating na rin ang order nilang kape ng kaniyang kapatid.
Ihahanda sana niya ang ngiti niya para sa nag-serve ng kanilang order nang makita ang mukhang iyon nang nakakainis na waiter. Hindi tuloy natuloy ang plano niya.
Ni wala rin iyong sinasabi. Tahimik lang na inilalagay sa tapat niya ang order nilang kape ni Kaizen.
Hindi niya inaalis ang tingin dito. Hanggang sa tapunan din siya nito ng tingin. Kung bakit lihim siyang nakaramdam ng pagkataranta. Hindi naman niya magawang bawiin ang kaniyang tingin dito.
Bakit iyong mga mata nito, para bang kung makatitig, abot hanggang sa kaibuturan ng kaniyang kaluluwa?
“May kailangan pa ho ba kayo?” kaswal niyong tanong na wala ring kangiti-ngiting mababakas sa mukha. Para ngang napilitan lang magtanong.
“Just get out of my sigh,” aniya bago nagbawi ng tingin.
Mabuti na lamang at napigilan niya ang kaniyang sarili. Dahil kung hindi? Baka nadampot niya ang mainit na tasa ng kape at nainom ang laman niyon dahil sa naramdamang munting tensiyon sa pagitan nila at ng waiter na nagngangalang Evo.
Saka lang siya lihim na nakahinga nang maluwag nang wala ng salita na umalis iyon sa kaniyang kinaroroonan.
“The best ang coffee nila rito,” inporma pa ni Kaizen sa kaniya nang makabalik ito sa table nila.
“Siguraduhin mo lang.”
“Try mo na.”
“Bakit hindi ikaw nag mauna? Alam mong mainit.”
Ngumisi si Kaizen. “I’m just kidding.”
Nangalumbaba siya. Kapag kuwan ay bumaling ng tingin sa labas ng The Kings. Gusto niyang magreklamo nang mahagip na naman ng tingin niya ang nakakainis na waiter.
Ang aroganteng ‘yon, aniya pa sa kaniyang isipan.