Amethyst Point of view
“Tumigil ang motor ko sa tapat ng isang higanteng iron gate. Nanatili akong sakay nito habang pasimple na lumingon sa kanang direksyon, sunod ay gumalaw pakaliwa ang mukha ko bago muling humarap sa nakasaradong gate. Kailangan kong gawin iyon upang mabasa ng censor ang mukha ko. Ilang sandali pa ay kusang bumukas ang higanteng gate. Muli kong pinaandar ang motor papasok sa loob ng bakuran ng malaking gusali ng International task force Intel Agency.
Pagdating sa loob ay kusang namang umangat ang mabigat na metal na nagsisilbing harang sa isang lagusan patungo sa entrance ng underground na kung saan ay nakabase ang aming opisina. Ilang segundo lang ang lumipas ay kaagad kong ipinarada ang aking motor sa malawak na parking area dito sa underground. Pagkatanggal ko ng helmet ay hinawi ko pa ang aking buhok patalikod bago pinasadahan ng tingin ang mukha ko sa salamin ng motor. Isang marahas na buntong hininga ang aking pinakawalan na wari mo ay problemado. Akala ko kasi ay makakapag pahinga na ako dahil sa katatapos lang ng aming misyon. Subalit dalawang araw pa lang ang lumipas ay heto na naman at may panibagong problema na kinakaharap ang aming grupo.
Tahimik na naglakad ako papasok sa loob ng elevator at pinindot ang numero ng palapag kung saan matatagpuan ang conference room. Ilang segundo lang ay kaagad kong narating ang conference room. Tulad ng inaasahan ko, pagpasok ko sa loob ng silid ay tumambad sa akin ang hindi maipintang mukha ng mga kasamahan ko. Batid ko na maging ang mga ito ay nabitin din sa kanilang bakasyon.
“So, anong findings?” Taas kilay kong tanong at pabagsak na umupo sa isang bakanteng upuan. Nahahapo na isinandal ko ang aking likod sa sandalan at ipinatong ang kanang paa sa kaliwang tuhod kaya pa-dekwatro akong umupo.
“Confirm, si Mr. Walker ang nasa likod ng lahat. At ayon sa isang asset natin ay pag-aari pala ni Mr. Heussaff Walker ang barko na ginamit ng sindikato sa kanilang transaction.” Ani ni Singko habang patuloy sa mabilis na pagtipâ ang mga daliri nito sa keyboard ng kanyang computer. Lumalim ang gatla sa noo ko ng marinig kong muli ang pangalan ni Heussaff Walker. Sa totoo lang ay bago sa pandinig ko ang pangalan na ito dahil ang alam ko talaga ay dalawa lang ang anak ni Mr. Hades. Marahil ay kamag-anak lang ng mga ito ang taong iyon.
“Well, hindi na ako magtataka kung bakit biglang kumabig ang judge at mas pinili nito na i-dismiss ang kaso.” Si Pisces na nanghahaba ang nguso at ang boses nito ay kababakasan mo ng inis, tinatamad ito na nakasandal habang ang dalawang kamay ay nasa likod ng kanyang ulo. Samantalang si Singko at ang iba pang kasamahan namin ay nanatiling tahimik lang ngunit mukhang malalim ang kanilang mga iniisip.
“Sino Heussaff Walker? Anak rin ba siya ni Mr. Hades?” Cool kong tanong na para bang hindi apektado sa problemang kinakaharap ng grupo. Tila i-isang tao na sabay lumingon sa akin ang lahat at makikita sa mukha nila na parang hindi makapaniwala ang mga ito sa naging tanong ko. “Putcha Par! Saang planeta ka ba isinilang at wala kang muwang sa mundong ito?” Pang-aasar na tanong sa akin ni Singko kaya naman nahihiya na napakamot ako sa aking batok kahit hindi naman makati.
“Wala na kasing ibang inatupag ‘yan kundi ang tumira ng chicks kaya ma mamatay na lang ay wala pa ring muwang kung sino ang kanyang kalaban. Tsk!” Nang aasar na sabat naman ni katana na isa sa aking mga kasamahan. Halos mamula na ang mukha ko dahil sa matinding hiya, pinagkakaisahan ako ng mga ito. Palagi naman, palibhasa ako lang ang nag-iisang gwapong tibo sa grupo.
“Abay, anong malay ko kung sino ang lalaking ‘yun? Isa pa, wala akong panahon na pag-aksayahan ng oras ang mga taong wala naman akong mapapala.” Sarkastiko kong sagot, ngunit natigilan ako ng mula sa screen ng projector ay lumitaw ang larawan ng isang lalaki na may mabagsik na mukha. Sa talim ng tingin nito ay tila nagbabadya ng panganib sa buhay ng sinuman. Hindi ko na namalayan na napatayo na pala ako mula sa aking kinauupuan habang awang ang bibig na nakatulala sa itim na mga mata ng lalaki.
“S-Siya ba si Heussaff Walker?” Wala sa sariling tanong ko sa kanilang lahat, tumiim ang tingin nila sa akin na para bang pinag-aaralan ng mga ‘to ang bawat ekspresyon sa mukha ko.
“Yes, siya ang panganay na anak ni Mr. Hades Walker, siya ang pumalit sa posisyon ng kanyang ama. Pinamumunuan niya ngayon ang isang black organization at kilala siya ng lahat bilang isang malupit na lider. Isa siyang Mafia na kinatatkutan ng mga negosyante at sa lawak ng kanyang connection dito sa bansa ay hindi na nakapagtataka na maging ang batas ay kaya niyang manipulahin.
“I know him.” Natigilan ang lahat sa aking tinuran at ang mukha nila ay halatang naghihintay ng susunod kong sasabihin. Tukso naman na lumitaw sa isip ko ang nangyaring eksena sa loob ng restroom. Bakit sa dami ng namagitan sa amin ng lalaking ito ay tila sa paghahalikan pa namin na nakapokus ang buong isip ko!? “S**t nakakabakla lang talaga!” Anya ng isang pilyong tinig sa isip ko. Nag-init bigla ang magkabilang pisngi ko ng maalala ang tagpong iyon. Nahihiya na umupo ako sa aking upuan at nagkunwari na okay lang ang lahat.
“You know him? Pero paano? Samantalang kanina lang ay nagtatanong ka kung sino si Heussaff, then sasabihin mo na kilala mo siya?” How come?” Nawiwierduhan na tanong ni Pisces na marahil ay iniisip nito na nagbibiro lang ako.
“Yes, I know him, dahil ang grupo niya ang nakaencounter ko ng gabing iyon.” Natigilan silang lahat at muling napatingin sa mukha ko.
“Well, glad to hear that from you, because he’s your next subject.” Nakangiting pahayag ni Singko na siyang kinalaki ng aking mga mata at mabilis na lumingon dito. “You're kidding right?” Hindi makapaniwala na tanong ko sa kanya ngunit isang makahulugang ngiti ang naging sagot nito sa akin.
“Malaki ang hinala ko na si Mr. Walker ang protektor ng sindikatong ito, marahil ay iniiwasan niyang makaladkad sa publiko ang pangalan ng kanyang pamilya kaya pansamantala niyang ipinasara ang lahat ng hideouts ng mga sindikato. Maging ang mga bar na minamanmanan natin noon ngayon ay sarado na. Delikado ang misyon na ‘to kaya kailangan ng dobleng ingat, lalo na at papasukin natin ang balwarte ng kalaban.” Seryosong pahayag ni Singko na ipinagkibit- balikat ko na lang.
“Tsk, akala ko pa naman ay hindi na mag-ku-krus ang aming mga landas pero mukhang mapapadalas pa yata ang aming pagkikita. Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan bago tumayo mula sa aking kinauupuan. Dinampot ko ang folder na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa lalaking ‘yun.
“Sasaglit muna ako sa bahay, bago ko simulan ang aking misyon.” Ani ko saka nagpaalam na sa kanila. Inangat ko ang aking kamay na may hawak na folder tanda ng pamamaalam habang ang isang kamay ko ay nakasilid sa bulsa ng suot kong itim na pantalon.
Kaagad kong tinumbok ang daan pabalik sa hospital kung saan ko hinatid kanina ang aking nobya. Hindi na dapat ako uuwi pa ng bahay at diretso na sana ako sa duty ko, ngunit nakalimutan kong ibigay kay Angeline ang pera para sa isang buwang panggastos nito. Wala kasing kasiguraduhan kung kailan ako uuwi o baka kapag minalas ay hindi na ako makauwi pa ng buhay.
Kahit naman nagsasama kami ni Angeline ay ang lola ko pa rin ang naghahawak ng lahat ng passbook at atm ko. Maging ang mga importanteng dokumento ng mga naipundar ko.
Aware naman kasi ako sa klase ng buhay ko at ang lahat ng bagay dito sa mundo ay hindi permanente. Kaya hindi ko rin alam kung hanggang kailan mananatili sa piling ko si Angeline. At isa pa, tama naman ang lola ko na kailangan ko ring magkaroon ng anak at iyon ang isa sa pinag-iipunan ko ngayon. Kaya hindi ako masyadong gumagastos dahil pinag-iipunan ko ang pambayad para sa magiging donor ng pinapangarap kong anak. Sa panahon ngayon ay uso na ang donor insemination kaya hindi ko na kailangan pa ang makipagtalik sa isang lalaki para lang mabuntis. Pwede naman akong mabuntis sa pamamagitan ng ganung procedure ang kailangan ko lang gawin ay kilatisin ang lalaking magiging donor ng inaasam kong anak.”