“Miss Nurse, nasaan ang pasyente dito?” Nagtataka kong tanong, sinuri kong mabuti ang numero na ibinigay sa akin ni Angeline at sigurado ako na ito ang kwarto ni Nanay Melissa ngunit ang nadatnan ko ay isang bakanteng higaan. “Kanina pa po nadischarge ang pasyente, Sir, I-I mean, Ma’am.” Nautal pa ang nurse sa kanyang pagsasalita ng tuluyan siyang makalapit sa akin at malaman na isa pala akong babae. Nang ngumiti ako sa kanya ay napansin ko na tila kinikilig ito habang ang mga mata nito ay nagniningning na nakatitig sa mukha ko.
“Ganun ba, thank you, ha.” Ani ko at akmang tatalikuran na sana ito ng pigilan niya ako. “Ahm... pwede po bang magpapicture?” Kinikilig na tanong nito sa akin kaya ang ngiti ko ay nauwi sa ngiwi. “Pasensya na, mahiyain kasi ako.” Nahihiya kong sabi sabay kamot sa aking batok na madalas kong gawin sa tuwing nalalagay ako sa ganitong sitwasyon.
“Ay namumula na po kayo, ang cute niyo po!” Hindi na ako nagkomento pa sa sinabi nito bagkus ay nagpaalam na ako sa kanya. “Pasensya na, pero kailangan ko ng umalis, thank you.” Ani ko sabay bira ng lakad, well, hindi ko masisisi si Angeline kung lagi akong inaaway nito dala ng matinding selos. Agaw atensyon kasi ang itsura ko lalo na sa mga babae. Pero, meron ding mga lalaki na naglakas loob na manligaw sa akin ngunit ilang araw lang ay hindi na nagpapakita sa akin ang mga ito dahil sa takot na mabugbog ko.
Matulin na pinaandar ang aking motor at binaybay ang daan patungo sa bahay ng mga magulang ni Angeline. Sigurado ako na tulog na ang nobya ko dahil ten o’clock na ng gabi. Pagkatapos na maiparada ang aking motor ay kaagad akong bumaba at diretsong pumasok sa loob ng kanilang tarangkahan. Nagulat pa ako ng hindi pa man ako kumakatok ay bigla ng bumukas ang pintuan. Sumalubong sa akin ang malungkot na mukha ni nanay Melissa.
“Kanina lang ay iniisip kita pero heto’t bigla kang dumating, maari ba tayong mag-usap?” Sa una ang tinig ni Nanay Melissa ay malumanay ngunit sa huli ay tila nakikiusap na ito. “S-Sige po.” Magalang kong sagot, nilakihan niya ang pagkakabukas ng pinto upang makapasok ako.
“Ahm, Nay, mukha yatang tulog na si Angeline kayo na lang po siguro ang mag-abot nito sa kanya kailangan ko rin po kasing umalis kaagad dahil may trabaho pa ako. kumusta na nga po pala ang pakiramdam niyo?” Nag-aalala kong tanong ngunit natigilan ako ng maging emosyonal na ito. Imbes na tanggapin ang perang hawak ko ay mahigpit na hinawakan niya ang mga kamay ko at nagsimula ng pumatak ang kanyang mga luha.
“M-May masakit po ba sa inyo? Sabihin n’yo po sa akin at dadalhin ko kayo sa doctor.” Kinakabahan kong tanong ngunit isang malungkot na ngiti ang naging sagot niya sa akin kaya mas lalo lang akong kinabahan.
“Sa buong buhay ko ay ikaw ang pinakamabait na taong nakilala ko, Amethyst, kaya hindi ko kakayanin na patuloy kang lokohin ng aking anak. At alang-alang sa apo ko kaya kailangan ko ring gawin ito. Sana Ame ay dumating ang panahon na mapatawad mo ang anak ko. Alam ko na mahal ka ni Angeline dahil nararamdaman ko ‘un. Ngunit kung magtatagal pa rin ang relasyon niyong dalawa ay mas lalo lang kayong masasaktan.” Lumalim ang gatla sa aking noo ng marinig ko ang naging pahayag ni Nanay Melissa. Nahihirapan akong unawain ang kanyang mga sinasabi kaya mas pinili ko na lang ang manahimik at hintaying matapos ang lahat ng sasabihin niya upang lubos kong maunawaan ang lahat.
“Ame, batid ko na hindi lingid sa iyong kaalaman ang tungkol sa pamilya ng aking anak. May asawa at anak na si Angeline at panahon na para pagtuunan na niya ng atensyon ang kanyang sariling pamilya kaya ako na ang nakikiusap sayo at baka sakaling matauhan ang anak ko. Pakiusap, ikaw na ang kusang makipaghiwalay sa anak ko.” Pagsusumamo nito na siyang labis na gumimbal sa akin para akong natuklaw ng ahas at hindi kaagad nakahuma sa mga ipinagtapat sa akin ni Nanay Melissa. Bigla, nanikip ang dibdib ko at tila nahihirapan na akong huminga kaya wala sa sarili na napahawak ako sa tapat ng dibdib ko.
Pakiramdam ko ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa, sa mahabang panahon na nagsama kami ni Angeline ay hindi ko alam na matagal na pala niya akong niloloko. Ang alam ko talaga ay dalaga siya at wala kaming tinatapakan na ibang tao sa pagsasama naming ito. Tapos malalaman ko na lang ng dahil sa akin ay may masisira ang isang pamilya? Kung sa una pa lang na nalaman kong may asawa at anak na pala si Angeline ay nung kang makikiapid ako sa taong may asawa!
Kusang bumalong ang masaganang luha mula sa aking mga mata at bumagsak ang aking mga balikat, labis akong nasaktan sa mga nalaman ko. Natauhan lang ako ng maramdaman ko ang masuyong paghagod ni nanay Melissa sa likod ko.
“P-Pasensya na po kayo, dahil hindi ko alam.” Ani ko sabay hawi ng mga luha sa pisngi ko. Mabilis kong kinuha ang kamay ni nanay at kaagad na inipit ang sobre sa kamay nito. Kahit papaano ay naging magulang sa akin si Nanay Melissa at tinanggap ako nito sa kabila ng pagkatao ko. “Tanggapin n’yo po ito para may pambili kayo ng gamot, pasensya na po pero baka ito na rin ang huling pagkikita natin, k-kasi,” saglit akong tumigil sa pagsasalita at humugot ng isang malalim na buntong hininga. “M-Masakit.” Ani ko na bahagya pang pumiyok ang boses ko habang patuloy sa pagpatak ang mga luha ko.
Tanging awa ang nakikita ko sa mga mata ni nanay Melissa, kaya nagdesisyon na akong tumayo, sakto naman na bumukas ang pintuan ng silid ni Angeline. Lumabas ito na tanging itim na lingerie ang kanyang suot na halos litaw na ang maputi nitong singit. “Saan ka pupunta, Angie!” Galit na tanong ng lalaki mula sa likuran nito na tanging brief lang ang suot. Lalo kong napatunayan na totoo ang lahat ng sinabi sa akin ni Nanay Melissa. Nang mga sandaling ito ay durog na durog ang puso ko, gusto ko silang sugurin at patayin ang lalaki nito. Pero sino ba ako para gawin ang bagay na ‘yun? Dahil sa mata ng Diyos at maging sa batas ay malinaw pa sa sikat ng araw na sila ay mag-asawa.
Napatda sa kanyang kinatatayuan si Angeline at ang itsura nito ay parang nakakita ng multo. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatitig sa luhaan kong mga mata. Isang malungkot na ngiti ang lumitaw sa mga labi ko bago walang salita na tinalikuran ko na sila. Wala akong karapatan sa babaeng ito at mula sa araw na ito, tinatapos ko na ang anumang relasyon ko sa kanya.”